2011
Maiikling Balita sa Buong Mundo
Pebrero 2011


Maiikling Balita sa Buong Mundo

Mayroon nang Japanese Triple Combination Online

Ang Japanese edition ng triple combination, na pinagsama sa iisang aklat ang Aklat ni Mormon, Doktrina at mga Tipan, at Mahalagang Perlas, ay makukuha na online sa scriptures.lds.org/jpn. Mayroon ding audio recording nito sa site na iyon at makukuha sa CD sa lalong madaling panahon. Ang site para sa mga banal na kasulatan ay may mga talababa, mapa, at larawan, at nagtutulot sa mga mambabasa na markahan ang mga banal na kasulatan at magsaliksik ayon sa mahahalagang salita. Ang site para sa mga banal na kasulatan ay nasa 19 na wika na ngayon.

Nakakatulong ang mga Gabay na Sanggunian ng mga Kabataan sa mga Guro

Ang bagong mga gabay na sanggunian ay suplemento sa mga manwal ng mga aralin ng Aaronic Priesthood at Young Women, Pagkasaserdoteng Aaron Manwal 3 at Mga Kabataang Babae Manwal 3, para sa 2011. Ang mga gabay ay naglalaan sa mga guro ng mga reperensya sa katatapos na pangkalahatang kumperensya, mga tanong na pantalakayan, mga karagdagang reperensya sa mga banal na kasulatan, at mga ideya sa aktibidad na tumutugma at nagpapaalala sa mga kasalukuyang aralin, para lalong maging angkop sa mga isyung kinakaharap ng mga kabataan ngayon. Makukuha ang mga gabay sa 27 wika sa mga distribution center ng Simbahan o online sa resourceguides.lds.org.

Naghahanap na ang Simbahan ng mga Gaganap sa Proyekto sa Bagong Tipan

Sa pagsisikap na makaganyak ng mga kalahok mula sa iba’t ibang panig ng mundo para sa proyektong pampelikula ng LDS Motion Picture Studio sa Bagong Tipan, gumawa ng isang Web site ang Simbahan, ang casting.lds.org, kung saan makakapag-aplay ang mga interesadong miyembro ng Simbahan bilang artista o ekstra sa lahat ng pelikula at video na gagawin ng Simbahan, kabilang na ang proyekto sa Bagong Tipan. Ang pagsasapelikula ay magsisimula sa tagsibol ng 2011 sa Salt Lake City, Utah, USA, at magpapatuloy hanggang sa tag-init.

Mayroon nang mga Bagong DVD para sa Pag-aaral ng D at T

Tumutulong ang bagong set ng apat na DVD sa pag-aaral ng Doktrina at mga Tipan at Kasaysayan ng Simbahan. Ang set ay naglalaman ng mga interactive chart, mga sipi mula sa mga propeta at apostol sa mga huling araw, mga ipinintang larawan, at mga aktibidad sa pagkatuto. Tampok dito ang mga video tulad ng Pamana, Bundok ng Panginoon, at Joseph Smith: Ang Propeta ng Panunumbalik, na ipinalalabas na sa Joseph Smith Memorial Building noon pang Disyembre 2005. Ang Doctrine and Covenants and Church History Visual Resources DVDs ay mayroon na sa English, Portuguese, at Spanish. Mag-order online sa store.lds.org o tumawag sa 1-800-537-5971. Tingnan kung may mabibili na sa mga lokal na distribution center.