Nang Ako ay Parang Hindi Nakikita
Kararating lang namin sa aming silid sa motel nang tumunog ang telepono. Alam kong masamang balita iyon tungkol kay Jodi, ang kapatid kong siyam na buwang gulang. Mula noong siya ay ipanganak, comatose na siya at kailangan ng patuloy na pagsubaybay at sa tubo ipinadadaan ang kanyang pagkain. Iniwan namin pansamantala si Jodi sa isang care center upang makapagbakasyon na kailangang-kailangan ng aming pamilya.
Ako ang sumagot sa telepono. Nasa kabilang linya ang lolo ko. Matatag ang kanyang tinig: “Tawagin mo ang itay mo.”
Mabilis na natapos ang kanilang pag-uusap. Totoo nga ang pinangangambahan ko. Patay na si Jodi.
Kinabukasan, pagkadating namin sa bahay, nakahinga ako nang maluwag. Ang school bus ay nasa dulo ng kalye. Paparating na ang mga kaibigan ko. Sa wakas may kaedad ako na mapagsasabihan ko ng pagdadalamhati ko.
Gayunman, habang nakatayo ako sa aming garahe at naghihintay sa mga kaibigan ko, may nangyaring kakaiba. Halos parang hindi nila ako nakikita. Minasdan ko ang pagtawid ng mga kaibigan ko sa kabilang panig ng kalye at patuloy silang nagkuwentuhan. Ni hindi nila ako tiningnan.
Kinabukasan hindi ako sinundo ng mga kaibigan ko na hindi nila dating ginagawa. “Naiintindihan ko,” ang naisip ko. Marahil alam nilang hindi ako papasok sa eskuwela dahil sa pagpaplano sa libing. Ngunit hindi sila dumating nang sumunod na araw o nang mga sumunod pa. Ni hindi na nila ako hinintay pagkatapos ng klase.
Sa panahong ito nakatanggap ang aming pamilya ng maraming suporta mula sa Relief Society at iba pang mga miyembro ng ward. Gayunman, kaunti lang ang nagawa ng chicken casserole para aluin ang aking 13-taong gulang na puso. Nang magbalik ako sa Mutual, nagbigay ang adviser ko ng aralin tungkol sa kabilang-buhay. Naiyak na ako. Tumungo ang aking adviser at nagpatuloy sa pagbabasa. Ang mga kaklase ko naman ay sa harapan nakatingin. Humikbi ako. Sana may isang taong makasama ko sa pag-iyak o umakbay sa akin.
Kapag ginugunita ko ang mga pangyayaring ito, natatanto ko na hindi malupit o walang malasakit ang mga kaibigan ko. Hindi lang nila alam kung ano ang gagawin o sasabihin sa pagdadalamhati ko. Inakala nilang gusto kong mapag-isa sa aking pagdadalamhati at, dahil nga nagdadalamhati ako, ayaw kong magsaya.
Narito ang gusto kong malaman sana ng aking mga kaibigan at adviser:
Damayan ang inyong kaibigan. Padalhan siya ng sulat o bulaklak, ngunit higit sa lahat, puntahan siya. Akbayan siya at ipaalam sa kanya na nagmamalasakit kayo. At kahit anong mangyari, magpunta sa burol o sa libing.
Isama ang inyong kaibigan sa mga bagay na karaniwang ginagawa ninyo. Ang inyong kaibigan ay nag-a-adjust na sa pagkawala ng isang mahal sa buhay. Huwag hayaang mag-adjust pa siya sa pagkawala ng inyong pagkakaibigan. Makapagdudulot ng kaaliwan ang paggawa ng mga bagay na karaniwan nang ginagawa.
Huwag isiping kailangang magbigay ng aralin tungkol sa kabilang-buhay. Kapag nagbigay ng ganitong uri ng aralin, gawin ang payo ni Alma: “Makidalamhati sa mga yaong nagdadalamhati; oo, at aliwin yaong mga nangangailangan ng aliw” (Mosias 18:9). Malamang na alam ng inyong kaibigan na makikita niyang muli ang kanyang mahal sa buhay, at kung hindi, kusang mapag-uusapan ang paksang ito habang ipinapahayag niya ang kanyang mga iniisip at alalahanin. Iyan ang pagkakataon na makapagpapatotoo kayo tungkol sa plano ng kaligtasan.
Isang taon makalipas ang pagkamatay ng aking kapatid, namatay ang ina ng aking kaibigan. Matinding kalungkutan ang nadama ko. Naisip ko, “Sa susunod na makita ko siya, sasabihin ko sa kanya na nakikiramay ako.” Pagkatapos, nang maalala ko ang naranasan ko, alam kong kailangan ako kaagad ng aking kaibigan. Sa paglalakad papunta sa kanyang bahay, medyo nag-atubili ako. Paano kung hindi niya ako gustong makita? Baka hindi gusto ng kanyang pamilya na naroon ako. Dapat ba akong maghintay at kausapin na lang siya kalaunan? Ngunit nang buksan niya ang pinto, masasabi kong natuwa siya sa pagdating ko. Ang kanyang ama at mas nakatatandang mga kapatid ay abala sa pagpaplano ng libing. Lumabas kami para maglakad-lakad. Hindi ko kailangang alalahanin ang sasabihin ko. Siya ang nagsalita nang nagsalita.