Mensahe sa Visiting Teaching
Pagpapanumbalik ng Lahat ng Bagay
Pag-aralan ang materyal na ito at, kung angkop, talakayin ito sa kababaihang dinadalaw ninyo. Gamitin ang mga tanong upang tulungan kayong patatagin ang mga kapatid at gawing aktibong bahagi ng inyong buhay ang Relief Society.
Itinatag ni Propetang Joseph Smith ang Relief Society bilang mahalagang bahagi ng Simbahan. Bilang panguluhan, umaasa kami na matutulungan namin kayong maunawaan kung bakit ninyo kailangan ang Relief Society sa inyong buhay.
Alam natin na ang mga babae sa LumangTipan ay nagpakita ng pananampalataya kay Jesucristo at nakibahagi sa Kanyang gawain. Sa Lucas 10:39 ikinuwento roon na si Maria ay “naupo … sa mga paanan [ni Jesus], at [pinakinggan] ang kaniyang salita.” Sa Juan 11:27 ay nagpatotoo si Marta tungkol kay Cristo: “Sinabi niya sa kaniya, Oo, Panginoon: sumasampalataya ako na ikaw ang Cristo ang Anak ng Dios, sa makatuwid baga’y ang naparirito sa sanglibutan.” Ikinuwento sa Mga Gawa 9:36, 39 ang “isang alagad … na nagngangalang Tabita … puspos ng mabubuting gawa. … At siya’y niligid ng lahat ng mga babaing bao … ipinakikita ang mga tunika at ang mga damit na ginawa [niya].” Si Febe sa Mga Taga Roma 16:1–2, ay “lingkod sa iglesia” at “katulong ng marami.”
Ang mga huwarang ito ng pananampalataya, patotoo, at paglilingkod ay nagpatuloy sa Simbahan sa mga huling araw at naging pamantayan nang itatag ang Relief Society. Itinuro ni Julie B. Beck, Relief Society general president: “Tulad ng pag-anyaya ng Tagapagligtas kina Maria at Marta sa Bagong Tipan na lumahok sa Kanyang gawain, ang kababaihan ng dispensasyong ito ay inaatasang lumahok sa gawain ng Panginoon. … Ang organisasyon ng Relief Society noong 1842 ang nagpakilos sa sama-samang lakas ng kababaihan at sa partikular nilang mga atas sa pagtatayo ng kaharian ng Panginoon.”1
Naisasakatuparan natin ang ating gawain kapag nagtuon tayo sa mga layunin ng Relief Society: pag-ibayuhin ang pananampalataya at sariling kabutihan, palakasin ang mga pamilya at tahanan, at hanapin at tulungan ang mga nangangailangan.
Pinatototohanan ko na ang Relief Society ay inorganisa ng langit upang makatulong sa gawain ng kaligtasan. Bawat miyembro ng Relief Society ay may mahalagang papel na gagampanan sa pagsasakatuparan ng sagradong gawaing ito.
Silvia H. Allred, unang tagapayo sa Relief Society general presidency.
Mula sa mga Banal na Kasulatan
Mula sa Ating Kasaysayan
Itinuro ni Sister Beck na “nalaman natin mula kay Propetang Joseph Smith na ang Relief Society ay isang pormal na bahagi ng Panunumbalik.”2 Ang panunumbalik ay nagsimula sa Unang Pangitain noong 1820 at nagpatuloy nang “taludtod sa talutod, utos sa utos” (D at T 98:12). Nang pormal na itatag ang Relief Society noong Marso 17, 1842, itinuro ng Propeta sa kababaihan ang kanilang mahalagang papel sa ipinanumbalik na Simbahan. Sabi niya, “Nang maorganisa ang kababaihan ay noon lamang ganap na nabuo ang organisasyon ng Simbahan.”3