Lumang Tipan 2022
Mayo 23–29. Josue 1–8; 23–24: “Magpakalakas Ka at Magpakatapang na Mabuti”


“Mayo 23–29. Josue 1–8; 23–24: ‘Magpakalakas Ka at Magpakatapang na Mabuti,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—para sa Primary: Lumang Tipan 2022 (2021)

“Mayo 23–29. Josue 1–8; 23–24,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: 2022

Inoorden ni Moises si Josue

Paglalarawan ng pag-oorden ni Moises kay Josue, ni Darrell Thomas

Mayo 23–29

Josue 1–8; 23–24

“Magpakalakas Ka at Magpakatapang na Mabuti”

Habang binabasa mo ang Josue 1–8 at 23–24, itala ang mga espirituwal na impresyong natatanggap mo. Ano ang gagawin mo para matuklasan kung ano ang kailangang matutuhan ng mga batang tinuturuan mo mula sa mga kabanatang ito?

Itala ang Iyong mga Impresyon

icon ng pagbabahagi

Mag-anyayang Magbahagi

Magdrowing ng isang larawan sa pisara ng isang bagay mula sa isa sa mga kuwento sa Josue 1–8; 23–24, at tingnan kung mahuhulaan ng mga bata ang kuwentong pinagmulan nito. Halimbawa, maaari kang gumuhit ng isang ilog o pader ng lungsod.

icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina: Mas Maliliit na Bata

Josue 1:8

Maaari kong isipin ang mga banal na kasulatan sa araw at gabi.

Sinabi ng Panginoon kay Josue na kung pagninilayan niya ang mga banal na kasulatan at susundin ang payo sa mga ito, magtatagumpay siya na pamunuan ang mga Israelita patungo sa lupang pangako. Ano ang magagawa mo para maituro sa mga bata ang mga dakilang pagpapalang nagmumula sa mga banal na kasulatan?

Mga Posibleng Aktibidad

  • Bigyan ang bawat bata ng isang larawan o drowing ng araw at ng buwan. Basahin sa kanila mula sa Josue 1:8 ang: “Iyong pagbubulay-bulayan [ang mga banal na kasulatan] araw at gabi.” Ipaliwanag na ang ibig sabihin ng pagbulay-bulayan ay pag-isipan nang malalim ang tungkol sa isang bagay. Ulitin nang ilang beses ang kataga, at ipataas sa mga bata ang araw kapag sinabi mong “araw” at ang buwan kapag sinabi mong “gabi.” Ipaulit sa mga bata ang kataga na kasabay mo.

  • Magpabanggit sa mga bata ng mga bagay na ginagawa nila sa maghapon at mga bagay na ginagawa nila sa gabi. Sabihin sa kanila na sinabihan si Josue na pagbulay-bulayan [isipin] ang mga banal na kasulatan sa araw at gabi. Tulungan silang mag-isip ng mga kuwento o turo mula sa mga banal na kasulatan na maaari nilang isipin sa araw at gabi. Ipadrowing sa kanila ang kanilang sarili o ang kanilang pamilya na nag-aaral ng mga banal na kasulatan. Bakit gusto nilang pinag-aaralan ang mga banal na kasulatan? Paano sila pinagpapala kapag ginagawa nila ito?

Josue 3

Kailangan akong mabinyagan para makapasok sa kaharian ng langit.

Ang kuwento tungkol kay Josue na pinamumunuan ang mga Israelita patawid sa Ilog Jordan papunta sa lupang pangako ay nagbibigay ng pagkakataon para ituro sa mga bata na kailangan tayong mabinyagan para makapasok sa kaharian ng langit.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Rebyuhin ang ilang detalye ng kuwento ng mga anak ni Israel na tumatawid sa Ilog Jordan para makapasok sa lupang pangako (tingnan sa “Ang Propetang si Josue” sa Mga Kuwento sa Lumang Tipan). Pagkatapos ay ipakita ang larawan ni Jesus na binibinyagan, at sabihin sa mga bata na si Jesus ay bininyagan sa ilog ding iyon. Anyayahan ang mga bata na ibahagi ang iba pang nalalaman nila tungkol sa binyag ni Jesus.

  • Kantahin ang isang awitin tungkol sa binyag kasama ang mga bata, tulad ng “Pagbibinyag” (Aklat ng mga Awit Pambata, 54). Tulungan silang matukoy kung ano ang itinuturo ng awiting ito sa atin kung bakit nabinyagan si Jesus at bakit dapat nating sundan ang Kanyang halimbawa. Anyayahan ang mga bata na ibahagi ang nadarama nila tungkol sa pagpapabinyag. Pag-usapan kung ano ang magagawa ng mga bata ngayon para makapaghandang magpabinyag kapag sila ay walong taong gulang na.

    babaeng nakatayo sa bautismuhan

    Kailangan tayong mabinyagan para makapasok sa kaharian ng langit.

Josue 24:15

Maaari kong piliing paglingkuran si Jesucristo.

Ang huling mensahe ni Josue sa kanyang mga tao ay na maaari nilang piliing patuloy na maglingkod sa Panginoon o talikuran Siya. Taglay ang gayunding pagmamahal ni Josue sa kanyang mga tao, maaari mong hikayatin ang mga batang tinuturuan mo na piliing paglingkuran ang Panginoon “sa araw na ito.”

Mga Posibleng Aktibidad

  • Sabihin sa mga bata na pag-usapan ang ilan sa mga pagpiling ginawa nila ngayon. Basahin sa mga bata ang Josue 24:15: “Piliin ninyo sa araw na ito kung sino ang inyong paglilingkuran; … ngunit sa ganang akin at sa aking sambahayan, kami ay maglilingkod sa Panginoon.” Paano pinili ng mga bata na maglingkod sa Panginoon ngayon? Ano ang ilang paraan na mapipili nating maglingkod sa Kanya araw-araw?

  • Kantahin ang isang awitin tungkol sa paggawa ng mabubuting pagpili, tulad ng “Piliin ang Tamang Landas” (Aklat ng mga Awit Pambata, 82). Ano ang pakiramdam natin kapag pinipili nating paglingkuran si Jesucristo? Magpadrowing sa mga bata ng mga larawan kung saan may ginagawa silang isang bagay para paglingkuran ang Panginoon. Magbahagi ng isang kuwento mula sa iyong buhay o mula sa isang magasin ng Simbahan tungkol sa pagpiling maglingkod sa Panginoon.

icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina: Mas Nakatatandang mga Bata

Josue 1–4; 6

“Magpakalakas ka at magpakatapang na mabuti.”

Nang maging pinuno ng mga Israelita si Josue, hinikayat siya ng Panginoon sa pagsasabing, “Magpakalakas ka at magpakatapang na mabuti” (Josue 1:6). Ano ang matututuhan ng mga bata mula kay Josue kung paano magiging malakas at matapang para kay Cristo?

Mga Posibleng Aktibidad

  • Ipahanap sa mga bata ang katagang inuulit sa Josue 1:6, 9, at 18, at isulat ito sa pisara (tingnan din sa talata 7). Tulungan ang mga bata na mag-isip ng mga dahilan kung bakit kailangan natin ang mensaheng ito, tulad ni Josue. Rebyuhin na kasama ng klase ang ilan sa mga kuwento sa Josue 1–4; 6 (tingnan din sa “Ang Propetang si Josue” at “Si Rahab at ang mga Espiya” sa Mga Kuwento sa Lumang Tipan), at ipatukoy sa mga bata kung paano nagpakita ng tapang at lakas ang mga tao sa mga kuwentong ito.

  • Anyayahan ang mga bata na magbahagi tungkol sa isang taong kilala nila na malakas at matapang para kay Jesucristo. Hikayatin silang isulat ang isang bagay na gusto nilang gawin upang maging mas malakas at matapang para kay Cristo.

Josue 1:8

Maaari kong pagnilayan sa araw at gabi ang mga banal na kasulatan.

Ang isang paraan na tinulungan ng Panginoon si Josue sa mga hamong nakaharap niya ay sa paghihikayat sa kanya na “pagbulay-bulayan” ang mga banal na kasulatan sa “araw at gabi.” Paano kaya mapagpapala ng payong ito ang mga batang tinuturuan mo?

Mga Posibleng Aktibidad

  • Ipasulat sa mga bata kung ilang oras ang iniuukol nila sa karaniwang araw sa iba-ibang aktibidad. Pagkatapos ay ipabasa sa kanila ang Josue 1:8, na inaalam ang isang bagay na kailangan nating lahat na gawin sa araw-araw at gabi. Ipahanap sa kanila ang mga salita at kataga sa talatang ito na nagtuturo sa atin tungkol sa mga pagpapala ng pag-aaral ng mga banal na kasulatan. Paano tayo matutulungan ng pagninilay sa mga banal na kasulatan na magtagumpay sa ibang mga bagay na ginagawa natin sa bawat araw?

  • Ipabasa nang sabay-sabay sa mga bata ang sumusunod na mga banal na kasulatan: Josue 1:8; 1 Nephi 15:23–24; 2 Nephi 31:20; 32:3; Jacob 4:6; Helaman 3:29–30. Ipahanap sa mga bata ang isang salita o kataga sa bawat talata na nagtuturo sa kanila tungkol sa kakayahang pag-aralan ang mga banal na kasulatan. Anong mga mithiin ang maaaring itakda nila sa kanilang personal na pag-aaral ng mga banal na kasulatan?

Josue 24:15

Maaari kong piliing paglingkuran si Jesucristo.

Kabilang sa mga huling salita ni Josue sa mga Israelita ay ang pakiusap na “Piliin ninyo sa araw na ito kung sino ang inyong paglilingkuran.” Isipin kung paano rin mapagpapala ng payo na ito ang mga batang tinuturuan mo.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Anyayahan ang mga bata na gumawa ng isang poster gamit ang ilan sa mahahalagang salita at kataga sa Josue 24:15. Ipabahagi sa kanila ang kanilang mga poster at ipaliwanag kung bakit nila pinili ang mga salitang iyon. Paano natin maipakikita sa Diyos na pinili nating maglingkod sa Kanya?

  • Anyayahan ang mga bata na magmungkahi ng mga sitwasyon kung saan maaaring kailangan silang magpasiya na piliin ang Diyos sa halip na iba pang mga bagay. Sabihin sa kanila na pag-isipan ang gagawin nila. Bakit mahalaga na “pumili … sa araw na ito” sa halip na hintaying dumating ang isang sitwasyon? Paano tayo pagpapalain kapag tama ang pinipili natin?

icon ng pag-aaral

Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan

Papiliin ang mga bata ng isang bagay na binanggit mo na gusto nilang ibahagi sa kanilang pamilya. Hikayatin silang mag-isip ng isang paraan na maibabahagi nila ito sa darating na linggo.

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo

Tulungan ang mga bata na maging mas magagaling na mag-aaral. Ang layunin mo sa pagtuturo sa mga bata ay hindi lamang para ibahagi ang katotohanan sa kanila. Dapat mo rin silang tulungang matutong umasa sa sarili sa paghahanap ng katotohanan.