“Hunyo 20–26. 2 Samuel 5–7; 11–12; 1 Mga Hari 3; 8; 11: ‘Ang Iyong Trono ay Matatatag Magpakailanman,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: Lumang tipan 2022 (2021)
“Hunyo 20–26. 2 Samuel 5–7; 11–12; 1 Mga Hari 3; 8; 11,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: 2022
Hunyo 20–26
2 Samuel 5–7; 11–12; 1 Mga Hari 3; 8; 11
“Ang Iyong Trono ay Matatatag Magpakailanman”
Habang binabasa mo ang mga banal na kasulatan, maaari kang mabigyan ng Espiritu Santo ng mga impresyon at mahikayat na malaman kung ano ang magiging pinakamakabuluhan sa mga batang tinuturuan mo.
Itala ang Iyong mga Impresyon
Mag-anyayang Magbahagi
Hilingin sa ilang bata na sabihin ang kanilang mga karanasan sa pagbabasa ng mga banal na kasulatan (nang mag-isa, kasama ang kanilang pamilya, o sa Simbahan). Kailan at saan nila binabasa ang mga banal na kasulatan? Ano ang nadarama nila kapag binabasa nila ang mga banal na kasulatan? Anong mga pagpapala ang natatanggap nila sa pagsunod sa kautusang ito?
Ituro ang Doktrina: Mas Maliliit na Bata
Kung kailangan ko ng patnubay, maaari akong humiling sa Ama sa Langit.
Inilalarawan ng mga talatang ito kung paano nanalangin si David para sa patnubay at direksyon bilang hari ng Israel. Paano mo mahihikayat ang mga bata na bumaling sa Diyos sa panalangin kapag sila ay nangangailangan?
Mga Posibleng Aktibidad
-
Ipaliwanag sa mga bata na noong nangailangan ng tulong si David, “nagtanong,” o nagdasal siya, para sa mga sagot. Habang binabasa mo ang 2 Samuel 5:19, 23, anyayahan ang mga bata na pakinggan ang salitang “sumangguni” at humalukipkip kapag narinig nila ito. Magpatotoo na lagi tayong makapagdarasal sa Ama sa Langit kapag kailangan natin ng tulong.
-
Para matulungan ang mga bata na isipin kung ano ang maaari nilang sabihin kapag nagdarasal sila, maaari mong itanong sa kanila kung paano nila tatapusin ang mga pangungusap na tulad nito: “Nagpapasalamat po kami sa Inyo para sa …” at “Humihiling po kami sa Inyo ng …” Hayaang magdrowing ang mga bata ng mga bagay na maaari nilang pasalamatan o hilingin sa panalangin.
-
Ikuwento sa mga bata ang isang pagkakataon na nagdasal ka para sa tulong ng Ama sa Langit. Paano Niya sinagot ang iyong dasal? Ano ang naging kaibhan ng pagpapatulong mo sa Kanya? Anyayahan ang mga bata na ibahagi ang kanilang mga karanasan.
Si Jesucristo ang ating Hari.
Noong si David ang hari ng Israel, sinabi sa kanya ng Panginoon na ang kanyang “trono ay matatatag magpakailanman” (2 Samuel 7:16). Ang pangakong ito ay tumutukoy kay Jesucristo, ang ating Haring Walang-hanggan, na isinilang sa pamamagitan ng inapo ni David.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Anyayahan ang isa sa mga bata na magkunwaring isang hari o reyna. Kung maaari, bigyan ng simpleng props ang bata. Ano ang hari o reyna? Ano ang ginagawa nila? Sabihin sa mga bata na si David ay isang hari, at siya ay isang ninuno ni Jesucristo, na tinatawag nating “Hari ng mga hari” (Apocalipsis 19:16). Tulungan ang mga bata na mag-isip ng mga paraan na maipapakita natin na naniniwala tayo na si Jesucristo ang ating Haring Walang-hanggan.
-
Habang kinukumpleto ng mga bata ang pahina ng aktibidad sa linggong ito, kumanta o magpatugtog ng mga awiting tumutukoy kay Cristo bilang ating Hari, tulad ng “Si Jesus ay Nagbangon,” “Tinawag na Maglingkod,” “Panginoo’y Hari!” o “Ako’y Naniniwala kay Cristo” (Aklat ng mga Awit Pambata, 44, 94; Mga Himno, blg. 33, 76). Hilingin sa mga bata na pakinggan ang salitang “Hari” at itaas ang larawan ni Jesus kapag narinig nila ito. Ano ang nararamdaman natin kapag umaawit tayo tungkol kay Jesus?
Maaari akong lumakad sa mga landas ng Diyos.
Para sa mga Israelita, ang pagtatayo at paglalaan ng templo ay oportunidad na ibaling ang kanilang puso sa Panginoon at muling mangako na “lumakad sa lahat ng kanyang mga daan” (1 Mga Hari 8:58). Paano mo matutulungan ang mga batang tinuturuan mo na “lumakad sa lahat ng kanyang mga daan”?
Mga Posibleng Aktibidad
-
Ipakita sa mga bata ang larawan ng isang makabagong templo at ng templong itinayo ni Salomon (tingnan sa outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga indibiduwal at Pamilya). Ipaliwanag na nang magtayo ng templo si Salomon para sa mga Israelita, hinikayat niya silang “lumakad sa lahat ng mga daan [ng Panginoon]” (1 Mga Hari 8:58). Sabihin sa mga bata kung paano ka tinutulungan ng templo na lumakad sa mga daan ng Panginoon. Anyayahan ang mga bata na ibahagi ang kanilang nadarama tungkol sa templo. Kantahin kasama ng mga bata ang isang awitin tungkol sa templo, tulad ng “Templo’y Ibig Makita” (Aklat ng mga Awit Pambata, 99).
-
Bigyan ang ilan sa mga bata ng mga pusong papel at ang iba pang mga bata ng papel na bakas ng paa. Basahin ang 1 Mga Hari 8:58, at ipataas sa mga bata ang mga puso kapag sinabi mo ang salitang “mga puso” at ang mga bakas ng paa kapag sinabi mong “lumakad sa lahat ng kanyang mga daan.” Tulungan ang mga bata na maunawaan na lumalakad tayo sa mga daan ng Panginoon kapag sinusunod natin si Jesus at sinisikap nating maging katulad Niya. Itanong sa mga bata kung ano ang ginagawa nila para lumakad sa mga daan ng Tagapagligtas. Sama-samang kantahin ang isang awitin tungkol sa pagsunod sa Tagapagligtas, tulad ng “Sinisikap Kong Tularan si Jesus” (Aklat ng mga Awit Pambata, 40–41).
Ituro ang Doktrina: Mas Nakatatandang mga Bata
Si Jesucristo ang ating Hari.
Ang mga hari na ating nababasa sa Lumang Tipan ay may mga kapintasan at nakagawa ng mga pagkakamali—maging ang mabubuting hari. Ngunit ang Haring ipinropesiya na manggagaling sa lahi ni David, na si Jesucristo, ay perpekto at maghahari magpakailanman.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Ipabasa sa mga bata kung ano ang sinabi ng propetang si Natan kay Haring David sa 2 Samuel 7:16–17, at itanong sa kanila kung ano sa palagay nila ang maaaring ibig sabihin ng propesiyang ito. Paano maaaring hindi magwakas ang kaharian ni David? Tulungan ang mga bata na hanapin at basahin ang mga talata sa banal na kasulatan na nagtuturo na si Jesucristo, na inapo ni David, ay isang Hari, tulad ng Lucas 1:32–33; Juan 18:33–37; at Apocalipsis 19:16. Paanong gaya ng isang hari si Jesucristo? Ano ang ilang paraan na maipapakita natin na si Jesucristo ang ating Haring Walang-hanggan?
-
Kantahing kasama ng mga bata ang ilang himnong tumutukoy kay Cristo bilang ating Hari, tulad ng “Halina, Hari ng Lahat,” “Panginoo’y Hari!” o “Jesus, Hamak nang Isilang” (Mga Himno, blg. 32, 33, 118). Ano ang itinuturo sa atin ng mga himnong ito tungkol sa ibig sabihin ng si Jesucristo ang ating Hari?
Maaari kong mapaglabanan ang tukso.
Ang mga batang tinuturuan mo ay nakakagawa ng maliliit ngunit mahahalagang desisyon araw-araw. Paano mo sila matutulungan na maunawaan ang kahalagahan ng pagpili ng tama kahit mahirap itong gawin?
Mga Posibleng Aktibidad
-
Rebyuhin ang 2 Samuel 11 kasama ang mga bata, na itinuturo ang mga ginawang pagpili ni David. Itanong sa mga bata kung anong mabubuting pasiya ang dapat ginawa ni David. Ano ang ilang bagay na magagawa natin na makakatulong sa ating piliin ang tama kapag tinutukso tayo?
-
Para maibahagi ang halimbawa ng isang tao, na hindi katulad ni David, na pinaglabanan ang tukso, itanong sa mga bata kung naaalala nila ang kuwento tungkol kay Jose at sa asawa ni Potipar (tingnan sa Genesis 39:7–12). Maaari mong rebyuhin ang kuwentong ito kasama ang mga bata at tulungan silang ikumpara ito sa kuwento ni David. Ano ang matututuhan natin sa mga kuwento nina David at Jose tungkol sa kung paano lalabanan ang tukso?
Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan
Tulungan ang mga bata na mag-isip ng isang bagay na magagawa nila para maisagawa ang natutuhan nila ngayon. Pagkatapos ay hikayatin silang kumilos ayon sa kanilang mga plano.