2011
Paghahayag: Paisa-isang Patak
Pebrero 2011


Paghahayag Paisa-isang Patak

Matamang nakamasid si Luis Andres Varela habang natitipon ang isang patak ng tubig sa dulo ng estalaktita sa Mga Kuweba ng Taulabe sa Honduras. Bawat patak ay nagpapalaki sa estalaktita sa pagdaragdag ng kaunti pa sa naiwan ng naunang mga patak.

Ngunit hindi lang estalaktita ang nakikita ni Luis—nakakakita siya ng aral tungkol sa kanyang sarili.

“Lumalaki ang mga estalaktita sa paisa-isang patak,” sabi niya. “Lumalago rin ang ating patotoo sa ganyang paraan. Tinuturuan tayo ng Espiritu Santo nang paunti-unti. Bawat patak ay tumutulong sa atin na lumago sa kaalaman tungkol sa ebanghelyo.” (Tingnan sa 2 Nephi 28:30.)

Naaalala ni Luis ang gayong pangyayari sa kanyang buhay. Isang araw habang binabasa ng kanyang pamilya ang mga banal na kasulatan, nakadama siya ng kapanatagan at katiyakan na totoo ang binabasa niya.

“Ako ay 14 anyos lamang, pero alam kong nakatanggap ako ng paghahayag dahil nadama kong sinasabi sa akin ng Espiritu Santo na totoo ang Simbahan at si Joseph Smith ay isang propeta,” sabi niya. “Siguro kakaunti pa lang ang natanggap ko—para lang akong isang napakaliit na estalaktita—pero kung gagawin ko ang dapat kong gawin para makatanggap ng paghahayag, patuloy na lalago ang aking kaalaman at patotoo.”

Sinabi ni Luis na ang pagsisimba, pagdalo sa seminary, pag-aaral ng mga banal na kasulatan, at pag-aayuno at pagdarasal ay maghahandang lahat sa atin na tumanggap nang “paghahayag sa paghahayag” (D at T 42:61).

“Kung gagawin ko ang mga bagay na ito,” wika niya, “ang pananampalataya ko, tulad ng mga estalaktitang iyon, ay aabot mula rito hanggang langit.”

Itaas: Larawan © Photononstop/SuperStock; kanan: larawang kuha ni Adam C. Olson