Ating mga Tahanan, Ating mga Pamilya
Pagtulong sa mga Bata na Madamang Ligtas Sila
Sa pag-unawa sa reaksyon ng mga bata sa hindi magagandang pangyayari, matutulungan ng mga magulang ang kanilang mga anak na makayanan ang mahihirap na panahong ito.
Nabubuhay tayo sa panahong ang mabibigat na isyu—tulad ng diborsyo, karamdaman, kamatayan, mga aksidente, kalamidad, digmaan, pagkatanggal sa trabaho—ay nagbabanta sa kapanatagan o seguridad sa tahanan. Gayunman, maraming bagay ang magagawa ng mga magulang upang maipadama sa mga anak ang katatagan, seguridad, at kaligtasan sa kabila ng nakagagambalang mga impluwensyang ito.
Paano ang Reaksiyon ng mga Bata
Para matulungan ang mga bata na makayanan ang hindi magagandang pangyayari, dapat muna nating maunawaan kung paano ang reaksiyon nila sa mga ito. Ang mga reaksyong ito ay naaapektuhan ng katatagan ng pamilya at ng edad ng bata at kahustuhan ng emosyon nito.
Mula Pagsilang Hanggang Anim na Taong Gulang
Maipapakita ng isang sanggol ang kanyang dinaramdam sa pagiging maligalig, pag-iyak, at kagustuhang magpakarga. Kadalasan, ang kailangan lang ng mga sanggol ay kargahin o pakainin sila ng magulang. Ang mga batang musmos ay mas husto ang kaisipan kaysa mga sanggol. Gayunpaman, ang pagkagambala sa karaniwang ginagawa ng bata ay maaaring magpahina ng loob ng isang anim-na-taong gulang na bata. Halimbawa, maaari siyang makadama ng labis na pagkabalisa sa pagkawalay sa kanyang mga magulang sa panahon ng kalamidad o sa mga buwang kasunod ng diborsyo. Matutulungan ng mga magulang ang mga musmos na anak sa gayong mga sitwasyon sa pagpapanatili ng karaniwan nilang ginagawa hangga’t maaari. Maaari nilang ituloy ang pagdarasal ng pamilya, pagkain nang sama-sama, at iba pang mga gawaing karaniwan nilang ginagawa bago dumating ang malaking pagbabago. Ang patuloy na paggawa ay nakatutulong sa mga bata na makadama ng kapanatagan, pagtitiwala, at katatagan.
Pito Hanggang Sampung Taong Gulang
Ang nakatatandang mga bata ay maaaring makaunawa kapag ang isang bagay o isang tao ay nawala nang tuluyan, ito man ay paglisan sa tahanan o pagpanaw ng isang magulang. Bunga nito, maaari silang mabahala dahil sa nakababagabag na pangyayari. Naaapektuhan nang husto ang pagkaunawa nila sa buhay. Maaari nilang paulit-ulit na talakayin ang hindi magandang pangyayari sa pagsisikap na maunawaan kung paano haharapin ang problema. Maaari silang mangailangan ng tulong upang maunawaan ang nangyayari o maipahayag ang damdamin nila tungkol sa karanasan. Alalahanin, ang kakayahan nilang mangatwiran ay hindi katulad ng sa matanda. Halimbawa, karaniwan na sa mga anak na isiping sila ang may kasalanan sa paghihiwalay ng kanilang mga magulang. Makatutulong ang mga magulang sa pamamagitan ng pag-alam kung ano ang iniisip at nadarama ng kanilang mga anak at pagkatapos ay pagwawasto sa mga maling akala ng kanilang mga anak.
Labing-isa Hanggang Labingwalong Taong Gulang
Ang mga batang edad 11 hanggang 18 ay maaaring mag-alala tungkol sa mga nangyayari sa kanilang lugar, sa bayan, o sa ibang bansa. Nagsisimulang maunawaan ng nakatatandang mga tinedyer na magdaraan sila sa pagbabago mula sa pagtira sa bahay tungo sa pagharap nilang mag-isa sa magulong daigdig. Maaari silang madaig ng matinding emosyon at hindi nila alam kung paano banggitin ang mga ito.
Matutulungan ng mga magulang ang kanilang mga anak na tinedyer sa paggawang kasama nila ng mga aktibidad na gusto ng kanilang mga anak, katulad ng pagluluto ng hapunan, paglalaro ng mga board game, o isports. Maaari ding talakayin ng mga magulang ang mahihirap nilang karanasan noong tinedyer pa sila. Kapag ibinahagi ng mga magulang ang kanilang mga iniisip at nadarama, magiging mas komportable ang mga anak na ibahagi ang kanilang iniisip at nadarama. Sa ganitong paraan ay nagkakalapit ang mga damdamin nila. Kahit hindi nagpapakita ng hayagang interes ang mga tinedyer, makikinig sila.
Ano ang Magagawa ng mga Magulang
Dapat munang mapansin ng mga magulang na balisa ang kanilang mga anak.1 Maaaring magpakita ng kakaibang pag-uugali ang mga anak tulad ng pagiging laging malungkot o bugnutin, malakas o walang ganang kumain, hindi makatulog, walang konsentrasyon, o walang ganang mag-aral. Ang nakatatandang mga bata ay maaaring magpakita ng mapanganib na mga pag-uugali tulad ng padalus-dalos na pagkilos, paggamit ng mga bagay na masama sa katawan, pagiging aktibo sa seks o pakikipagtalik, o paglayo sa pamilya, mga kaibigan, at mga pagtitipon.
Makatutulong kayo sa pamamagitan ng pag-alam kung paano pangangalagaan ang bawat anak ninyo. Halimbawa, matuturuan ninyo ang inyong mga anak, lalo na habang bata pa sila, ng mga salitang nagsasaad ng kanilang damdamin. Kabilang sa mga salitang ito ang malungkot, galit, bigo, takot, nag-aalala, at balisa.
Kung ang tinedyer ninyo ay padalus-dalos ang kilos matapos ang isang hindi magandang sitwasyon, pakinggang mabuti ang kanyang sinasabi at nadarama. Sa nakababatang mga anak, tulungan ang tinedyer ninyo na matukoy nang tama ang kanyang damdamin. At maging maunawain, batid na maaaring ang hindi magandang pangyayari ang sanhi ng padalus-dalos na pag-uugali.
Kapag kinausap na ninyo ang inyong mga anak, sikaping huwag magsermon at magalit, mamintas, o mangutya. Alamin kung ano ang pait o sakit na dinaramdam ng inyong anak at magpakita ng pag-unawa. Makapagsisimula kayo sa pagsasabing, “Alam kong malungkot ka sa pagkamatay ng kaibigan mo. Naiisip ko lang kung gaano kahirap iyan. Nag-aalala ako na baka nagsisimula kang uminom ng alak dahil sa pagdadalamhati mo.” Ang pakikipag-usap gamit ang masasakit na salita ay bihirang magbunga ng maganda.
Makinig nang May Pag-unawa
Kung minsan maaari kayong matuksong huwag kausapin ang anak na may dinaramdam. Gayunman, sa maraming pagkakataon hindi makakayanan ng isang bata ang kanyang pagkabalisa nang walang tulong. Kapag nakinig kayo nang may pag-unawa habang sinasabi ng inyong mga anak ang kanilang mga problema, madarama nilang sila ay minamahal at mapapanatag sila.
Ang isang mahusay na paraan ng pakikinig nang may pag-unawa ay sa muling pagbanggit ng damdamin ng anak upang matiyak na nauunawaan ninyo sila. Maaari ninyo silang tulungang matukoy ang tunay nilang nadarama. Maaari ninyong sabihing, “Parang malungkot ka at balisa kapag tinatanong kita tungkol sa kaibigan mo na naghiwalay ang mga magulang.” Maghintay ng sagot; pagkatapos ay hayaan ang inyong anak na ituloy ang pag-uusap. Nakakapagsalita ang mga bata kapag nadama nila na kontrolado nila ang pag-uusap.
Tulungan ang mga Bata na Maipahayag ang Kanilang Damdamin
Ang pagkontrol ng isang bata sa sarili ay mapalalakas kung tutulungan ang bata na maipahayag ang hindi magandang damdamin. Kadalasan, sa pakikinig ninyo nang may pag-unawa, matutukoy ninyo ng inyong anak ang sanhi ng damdaming iyon. Maaari ninyong itanong, “Sa palagay mo bakit ganito ang nadarama mo?” Maghintay ng sagot at pakinggang mabuti ang mga sagot. Maaaring hindi agad ito masabi.
Kung minsan kailangan ninyong magpalitan ng mga ideya tungkol sa mga alternatibong solusyon. Maaari ninyong itanong kung paano maaapektuhan ang iba ng solusyong iniisip ng inyong anak. Makabubuti ba ang magiging solusyon sa inyong pamilya o mga kaibigan? Makatotohanan ba ito? Ano ang pakiramdam ng bata dito? Maaaring hindi siya kaagad makaisip ng solusyon. Tiyakin sa inyong anak na mahal ninyo siya at OK lang na wala pang solusyon sa ngayon.
Tumugon nang may Pananampalataya
Kapag natukoy ninyo ang kakaibang mga pag-uugali ng inyong mga anak at natulungan ninyo silang ipahayag ang nadarama nila at unawain ang kanilang mga iniisip at nadarama nang may pagmamahal, madarama ng inyong mga anak ang seguridad at kaligtasan.
Ang pinakamahalagang magagawa ninyo para mapanatili ang damdamin ng seguridad at kaligtasan sa tahanan ay ang sumalig sa mga alituntunin ng ebanghelyo ni Jesucristo. Maaari kayong maghangad ng inspirasyon kung paano tutulungan ang inyong mga anak sa pamamagitan ng pag-aayuno, pagdarasal, pagsasaliksik ng mga banal na kasulatan, at pagdalo sa templo. Maaari ninyong kausapin ang inyong mga lider sa priesthood. Maaari din ninyong isiping hingan ng tulong ang mga propesyonal, depende sa bigat ng mga problema.
Sa pagkilos ninyo nang may pananampalataya sa Ama sa Langit at sa Kanyang Anak, bibiyayaan kayo ng kapanatagan at suporta. Ang mga anak ay tatanggap ng dagdag na kapanatagan at katatagan kapag ipinamuhay ninyo ng inyong mga anak ang mga salita ng mga propeta at nagpatuloy kayo sa mga gawaing naghahatid ng kapayapaan sa tahanan, tulad ng pagdarasal sa pamilya at sarilinang pagdarasal, pag-aaral ng mga banal na kasulatan, at pagsamba sa templo.