Lumang Tipan 2022
Hulyo 25–31. Esther: “Kaya Ka Nakarating … Dahil sa Pagkakataong Ganito”


“Hulyo 25–31. Esther: “Kaya Ka Nakarating … Dahil sa Pagkakataong Ganito” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: Lumang Tipan 2022 (2021)

“Hulyo 25–31. Esther,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: 2022

Nananalangin si Esther

Esther, ni James Johnson

Hulyo 25–31

Esther

“Kaya Ka Nakarating … Dahil sa Pagkakataong Ganito”

Lahat ng mga banal na kasulatan ay nagpapatotoo kay Jesucristo. Pag-isipang mabuti kung paano mo tutulungan ang mga bata na makita ang impluwensya ng Tagapagligtas sa kuwento ni Esther.

Itala ang Iyong mga Impresyon

icon ng pagbabahagi

Mag-anyayang Magbahagi

Ipasa-pasa ang larawan ni Esther (tingnan sa outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya). Habang hawak ng mga bata ang larawan, ipabahagi sa kanila ang isang bagay na alam nila tungkol sa kuwento ni Esther.

icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina: Mas Maliliit na Bata

Esther 2:5–7

Maaari kong paglingkuran ang aking pamilya.

Nang mamatay ang mga magulang ni Esther, inalagaan siya ng pinsan niyang si Mordecai. Magagamit ninyo ang kanilang karanasan bilang pagkakataon upang pag-usapan ang tungkol sa paglilingkod sa mga miyembro ng ating pamilya.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Sa pisara, idrowing ang mga pigura na kumakatawan kay Esther, sa kanyang mga magulang, at sa kanyang pinsang si Mordecai. Ipaliwanag na namatay ang mga magulang ni Esther, kaya kinailangan ni Esther ng isang taong mag-aalaga sa kanya. Basahin ang Esther 2:7 sa mga bata, at hilingin sa kanila na pakinggan kung ano ang ginawa ni Mordecai. Tulungan ang mga bata na isipin ang mga pangangailangan ng mga miyembro ng kanilang pamilya kung saan maaari silang makatulong.

  • Ipasadula sa ilang bata ang isang bagay na magagawa nila para mapaglingkuran ang isang tao sa kanilang pamilya, at pahulaan sa ibang mga bata ang ginagawa nila. Sabihin sa kanila na pag-usapan ang mga bagay na ginagawa nila para mapagpala ang kanilang pamilya, at magkuwento tungkol sa ilang bagay na ginagawa ninyo.

  • Kantahin ang isang awitin tungkol sa pagtulong sa ating mga pamilya, tulad ng “Kung Tayo’y Tumutulong” (Aklat ng mga Awit Pambata, 108). Ibahagi ang iyong patotoo na nagpapasaya sa atin ang pagtulong sa ating pamilya.

Esther 4:15–16

Kaya kong maging matapang.

Ang mga batang tinuturuan mo ay haharap sa mga sitwasyon kung saan kailangan nila ang tulong ng Panginoon para maging matapang. Paano mo sila matutulungang matuto mula sa halimbawa ng katapangan ni Esther?

Mga Posibleng Aktibidad

  • Alam ba ng mga batang tinuturuan mo kung ano ang ibig sabihin ng maging matapang? Magbahagi ng simpleng depinisyon, tulad ng “Ang ibig sabihin ng maging matapang ay paggawa ng tama kahit takot ka.” Ibahagi ang kuwento tungkol kay Esther (tingnan sa “Reyna Esther” sa Mga Kuwento sa Lumang Tipan), at tulungan ang mga bata na makita kung paano naging matapang si Esther. Hayaang gamitin ng mga bata ang mga pigura o guhit sa pahina ng aktibidad para sa linggong ito para muling isalaysay ang kuwento.

  • Ipakita ang isang larawan ni Esther (tingnan sa outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya). Kantahing kasama ng mga bata ang isang awitin tungkol sa pagiging matapang, tulad ng “Ako’y Magiging Magiting” (Aklat ng mga Awit Pambata, 85). Ituro ang mga salita at kataga sa awitin na naglalarawan kay Esther, at magpatotoo na matutulungan ng Tagapagligtas ang mga bata na maging matapang.

  • Sabihin sa mga bata ang mga pagkakataon na si Jesucristo ay naging matapang; halimbawa, nang nagdusa Siya para sa ating mga kasalanan, kapwa sa Getsemani at sa krus (tingnan sa Mateo 26:36–39; 27:33–35). Magpakuwento sa mga bata tungkol sa isang pagkakataon na sila ay naging matapang (isiping kontakin ang kanilang mga pamilya nang maaga para tanungin sila para sa ilang halimbawa). Ano ang nakatulong sa kanila na maging matapang? Sabihin sa mga bata kung paano ka natulungan ng Panginoon na maging matapang noong natakot ka.

    Esther at hari

    Si Esther sa harap ng Hari, ni Minerva Teichert

icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina: Mas Nakatatandang mga Bata

Esther 4:14

Maaari akong maging kasangkapan sa mga kamay ng Diyos.

Noong natakot si Esther, hinikayat siya ni Mordecai sa pamamagitan ng pagtuturo sa kanya na marahil ay ginawa siyang reyna ng Panginoon “dahil sa pagkakataong ganito” (Esther 4:14). Pagnilayan kung paano inihahanda ng Panginoon ang mga batang tinuturuan mo para sa mga pagkakataon nilang pagpalain ang iba.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Anyayahan ang isang tao na magpatugtog ng isang awitin para sa mga bata gamit ang isang instrumento sa musika, o magdispley ng larawan ng isang taong tumutugtog ng instrumento. Pag-usapan kung ano ang maaaring ibig sabihin ng maging kasangkapan sa mga kamay ng Diyos. Rebyuhin ninyo ng mga bata ang kuwento tungkol kay Esther (tingnan sa “Reyna Esther” sa Mga Kuwento sa Lumang Tipan), at sabihin sa kanila na pag-usapan kung paano naging kasangkapan si Esther para maisakatuparan ng Panginoon ang Kanyang mga layunin. Paano tayo magiging mga kasangkapan para sa Panginoon?

  • Matapos rebyuhin ang kuwento ni Esther, magdikit ng isang kard na may pangalan ng isa sa mga tauhan mula sa kuwento sa likod ng bawat bata. Anyayahan ang mga bata na sikaping malaman kung kaninong pangalan ang nasa kanilang likod sa pamamagitan ng pagtatanong sa iba pang mga bata ng “Mabuti ba ang taong ito?” o “Babae ba ang taong ito?” Pagkatapos ay talakayin kung paano naging mga kasangkapan sina Mordecai at Esther para sa Panginoon upang iligtas ang mga Judio.

Esther 3:1–11; 4:10–17

Tinutulungan ako ng Ama sa Langit na magkaroon ng tapang o lakas-ng-loob kapag natatakot ako.

Kailan mo nakita ang mga batang tinuturuan mo na naging matapang? Anong mga karanasan ang maibabahagi mo nang kinailangan mo ang tulong ng Panginoon para maging matapang?

Mga Posibleng Aktibidad

  • Isulat sa pisara ang Nagpakita si Mordecai ng katapangan sa pamamagitan ng … at Nagpakita si Esther ng katapangan sa pamamagitan ng … Ipabasa sa ilan sa mga bata ang Esther 3:1–11 at ipabasa sa iba ang Esther 4:10–17. Sabihin sa kanilang gamitin ang nababasa nila para kumpletuhin ang mga pangungusap na nasa pisara. Pagkatapos ay isulat ang Magpapakita ako ng tapang sa pamamagitan ng … at sabihan ang mga bata na maglista ng mga bagay na nais ng Ama sa Langit na gawin nila na nangangailangan ng tapang. Paano natin matutularan sina Mordecai at Esther?

  • Anyayahan ang mga bata na mag-isip ng mga sitwasyong nakakaharap nila kung saan maaaring mahirap gawin ang tama. Isulat sa pisara ang matapang na mga salita ni Esther na “Pupunta ako sa hari, … at kung ako’y mamamatay, ay mamatay” (Esther 4:16). Tulungan ang mga bata na ipamuhay ang mga salita ni Esther sa pamamagitan ng pagpapalit ng “pupunta sa hari” na may mabuti ngunit mahirap na desisyong maaaring kailangan nilang gawin. Pagkatapos ay papalitan sa kanila ang “mamatay” ng isang bagay na hindi kanais-nais na maaaring magmula sa paggawa ng tama. Bakit mas mabuting gawin ang tama, kahit may mahihirap na bunga?

  • Talakayin kung paano naging halimbawa si Jesucristo ng alituntuning ito.

Esther 4:1–3, 10–17

Matutulungan ako ng pag-aayuno at mapagpapala ang iba.

Sa panahon ng pangangailangan, nag-ayuno si Esther at ang mga Judio. Paano mo matutulungan ang mga batang tinuturuan mo na maunawaan ang espirituwal na mga pagpapala ng pag-aayuno?

Mga Posibleng Aktibidad

  • Sabihin sa mga bata na gumawa ng isang listahan ng mga bagay na maaari nilang ipag-ayuno (kung kailangan, maaari nilang tingnan ang “Pag-aayuno at Mga Handog-Ayuno” sa Tapat sa Pananampalataya, 66–69). Pagkatapos ay ipabasa sa kanila ang Esther 4:1–3, 10–17 para malaman kung bakit nag-ayuno ang mga Judio at si Esther. Hikayatin ang mga bata na mag-isip ng isang dahilan na maaari silang mangailangan ng espesyal na tulong mula sa Panginoon, at imungkahi na gawin nila itong bahagi ng kanilang dahilan sa pag-aayuno sa susunod na Linggo ng ayuno.

  • Anyayahan ang mga bata na magkunwaring ipinaliliwanag nila sa isang kaibigan kung bakit sila nag-aayuno. Ano ang sasabihin nila? Ituro sa kanila ang Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Ayuno, Pag-aayuno” (scriptures.ChurchofJesusChrist.org) kung kailangan nila ng tulong. Magbahagi ng isang karanasan na ikaw ay nag-ayuno para matanggap ang tulong ng Panginoon. Anyayahan ang mga bata na magbahagi ng mga naging karanasan nila na may kaugnayan sa pag-aayuno.

icon ng pag-aaral

Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan

Sama-samang kantahin ang isang awitin tungkol sa isang alituntuning natutuhan ninyo sa klase ngayon (tingnan ang indeks ng mga paksa sa Aklat ng mga Awit Pambata para sa mga ideya). Anyayahan ang mga bata na kantahin ang awitin kasama ng kanilang pamilya.

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo

Ipamuhay ang itinuturo mo. Ang pagtuturo mo ay magiging mas mabisa kung mapapatotohanan mo mula sa personal na karanasan ang mga pagpapala ng pamumuhay ng ebanghelyo. Habang pumipili ka ng mga alituntuning ituturo sa mga bata, pagnilayan kung paano mo maaaring ipamuhay ang mga alituntuning iyon nang mas lubusan. (Tingnan sa Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas, 13–14.)