“Agosto 1–7. Job 1–3; 12–14; 19; 21–24; 38–40; 42: ‘Ako’y Aasa Pa Rin sa Kanya,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: Lumang Tipan 2022 (2021)
“Agosto 1–7. Job 1–3; 12–14; 19; 21–24; 38–40; 42,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: 2022
Agosto 1–7
Job 1–3; 12–14; 19; 21–24; 38–40; 42
“Ako’y Aasa Pa Rin sa Kanya”
Habang pinag-aaralan mo ang kuwento ni Job, anong mga mensahe ang nakita mo para sa sarili mong buhay? Alin sa mga mensaheng iyon ang sa palagay mo ay kailangang marinig ng mga batang tinuturuan mo?
Itala ang Iyong mga Impresyon
Mag-anyayang Magbahagi
Ipakita sa mga bata ang larawan ni Job (tingnan sa outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya). Itanong sa mga bata kung ano sa palagay nila ang nadarama ng lalaki sa larawan. Ipabahagi sa kanila ang anumang bagay na alam nila tungkol kay Job.
Ituro ang Doktrina: Mas Maliliit na Bata
Tutulungan ako ng Ama sa Langit at ni Jesucristo sa mahihirap na panahon kapag nanampalataya ako sa Kanila.
Nagtiwala si Job sa Diyos at nanatili siyang tapat kahit naharap siya sa mahihirap na pagsubok. Ang kuwento ni Job ay makakatulong sa mga bata na mapalakas ang kanilang pananampalataya sa Ama sa Langit at kay Jesucristo para maging handa sila sa pagharap sa mahihirap na pagsubok sa kanilang buhay.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Ipabahagi sa mga bata ang nalalaman nila tungkol kay Job, at tulungan silang maunawaan kung ano ang nangyari sa kanya (tingnan sa Job 1–2; “Job” sa Mga Kuwento sa Lumang Tipan). Itanong sa mga bata kung ano kaya ang mararamdaman nila kung sila si Job. Sino ang makakatulong sa atin kapag may malulungkot na bagay na nangyayari sa ating buhay? Magpakita ng larawan ni Jesucristo, at ipaliwanag na nakatulong kay Job ang kanyang pananampalataya sa Panginoon sa panahon ng mga pagsubok sa kanyang buhay (tingnan sa Job 1:21).
-
Basahin ang mga salita ni Job sa Job 13:15: “Ako’y aasa sa kanya.” Para matulungan ang mga bata na maunawaan kung ano ang ibig sabihin ng magtiwala sa Diyos, kausapin sila tungkol sa mga taong pinagkakatiwalaan nila. Halimbawa, ano ang inaasahan natin na gagawin ng ating mga magulang? Ano ang inaasahan nating gagawin ng ating mga guro? Ano ang inaasahan nating gagawin ng Ama sa Langit at ni Jesucristo? Magpakita ng tiwala sa Ama sa Langit at kay Jesucristo, at tulungan ang mga bata na mag-isip ng mga paraan na maipapakita nila na mahal at pinagkakatiwalaan nila Sila.
Si Jesucristo ang aking Manunubos.
Nakayanan ni Job ang mga pagsubok at pagdurusa sa kanyang buhay dahil sa pananampalataya niya sa Panginoon. Paano mo matutulungan ang mga bata na palakasin ang kanilang pananampalataya kay Jesucristo, na ating Manunubos?
Mga Posibleng Aktibidad
-
Magdispley ng larawan ni Jesus na nasa krus o nasa libingan (tingnan sa Aklat ng mga Sining ng Ebanghelyo, blg. 57, 58). Sabihin sa mga bata na ipaliwanag ang nangyayari sa larawan. Basahin sa mga bata ang patotoo ni Job sa Job 19:25. Idispley ang larawan ng nabuhay na mag-uling Tagapagligtas (tingnan sa Aklat ng Sining ng Ebanghelyo, blg. 59, 60; tingnan din sa pahina ng aktibidad sa linggong ito), at magpatotoo na si Jesucristo ay nabuhay na mag-uli at buhay ngayon. Bakit tayo nagpapasalamat na nabuhay na mag-uli si Jesucristo?
-
Ipakita ang isang larawan ni Job, at ipaliwanag na matindi ang sakit na naramdaman ni Job noon dahil puno ng bukol ang kanyang balat. Nawalan siya ng tirahan, at namatay na ang kanyang mga anak. Ngunit may alam si Job na napakahalaga na nagbigay sa kanya ng kapanatagan. Basahin ang Job 19:25, at itanong sa mga bata kung ano ang alam ni Job. Ibahagi sa mga bata kung paano mo nalaman na si Jesucristo ay buhay, at anyayahan silang ibahagi ang kanilang patotoo tungkol sa Kanya.
-
Pakulayan sa mga bata ang pahina ng aktibidad para sa linggong ito. Habang ginagawa ito, magpatugtog o kantahin ang isang awitin tungkol sa Pagkabuhay na Mag-uli ni Jesus, tulad ng “Si Jesus ba ay Nagbangon?” o “Si Jesus ay Nagbangon” (Aklat ng mga Awit Pambata, 45, 44). Anyayahan silang ibahagi ang nadarama nila tungkol kay Jesus, at tulungan silang maunawaan na maaari tayong magkaroon ng magandang pakiramdam mula sa Espiritu Santo para tulungan tayong malaman na si Jesucristo ay tunay.
Ituro ang Doktrina: Mas Nakatatandang mga Bata
Tutulungan ako ng Ama sa Langit at ni Jesucristo na malampasan ang mga hamon sa aking buhay habang sumasampalataya ako sa Kanila.
Lahat ay may mga araw na nahihirapan sila, at ang ilang tao ay may mga pagsubok na tumatagal nang napakatagal. Sinuportahan si Job ng kanyang pananampalataya sa Diyos sa kanyang mga pagsubok. Isipin kung paano makakatulong ang kanyang kuwento para palakasin ang pananampalataya ng mga bata sa Ama sa Langit at kay Jesucristo para makaya nilang harapin ang mga pagsubok sa kanilang buhay, ngayon at sa hinaharap.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Ipabahagi sa mga bata ang nalalaman nila tungkol sa kuwento ni Job. Anong klaseng tao siya? Ano ang nangyari sa kanya? Paano siya tumugon sa mga hamon sa kanyang buhay? Ituro sa kanila ang mga talata sa Job 1–2 para tulungan silang magkuwento (tingnan sa Job 1:1, 13–22; 2:7–10; tingnan din sa “Job” sa Mga Kuwento sa Lumang Tipan). Ipabahagi sa mga bata kung ano sa palagay nila ang pangunahing mensahe ng kuwento ni Job.
-
Idispley ang ilang larawan ni Jesucristo na nakikihalubilo sa iba, at itanong sa mga bata kung ano sa pakiramdam nila ang itinuturo sa atin ng mga larawang ito tungkol sa kung sino si Jesucristo at kung ano ang hitsura Niya. Ano pa ang alam natin tungkol sa Kanya? Ipabasa sa mga bata ang ilan sa sumusunod na mga talata para malaman ang ilang bagay na alam ni Job tungkol sa Panginoon: Job 12:10, 13, 16; 19:25–27. Bakit mahalagang malaman ang mga bagay na ito tungkol sa Tagapagligtas?
-
Ipabasa sa mga bata ang Job 19:14–19, at itanong sa kanila kung ano ang sinasabi ng mga talatang ito tungkol sa pagtrato ng ibang tao kay Job. Ano kaya ang pakiramdam natin kung mangyayari ito sa atin? Ipabasa sa mga bata ang Job 19:23–27 para malaman kung paano napanatag si Job sa sitwasyong ito. Ano ang itinuturo sa atin ng mga talatang ito tungkol sa Tagapagligtas? Bakit mahalagang malaman na Siya ay buhay at mahal Niya tayo? (tingnan sa Juan 17:3).
-
Sama-samang kantahin ang isang awitin tungkol kay Jesucristo, tulad ng “Buhay ang Aking Manunubos” (Mga Himno, blg. 78). Ano ang ipinahihiwatig ng awitin sa kung bakit mahalagang magkaroon ng patotoo na si Jesucristo ay buhay? Sabihin sa mga bata kung paano mo nalaman na ang Tagapagligtas ay buhay at bakit ka nagpapasalamat sa kaalamang iyon. Hikayatin silang ibahagi ang kanilang damdamin at gayundin ang kanilang mga patotoo.
Ang mabubuting magkaibigan ay pinasisigla at hinihikayat ang isa’t isa.
Nang nahihirapan si Job, sinabi ng mga kaibigan niya na pinarurusahan siya ng Diyos dahil nagkasala siya. Matutulungan ka ng kuwentong ito na ituro sa mga bata ang mas magandang paraan ng pagtugon kapag may mga hamon ang isang kaibigan (tingnan sa Job 16:1–5).
Mga Posibleng Aktibidad
-
Sabihin sa mga bata na rebyuhin ang maraming mahihirap na bagay na nangyari kay Job (tingnan sa Job 1:13–19; 2:7). Basahin nang sabay-sabay ang Job 19:14, 19, na inaalam kung paano tumugon ang mga kaibigan ni Job sa kanyang mga pagsubok (tingnan din sa Job 22:1–5). Sabihin sa mga bata na kunwari ay mga kaibigan sila ni Job—paano nila sisikaping tulungan siya? Hikayatin silang mag-isip ng isang kaibigang maaaring nahihirapan at magplano ng isang bagay na magagawa nila para magpakita ng pagmamahal at suporta sa kanilang kaibigan.
-
Sabihin sa mga bata na ilista ang ilang katangian ng isang mabuting kaibigan at magbanggit ng isang kaibigan na may ganitong mga katangian. Magdispley ng larawan ni Jesucristo. Sa anong mga paraan isang mabuting kaibigan si Jesus sa bawat isa sa atin? Paano natin matutularan ang Kanyang halimbawa?
Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan
Sabihin sa mga bata na ibahagi sa isang kapamilya o kaibigan ang paraan na matutulungan sila ng Ama sa Langit at ni Jesucristo kapag nahihirapan sila.