“Hunyo 6–12. Ruth; 1 Samuel 1–3: ‘Ang Aking Puso ay Nagagalak sa Panginoon,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: Lumang Tipan 2022 (2021)
“Hunyo 6–12. Ruth; 1 Samuel 1–3,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: 2022
Hunyo 6–12
Ruth; 1 Samuel 1–3
“Ang Aking Puso ay Nagagalak sa Panginoon”
Habang binabasa mo ang Ruth at 1 Samuel 1–3, itanong sa Ama sa Langit kung paano mo matutulungan ang mga bata na matuto mula sa mga katotohanan na nasa mga kabanatang ito. Itala ang mga impresyong natatanggap mo.
Itala ang Iyong mga Impresyon
Mag-anyayang Magbahagi
Ipabahagi sa mga bata ang nalalaman nila tungkol kina Ruth, Naomi, Ana, o Samuel. Maaari ding makatulong na magpakita sa kanila ng mga larawan, tulad ng nasa outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya.
Ituro ang Doktrina: Mas Maliliit na Bata
Ruth
Maaari akong magpakita ng pagmamahal at kabaitan sa mga taong nasa paligid ko.
Nang mamatay ang asawa ni Ruth, maaari sana siyang lumagi sa kanyang bansa, pero pinili niyang sumama sa kanyang balong biyenan na si Naomi, at inalagaan siya. Isipin kung paano mahihikayat ng halimbawa ni Ruth na tulad ng kay Cristo ang mga batang tinuturuan mo na maging mabait sa mga nasa paligid nila.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Anyayahan ang mga bata na magkunwaring sina Noemi, Ruth, Boaz, o iba pang mga tauhan habang ikinukuwento mo ang tungkol sa kanila mula sa aklat ni Ruth (tingnan din sa “Sina Ruth at Naomi” sa Mga Kuwento sa Lumang Tipan). Ipataas sa mga bata ang kanilang kamay sa tuwing may maririnig silang kabaitan sa kuwento. Ano ang pakiramdam natin kapag ang mga tao ay mabait sa atin? Ano ang pakiramdam natin kapag mabait tayo sa ibang tao?
-
Sama-samang kantahin ang isang awitin tungkol sa pagiging mabait, tulad ng “Kung Tayo’y Tumutulong” (Aklat ng mga Awit Pambata, 108). Tulungan ang mga bata na mag-isip ng mga paraan na magiging mabait sila sa kanilang pamilya at mga kaibigan. Kung kailangan nila ng tulong, ipakita sa kanila ang mga larawan ng mga taong nagpapakita ng kabaitan. Sa bawat ideyang binanggit, hayaang magdrowing ang mga bata ng isang puso sa pisara.
Dinidinig at sinasagot ng Ama sa Langit ang mga dalangin ko.
Nang malungkot si Ana dahil hindi siya magkaroon ng anak, bumaling siya sa Panginoon nang may pananampalataya at sinagot Niya ang panalangin ni Ana. Tulungan ang mga bata na makita na lagi silang makapagdarasal sa Ama sa Langit, lalo na kapag nalulungkot sila.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Sa sarili mong mga salita, sabihin sa mga bata kung bakit malungkot si Ana (tingnan sa 1 Samuel 1:2–8; tingnan din sa “Ana” sa Mga Kuwento sa Lumang Tipan). Ano ang maaari nating gawin kapag nalulungkot tayo? Basahin sa mga bata ang 1 Samuel 1:10, at sabihin sa mga bata na pakinggan kung ano ang ginawa ni Ana. Itanong sa mga bata kung ano ang pakiramdam nila kapag sila ay nagdarasal. Basahin mula sa talata 18 para ipaliwanag na pagkatapos ng kanyang panalangin, si Ana ay “hindi na malungkot.”
-
Gamitin ang pahina ng aktibidad sa linggong ito para ituro sa mga bata na makapagdarasal sila sa Ama sa Langit at tutulungan Niya sila. Habang nagkukulay ang mga bata, kumanta o magpatugtog ng awiting nagtuturo tungkol sa panalangin, tulad ng “Panalangin ng Isang Bata” (Aklat ng mga Awit Pambata, 6).
Maraming magagandang bagay ang ginawa ng Panginoon para sa akin.
Ipinakita ni Ana ang kanyang pasasalamat sa Panginoon na may magandang tula ng papuri. Matutulungan ng kanyang halimbawa ang mga bata na isipin ang maraming bagay na maaari nilang pasalamatan sa Ama sa Langit.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Basahin sa mga bata ang ilan sa mga sinabi ni Ana matapos siyang biyayaan ng Panginoon ng anak na lalaki (tingnan sa 1 Samuel 2:1–2). Ibahagi sa mga bata ang isang pagpapalang natanggap mo mula sa Panginoon at ano ang nadama mo tungkol dito. Pagkatapos ay anyayahan ang mga bata na magsalita tungkol sa mga pagpapalang ibinigay sa kanila ng Panginoon. Paano natin maipapakita ang ating pasasalamat sa Kanya?
-
Sama-samang kantahin ang isang awitin na naglalarawan sa ilan sa mga pagpapalang ibinibigay sa atin ng Panginoon, tulad ng “Ako ay Mahal ng Ama sa Langit” (Aklat ng mga Awit Pambata, 16). Magpadrowing sa mga bata ng mga larawan ng mga pagpapalang natanggap nila mula sa Panginoon.
Ituro ang Doktrina: Mas Nakatatandang mga Bata
Ruth
Maaari akong manampalataya sa Panginoon.
Nagsakripisyo si Ruth para maging tapat sa Panginoon at manatiling tapat kay Naomi. Paano mo matutulungan ang mga bata na matuto mula sa mga halimbawa ng pananampalataya ni Ruth?
Mga Posibleng Aktibidad
-
Magdispley ng isang larawan nina Ruth at Naomi (tingnan sa outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya). Pagkatapos ay isulat ang tatlong heading sa pisara: Mga Pagsubok, Mga Kilos, Mga Pagpapala. Ipabasa sa mga bata ang Ruth 1:3–5, 8, 16; 2:1–3, 8–12; 4:13–17, at isulat sa ilalim ng mga heading ang malalaman nila sa mga talatang ito. Paano ipinakita ni Ruth ang kanyang pananampalataya sa Panginoon? Magbahagi ng isang halimbawa kung paano ka napagpala dahil nanampalataya ka kay Jesucristo, at ipabahagi sa mga bata ang kanilang sariling mga karanasan.
-
Sama-samang kantahin ang isang awitin tungkol sa pananampalataya, tulad ng “Tanglaw Ko ang Diyos” (Mga Himno, blg. 49) o “Pananalig” (Aklat ng mga Awit Pambata, 50). Ano ang itinuturo sa atin ng awitin tungkol sa pagtitiwala sa Panginoon? Paano tayo magkakaroon ng pananampalataya kay Jesucristo sa mga mahihirap na panahon?
Dinidinig at sinasagot ng Ama sa Langit ang mga dalangin ko.
Noong si Ana ay “labis na nabagabag,” bumaling siya sa Ama sa Langit sa panalangin (1 Samuel 1:10). Paano mo mahihikayat ang mga batang tinuturuan mo na gawin din ang gayon?
Mga Posibleng Aktibidad
-
Para matulungan ang mga bata na malaman ang tungkol kay Ana mula sa 1 Samuel 1, bigyan ang bawat bata ng ilang talata na babasahin sa kabanata. Pagkatapos, maghagis ng isang bola o maliit na bagay sa isang bata at anyayahan siyang magkuwento nang kaunti bago ipasa ang bola sa kasunod na bata na magkukuwento ng isa pang bahagi. Kapag natapos na ang kuwento, sabihin sa mga bata na magbahagi ng isang bagay na natutuhan nila mula sa halimbawa ni Ana.
-
Sama-samang basahin ang 1 Samuel 1:15, at talakayin kung ano ang ibig sabihin ng ibuhos ang ating mga kaluluwa sa harapan ng Panginoon. Kasama ang mga bata, gumawa ng listahan ng mga bagay na maaari nating sabihin sa Diyos kapag nagdarasal tayo. Sama-samang kantahin ang isang awitin tungkol sa panalangin, tulad ng “Panalangin ng Isang Bata” (Aklat ng mga Awit Pambata, 6). Magpatotoo na mahal ng Diyos ang Kanyang mga anak at hangad Niyang pakinggan at sagutin ang kanilang mga dalangin.
-
Sabihan ang mga bata na gumawa ng listahan (paisa-isa o bilang mga grupo) ng halimbawa ng mga tao sa mga banal na kasulatan na nanalangin sa Ama sa Langit. (Kung kailangan nila ng tulong, maaari mo silang ituro sa Lucas 22:41–43; Enos 1:2–6; Joseph Smith—Kasaysayan 1:14–17.) Anyayahan silang ibahagi kung ano ang natutuhan nila mula sa mga kuwentong ito.
Maaari kong pakinggan at sundin ang tinig ng Panginoon.
Noong bata pa si Samuel, narinig niya ang tinig ng Panginoon pero hindi niya ito nakilala sa una. Paano mo matutulungan ang mga batang tinuturuan mo na pakinggan at kumilos ayon sa mga pahiwatig na natatanggap nila?
Mga Posibleng Aktibidad
-
Anyayahan ang isang bata na magkunwaring si Samuel at ang isa pa na magkunwaring si Eli habang binabasa mo ang 1 Samuel 3:1–10. Ano ang matututuhan natin mula kay Samuel kung paano makinig sa tinig ng Panginoon? Paano natin maipapakita na handa tayong makinig kapag nangungusap ang Panginoon sa atin?
2:3 -
Anyayahan ang mga bata na mag-isip kung paano nila ipaliliwanag sa isang tao kung paano nangungusap sa kanila ang Panginoon. Sabihin sa kanila na hanapin ang mga sagot sa isa o higit pa sa sumusunod na mga banal na kasulatan: Doktrina at mga Tipan 6:22–23; 8:2–3; 9:7–9.
Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan
Hikayatin ang mga bata na mag-isip ng isang tao o isang bagay na maaari nilang ipagdasal sa linggong ito. Bigyan sila ng mga pagkakataon sa hinaharap na ibahagi kung paano sinagot ng Ama sa Langit ang kanilang mga dalangin.