2011
Sana Po ay Magpapunta Kayo ng Tao
Pebrero 2011


Sana Po ay Magpapunta Kayo ng Tao

Wendy Walkowiak, Utah, USA

Sa panahong nahihirapan ako sa pagdadalantao sa pangalawang anak ko, kinailangan kong uminom ng gamot na pampakapit upang hindi ako makunan. Dahil sa gamot tumindi ang nadarama kong pagkahapo at pagkahilo.

Ang malala pa, nagtatrabaho ang asawa ko nang 15-oras bawat araw, upang mapangasiwaang mabuti ang nagtatagumpay niyang bagong negosyo; bagong lipat lang kami; at 400 milya (640 km) ang layo ng tirahan ng mga magulang ko. Wala akong kakilala, lagi akong nakahiga, at kailangang alagaan ang anak kong nagsisimula pa lamang maglakad. Takot ako at nag-iisa.

Sa ganitong kalagayan bumaling ako sa Nilalang na alam kong hindi magpapabaya sa akin—ang aking Ama sa Langit. Lumuhod ako sa tabi ng aking higaan at nagdasal, “Ama sa Langit, alam ko pong maraming taon na akong nangangako na babalik ako sa simbahan, at sa palagay ko handa na po ako ngayon. Ngunit wala po akong lakas ng loob na gawin itong mag-isa. Maaari po bang magpapunta Kayo ng isang taong mag-aanyaya sa akin sa simbahan.”

Kinabukasan ay tumunog ang doorbell. Nakahiga ako sa sopa suot ang aking pajama sa magulong sala at nahihilo, kaya’t hindi ako bumangon para buksan ang pinto. Makaraan ang ilang minuto ay naisip ko: paano kung ang pagtunog ng doorbell ang sagot sa mga dasal ko at may dumating na taong mag-aanyaya sa akin na magsimba?

Nagbalik ako sa aking silid, muling lumuhod, at nagdasal, “Ama sa Langit, patawad po talaga sa hindi ko pagbukas ng pinto. Kung nagpapunta po Kayo ng isang taong kakausap sa akin, pangako po magiging handa akong harapin sila bukas kung papupuntahin po Ninyo silang muli.”

Kinabukasan nagbangon ako, naligo, nagbihis, at maghapong naglinis ng aking bahay. Pagkatapos ay buong tiyaga kong hinintay ang muling pagtunog ng doorbell. At tumunog nga. Nang buksan ko ang pinto, may dalawang babaing nakatayo sa harap ng aking pintuan.

“Kami ang mga visiting teacher mo,” sabi nila. “Alam mo ba kung ano ang visiting teaching?”

“Oho, alam ko,” sagot ko, natutuwa na nagbalik sila. “Halikayo, pasok kayo.”

Isa sa mga visiting teacher na iyon, ang Primary president, ay pumupunta na palagi upang tiyaking maayos ako. Nag-alok pa siyang isama ang anak ko sa simbahan at magtakda ng araw para makadalaw ang mga full-time missionary. Ang mga pagdalaw ay nagpalakas sa aking patotoo at nagbigay sa akin ng lakas ng loob na magbalik sa simbahan.

Hindi ako makapaniwalang maraming taon akong namuhay nang hindi nagdarasal sa Ama sa Langit at nakatatanggap ng Kanyang pangangalaga at patnubay. Isang malaking pagpapala ang pagtulong ng Tagapagligtas na makayanan ko ang aking mga pasanin dahil sa Kanyang pag-ibig at habag. Mas mabuting tao ako ngayon dahil sa Kanyang pagmamahal, at lalo kong nadaramang nagbalik ako sa dating ako noong nagsisimba pa ako noong kabataan ko.

Pinatunayan sa akin ng Ama sa Langit na lahat ng bagay ay posible sa Kanya. Ang tanging hiling Niya sa atin ay magkaroon tayo ng pananampalataya sa Kanyang kakayahang sagutin ang ating mga panalangin.