“Hunyo 6–12. Ruth; I Samuel 1–3: ‘Nagagalak ang Aking Puso sa Panginoon,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: Lumang Tipan 2022 (2021)
“Hunyo 6–12. Ruth; 1 Samuel 1–3,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: 2022
Hunyo 6–12
Ruth; I Samuel 1–3
“Nagagalak ang Aking Puso sa Panginoon”
Habang pinag-aaralan mo ang buhay nina Ruth, Naomi, Ana, at ng iba pa sa linggong ito, pakinggang mabuti ang Espiritu at itala ang anumang impresyong natatanggap mo. Ano ang nadarama mo na dapat mong gawin?
Itala ang Iyong mga Impresyon
Kung minsan iniisip natin na dapat sundan ng ating buhay ang isang malinaw na landas mula simula hanggang wakas. Tutal, ang pinakamaikling distansya sa pagitan ng dalawang tuldok ay isang tuwid na linya. Gayunman ang buhay ay madalas na puno ng pagkaantala at mga pagliko na nagdadala sa atin sa mga di-inaasahang direksyon. Maaari nating matuklasan na ang buhay natin ay ibang-iba sa inakala nating nararapat.
Talagang naunawaan ito ni Ruth at Ana. Si Ruth ay hindi Israelita, ngunit nag-asawa siya ng Israelita, at nang mamatay ang kanyang asawa, kinailangan niyang magpasiya. Babalik ba siya sa kanyang pamilya at sa kanyang dati, at pamilyar na buhay, o tatanggapin niya ang relihiyon ng mga Israelita at ang bagong tahanan kasama ang kanyang biyenan? (tingnan sa Ruth 1:4–18). Ang plano ni Ana sa kanyang buhay ay magkaanak, at ang kawalan niya ng kakayahan na magkaanak ay iniwan siya “sa kapaitan ng kaluluwa” (tingnan sa 1 Samuel 1:1–10). Habang binabasa mo ang tungkol kina Ruth at Ana, isipin ang laki ng kanilang pananampalataya para ipaubaya ang kanilang buhay sa mga kamay ng Panginoon at maglakbay sa di-inaasahang mga landas. Pagkatapos ay maaari mong isipin ang sarili mong paglalakbay. Kakaiba ito sa kalagayan ng buhay ni Ruth at ni Ana—at ng sinuman. Ngunit sa lahat ng mga pagsubok at sorpresa sa pagitan nito at ng iyong walang-hanggang destinasyon, matututuhan mong sabihin na kasama ni Ana, “Ang aking puso ay nagagalak sa Panginoon” (1 Samuel 2:1).
Para sa buod ng mga aklat ng Ruth at 1 Samuel, tingnan sa “Ruth” at “Samuel, mga aklat ni” sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan.
Mga Ideya para sa Personal na Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan
Maaaring gawin ni Cristo ang trahedya na maging tagumpay.
Nang mamatay ang asawa ni Ruth, nagkaroon ng mga bunga ang trahedya para sa kanya na mas matindi kaysa sa maaaring harapin ng isang balo sa ngayon. Sa kultura ng Israelita noong panahong iyon, ang babae na walang asawa o mga anak na lalaki ay walang karapatan sa ari-arian at halos walang paraan para kumita. Habang binabasa mo ang kuwento ni Ruth, pansinin kung paano naging malaking pagpapala ang trahedya na ito. Ano ang napansin mo kay Ruth na maaaring nakatulong sa kanya? Ano ang papel na ginampanan ni Boaz sa pagtubos kay Ruth mula sa kanyang gipit na kalagayan? (tingnan sa Ruth 4:4–7). Anong mga katangian ni Cristo ang nakikita mo kapwa kina Ruth at Boaz?
Maaari akong magtiwala na gagabayan at tutulungan ako ng Diyos anuman ang aking sitwasyon.
Nakikita mo ba ang sarili mo sa mga kuwento nina Ruth, Naomi, at Ana? Marahil ay dumanas ka na ng malaking kawalan, tulad ng nangyari kina Ruth at Naomi (tingnan sa Ruth 1:1–5). O siguro, tulad ni Ana, inaasam mo ang mga pagpapala na hindi mo pa natatanggap (tingnan sa 1 Samuel 1:1–10). Pagnilayan kung anong mga mensahe ang matututuhan mo mula sa mga halimbawa ng matatapat na kababaihang ito. Paano nagpakita sina Ruth at Ana ng pananampalataya sa Diyos? Anong mga pagpapala ang natanggap nila? Paano mo susundan ang kanilang mga halimbawa? Isipin kung paano mo “pinagkatiwalaan” ang Panginoon (Ruth 2:12) kahit mahirap ang buhay.
Tingnan din sa Reyna I. Aburto, “Sa Dilim at Liwanag, Aking Panginoon, Manatili!” Liahona, Nob. 2019, 57–60.
Maaaring magalak ang aking puso sa Panginoon.
Matapos dalhin ni Ana ang batang si Samuel sa templo, nagsalita siya ng magagandang salita ng papuri sa Panginoon, na nakatala sa I Samuel 2:1–10. Ang mga salitang ito ay mas nakakaantig kapag inisip mo na maikling panahon bago iyon, “siya ay labis na nabagabag … at nanalangin sa Panginoon” (I Samuel 1:10). Habang pinag-aaralan mo ang mga talatang ito, anong mga mensahe ang nakita mong nakaragdag ng iyong damdamin ng papuri at pasasalamat sa Panginoon? Marahil ang awitin ni Ana ay magbibigay sa iyo ng inspirasyon na magpasalamat sa malikhaing paraan sa Panginoon—isang awitin, isang ipinintang larawan, isang paglilingkod, o anumang bagay na nagpapahiwatig ng iyong damdamin sa Kanya.
Mangyari pa, hindi lahat ng taimtim na panalangin ay nasasagot na tulad ng kay Ana. Ano ang nakita mo sa mensahe ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf na “Nagpapasalamat Anuman ang Kalagayan” na makakatulong sa iyo kapag hindi nasasagot ang iyong mga panalangin sa paraang inaasam mo? (Liahona, Mayo 2014, 70–77).
Naririnig at susundin ko ang tinig ng Panginoon.
Tulad nating lahat, kinailangang matutuhan ni Samuel kung paano makikilala ang tinig ng Panginoon. Sa pag-aaral mo ng I Samuel 3, ano ang natutuhan mo sa batang ito tungkol sa pakikinig at pagsunod sa tinig ng Panginoon? Ano ang mga naranasan mo sa pagdinig sa Kanyang tinig? Ano ang mga pagkakataon na mayroon ka, gaya ni Eli, na tutulong sa iba na malaman kapag nangungusap sa kanila ang Panginoon? (tingnan sa I Samuel 3:7).
Tingnan din sa Juan 14:14–21; David P. Homer, “Pakikinig sa Kanyang Tinig,” Liahona, Mayo 2019, 41–43.
Mga Ideya para sa Pag-aaral ng Banal na Kasulatan ng Pamilya at Home Evening
-
Ruth 1:16–18; 2:5–8, 11–12.Ang inyong pamilya ay maaaring maghanap ng mga halimbawa ng kabaitan at katapatan sa mga talatang ito. Paano tayo nagpapakita ng kabaitan sa ating pamilya at sa ibang tao at katapatan kay Jesucristo? Ang kabanatang “Sina Ruth at Naomi” (sa Mga Kuwento sa Lumang Tipan) ay makakatulong sa inyong pamilya na matuto mula sa halimbawa ni Ruth.
-
I Samuel 1:15.Siguro maaari kang magbuhos ng isang bagay mula sa isang lalagyan upang matulungan ang mga miyembro ng pamilya na mailarawan sa isipan ang ibig sabihin ni Ana nang sinabi niyang, “Aking ibinubuhos ang aking kaluluwa sa harapan ng Panginoon.” Bakit mabuting paraan ito na ilarawan kung ano ang dapat tularan ng ating mga panalangin? Paano natin mapagbubuti ang ating mga personal na panalangin at panalangin ng pamilya?
-
I Samuel 2:1–10.Ang tula ng papuri ni Ana sa Panginoon ay maaaring magpaisip sa iyo ng mga awiting ginagamit ninyo sa pagpuri sa Panginoon. Maaari ninyong sama-samang kantahin ang ilan. Maaari ding mag-isip ang mga miyembro ng inyong pamilya ng iba pang mga paraan para ipakita ang kanilang damdamin kay Jesucristo. Halimbawa, maaari silang magdrowing ng mga larawan na nagpapakita kung bakit nila mahal ang Tagapagligtas.
-
I Samuel 3:1–11.Maaaring masayang isadula ang kuwento ng Panginoon na tumatawag kay Samuel, o maaaring panoorin ng iyong pamilya ang video na “Samuel and Eli” (ChurchofJesusChrist.org). Maaaring pag-usapan ng mga miyembro ng pamilya ang mga pagkakataon na nadama nila ang Panginoon na nangungusap sa kanila at kung paano sila kumilos ayon sa Kanyang mga salita.
Para sa iba pang mga ideya sa pagtuturo sa mga bata, tingnan sa outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary.
Iminumungkahing awitin: “May Liwanag sa ‘King Kaluluwa,” Mga Himno, blg. 141.