“Mayo 9–15. Mga Bilang 11–14; 20–24: ‘Huwag Lamang Kayong Maghimagsik Laban sa Panginoon, ni Matakot,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: Lumang Tipan 2022 (2021)
“Mayo 9–15. Mga Bilang 11–14; 20–24,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: 2022
Mayo 9–15
Mga Bilang 11–14; 20–24
“Huwag Lamang Kayong Maghimagsik Laban sa Panginoon, ni Matakot”
Ang outline na ito ay hindi nilayong maging isang iskrip. Sa halip, gamitin ito para makakuha ng mga ideya at inspirasyon sa pag-aaral ng mga aktibidad na magpapala sa mga bata sa iyong klase.
Itala ang Iyong mga Impresyon
Mag-anyayang Magbahagi
Ipakita sa mga bata ang isa sa mga larawan na nasa outline na ito o sa outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya. Hayaang ibahagi nila sa iyo ang anumang bagay na alam nila tungkol sa nangyayari sa larawan.
Ituro ang Doktrina: Mas Maliliit na Bata
Maaari akong magpasalamat sa ibinigay sa akin ng Diyos.
Kahit nakagawa ng magagandang bagay ang Panginoon para sa mga anak ni Israel, madalas silang magtuon ng pansin noon sa bagay na wala sa kanila. Tulungan ang mga bata na matutong pasalamatan ang ibinigay ng Diyos sa kanila.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Itanong sa mga bata kung naaalala nila ang ilan sa mga himalang ginawa ng Panginoon para pagpalain ang mga Israelita sa ilang. (Kung kailangan ng tulong ng mga bata, ipakita sa kanila ang mga larawan mula sa outline ng Abril 4–10 sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya; tingnan din sa Exodo 14:21–22; 15:23–25; 16:4.) Pagkatapos ay ibuod para sa kanila ang Mga Bilang 11:4–10, na binibigyang-diin na hindi masaya ang Panginoon dahil nagrereklamo noon ang mga Israelita. Tulungan ang mga bata na mag-isip ng mga paraan na maipapakita nila ang pasasalamat sa Panginoon.
-
Sama-samang kantahin ang isang awitin tungkol sa pasasalamat, tulad ng “Mga Pagpapala ay Bilangin” (Mga Himno, blg. 147). Magpadrowing sa bawat bata ng mga larawan ng mga pagpapalang ibinigay ng Panginoon sa kanila o sa kanilang pamilya. Hikayatin silang pag-isipan o tingnan ang kanilang larawan sa tuwing natutukso silang magreklamo tungkol sa isang bagay na wala sa kanila.
Ang pananampalataya ay makakatulong sa akin na huwag matakot.
Nang magpadala si Moises ng 12 kalalakihan upang alamin ang tungkol sa lupang pangako, 10 sa kanila ang bumalik na natatakot dahil sa mga makapangyarihang tao na nakatira doon. Ang dalawa sa kanila, sina Caleb at Josue, ay hindi natakot, dahil may pananampalataya sila sa Panginoon.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Gumamit ng mga larawan o drowing ng mga ubas, pulot-pukyutan, mga higante, at tipaklong at ikuwento sa mga bata ang tungkol sa 12 kalalakihang ipinadala ni Moises upang tuklasin ang lupang pangako (tingnan sa Mga Bilang 13:17–33; tingnan din sa “Apatnapung Taon sa Ilang” sa Mga Kuwento sa Lumang Tipan). Ipaliwanag na marami silang nakitang prutas at iba pang pagkain (anyayahan ang mga bata na magkunwaring kumakain), pero natakot din sila dahil malalaki at malalakas ang mga tao (anyayahan ang mga bata na magkunwaring takot). Magpakita ng larawan ni Jesus, at ituro na ang dalawang Israelita, sina Caleb at Josue, ay hindi natakot dahil sumampalataya sila kay Jesucristo.
-
Basahin ang Mga Bilang 14:9 sa mga bata, at pag-usapan ang isang pagkakataon na natakot ka ngunit nakatulong ang iyong pananampalataya kay Jesucristo para magkaroon ka ng lakas-ng-loob. Tulungan ang mga bata na mag-isip ng anumang katulad na karanasan na naranasan nila.
Maaari akong tumingin kay Jesucristo.
Tulad ng mga anak ni Israel na pinagaling sa pagtingin sa ahas na tanso, ang mga bata sa iyong klase ay makatatanggap ng kaligtasan sa pamamagitan ng pagbaling sa Tagapagligtas.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Gamit ang pahina ng aktibidad sa linggong ito o ang larawan sa outline sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya, sabihin sa mga bata kung ano ang nangyari nang dumating ang “mababangis na ahas” sa kampo ng mga Israelita (tingnan sa Mga Bilang 21:6–9). Tulungan silang makita kung paanong katulad ni Jesucristo ang ahas na tanso (tingnan sa Juan 3:14–15). Pagkatapos ay hayaang maghalinhinan ang mga bata gamit ang larawan para ikuwento ito sa isa’t isa.
-
Sabihin sa mga bata na ipikit ang kanilang mga mata habang naglalagay ka ng larawan ni Jesus sa isang lugar sa silid. Pagkatapos ay sabihing dumilat na sila, hanapin ang larawan, at tingnan ito. Hayaang maghalinhinan sila sa paglalagay ng larawan. Sa tuwing makikita ng mga bata ang larawan, tulungan silang mag-isip ng isang bagay na magagawa nila para bumaling sila sa Tagapagligtas.
Ituro ang Doktrina: Mas Nakatatandang mga Bata
Nais ng Panginoon na sundin ko ang Kanyang mga propeta.
Ang Mga Bilang 12 ay naglalaman ng ilang mahahalagang aral na makatutulong sa mga bata kapag narinig nilang sinasabi ng mga tao ang masasakit na bagay tungkol sa propeta ng Panginoon o sa iba pang mga lider ng Simbahan.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Sabihin sa mga bata na sa isang pagkakataon, ang Panginoon ay hindi nasiyahan kina Aaron at Miriam, na mga kapatid ni Moises. Anyayahan silang basahin ang Mga Bilang 12:1–2 para malaman. Ayon sa mga talata 5–8, ano ang nadama ng Panginoon tungkol kina Aaron at Miriam na nagsasalita laban sa Kanyang propeta?
-
Tulungan ang mga bata na mag-isip ng mga halimbawa ng mga tao sa mga banal na kasulatan na sumunod sa propeta at pinagpala (halimbawa, tingnan sa Genesis 7:7; 1 Nephi 3:7). Ano ang ilan sa mga bagay na itinuro sa atin ng ating buhay na propeta? Paano tayo pinagpapala kapag sinusunod natin ang kanyang mga turo?
Si Jesucristo ay may kapangyarihang pagalingin ako sa espirituwal.
Maraming Israelita ang namatay dahil wala silang pananampalataya na pagagalingin sila ng Panginoon kung titingin sila sa ahas na tanso (tingnan sa Alma 33:18–20). Paano mo matutulungan ang mga batang tinuturuan mo na manampalataya sa nakapagliligtas na kapangyarihan ni Jesucristo?
Mga Posibleng Aktibidad
-
Ipadrowing sa mga bata ang nababasa nila sa Mga Bilang 21:4–9. Hayaang gamitin nila ang kanilang mga larawan para ikuwento ito. Papiliin ang bawat bata ng isa sa sumusunod na mga talata at ipabahagi kung ano ang idinaragdag nito sa ating pang-unawa sa kuwento: Juan 3:14–15; 1 Nephi 17:41; Alma 33:18–20; Helaman 8:13–15; Doktrina at mga Tpan 6:36.
-
Isulat sa pisara ang isang tanong na tulad ng Ano ang magagawa natin para “tumingin sa anak ng Diyos na may pananampalataya”? (Helaman 8:15. Bigyan ng papel ang bawat bata, at ipasulat sa kanila ang lahat ng maiisip nilang sagot sa tanong. Kolektahin ang mga papel, basahin nang malakas ang ilang sagot, at ipatalakay sa mga bata kung paano makatutulong sa atin ang paggawa sa mga bagay na ito kapag kailangan natin ang nakapagpapagaling na kapangyarihan ng Tagapagligtas.
Maaari kong sundin ang kalooban ng Diyos, kahit sinasabihan ako ng iba na huwag gawin ito.
Tinangka ni Balak na hikayatin si Balaam na isumpa ang mga Israelita, ngunit alam ni Balaam na salungat ito sa kalooban ng Diyos. Matutulungan ng halimbawa ni Balaam ang mga bata kapag may pumipilit sa kanilang suwayin ang Diyos.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Ibuod ang Mga Bilang 22:1–18 para sa mga bata, na binibigyang-diin kung paano tumanggi si Balaam na isumpa ang mga tao ng Diyos, bagaman nag-alok si Balak, na hari ng Moab, na bigyan siya ng karangalan at kayamanan. Sabihin sa mga bata na saliksikin ang sumusunod na mga talata para sa mga kataga na nadarama nilang nagpapakita sa determinasyon ni Balaam na sundin ang Diyos: Mga Bilang 22:18; 23:26; 24:13. Papiliin ang mga bata ng isang pariralang gusto nila at isulat ito sa isang kard para tulungan silang maalalang sundin ang Panginoon.
-
Kausapin ang mga bata tungkol sa mga sitwasyon na maaari silang hikayatin ng mga kaibigan o ng ibang tao na gawin ang isang bagay na mali, tulad ng ginawa ni Balak kay Balaam. Paano nakatulong ang katapatan ni Balaam sa Panginoon na mapaglabanan ang pamimilit ni Balak? Anyayahan ang mga bata na magpraktis sa pagtugon sa mga sitwasyong ito gamit ang mga salitang tulad ng kay Balaam.
Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan
Anyayahan ang mga bata na magbahagi ng isang bagay sa kanilang pamilya, tulad ng larawan, isang talata, o isang awitin, na nagpapakita ng natutuhan nila sa Primary.