“Agosto 8–14. Mga Awit 1–2; 8; 19–33; 40; 46: ‘Ang Panginoon ay Aking Pastol,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: Lumang Tipan 2022 (2021)
“Agosto 8–14. Mga Awit 1–2; 8; 19–33; 40; 46,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: 2022
Agosto 8–14
Mga Awit 1–2; 8; 19–33; 40; 46
“Ang Panginoon ay Aking Pastol”
Ang outline na ito ay nagmumungkahi ng ilang magagandang talata sa Mga Awit na magpapala sa mga bata, ngunit huwag isiping limitado ka sa mga ito. Sundin ang patnubay ng Espiritu.
Itala ang Iyong mga Impresyon
Mag-anyayang Magbahagi
Ilang araw bago magklase, anyayahan ang ilang bata na magdala sa klase ng mga drowing na kumakatawan sa mga bagay na binasa nila at ng kanilang pamilya sa Mga Awit sa linggong ito, tulad ng isang pastol (tingnan sa Mga Awit 23:1), isang tasa (tingnan sa Mga Awit 23:5), o isang puso (tingnan sa mga Mga Awit 24:4). Sabihin sa kanila na magbanggit tungkol sa kanilang mga drowing at isang talata mula sa Mga Awit na bumabanggit sa mga ito.
Ituro ang Doktrina: Mas Maliliit na Bata
“Nagpapahayag ng kaluwalhatian ng Dios ang kalangitan.”
Ang Mga Awit 19 at 33 ay nagtuturo na matatagpuan natin ang katibayan ng kaluwalhatian at kabutihan ng Diyos sa lahat ng nakapaligid sa atin sa Kanyang mga magandang nilikha. Tulungan ang mga bata na matutuhang makita ang kamay ng Diyos sa mundo sa kanilang paligid.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Magpakita sa mga bata ng ilang larawan ng magagandang bagay na nilikha ng Diyos, o sama-samang dumungaw sa bintana para makita ang mga bagay na ito. Itanong sa mga bata kung ano ang gustung-gusto nila tungkol sa mga nilikha ng Ama sa Langit. Basahin ang Mga Awit 19:1 o ang 33:5, at itanong sa mga bata kung ano ang nadarama nila tungkol sa Ama sa Langit kapag nakikita nila ang Kanyang mga nilikha.
-
Sama-samang kantahin ang isang awitin tungkol sa mga bagay na nilikha ng Diyos, tulad ng “Kayganda ng Mundo” (Aklat ng mga Awit Pambata, 123). Papiliin ang mga bata ng isang bagay na nilikha ng Diyos (tulad ng isang bagay na binanggit sa awitin) at idrowing ito para ipakita sa kanilang pamilya.
“Ang Panginoon ay Aking Pastol.”
Kung matututuhan ng mga bata sa murang edad na ang Panginoon ang kanilang pastol, mas malamang na sumunod sila sa Kanya “sa mga landas ng katuwiran.”
Mga Posibleng Aktibidad
-
Bigyan ang bawat bata ng kopya ng pahina ng aktibidad sa linggong ito, o bigyan ang bawat isa sa kanila ng isang larawan mula sa pahina ng aktibidad. Anyayahan silang makinig habang binabasa mo ang Mga Awit 23. Sabihin sa kanila na ituro o itaas ang isang larawan kapag narinig nilang binanggit ito sa awit. Magpatotoo na pinangangalagaan tayo ni Jesus, tulad ng pastol na nangangalaga sa kanyang mga tupa.
-
Ikuwento sa mga bata ang ilang paraan na alam mo na mahal ka ng Tagapagligtas. Patayuin ang mga bata nang paisa-isa at ipabahagi ang ilang paraan na alam nila na mahal sila ni Jesus. Sama-samang kantahin ang isang awitin na makapagbibigay sa kanila ng mga ideya, tulad ng “Aking Nadarama ang Pag-ibig ni Cristo” (Aklat ng mga Awit Pambata, 42–43).
Maaaring gawin ni Jesucristo na kagalakan ang kalungkutan.
Pagnilayan kung paano mo matutulungan ang mga bata na magkaroon ng sariling patotoo sa kagalakang alok sa atin ni Jesucristo kapag malungkot tayo.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Anyayahan ang mga bata na magkunwaring umiiyak habang nagbabasa ka mula sa Mga Awit 30:5, “Maaaring magtagal nang magdamag ang pag-iyak.” Pagkatapos ay hilingin sa kanila na magalak sila habang binabasa mo ang, “Ngunit sa kinaumagahan ay dumarating ang galak.” Ulitin ang mga katagang ito nang ilang beses, at patotohanan sa mga bata na dahil kay Jesucristo, ang kalungkutang nadarama natin sa buhay na ito ay maaaring mapalitan ng kagalakan.
-
Magpakita ng larawan ng Tagapagligtas, at sabihin sa mga bata ang tungkol sa ilan sa mga bagay na ginawa Niya para sa iyo na naghatid sa iyo ng kagalakan. Bigyan ng pagkakataon ang bawat bata na hawakan ang larawan at ibahagi ang ginawa ni Jesus na nagdulot sa kanila ng galak.
Ituro ang Doktrina: Mas Nakatatandang mga Bata
Mga Awit 23; 27–28; 32; 46
Binibigyan ako ng Panginoon ng kapayapaan, lakas, at patnubay.
Marami sa Mga Awit ang nagpapatotoo sa mga pagpapala ng Panginoon sa ating buhay. Magagamit mo ang Mga Awit para matulungan ang mga bata na matutong magtiwala sa Kanya at bumaling sa Kanya.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Isulat sa pisara Ang Panginoon ay . Papiliin ang mga bata ng isa o mahigit pa na babasahin sa sumusunod na mga talata sa banal na kasulatan: Mga Awit 23:1; 27:1; 28:1; 28:7; 32:7; 46:1. Sabihin sa kanila na kumpletuhin ang pangungusap sa pisara gamit ang natutuhan nila mula sa itinakdang talata sa kanila. Tulungan ang mga bata na talakayin kung ano ang itinuturo sa atin ng mga simbolong ito tungkol sa Panginoon.
-
Magpakita sa mga bata ng larawan ng isang tupa. Sabihin sa kanila na magbanggit ng ilang bagay na kailangan para maging ligtas at malusog ang isang tupa, at hikayatin silang maghanap sa Mga Awit 23:1–4 para sa mga ideya. Pagkatapos ay ipakita ang larawan ng isang bata. Ano ang kailangan natin para maging espirituwal na ligtas at malusog? Basahin nang sabay-sabay ang Mga Awit 23, at itanong sa mga bata kung paano maihahalintulad ang mga bagay na ginagawa ng pastol sa awit na ito sa ginagawa ni Jesucristo para sa atin.
Para makapasok sa templo, kailangan natin ng “malinis na mga kamay, at dalisay na puso.”
Habang inaasam ng mga bata na makapasok sa templo balang-araw, tulungan silang maunawaan na makapaghahanda sila sa pagiging espirituwal na malinis sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Ipakita sa mga bata ang larawan ng isang templo. Ipabasa sa kanila ang Mga Awit 24:3 at ipahanap ang mga salitang nagpapaalala sa kanila ng templo. Pagkatapos ay sama-samang basahin ang talata 4 para malaman kung sino ang maaaring makapasok sa templo (tukuyin ang anumang di-pamilyar na mga salita). Paano nagiging pisikal na marumi ang ating mga kamay? Paano nagiging espirituwal na marumi ang ating mga kamay at puso? Paano natin lilinisin ang ating mga kamay sa pisikal na paraan? Paano tayo tinutulungan ng Tagapagligtas na linisin ang ating mga kamay at puso sa espirituwal na paraan? (Kung makatutulong, ipaliwanag na ang “mga kamay” sa talatang ito ay maaaring kumatawan sa ating mga kilos at ang “puso” ay maaaring kumatawan sa ating mga hangarin.)
-
Rebyuhin kasama ng mga bata ang mga kailangan para makatanggap ng temple recommend (tingnan sa Russell M. Nelson, “Pangwakas na Pananalita,” Liahona, Nob. 2019, 120–22; o anyayahan ang isang miyembro ng bishopric na talakayin ang mga hinihinging ito sa klase). Papiliin ang mga bata ng isang bagay na nadarama nila na dapat nilang gawin para makapaghanda na maging karapat-dapat na pumasok sa templo.
“Kayo ay magsitigil at kilalanin ninyo na ako ang Diyos.”
Ang pag-uukol ng panahon para maging mapitagan at tumigil, sa kabila ng kaabalahan sa paligid natin, ay makakatulong sa atin na mapatatag ang patotoo na ang Diyos ay buhay.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Tulungan ang mga bata na isaulo ang unang linya mula sa Mga Awit 46:10: “Kayo ay magsitigil at kilalanin ninyo na ako ang Diyos.” Kausapin sila tungkol sa maaaring ibig sabihin ng “magsitigil,” kapwa sa katawan at sa isipan. Ibahagi sa mga bata ang isang karanasan kung saan ang “pagtigil” ay nagpalakas sa iyong patotoo tungkol sa Ama sa Langit. Anyayahan ang mga bata na magbahagi ng anumang karanasan nila. Bakit mahalagang paraan ang pagtigil para malaman na buhay ang Diyos?
-
Anyayahan ang mga bata na rebyuhin na kasama ka ang ginagawa nila sa karaniwang araw. Tulungan silang mag-isip ng mga sandali sa kanilang maghapon kung kailan maaari nilang subukang “magsitigil” at madamang malapit sila sa Ama sa Langit. Hikayatin silang magtakda ng mithiin na gamitin ang gayong mga sandali sa darating na linggo para mapalakas ang kanilang patotoo tungkol sa Ama sa Langit.
-
Sabihin sa mga bata na maglista ng ilang bagay na magagawa natin para malaman sa ating sarili na ang Ama sa Langit ay tunay at na mahal Niya tayo. Papiliin sila ng isang bagay mula sa listahan ng gusto nilang gawin.
Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan
Papiliin ang mga bata ng isang talatang gusto nila mula sa mga awit na napag-usapan nila ngayon. Hikayatin sila na ibahagi sa isang kapamilya o kaibigan ang talatang iyon.