Lumang Tipan 2022
Mayo 16–22. Deuteronomio 6–8; 15; 18; 29–30; 34: “Ingatan Mo na Baka Iyong Malimutan ang Panginoon”


“Mayo 16–22. Deuteronomio 6–8; 15; 18; 29–30; 34: ‘Ingatan Mo na Baka Iyong Malimutan ang Panginoon,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: Lumang Tipan 2022 (2021)

“Mayo 16–22. Deuteronomio 6–8; 15; 18; 29–30; 34,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: 2022

Nakatayo si Moises sa bundok

Paglalarawan kay Moises sa Mount Nebo, © Providence Collection/lisensyado mula sa goodsalt.com

Mayo 16–22

Deuteronomio 6–8; 15; 18; 29–3034

“Ingatan Mo na Baka Iyong Malimutan ang Panginoon”

Pag-isipang mabuti kung paano mo maiaakma ang mga aktibidad sa outline na ito sa mga pangangailangan ng mga batang tinuturuan mo. Halimbawa, kung ang tinuturuan mo ay maliliit na bata, matutulungan mo silang maghanda para sa binyag sa pamamagitan ng pag-aakma sa mga aktibidad na nasa bahaging “Ang pagtupad sa aking mga tipan ay nagdudulot ng malalaking pagpapala” para sa mga batang mas nakatatanda.

Itala ang Iyong mga Impresyon

icon ng pagbabahagi

Mag-anyayang Magbahagi

Ipabahagi sa mga bata ang mga bagay na natutuhan nila tungkol kay Moises sa Primary o sa bahay nitong nakaraang ilang linggo. Kung kailangan, ipakita ang mga pangyayari sa buhay ni Moises para matulungan silang makaalala. Sabihin sa kanila na tatalakayin mo ngayon ang mga bagay na itinuro ni Moises sa bandang hulihan ng kanyang buhay sa lupa.

icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina: Mas Maliliit na Bata

Deuteronomio 6:5

Maaari kong mahalin nang buong puso ang Panginoon.

Itinuro ni Moises sa mga anak ni Israel na dapat nilang mahalin ang Panginoon nang buong puso, kaluluwa, at lakas. Mag-isip ng mga paraan na matutulungan mo ang mga batang tinuturuan mo na dagdagan ang kanilang pagmamahal sa Ama sa Langit at sa Tagapagligtas.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Magdrowing sa pisara ng puso, isang outline ng katawan, at malakas na bisig. Basahin ang Deuteronomio 6:5, at ituro ang mga larawan habang binabasa mo ang mga salitang “puso,” “kaluluwa,” at “lakas.” Sabihin sa mga bata na magsalitan sa pagtuturo ng mga larawan habang binibigkas ng klase ang talata sa banal na kasulatan kasama mo.

  • Kantahin ang isang awitin tungkol sa pagmamahal ng Ama sa Langit, tulad ng “Ako ay Mahal ng Ama sa Langit” (Aklat ng mga Awit Pambata, 16–17). Tulungan ang mga bata na mahanap ang mga salita sa awitin na nagpapakita na mahal tayo ng Ama sa Langit. Tulungan silang mag-isip ng mga paraan na maipapakita natin sa Kanya na mahal din natin Siya.

Deuteronomio 6:6–9

Ang mga banal na kasulatan ay salita ng Diyos.

Ang payo sa Deuteronomio 6:6–9 ay nilayong tulungan ang mga Israelita na “ingatan [nila] na baka [kanilang] malimutan ang Panginoon” at ang Kanyang salita (talata 12). Paano mo matutulungan ang mga bata na gawing bahagi ng kanilang buhay ang mga banal na kasulatan?

Mga Posibleng Aktibidad

  • Ipatago sa isang bata ang isang kopya ng mga banal na kasulatan sa silid habang nakapikit ang iba pang mga bata. Pagkatapos ay sabihing idilat na ang kanilang mga mata at sikaping hanapin ang mga banal na kasulatan. Gamit ang mahahalagang parirala mula sa Deuteronomio 6:6–9, ibahagi sa mga bata na sinabi ni Moises sa mga Israelita na maglagay ng mga talata ng banal na kasulatan sa mga lugar kung saan makikita nila ang mga ito at matututo sila mula sa mga ito sa araw-araw. Tulungan ang mga bata na mag-isip ng mga lugar sa kanilang tahanan kung saan maaari nilang ilagay ang mga banal na kasulatan para makita ang mga ito araw-araw.

  • Kumanta ng isang awitin tungkol sa mga banal na kasulatan, tulad ng “Babasahin, Uunawain, at Mananalangin” (Aklat ng mga Awit Pambata, 66). Ibahagi ang iyong patotoo na ang mga banal na kasulatan ay salita ng Diyos, at sabihin sa mga bata kung paano nito pinagpapala ang inyong buhay.

Nakaluhod si Jesus na hawak ang isang tao

Si Jesucristo ang propetang katulad ni Moises.

Deuteronomio 18:15–18

Ang mga propeta ay nagtuturo sa atin tungkol kay Jesucristo.

Ipinropesiya ni Moises na darating si Jesucristo at na dapat nating pakinggan ang mga salitang ituturo ni Jesus.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Tulungan ang isa sa mga bata na basahin ang Deuteronomio 18:18, at sabihin sa mga bata na ang Propetang tulad ni Moises na ibabangon ng Diyos ay si Jesucristo. Upang matulungan ang mga bata na makita ang mga paraan kung saan magkatulad sina Moises at Jesus, dalhin ang mga larawan ng mga bagay na ginawa ni Moises at ang mga bagay na ginawa ni Jesucristo, at hayaang pagtugmain ang mga ito ng mga bata. Halimbawa, maaari kang magdala ng mga larawan ni Moises at ni Jesus na nag-oorden sa iba at nagtuturo (tingnan sa Aklat ng Sining ng Ebanghelyo, blg. 15, 16, 38, 39).

  • Ipakita sa mga bata ang larawan ng ating propeta ngayon, at ibahagi ang isang bagay na itinuro niya tungkol sa Tagapagligtas. Magpadrowing sa mga bata ng isang larawan ng propeta na maibabahagi nila sa kanilang pamilya.

icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina: Mas Nakatatandang mga Bata

Deuteronomio 6:6–9

Mapapanatili ko sa puso ko ang salita ng Diyos.

Itinuro ni Moises na dapat nating sundin ang salita ng Diyos sa ating mga puso, at pinayuhan niya ang mga Israelita kung paano patuloy na mananatili sa kanila ang salita ng Diyos. Paano mo mahihikayat ang mga bata na matuto mula sa salita ng Diyos araw-araw?

Mga Posibleng Aktibidad

  • Sa pisara, isulat ang mga salita at kataga mula sa Deuteronomio 6:6–9 na nagpapahiwatig kung kailan at paano maaalaala ng mga Israelita ang salita ng Diyos (tulad ng nakaupo, lumalakad, nahihiga, kamay, at bahay). Anyayahan ang mga bata na hanapin ang mga salitang ito sa mga talata. Ano ang itinuturo ng mga salitang ito tungkol sa kung paano natin magagawang bahagi ng ating pang-araw-araw na buhay ang mga banal na kasulatan? Itanong sa mga bata kung ano ang magagawa nila upang alalahanin ang salita ng Diyos sa kanilang pang-araw-araw na buhay.

  • Bigyan ng papel ang bawat bata, at ipasulat sa kanila ang isang kataga mula sa Deuteronomio 6 na makahulugan sa kanila. Hilingin sa kanila na ibahagi kung bakit nila pinili ang mga katagang iyon. Imungkahi na palamutian nila ang kanilang papel at idispley ito sa kanilang tahanan para maalala ito. Hikayatin ang mga bata na isulat at idispley ang iba pang mga kataga na nakikita nila sa mga banal na kasulatan.

Deuteronomio 15:7–11

Buong kagalakan kong mapaglilingkuran ang mga nangangailangan.

Ang mga turo sa Deuteronomio 15:7–11 ay makakatulong sa mga batang tinuturuan mo na maunawaan na ang pagtulong sa iba ay hindi lamang basta kilos. Ito ay dapat gawin nang may pusong nagkukusa.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Isulat ang sino, bakit, at paano sa pisara. Ipabasa sa mga bata ang Deuteronomio 15:7–11 upang malaman kung sino ang dapat nating tulungan, bakit dapat natin silang tulungan, at ano ang dapat na madama ng ating puso tungkol sa pagtulong. Anyayahan sila na isulat sa pisara ang nahahanap nila. Kantahin ang isang awitin na nagpapatibay sa mensahe sa mga talatang ito, tulad ng “Ako Ba’y may Kabutihang Nagawa?” (Mga Himno, blg. 135).

  • Sabihin sa mga bata na mag-isip ng isang taong matutulungan nila—lalo na sa sarili nilang pamilya. Maglaan ng oras para isulat nila ang gagawin nila sa linggong ito para tulungan ang taong iyon. Kung maaari, magplano kayo bilang klase na tumulong sa isang taong nangangailangan.

Deuteronomio 30:8–10

Ang pagtupad sa aking mga tipan ay nagdudulot ng malalaking pagpapala.

Tulad ng mga anak ni Israel, kailangan natin ng palagiang mga paalala na ipamuhay ang ating mga tipan. Ang pagbabasa sa Deuteronomio 30:8–10 ay makakatulong sa mga bata na mas maunawaan kung ano ang tipan at upang mahikayat silang tuparin ang mga ito.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Itanong sa mga bata kung ano ang tipan (kung kailangan nila ng tulong, imungkahi na hanapin nila ang kahulugan sa “Tipan” sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan [scriptures. ChurchofJesusChrist.org]). Magdrowing sa pisara ng isang tsart na may dalawang column na may ganitong mga pamagat: mga pangako ng mga Israelita at mga pangako ng Diyos. Anyayahan ang mga bata na basahin ang Doktrina at mga Tipan 30:8–10 at punan ang tsart. (Kung kailangan, tulungan ang mga bata na maunawaan ang kahulugan ng mga kataga sa talata 9.) Patotohanan ang mga pagpapalang dumating sa iyo sa pagtupad sa iyong mga tipan.

  • Ipalista sa mga bata sa pisara ang mga pangakong ginagawa natin sa binyag at ang mga pangako sa atin ng Ama sa Langit (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 20:37, 77). Ano ang magagawa natin para laging maalala ang Tagapagligtas at tuparin ang ating mga tipan?

icon ng pag-aaral

Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan

Anyayahan ang mga bata na magkunwaring ikaw ay miyembro ng kanilang pamilya, at sabihin nila sa iyo ang isang bagay na natutuhan nila ngayon sa klase. Hikayatin silang ibahagi ang sinabi nila sa iyo sa mga miyembro ng kanilang pamilya pag-uwi nila.

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo

Magtanong ng mga nakapagbibigay-inspirasyong mga tanong. Magtanong ng mga bagay na hindi lamang nag-aanyaya sa mga bata na magbahagi ng mga katotohanan kundi para ibahagi ang kanilang patotoo tungkol sa mga katotohanan ng ebanghelyo. Halimbawa, kung tinatalakay mo ang tungkol sa mga kautusan, maaari mong hilingin sa mga bata na ibahagi kung paano sila napagpala ng pagsunod sa mga utos.