“Mayo 9–15. Mga Bilang 11–14; 20–24: ‘Huwag Lamang Kayong Maghimagsik Laban sa Panginoon, ni Matakot,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: Lumang Tipan 2022 (2021)
“Mayo 9–15. Mga Bilang 11–14; 20–24,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: 2022
Mayo 9–15
Mga Bilang 11–14; 20–24
“Huwag Lamang Kayong Maghimagsik Laban sa Panginoon, ni Matakot”
Ang outline na ito ay nagtatampok ng ilan sa mahahalagang alituntunin sa aklat ng Mga Bilang. Maging bukas din sa iba pa na maaaring ipakita sa iyo ng Espiritu.
Itala ang Iyong mga Impresyon
Kahit kung maglalakad lang, karaniwang aabutin ng 40 taon ang paglalakbay mula sa ilang ng Sinai patungo sa lupang pangako sa Canaan. Ngunit gayon katagal ang panahong kailangan ng mga anak ni Israel, hindi para lakbayin ang pisikal na distansya ng lugar kundi para lakbayin ang espirituwal na distansya: ang distansya sa pagitan ng kung sino sila noon at kung sino ang nais ng Panginoon na kahinatnan nila bilang Kanyang mga tao ng tipan.
Inilarawan sa aklat ng Mga Bilang ang ilan sa mga nangyari sa loob ng 40 taon na iyon, kabilang na ang mga aral na kailangang matutuhan ng mga anak ni Israel bago makapasok sa lupang pangako. Natutuhan nila na maging tapat sa mga piling lingkod ng Panginoon (tingnan sa Mga Bilang 12). Natutuhan nila ang tungkol sa pagtitiwala sa kapangyarihan ng Panginoon, kahit tila walang pag-asa ang hinaharap (tingnan sa Mga Bilang 13–14). At natutuhan nila na ang kawalan ng pananampalataya o kawalan ng tiwala ay nagdudulot ng espirituwal na kapahamakan, ngunit maaari silang magsisi at umasa sa Tagapagligtas para sa paggaling (tingnan sa Mga Bilang 21:4–9).
Tayong lahat ay katulad ng mga Israelita sa ilang paraan. Alam nating lahat kung ano ang pakiramdam ng nasa espirituwal na ilang, at ang mga aral na natutuhan nila ay makatutulong sa atin para maghanda sa pagpasok sa ating sariling lupang pangako: ang buhay na walang-hanggan sa piling ng ating Ama sa Langit.
Para sa buod ng aklat ng Mga Bilang, tingnan sa “Mga Bilang” sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan.
Mga Ideya para sa Personal na Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan
Mga Bilang 11:11–17, 24–29; 12
Ang paghahayag ay para sa lahat, ngunit ginagabayan ng Diyos ang Kanyang Simbahan sa pamamagitan ng Kanyang propeta.
Sa Mga Bilang 11:11–17, 24–29, pansinin ang problemang kinaharap ni Moises at ang solusyon na iminungkahi ng Diyos. Ano sa palagay mo ang ibig sabihin ni Moises nang sabihin niyang gusto niyang “mangyari nawa na ang buong bayan ng Panginoon ay maging propeta”? (talata 29). Habang pinagninilayan mo ang mga talatang ito, pag-isipan ang mga salitang ito ni Pangulong Russell M. Nelson: “Gusto ba talaga ng Diyos na makipag-usap sa iyo? Oo! … Napakarami pang bagay na nais ng Ama sa Langit na malaman ninyo” (“Paghahayag para sa Simbahan, Paghahayag para sa Ating Buhay,” Liahona, Mayo 2018, 95).
Gayunman, ang pagsasabi na ang lahat ay maaaring maging propeta ay hindi nangangahulugang maaari silang lahat na mamuno sa mga tao ng Diyos sa paraan ng pamumuno noon ni Moises. Ang pangyayaring nakatala sa Mga Bilang 12 ay nagbibigay-linaw dito. Habang binabasa mo ang kabanatang ito, anong mga babala ang nakikita mo? Ano sa palagay mo ang nais ng Panginoon na maunawaan mo tungkol sa personal na paghahayag at pagsunod sa propeta?
Tingnan din sa 1 Nephi 10:17; Doktrina at mga Tipan 28:1–7; Dallin H. Oaks, “Dalawang Linya ng Pakikipag-ugnayan,” Liahona, Nob. 2010, 83–86.
Taglay ang pananampalataya sa Panginoon, maaari akong umasa sa hinaharap.
Habang binabasa mo ang Mga Bilang 13–14, sikaping ilagay ang iyong sarili sa lugar ng mga Israelita. Bakit kaya gusto nilang “bumalik sa Egipto”? (Mga Bilang 14:3). Katulad ka ba ng mga taong negatibo tungkol sa pagpasok sa lupang pangako? Paano mo ilalarawan ang ibang “espiritu” na nakay-Caleb noon? (Mga Bilang 14:24). Ano ang hinangaan mo sa pananampalataya nina Caleb at Josue, at paano mo kaya maipamumuhay ang kanilang mga halimbawa sa mga sitwasyong nararanasan mo?
Tingnan din sa Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Gordon B. Hinckley (2016), 78–79.
Kung aasa ako kay Jesucristo nang may pananampalataya, mapapagaling Niya ako sa espirituwal.
Alam ng mga propeta sa Aklat ni Mormon ang kuwentong nakatala sa Mga Bilang 21:4–9 at naunawaan ang espirituwal na kahalagahan nito. Ano ang idinaragdag ng 1 Nephi 17:40–41; Alma 33:18–22; at Helaman 8:13–15 sa pagkaunawa mo sa kuwentong ito? Habang pinag-aaralan mo ang mga talatang ito, isipin ang espirituwal na pagpapagaling na inaasahan mong darating sa iyo. Kinailangan ng mga Israelita na “tumingin sa ahas na tanso” (Mga Bilang 21:9) para mapagaling. Ano ang nadama mo na dapat mong gawin nang mas lubusan para “tumingin sa anak ng Diyos na may pananampalataya”? (Helaman 8:15).
Tingnan din sa Juan 3:14–15; Doktrina at mga Tipan 6:36; Dale G. Renlund, “Mananagana sa mga Pagpapala,” Liahona, Mayo 2019, 70–73.
Maaari kong sundin ang kalooban ng Diyos, kahit sinisikap ng iba na hikayatin akong huwag gawin iyon.
Nang nalaman ni Balak, na hari ng Moab, na paparating na ang mga Israelita, tinawag niya si Balaam, isang lalaking kilala sa pagbibigay ng mga pagpapala at mga sumpa. Gusto ni Balak na pahinain nito ang mga Israelita sa pamamagitan ng pagsumpa sa kanila. Pansinin kung paano tinangkang hikayatin ni Balak si Balaam (tingnan sa Mga Bilang 22:5–7, 15–17), at isipin ang mga tuksong nakakaharap mo para kalabanin ang kalooban ng Diyos. Ano ang hinangaan mo sa mga sagot ni Balaam sa Mga Bilang 22:18, 38; 23:8, 12, 26; 24:13?
Nakalulungkot na, tila nagpatangay na si Balaam kalaunan sa pamimilit at nagtaksil sa Israel (tingnan sa Mga Bilang 31:16; Judas 1:11). Pag-isipang mabuti kung paano ka mananatiling tapat sa Panginoon sa kabila ng pamimilit ng iba.
Mga Ideya para sa Pag-aaral ng Banal na Kasulatan ng Pamilya at Home Evening
-
Mga Bilang 11:4–6.Ang ating pag-uugali ba ay katulad ng saloobin na ipinakita ng mga Israelita sa Mga Bilang 11:4–6? Paano maaaring makatulong ang payo sa Doktrina at mga Tipan 59:15–21?
-
Mga Bilang 12:3.Paano ipinakita ni Moises na siya ay “lubhang maamo” sa Mga Bilang 12 o sa iba pang mga talata sa banal na kasulatan na nabasa mo? Maaari mong repasuhin ang paliwanag ni Elder David A. Bednar tungkol sa kaamuan sa kanyang mensahe na “Maamo at May Mapagpakumbabang Puso” (Liahona, Mayo 2018, 30–33) o “Maamo, Kaamuan” sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan (scriptures.ChurchofJesusChrist.org). Ano ang natututuhan natin sa kung paano tayo magiging mas maamo o mababa ang kalooban? Anong mga pagpapala ang darating kapag ginawa natin ito?
-
Mga Bilang 13–14.Dalawa (o higit pa na) mga miyembro ng inyong pamilya ang maaaring magkunwaring “espiya” o lihim na magsiyasat (Mga Bilang 13:17) sa ibang bahagi ng iyong tahanan na parang ito ang lupang pangako. Sa gayon ay makapagbibigay sila ng report batay sa Mga Bilang 13:27–33 o sa Mga Bilang 14:6–9. Ano ang natututuhan natin tungkol sa pananampalataya mula sa dalawang magkaibang mga report sa mga talatang ito? Paano tayo magiging mas katulad nina Caleb at Josue?
-
Mga Bilang 21:4–9.Matapos basahin ang Mga Bilang 21:4–9, kasama ang 1 Nephi 17:40–41; Alma 33:18–22; at Helaman 8:13–15, maaaring gumawa ang inyong pamilya ng isang ahas na yari sa papel o luad at isulat dito o sa papel ang ilang mga simpleng bagay na magagawa ninyo para “tumingin sa anak ng Diyos nang may pananampalataya” (Helaman 8:15).
Para sa iba pang mga ideya sa pagtuturo sa mga bata, tingnan sa outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary.
Iminumungkahing awitin: “Jesus, ang Inyong Alaala,” Mga Himno, blg. 83.