“Abril 25–Mayo 1. Exodo 24; 31–34: ‘Ako’y Sasaiyo,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: Lumang Tipan 2022 (2021)
“Abril 25–Mayo 1. Exodo 24; 31–34,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: 2022
Abril 25–Mayo 1
Exodo 24; 31–34
“Ako’y Sasaiyo”
Habang naghahanda si Moises sa pag-akay sa mga anak ni Israel patungo sa lupang pangako, sinabi ng Panginoon, “Ako’y sasaiyo” (Exodo 33:14). Habang naghahanda kang magturo sa mga bata sa iyong klase, isipin kung paano mo maaanyayahan ang presensya ng Panginoon na “[suma]iyo.”
Itala ang Iyong mga Impresyon
Mag-anyayang Magbahagi
Papiliin ang bawat bata ng isang papel na may bilang. Gamitin ang mga numerong ito para malaman ang pagkakasunod ng mga bata sa pagbabahagi ng isang bagay na natututuhan nila mula sa mga banal na kasulatan, sa tahanan man o sa Primary.
Ituro ang Doktrina: Mas Maliliit na Bata
Ang paggalang sa araw ng Sabbath ay tanda ng pagmamahal ko sa Panginoon.
Sinabi ng Panginoon kay Moises na nang panatilihing banal ng mga anak ni Israel ang araw ng Sabbath, ipinakita nila sa Kanya na gusto nilang maging Kanyang mga tao.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Magdrowing ng isang puso sa pisara, at itanong sa mga bata kung ano ang maaaring kahulugan ng simbolong ito. Tulungan silang mag-isip ng iba pang mga bagay na maaaring maging tanda ng pagmamahal, tulad ng isang yakap o kaya ay paglilingkod. Basahin sa kanila ang Exodo 31:13. Tulungan silang maunawaan na kapag pinapanatili nating banal ang araw ng Sabbath, ito ay tanda sa Panginoon na mahal natin Siya.
-
Ikuwento sa mga bata ang ilang paraan na sinisikap mong ipakita ang iyong pagmamahal sa Panginoon sa araw ng Sabbath. Ipabahagi sa kanila kung paano nila ito ginagawa at gayundin ang kanilang pamilya. Anyayahan silang gamitin ang pahina ng aktibidad sa linggong ito para magbahagi ng iba pang mga ideya.
Maaari kong unahin ang Panginoon sa aking buhay.
Habang si Moises ay nasa Bundok ng Sinai at nakikipag-usap sa Panginoon, pinili ng mga anak ni Israel na sambahin ang isang gintong guya sa halip na sambahin Siya. Ang kuwentong ito ay magpapaalala sa mga batang tinuturuan mo na hindi natin dapat hayaang maging mas mahalaga sa atin ang ibang bagay kaysa sa Panginoon.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Rebyuhin nang mabilis ang Sampung Utos kasama ang mga bata, na binibigyang-diin ang unang dalawang utos (tingnan sa Exodo 20:3–6). Gamitin ang “Ang Sampung Utos” (sa Mga Kuwento sa Lumang Tipan) para ibahagi sa kanila ang kuwento mula sa Exodo 32:1–8, 19–24. Kung maaari, hayaang tulungan ka ng mga bata sa pagkukuwento. Tulungan ang mga bata na makita kung ano ang maling ginawa ng mga Israelita sa kuwentong ito (maaari mong ipaalala sa mga bata ang unang dalawang utos sa Sampung Utos). Ano ang dapat na ginawa ng mga Israelita?
-
Magpakita ng larawan ni Jesucristo, kasama ang mga larawan ng iba pang mga bagay na maaaring pag-ukulan ng oras ng mga bata, tulad ng mga laruan, laro, at iba pa. Ipahanap sa mga bata ang larawan na nagpapakita kung ano dapat ang pinakamahalaga sa atin. Ibahagi sa mga bata kung paano ka pinagpapala sa pag-una sa Panginoon sa iyong buhay—mas una pa kaysa sa ibang mga bagay na mabuti.
Kinausap ng Panginoon si Moises nang harap-harapan.
Matapos sirain ni Moises ang ginintuang guya, “ang Panginoon ay nangusap kay Moises nang harapan, gaya ng isang tao na nagsasalita sa kaniyang kaibigan.” Ang kaalamang ito ay maaaring magpatatag sa pananampalataya ng mga bata na ang Panginoon ay tunay na katauhan na nagmamahal sa kanila.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Sabihin sa mga bata kung ano ang pakiramdam mo kapag kausap mo ang isang mabuting kaibigan, at tanungin sila kung ano ang pakiramdam nila. Basahin sa kanila ang unang pangungusap ng Exodo 33:11. Itanong sa mga bata kung ano sa palagay nila ang nadama ni propetang Moises. Sabihin sa mga bata ang mga pagkakataon na nadama mong malapit ka sa Panginoon, kahit hindi mo Siya nakikita gamit ang iyong mga mata.
-
Sama-samang kantahin ang isang awiting nagpapahayag ng nadarama ng Ama sa Langit o ni Jesus tungkol sa atin, tulad ng “Si Jesus ay Mapagmahal na Kaibigan” (Aklat ng mga Awit Pambata, 37). Magpakita ng mga larawan ng Tagapagligtas na nagpapakita ng pagmamahal sa iba (tingnan sa Aklat ng Sining ng Ebanghelyo, blg. 36, 41–43, 46–47). Hikayatin ang mga bata na ibahagi ang nadarama nila tungkol sa Ama sa Langit at kay Jesus.
Ituro ang Doktrina: Mas Nakatatandang mga Bata
Ang paggalang sa araw ng Sabbath ay tanda ng pagmamahal ko sa Panginoon.
Ang pagpapanatiling banal sa araw ng Sabbath ay maaaring maging mas madali—at mas masaya—para sa mga bata kapag naiisip nila na ito ay tanda ng kanilang katapatan sa Panginoon.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Magtanong sa mga bata ng ilang tanong upang tulungan silang maunawaan kung ano ang tanda o palatandaan—halimbawa, “Anong mga palatandaan ang nagpapaalam sa inyo na parating na ang tagsibol o na ikaw ay sisipunin?” Ipabasa sa kanila ang Exodo 31:13, 16–17 at hanapin ang salitang “tanda.” Ano ang sinabi ng Panginoon na tanda sa pagitan natin at Niya? Bakit napakahalaga ng tandang ito?
-
Anyayahan ang mga bata na maghalinhinan sa pagpapaliwanag kung bakit pinipili nilang igalang ang Sabbath.
-
Ipasulat sa mga bata ang lahat ng bagay na maiisip nila na magagawa nila sa araw ng Linggo para ipakita sa Panginoon na Siya ay mahal nila. Hikayatin silang magbahagi ng ilang bagay mula sa kanilang listahan. Anyayahan silang iuwi ang kanilang mga listahan sa kanilang mga tahanan, ibahagi ang mga ito sa kanilang pamilya, at tingnan ang mga ito sa tuwing kailangan nila ng mga ideya ng gagawin sa araw ng Sabbath.
Maaari kong unahin ang Panginoon sa aking buhay.
Ang isang mensahe mula sa salaysay sa Exodo 32 ay naglalaman ng kahalagahan ng pagsunod sa unang dalawang utos sa Sampung Utos—huwag sambahin ang kahit sino o kahit ano maliban sa Panginoon.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Ipabahagi sa mga bata ang anumang nalaman nila tungkol sa kuwento ni Aaron na gumagawa ng ginintuang guya para sambahin ng mga Israelita. Kung kailangan nila ng tulong, patingnan sa kanila ang Exodo 32:1–8, 19–24, o ibahagi sa kanila ang “Ang Sampung Utos” (sa Mga Kuwento sa Lumang Tipan). Bakit mali para sa mga Israelita na sumamba sa diyus-diyusan? (Maaari mong patingnan sa mga bata ang unang dalawa sa Sampung Utos sa Exodo 20:3–6.)
-
Tulungan ang mga bata na mag-isip ng mga halimbawa ng mga bagay na maaaring matukso ang mga tao na sambahin sa halip na sambahin ang Panginoon—mga bagay na naglalayo ng ating pansin sa Kanya. Pagkatapos ay ipabahagi sa kanila ang mga halimbawa ng mga bagay na tumutulong sa kanila na ituon ang pansin sa Tagapagligtas at sambahin Siya.
Maaari akong manindigan para sa kabutihan.
Nang sabihin ng mga Israelita kay Aaron na gumawa ng ginintuang diyus-diyusan, pumayag siyang gawin ito, kahit mali ito (tingnan sa Deuteronomio 9:20). Isipin kung paano ninyo mahihikayat ang mga bata na manindigan para sa kabutihan, kahit hindi sila pinipilit ng iba na gawin ito.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Anyayahan ang mga bata na basahin ang Exodo 32:1–5, 21–24, nang paisa-isa o pares-pares, at ibahagi ang naisip nilang dapat na ginawa ni Aaron nang hilingin sa kanya ng mga Israelita na gumawa ng ginintuang guya. Paano maaaring natulungan ni Aaron ang mga tao?
-
Tulungan ang mga bata na mag-isip ng mga sitwasyong maaari nilang maranasan kapag may ipinagagawa sa kanila ang ibang tao na alam nilang mali. Magpabahagi sa mga bata ng mga ideya kung ano ang gagawin sa mga sitwasyong iyon.
Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan
Sabihin sa mga bata na ibahagi sa kanilang pamilya ang anumang mga ideya na narinig nila ngayon kung paano pananatilihing banal ang araw ng Sabbath.