“Hunyo 27–Hulyo 3. 1 Mga Hari 17–19: ‘Kung ang Panginoon ay Diyos, Sumunod Kayo sa Kanya,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: Lumang Tipan 2022 (2021)
“Hunyo 27–Hulyo 3. 1 Mga Hari 17–19,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: 2022
Hunyo 27–Hulyo 3
1 Mga Hari 17–19
“Kung ang Panginoon ay Diyos, Sumunod Kayo sa Kanya”
Gustung-gusto ng karamihan sa mga bata ang mga kuwento. Tulungan ang mga bata na matukoy ang mga katotohanan sa mga kuwentong matatagpuan sa 1 Mga Hari 17–19 na magpapalakas sa kanilang pananampalataya kay Jesucristo.
Itala ang Iyong mga Impresyon
Mag-anyayang Magbahagi
Ipakita sa mga bata ang mga larawan sa outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya. Ipabahagi sa kanila ang nalalaman nila tungkol sa mga kuwentong ipinakita sa mga larawan. Ano ang matututuhan natin mula sa mga kuwentong ito?
Ituro ang Doktrina: Mas Maliliit na Bata
Pinagpapala ng Panginoon ang mga sumasampalataya.
Nakatala sa 1 Mga Hari 17 ang ilang halimbawa ng malaking pananampalataya. Bilang bunga ng malaking pananampalataya, pinakain si Elijah ng mga uwak sa panahon ng taggutom, dumami ang pagkain ng isang balo at ng kanyang anak na lalaki, at binuhay ni Elias ang anak ng balo mula sa kamatayan.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Magdispley ng mga larawan o bagay na kasama ng mga kuwento sa 1 Mga Hari 17, tulad ng mga ibon, tinapay, o isang batang lalaki. Isalaysay ang mga kuwentong ito sa mga bata (“Si Elijah, ang Propeta” sa Mga Kuwento sa Lumang Tipan ay makatutulong), at ipahanap sa kanila ang larawan o bagay na kaakibat ng bawat kuwento. Bigyang-diin na si Elijah at ang balo ay may pananampalataya kay Jesucristo at tumanggap ng malalaking pagpapala.
-
Tulungan ang mga bata na mag-isip ng mga paraan na maipapakita nila na may pananampalataya sila sa Ama sa Langit at kay Jesucristo, na ibig sabihin ay naniniwala sila sa Kanila at nagtitiwala sila sa Kanila. Kantahing kasama nila ang isang awitin tungkol sa pananampalataya, tulad ng “Aking Ama’y Buhay” (Aklat ng mga Awit Pambata, 8).
Maaari kong piliing sundin si Jesucristo.
Hinimok ni Elijah ang mga tao ng Israel na magdesisyon na sundin si Jesucristo. Tulungan ang mga bata na makita na maaari din nilang piliin ito.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Ipaliwanag sa mga bata na hindi sigurado ang mga tao noong panahon ni Elijah kung nais nilang sundin ang Panginoon. Ibahagi ang kuwento kung paano sila inimbita ni Elijah na piliing sundin ang Panginoon, na matatagpuan sa 1 Mga Hari 18:17–39 (tingnan din sa “Si Elijah at ang mga Saserdote ni Baal” sa Mga Kuwento sa Lumang Tipan). Sabihin sa mga bata kung bakit mo piniling sundin si Jesucristo, at itanong sa kanila kung bakit nila piniling sundin Siya.
-
Basahin sa mga bata kung ano ang sinabi ni Elijah sa mga tao: “Kung ang Panginoon ay Diyos, sumunod kayo sa kanya” (1 Mga Hari 18:21). Ano ang ibig sabihin ng sundin si Jesucristo? Tulungan ang mga bata na mag-isip ng mga partikular na bagay na gagawin nila para masunod si Jesucristo, at anyayahan silang idrowing ang kanilang sarili na ginagawa ang mga bagay na iyon.
Ang Espiritu Santo ay nangungusap sa akin sa marahan at banayad na tinig.
Nang pinapatnubayan, matutukoy ng mga bata ang impluwensya ng Espiritu Santo sa kanilang buhay. Pagnilayan kung paano mo sila matutulungan.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Ibuod para sa mga bata ang kuwento na matatagpuan sa 1 Mga Hari 19:9–12, at basahin ang mga talata 11–12. Sabihin sa kanila na gumawa ng mga aksiyon para kumatawan sa malakas na hangin, lindol, at apoy. Pagkatapos ay anyayahan silang maupo nang tahimik habang binabasa ninyo ang huling bahagi ng talata 12 sa mahinang tinig: “pagkatapos ng apoy isang banayad at munting tinig.” Sabihin sa kanila na subukang magsalita sa banayad at munting tinig. Ikuwento sa kanila ang mga pagkakataon na naranasan mo ang pahiwatig mula sa Espiritu Santo.
-
Tulungan ang mga bata na malaman kung kailan maaaring nadama nila ang impluwensya ng Espiritu Santo. Halimbawa, magpatugtog o kumanta ng mapitagang awitin tungkol kay Jesus, at tanungin sila kung ano ang pakiramdam nila kapag iniisip nila Siya. Tanungin sila kung ano ang pakiramdam nila sa iba pang mapitagang mga aktibidad, tulad ng pagdarasal kasama ang kanilang pamilya o pagtanggap ng sakramento. Ipaliwanag na ang mga damdaming ito ay nagmumula sa Espiritu Santo. Sabihin sa mga bata kung paano pinagpala ng kapangyarihan ng Espiritu Santo ang iyong buhay.
Ituro ang Doktrina: Mas Nakatatandang mga Bata
Kapag inuutusan ako ng Panginoon na magsakripisyo, maaari akong sumunod nang may pananampalataya.
Nagtiwala ang balo ng Sarepta sa Panginoon at sa Kanyang propeta, kahit inutusan siyang gumawa ng malaking sakripisyo. Ang kuwentong ito ay makakatulong sa mga bata kapag inuutusan sila ng Panginoon na magsakripisyo.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Basahin sa mga bata ang 1 Mga Hari 17:8–16. Anyayahan silang isadula ang kuwento habang binabasa mo ito sa ikalawang pagkakataon. Tumigil sa iba’t ibang bahagi ng kuwento at itanong sa kanila kung ano ang madarama nila kung sila si Elijah o ang balo. Anyayahan silang ibahagi ang natutuhan nila mula sa kuwentong ito.
-
Anyayahan ang isang bata na magdrowing sa pisara ng larawan ng iniutos ng Panginoon sa balo na ibigay kay Elijah (tingnan sa 1 Mga Hari 17:12–13). Anyayahan ang isa pang bata na idrowing ang natanggap ng balo bilang kapalit (tingnan sa 1 Mga Hari 17:15–16). Ano ang ilang bagay na hinihiling ng Panginoon na isakripisyo natin? Sabihin sa mga bata na ibahagi kung paano sila pinagpala sa paggawa ng mga sakripisyo.
Maaari kong piliing sundin si Jesucristo.
Ang mga Israelita ay hindi makapagpasiya tungkol sa pagsunod sa Panginoon. Pagnilayan kung paano mo mahihikayat ang mga bata na maging tapat sa kanilang pagkadisipulo.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Atasan ang bawat bata na basahin ang ilang talata mula sa 1 Mga Hari 18:17–39 at idrowing ang inilalarawan ng mga talata na binasa nila. Tulungan ang mga bata na maunawaan ang mga talata kung kailangan. Pagkatapos ay ipagamit ang kanilang mga larawan para magkuwento. Ano ang itinuturo sa atin ng kuwentong ito tungkol sa Panginoon?
-
Sabihin sa mga bata na magkuwento ng tungkol sa mga pagkakataon na kinailangan nilang magdesisyon sa pagitan ng dalawang magkaibang bagay. Ano ang nakatulong sa kanila na magdesisyon? Tulungan silang mag-isip ng mga sitwasyon kung saan maaaring kailangan nilang magpasiya kung susundin o hindi si Jesucristo. Anong mga katotohanan mula sa kuwento sa 1 Mga Hari 18:17–39 ang makatutulong sa kanila na magpasiya?
Ang Espiritu Santo ay nangungusap sa akin sa marahan at banayad na tinig.
Ang mundo ay puno ng nakagagambalang ingay kaya mahirap marinig ang marahan at banayad na tinig ng Espiritu. Paano mo matutulungan ang mga bata na marinig ito?
Mga Posibleng Aktibidad
-
Hilingin sa mga bata na makinig na mabuti habang binabasa mo ang 1 Mga Hari 19:11–12 sa kanila nang tahimik. Anyayahan silang saliksikin ang 1 Mga Hari 19 para makita ang mga talatang binasa mo at malaman kung ano ang ginagawa ni Elijah. Pag-usapan kung ano ang dapat nilang gawin upang marinig ang sinasabi mo, at tulungan silang ikumpara ito sa dapat nating gawin para marinig ang “marahan at banayad na tinig” ng Espiritu. Hayaang maghalinhinan ang mga bata sa tahimik na pagbabasa ng iba pang mga talata mula sa 1 Mga Hari 19 habang hinahanap ng iba pang mga bata ang mga talatang iyon sa mga banal na kasulatan.
-
Ibahagi sa mga bata ang ilan pang karagdagang banal na kasulatan na naglalarawan kung paano nangungusap sa atin ang Espiritu (tingnan sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Inspirasyon, Magbigay-inspirasyon,” scriptures.ChurchofJesusChrist.org). Sabihin sa mga bata na magbanggit ng mga pagkakataon na nadama nila na ginagabayan sila o nagpapatotoo sa kanila ang Espiritu Santo. Ano ang ginagawa nila noon? Ano ang maaaring makahadlang sa atin na madama ang Espiritu? Basahin nang sabay-sabay ang Moroni 4:3, at hikayatin ang mga bata na pumili ng isang bagay na gagawin nila para “sa tuwina ay mapasakanila ang kanyang Espiritu upang makasama nila.”
Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan
Anyayahan ang mga bata na mag-isip ng isang bagay na gusto nilang gawin dahil sa natutuhan nila ngayon. Halimbawa, maaari silang magtakda ng mithiin ukol sa espirituwal, intelektuwal, pisikal, o pakikisalamuha upang maging higit na katulad ni Jesucristo.