Lumang Tipan 2022
Mayo 23–29. Josue 1–8; 23–24: “Ikaw ay Magpakalakas at Magpakatapang na Mabuti”


“Mayo 23–29. Josue 1–8; 23–24: ‘Ikaw ay Magpakalakas at Magpakatapang na Mabuti,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: Lumang Tipan 2022 (2021)

“Mayo 23–29. Josue 1–8; 23–24,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: 2022

Inoorden ni Moises si Josue

Paglalarawan ng pag-orden ni Moises kay Josue, ni Darrell Thomas

Mayo 23–29

Josue 1–8; 23–24

“Ikaw ay Magpakalakas at Magpakatapang na Mabuti”

Habang pinag-aaralan mo ang aklat ni Josue, isipin kung paano mapapalakas ng mga bagay na natututuhan mo tungkol sa mga Israelita ang iyong pananampalataya kay Jesucristo.

Itala ang Iyong mga Impresyon

Ilang henerasyon ang lumipas, ngunit ang pangako ng Panginoon ay matutupad pa lamang: malapit nang manahin ng mga anak ni Israel ang lupang pangako. Subalit sa kanilang daan ay nakaharang ang Ilog Jordan, ang mga pader ng Jerico, at masasama ngunit malalakas na tao na tumalikod sa Panginoon (tingnan sa 1 Nephi 17:35). Bilang karagdagan, wala na ang pinakamamahal nilang pinunong si Moises. Maaaring dahil sa sitwasyon ay nanghina at natakot ang ilang Israelita, ngunit sinabi ng Panginoon, “Magpakalakas at magpakatapang na mabuti.” Bakit ganito ang dapat na madama nila? Hindi nila dapat madama ito dahil sa sarili nilang lakas—o sa lakas ni Moises o ni Josue—kundi dahil “ang Panginoon mong Dios ay kasama mo saan ka man pumaroon” (Josue 1:9). Kapag mayroon tayong mga ilog na tatawirin at pader na pababagsakin, maaaring mangyari ang magagandang bagay sa ating buhay, dahil “gagawa ng mga kababalaghan ang Panginoon sa [atin]” (Josue 3:5).

Para sa buod ng aklat ni Josue, tingnan sa “Josue, aklat ni” sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan.

Learn More image
icon ng personal na pag-aaral

Mga Ideya para sa Personal na Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan

Josue 1:1–9

Makakasama ko ang Diyos kung tapat ako sa Kanya.

Isipin kung ano kaya ang pakiramdam ni Josue noong tinawag siyang maging kapalit ni Moises. Pansinin ang sinabi ng Panginoon sa Josue 1:1–9 upang mahikayat siya. Isipin ang mahihirap na pagsubok na nakakaharap mo; ano sa mga talatang ito ang nagbibigay sa iyo ng lakas-ng-loob?

Maaaring nakatutuwang isipin na ang ibig sabihin ng pangalan na Josue (Yehoshua o Yeshua sa Hebreo) ay “nagliligtas si Jehova.” At ang pangalang Jesus ay mula sa Yeshua. Kaya habang binabasa mo ang tungkol kay Josue, isipin kung paano ipinapaalala sa iyo ng kanyang misyon na akayin ang mga anak ni Israel patungo sa lupang pangako ang misyon ng Tagapagligtas.

Tingnan din sa Ann M. Dibb, “Magpakatapang na Mabuti,” Liahona, Mayo 2010, 114–16.

Josue 2

Kailangan kapwa ang pananampalataya at mga gawa sa kaligtasan.

Nakita ng mga naunang Kristiyano si Rahab bilang halimbawa ng lakas kapwa ng pananampalataya at mga gawa (tingnan sa Mga Hebreo 11:31; Santiago 2:25). Habang binabasa mo ang Josue 2, isipin ang papel ng pananampalataya at mga gawa ni Rahab sa pagliligtas sa kanyang sarili, sa kanyang pamilya, at sa mga Israelita. Ano ang itinuturo nito sa iyo kung paano maaaring impluwensyahan ng iyong pananampalataya kay Cristo at ng iyong mga gawa ang iyong sarili at ang ibang tao?

Maaaring interesado kang malaman na si Rahab ang ninuno ni Haring David at ni Jesucristo (tingnan sa Mateo 1:5). Anong mga aral ang maaari nating matutuhan mula rito?

Rahab

Si Rahab sa kanyang bintana. Naghihintay sa Pangako, ni Elspeth Young.

Josue 3–4

Maaari kong maranasan ang “mga kababalaghan” ng Diyos kung sumasampalataya ako kay Jesucristo.

Nais ng Panginoon na “makilala ng lahat ng mga bayan sa lupa na makapangyarihan ang kamay ng Panginoon” (Josue 4:24). Habang binabasa mo ang Josue 3–4, pagnilayan kung paano mo nalalaman na ang kamay ng Panginoon ay makapangyarihan. Paano nakagawa ang Panginoon ng “mga kababalaghan” sa iyong buhay? (Josue 3:5). Paano mo mararanasan—o makikilala—ang mga kababalaghang iyon nang mas madalas? (halimbawa, tingnan sa Josue 3:17).

Sa iyong palagay, bakit kinailangan ng mga Israelita na pabanalin ang kanilang sarili bago sila tumawid sa Ilog Jordan? Anong kabuluhan ang nakikita mo sa katotohanan na ang ilog ay nahati lamang matapos na “ang mga talampakan ng mga paa ng mga pari … ay tumuntong sa tubig”? (Josue 3:13, 15).

Para sa iba pang mahahalagang pangyayari na naganap sa Ilog Jordan, tingnan sa 2 Mga Hari 2:6–15; 5:1–14; at Marcos 1:9–11. Habang pinagninilayan mo ang mga banal na kasulatang ito, ano ang mga kaugnayan na nakikita mo sa pagitan ng mga pangyayaring ito?

Tingnan din sa Gérald Caussé, “Kamangha-mangha Pa Rin ba Ito sa Iyo?Liahona, Mayo 2015, 98–100; “Exercise Faith in Christ” (video), ChurchofJesusChrist.org.

1:51

Josue 6–8

Ang pagsunod ay naghahatid ng kapangyarihan ng Diyos sa buhay ko.

Ang mga kabanatang ito ay tungkol sa mga digmaan hinggil sa mga lupain ng Jerico at Ai. Habang binabasa mo ang mga ito, isipin kung paano mo dapat labanan ang tukso sa sarili mong buhay (halimbawa, tingnan sa Josue 7:10–13). Ano ang natutuhan mo tungkol sa kung paano ka matutulungan ng Diyos at ano ang kailangan mong gawin para ma-access ang Kanyang kapangyarihan? Halimbawa, ano ang natatak sa isipan mo tungkol sa mga tagubilin ng Panginoon sa pagkontrol sa Jerico? (tingnan sa Josue 6:1–5). Marahil bibigyang-inspirasyon ka ng salaysay sa Josue 7 na magpasiya kung “may mga itinalagang bagay” sa buhay mo na kailangan mong alisin (Josue 7:13).

Josue 23–24

“Humawak kayo sa Panginoon ninyong Diyos.”

Matapos hatiin ang lupang pangako sa labindalawang lipi ni Israel (tingnan sa Josue 13–21), ibinigay sa kanila ni Josue ang kanyang huling mga turo. Habang binabasa mo ang mga turong ito sa Josue 23–24, maaari mong ilista ang mga babala, payo, at ipinangakong mga pagpapalang matatagpuan mo. Sa pagsasaalang-alang sa lahat ng naranasan ng mga Israelita, bakit kaya pinili ni Josue na sabihin sa kanila ang mga bagay na ito sa huling sandali ng kanyang buhay? Ano ang nakikita mo na nakakahikayat sa iyo na “humawak sa Panginoon”? (Josue 23:8).

icon ng pag-aaral ng pamilya

Mga Ideya para sa Pag-aaral ng Banal na Kasulatan ng Pamilya at Home Evening

Josue 1:8.Ano ang iminumungkahi ng talatang ito tungkol sa kung paano ang dapat na paraan natin ng pag-aaral ng mga banal na kasulatan, kapwa nang mag-isa at bilang isang pamilya? Paano ginawa ng mga banal na kasulatan na “paginhawahin ang iyong lakad” at “magtamo ka ng tagumpay”?

Josue 4:3, 6–9.Matapos basahin ang nais noon ng Panginoon na gawin ng mga Israelita sa mga bato mula sa Ilog Jordan, maaaring pag-usapan ng inyong pamilya ang ilan sa mga dakilang bagay na ginawa ng Panginoon para sa inyo. Pagkatapos ay maaari ninyong bigyan ng bato ang bawat miyembro ng pamilya at ipasulat o ipadrowing sa kanila ang isang bagay na ginawa ng Panginoon para sa kanila.

Josue 6:2–5.Maaaring masayang isadula ng iyong pamilya ang mga tagubiling ibinigay ng Panginoon sa mga Israelita para sakupin ang Jerico. Ano kaya ang nais ng Panginoon na matutuhan natin mula sa kuwentong ito?

Josue 24:15.Matapos basahin ang talatang ito, maaaring magbahagi ng mga karanasan ang mga miyembro ng pamilya kung saan pinili nilang maglingkod sa Panginoon kahit mahirap itong gawin. Bakit mahalagang piliing maglingkod sa Kanya “sa araw na ito” sa halip na hintaying magpasiya kapag may nangyayari na? Paano natin masusuportahan ang mga miyembro ng ating “bahay” habang sinisikap nating “paglingkuran ang Panginoon”?

Para sa iba pang mga ideya sa pagtuturo sa mga bata, tingnan ang outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary.

Iminumungkahing awit: “Piliin ang Tama,” Mga Himno, blg. 145.

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo

Ibahagi nang madalas ang iyong patotoo. Ang iyong tapat na patotoo sa katotohanan ay maaaring makaimpluwensya nang malaki sa iyong pamilya. Hindi ito kailangang maging maganda o mahaba. Napakalakas ng patotoo kapag ibinahagi ito nang tapat at taos-puso. (Tingnan sa Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas 11.)

Pagbagsak ng mga Pader ng Jerico

Itinulot ng Panginoon na bumagsak ang mga pader ng Jerico. © Providence Collection/lisensyado mula sa goodsalt.com