“Mayo 30–Hunyo 5. Mga Hukom 2–4; 6–8; 13–16: ‘Ang Panginoon ay Nagbangon ng Isang Tagapagligtas,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: Lumang Tipan 2022 (2021)
“Mayo 30–Hunyo 5. Mga Hukom 2–4; 6–8; 13–16,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: 2022
Mayo 30–Hunyo 5
Mga Hukom 2–4; 6–8; 13–16
“Ang Panginoon ay Nagbangon ng Isang Tagapagligtas”
Pinatototohanan ng mga banal na kasulatan si Jesucristo. Pagnilayan kung paanong nakatulong sa iyo ang mga kuwentong nabasa mo sa Mga Hukom upang ikaw ay mas mapalapit sa Kanya.
Itala ang Iyong mga Impresyon
Alam nating lahat kung ano ang pakiramdam ng nagkakamali, malungkot dahil dito, at pagkatapos ay magsisi at magpasiyang baguhin ang ating mga gawi. Ngunit sa ilang pagkakataon nalilimutan natin ang naunang pasiya natin, at, kapag nahaharap tayo sa tukso, maaari nating makita na ginagawa nating muli ang pagkakamaling iyon. Ang nakalulungkot na paulit-ulit na gawaing ito ay karaniwang bahagi ng mga karanasan ng mga Israelita na inilarawan sa aklat ng Mga Hukom. Dahil naimpluwensyahan ng mga paniniwala at nakaugaliang pagsamba ng mga Cananeo—na dapat sana ay itinaboy nila palabas ng lupain–nilabag ng mga Israelita ang kanilang mga tipan sa Panginoon at tumalikod sa pagsamba sa Kanya. Bilang resulta, nawala sa kanila ang Kanyang proteksyon at nabihag sila. Subalit sa tuwing mangyayari ito, binibigyan sila noon ng Panginoon ng pagkakataong magsisi at nagbangon ng isang tagapagligtas, isang pinuno ng militar na tinatawag na “hukom.” Hindi lahat ng mga hukom sa aklat ng Mga Hukom ay mabubuti, ngunit ang ilan sa kanila ay nagpakita ng malaking pananampalataya sa pagliligtas sa mga anak ni Israel at pagbabalik sa kanila sa pakikipagtipan sa Panginoon. Ipinapaalala sa atin ng mga kuwentong ito na anuman ang naglalayo sa atin kay Jesucristo, Siya ang Manunubos ng Israel at laging handang iligtas at tanggapin tayo pabalik sa Kanya.
Para sa buod ng aklat ng Mga Hukom, tingnan sa “Mga Hukom, aklat ng” sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan.
Mga Ideya para sa Personal na Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan
Ang Panginoon ay nag-aalok ng kaligtasan kapag ako ay naliligaw ng landas.
Ang aklat ng Mga Hukom ay maaaring magsilbing babala sa atin: kahit matapos nating maranasan ang kapangyarihan ng Panginoon sa ating buhay, laging posible ang maligaw ng landas. Ang aklat ay maaari ding makahikayat sa mga naligaw ng landas, dahil ang Panginoon ay may alok na paraan para makabalik. Halimbawa, habang binabasa mo ang Mga Hukom 2:1–19, humanap ng mga hakbang na naglayo sa mga Israelita sa Panginoon at paano sila iniligtas ng Panginoon. Ano ang itinuturo ng mga talatang ito sa iyo tungkol sa Panginoon? Ano ang magagawa mo para manatiling mas matapat sa Kanya sa tuwina?
Makikita ninyo ang paulit-ulit na pagrerebelde, kapighatian, at kaligtasan sa buong aklat ng Mga Hukom (tingnan lalo na ang mga kabanata 3, 4, 6, at 13). Habang binabasa mo ang aklat ng Mga Hukom, pagnilayan ang ginawa ng mga hukom upang iligtas ang Israel at paano ka tinutulungan ng Tagapagligtas kapag kailangan mo ng kaligtasan.
Ang isang napakagandang halimbawa ng isang taong tumulong sa pagliligtas ng Israel ay si Debora. Basahin ang tungkol sa kanya sa Mga Hukom 4:1–16, at pansinin ang kanyang naging impluwensya sa mga tao sa kanyang paligid. Anong mga salita o hakbang ni Debora ang nagpapakita sa iyo na sumasampalataya siya sa Panginoon? Ano sa palagay mo ang ibig sabihin ni Debora sa kanyang tanong sa talata 14: “Hindi ba lumabas ang Panginoon sa harap mo?”
Tingnan din sa Alma 7:13; Doktrina at mga Tipan 84:87–88.
Sino sina Baal at Astarte?
Si Baal ay ang diyus-diyusan ng mga Cananeo ukol sa bagyo, at si Astarte ang diyosa ng mga Cananeo ukol sa pagiging mayabong. Ang pagsamba sa dalawang diyus-diyusan na ito ay nagsasaad kung gaano kahalaga sa mga Cananeo ang pagyabong ng lupain at ng mga tao. Ang mga paraan ng pagsamba ng mga tao sa mga ito at iba pang mga huwad na diyos—kabilang, kung minsan, ang imoralidad sa pakikipagtalik at pag-aalay ng mga bata—ay talagang karumal-dumal sa Panginoon.
Ang Panginoon ay makagagawa ng mga himala kapag nagtitiwala ako sa Kanyang mga paraan.
Para matanggap ang mga himala ng Panginoon sa ating buhay, kailangan tayong magtiwala sa Kanyang mga paraan, kahit tila hindi pangkaraniwan ang Kanyang mga paraan. Ang kuwento tungkol kay Gideon, na nasa Mga Hukom 6–8, ay isang mabuting halimbawa nito. Paano gumawa ng isang himala ang Panginoon nang ang hukbo ng mga Midianita ay tinalo ng hukbo ni Gideon? Ano sa palagay mo ang sinisikap na ituro sa iyo ng Panginoon? Paano mo nakita na ginawa ng Panginoon ang Kanyang gawain sa mga paraang tila hindi kapani-paniwala?
Tingnan din sa Russell M. Nelson, “With God Nothing Shall Be Impossible,” Ensign, Mayo 1988, 33–35.
Ang lakas ay nagmumula sa katapatan sa aking mga tipan sa Diyos.
Nawala kay Samson kapwa ang kanyang pisikal at espirituwal na lakas dahil nilabag niya ang kanyang mga tipan sa Diyos, pati na ang mga ukol sa mga Nazirita (para sa impormasyon tungkol sa Nazirita, tingnan sa Mga Bilang 6:1–6; Mga Hukom 13:7). Habang binabasa mo ang kuwento ni Samson sa Mga Hukom 13–16, pagnilayan ang bawat tipan na ginawa mo. Paano ka nabiyayaan ng lakas dahil tinupad mo ang mga tipang iyon? Ano ang natutuhan mo mula sa kuwento ni Samson na nakahihikayat sa iyo na manatiling tapat sa iyong mga tipan sa Diyos?
Mga Ideya para sa Pag-aaral ng Banal na Kasulatan ng Pamilya at Home Evening
-
Mga Hukom 2:10.Matapos mamatay si Josue, ang sumunod na henerasyon ng mga Israelita ay “hindi kilala ang Panginoon.” Kausapin ang iyong pamilya tungkol sa kung paano nila nakikilala ang Panginoon at “ang mga gawang nagawa niya” para sa kanila. Paano mo matitiyak na mapepreserba ang kaalamang ito para sa darating na mga henerasyon?
-
Mga Hukom 3:7–10.Ibinubuod ng mga talatang ito ang isang paulit-ulit na pangyayari sa buong aklat ng Mga Hukom. Habang binabasa ng mga miyembro ng inyong pamilya ang mga talatang ito, maaari nilang tukuyin ang ginawa ng Israel para lumayo sa Panginoon at kung ano ang ginawa ng Panginoon para iligtas sila. Ano ang maaaring umakay sa atin para makalimutan ang Panginoon? Paano Niya tayo maililigtas? Paano tayo magiging mas palagiang tapat sa Kanya?
-
Mga Hukom 6:13–16, 25–30.Nagpakita ng matinding katapangan si Gideon sa pagsunod sa Panginoon, kahit hindi tanyag ang kanyang mga kilos. Ano ang iniutos ng Panginoon na gawin natin na maaaring hindi sang-ayunan ng iba? Paano tayo mahihikayat ng mga salita ng Panginoon kay Gideon sa mga talata 13–16 na gawin ang tama?
-
Mga Hukom 7.Puwede ba kayong gumamit ng dula-dulaan o iba pang malikhaing aktibidad para matulungan ang inyong pamilya na matuto mula sa karanasan ng hukbo ni Gideon na inilarawan sa kabanatang ito? Paano maiaangkop ang mga salita ng Panginoon sa kabanatang ito (tingnan, halimbawa, ang mga talata 2 at 15) sa ating buhay?
-
Mga Hukom 13:5.Ang mga tipan ni Samson sa Panginoon ay nagbigay sa kanya ng lakas, tulad ng pagbibigay sa atin ng lakas ng ating mga tipan. Maaaring masiyahan ang inyong pamilya sa paggawa ng pisikal na ehersisyo at pagtalakay kung paano makakatulong ang mga ehersisyong iyon para maging malakas tayo. Ano ang magagawa natin para matulungan tayo na maging mas malakas sa espirituwal? Para sa ilang ideya, maaaring basahin ng mga miyembro ng pamilya ang Mosias 18:8–10; Doktrina at mga Tipan 20:77, 79. Paano nagbibigay sa atin ng espirituwal na lakas ang pagtupad sa ating mga tipan?
Para sa iba pang mga ideya sa pagtuturo sa mga bata, tingnan sa outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary.
Iminumungkahing awitin: “Manunubos ng Israel,” Mga Himno, blg. 5.