2011
Tapat na Ikapu, Isang Malaking Pagpapala
Pebrero 2011


Tapat na Pagbabayad ng Ikapu, Isang Malaking Pagpapala

Noong halos 17 anyos na ako, nabinyagan ako sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw at nakadama ako ng hangaring paglingkuran ang Panginoon sa misyon. Nang dumating ang tawag ko sa misyon makalipas ang ilang taon, tinawag akong lisanin ang Peru at ipangaral ang ipinanumbalik na ebanghelyo sa Salt Lake City.

Kahit naiisip ko ang malaking pagpapala ng paglilingkod sa misyon, inalala ko ang maraming bagay na kakailanganin ko: mga dokumento, pasaporte, visa, mga damit, at, siyempre, pera. Nagtatrabaho ako ngunit hindi sapat ang kinikita ko. Nawawalan na ako ng pag-asa! Sa loob ng isa’t kalahating buwan bago ako umalis, kaunti pa lang ang naipon ko para sa kailangan kong pondo. Ang tanging magagawa ko ay manalangin sa Panginoon.

Dahil hindi naman malaki ang kinikita ko, kaunti lang din ang ibinabayad kong ikapu bawat buwan. Ngunit hindi nagtagal ay natanto ko na hindi mahalaga sa Panginoon kung maliit man ang halaga: ang mahalaga sa Kanya ay nagbabayad tayo ng 10 porsiyentong hinihingi Niya. Nanalig ako at nakadama ng katiyakan na kung patuloy akong magbabayad ng ikapu, ibibigay ng Panginoon ang kailangan ko.

Nagsimulang dumating ang lahat. Nagkaroon ako ng dalawa pang trabaho at nakuha ang aking mga dokumento. Maraming miyembro sa aking ward, lalo na ang mga Relief Society sister, ang tumulong sa iba pang mga kailangan ko. At nag-alok din ng tulong ang mga miyembro ng aking stake. Umalis ako papunta sa misyon na dala ang mga kailangan ko.

Bilang full-time missionary, itinuro ko ang batas ng ikapu at mga pangako nito (tingnan sa Malakias 3:10) nang may pasasalamat at patotoo.

Paglalarawan ni Scott Greer