2011
Masarap ang Mensahe
Pebrero 2011


Paano Ko Nalaman

Masarap ang Mensahe

Hindi ko talaga hinahanap ang Diyos, ngunit nang dalawang binata ang magtanong kung maaari nila akong bahaginan ng mensahe, nagdesisyon akong makinig.

Bagama’t nabinyagan ako sa isang simbahan noong sanggol pa ako at sumimba ako at dili noong bata pa ako, hindi kailanman naging malaking bahagi ng buhay ko ang relihiyon. Habang tumatanda ako, malimit lumipat ng lugar ang pamilya ko, at tumigil kami sa pagsisimba. Naniniwala ako sa Diyos, ngunit hindi ko madalas isipin ang tungkol sa Kanya o sa relihiyon.

Nagbagong lahat iyan noong 2006, nang 14 anyos ako. Namatay si Tiyo Billy; mahigit 30 anyos lang siya noon. Natanto ko noong mamatay siya nang wala sa panahon kung gaano ko siya kamahal at naging dahilan iyon upang tanungin ko ang aking sarili. Saan siya napunta nang mamatay siya? Patuloy ba siyang nabuhay at nagkaroon ng kinabukasan? Ano ang mangyayari sa kanyang mga anak at sa iba pang mga kapamilyang naiwan niya? Ano ang naging kabuluhan ng buhay niya? Ano ang naging kabuluhan ng buhay ko?

Napag-isip-isip ko ang mga tanong na ito nang sumunod na ilang buwan. Isang gabi noong Setyembre 2007, palabas kami ng nanay ko at tatlong nakababatang kapatid sa isang cafeteria sa sinilangan kong bayan na Haverhill, Massachusetts, USA, at tumigil kami at naupo sa isang bangko. Nilapitan kami ng dalawang binatang nakaitim na amerikana, puting polo, at kurbata. Sabi ng isa sa kanila, “Alam ko na medyo asiwang kausapin ang dalawang taong hindi ninyo kilala, pero maaari ba namin kayong bahaginan ng mensahe?”

Pumayag kami. Alam ko na kakausapin nila kami tungkol sa relihiyon, at humanga ako na hindi lang nila kami basta inabutan ng kard o polyeto at umalis na. Sa halip, tila talagang interesado ang mga binatang ito sa amin at sabik silang ibahagi ang kanilang mensahe. Sa pagtatapos ng kanilang mensahe, itinanong nila kung maaari nilang bisitahin ang pamilya namin. Pumayag ang nanay ko at nagtakda siya ng oras, kaya’t dapat ko siyang pasalamatan sa malaking pagbabagong idinulot nito sa buhay ko.

Sinimulan naming pag-aralan ang ebanghelyo. Hindi nagtagal ay naging abala si Inay sa iba’t ibang bagay at hindi niya itinuloy ang pakikipagkita sa mga misyonero, ngunit itinuloy ko ito.

Madali kong nakapalagayan ng loob sina Elder Kelsey at Elder Hancock. Marahil ang isang dahilan ay dahil sa hindi nagkalalayo ang agwat ng aming edad. Minahal nila ako nang husto at minahal ko rin sila. Hindi nagtagal ay nadama ko ang pagmamahal ring iyon sa mga miyembro ng ward at sa iba pang mga kabataan sa aking stake.

Itinuro sa akin ng mga misyonero ang plano ng kaligtasan, na sumagot sa mga tanong ko tungkol sa aking tiyo at sa sarili kong layunin sa buhay. Ipinakilala din sa akin ng mga elder ang Aklat ni Mormon. Naaalala ko na nabasa ko sa Alma 32 ang tungkol sa binhi ng pananampalataya na lumalaki at sumasarap (tingnan sa talata 28). Ang paliwanag na iyon mismo ang nadama ko sa Aklat ni Mormon. Ang binabasa ko at itinuturo sa akin ng mga misyonero ay totoo, nadama kong tama, at masarap ito.

Tinukso ako ng nanay ko na para daw akong “ermitanyo” dahil nagkukulong ako sa kuwarto at ilang oras akong nagbabasa ng Aklat ni Mormon. Bagaman hindi ko naunawaan noon ang tungkol sa mga pahiwatig ng Espiritu Santo, nadama ko na ito ang tamang landas.

Nang hilingin ng mga misyonero na magpabinyag na ako, hinikayat nilang ipagdasal ko ang desisyon ko. Nang magdasal ako para malaman kung ang pagsapi sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ang tama kong gawin, nakatanggap ako ng direktang sagot, at ikinagulat ko ito. Maliwanag ang tagubilin: ituloy ang pagpapabinyag.

Tandang-tanda ko pa ang araw na nabinyagan ako—Disyembre 15, 2007. Habang nakatayo ako sa malamig na tubig kasama si Elder Kelsey at itinaas niya nang paparisukat ang kanyang kamay, napuspos ako ng Espiritu; tila napuspos nito ang buong katawan ko. Masasabi ko na abot-tainga ang ngiti ko, ngunit hindi kayang ipaliwanag niyan ang nadama ko.

Matapos akong mabinyagan patuloy kong nadama ang Espiritu. Nadama ko na napabanal ako. Alam ko na natubos na ang aking mga kasalanan. Nadama ko ang pagsang-ayon ng Ama sa Langit na ito talaga ang landas na dapat kong tahakin.

Paminsan-minsan, kapag medyo nagdududa ako, binabalikan ko ang karanasang iyon at ginugunita ko ang nadama ko sa araw na iyon. Ang paggunita sa nadama ko noon ay pumapawi sa anumang pagdududa ko.

Kahit walang sinuman sa atin ang maaaring magpabinyag na muli upang muling madama ang magandang damdaming iyon, maaalala natin iyon kapag sinariwa natin ang ating mga tipan sa pamamagitan ng pagsisisi at pakikibahagi ng sacrament. Tuwing magsisisi ako, muli kong madarama iyon—ang pagiging malinis at minamahal.

Ang madama ang pagmamahal na iyon ay nagpapaunawa sa akin sa itinuro ni Joseph Smith: “Ang isang taong puspos ng pag-ibig ng Diyos, ay hindi kuntentong pamilya lamang niya ang mapagpala, kundi ang buong mundo, sabik na mapagpala ang buong sangkatauhan.”1 Ang mabatid ang kahalagahan ng isang kaluluwa ay nagpapasabik sa akin sa mga pagkakataong sumama sa mga misyonero sa pagtuturo sa lugar namin. Inaasam ko rin ang araw na makapaglingkod ako sa full-time mission at maibahagi kung gaano ako kaligaya dahil sa ebanghelyo ni Jesucristo.

Tala

  1. Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith (2007), 387.

Paglalarawan ni Rob Wilson

Alibughang Anak, ni Liz lemon Swindle, Foundation Arts, hindi maaaring kopyahin