“Agosto 15–21. Mga Awit 49–51; 61–66; 69–72; 77–78; 85–86: ‘Ipapahayag Ko Kung Ano ang Kanyang Ginawa para sa Aking Kaluluwa,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: Lumang Tipan 2022 (2021)
“Agosto 15–21. Mga Awit 49–51; 61–66; 69–72; 77–78; 85–86,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: 2022
Agosto 15–21
Mga Awit 49–51; 61–66; 69–72; 77–78; 85–86
“Ipapahayag Ko Kung Ano ang Kanyang Ginawa para sa Aking Kaluluwa”
Ang iyong halimbawa bilang mag-aaral ng ebanghelyo ay maaaring magkaroon ng malaking impluwensya sa mga bata. Ibahagi sa kanila ang iyong mga espirituwal na karanasan habang nag-aaral ng ebanghelyo.
Itala ang Iyong mga Impresyon
Mag-anyayang Magbahagi
Ibahagi sa mga bata ang isang talata mula sa isang awit, himno, o awitin ng mga bata na tumutulong sa iyo na madama ang pagmamahal ng Tagapagligtas. Bigyan ng pagkakataon ang bawat bata na gawin din iyon.
Ituro ang Doktrina: Mas Maliliit na Bata
Kapag nakakagawa ako ng maling pagpili, maaari akong tulungan ni Jesucristo na magbago.
Tulungan ang mga bata na maunawaan na ang mga pagkakamali ay bahagi ng buhay sa mundo at na makatatanggap tayo ng tulong kay Jesucristo para madaig ang mga ito.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Magbahagi ng simpleng kuwento, mula sa iyong buhay o mula sa Kaibigan o sa Liahona, tungkol sa isang batang nakagawa ng maling pasiya ngunit nakatanggap ng tulong mula sa Tagapagligtas para maging mas mabuti. Basahin ang Mga Awit 51:10, at ibahagi ang kagalakan na nadarama mo kapag tinulungan ka ng Tagapagligtas na magkaroon ng “malinis na puso” at “matuwid na espiritu.”
-
Ipakita sa mga bata ang pahina ng aktibidad para sa linggong ito. Ituro ang bawat larawan, at sabihin sa mga bata na ilarawan ang nakikita nila. Basahin ang mga caption para tulungan ang mga bata na malaman ang tungkol sa pagsisisi at pagpapatawad.
Masasabi ko sa iba ang tungkol kay Jesucristo.
Ang mga salita ng isang bata na puno ng pananampalataya ay may natatanging kapangyarihang antigin ang mga puso. Bigyan ng kumpiyansa ang mga bata na ang kanilang patotoo kay Jesucristo ay makakatulong sa iba.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Basahin sa mga bata ang Mga Awit 71:8, at magdrowing ng malaking bibig sa pisara. Hilingin sa kanila na tulungan kang “punuin” ang bibig ng mga bagay na masasabi natin sa iba tungkol kay Jesucristo.
-
Ipasa-pasa ang isang larawan ni Jesucristo. Sabihin sa mga bata na magsalitan sa paghawak ng larawan at magsabi ng isang bagay na nalalaman nila tungkol sa Kanya. Ano ang ginawa Niya para sa atin? (Ang mga larawan sa Aklat ng Sining ng Ebanghelyo ay makapagbibigay ng ilang ideya.)
Dinidinig at sinasagot ng Ama sa Langit ang mga dalangin ko.
Marami sa mga awit ang tila mga panalangin sa Diyos para humingi ng tulong, patnubay, o proteksyon. Isipin kung paano mo matutulungan ang mga bata na patatagin ang kanilang pananampalataya na dinidinig at sinasagot sila ng Ama sa Langit kapag nagdarasal sila.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Itanong sa mga bata kung paano sila nakikipag-usap sa mga taong nakatira sa malayo. Ipakita sa kanila ang mga bagay na magagamit natin para makipag-ugnayan, tulad ng telepono o liham. Basahin sa kanila ang Mga Awit 86:7. Paano tayo “mananawagan sa” Ama sa Langit? Paano Niya tayo sinasagot?
-
Anyayahan ang mga bata na isadula ang mga bagay na ginagawa nila araw-araw, tulad ng paggising, pagkain ng almusal, pagpunta sa paaralan, o pagtulog. Tulungan silang humanap ng mga oras sa maghapon na maaari silang magdasal sa Ama sa Langit. Magpatotoo na maaari tayong manalangin sa Kanya anumang oras, at lagi Niya tayong diringgin.
-
Sama-samang kantahin ang isang awitin tungkol sa panalangin, tulad ng “Panalangin ng Isang Bata” (Aklat ng mga Awit Pambata, 6–7). Ikuwento ang isang pagkakataon na sinagot ng Diyos ang iyong mga dalangin.
“Aking gugunitain ang mga gawa ng Panginoon.”
Maaaring palakasin ng mga banal na kasulatan ang ating pananampalataya kay Jesucristo sa pagtulong sa atin na maalala ang Kanyang “mga kahanga-hangang gawa noong unang panahon.”
Mga Posibleng Aktibidad
-
Basahin sa mga bata ang Mga Awit 77:11, at sabihin sa kanila kung paano mo sinisikap na “gunitain ang mga gawa ng Panginoon,” pati na ang Kanyang mga gawa sa buhay mo. Anyayahan ang mga bata na magdrowing ng mga larawan upang tulungan silang maalala ang mga dakilang bagay na ginawa Niya.
-
Magpakita ng mga larawan mula sa aklat na ito o mula sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya para maipaalala sa mga bata ang mga kuwento na natutuhan nila sa Lumang Tipan tungkol sa mga dakilang bagay na ginawa ng Panginoon para sa Kanyang mga tao. Tanungin sila kung alin sa mga kuwentong ito ang pinakagusto nila at bakit.
Ituro ang Doktrina: Mas Nakatatandang mga Bata
Ang pagsisisi ay pagbabago ng puso.
Ang Mga Awit 51 ay naglalaman ng ilang katotohanan tungkol sa pagsisisi. Paano mo matutulungan ang mga bata na matuklasan ang mga katotohanang ito?
Mga Posibleng Aktibidad
-
Bigyan ang bawat bata ng isa sa mga scripture reference na matatagpuan sa pahina ng aktibidad para sa linggong ito. Ipahanap sa kanila ang mga salitang nagtuturo sa kanila ng isang bagay tungkol sa pagsisisi. Hayaan silang isulat sa pisara ang mga salita. Matapos makapagbahagi ang bawat isa, itanong sa mga bata kung paano nila sasagutin ang isang kaibigan na nagtatanong ng, “Ano ang ibig sabihin ng magsisi?”
-
Magdrowing ng puso sa pisara. Sabihin sa mga bata na magbanggit ng ilang kasalanang tinutukso tayo ni Satanas na gawin. Isulat ang mga kasalanang iyon sa loob ng puso. Ipahanap sa mga bata ang salitang puso sa Mga Awit 51:10, 17. Ano ang itinuturo sa atin ng mga talatang ito tungkol sa pagsisisi? (tingnan din sa talata 6). Tulungan ang mga bata na maunawaan na kahit tumigil tayo sa paggawa ng kasalanan, kailangang magbago ang ating puso para makapagsisi tayo. Hilingin sa mga bata na burahin ang mga kasalanan na nasa puso sa pisara at isulat ang mga bagong salitang naglalarawan ng pagbabago sa ating puso kapag nagsisisi tayo. Ibahagi ang iyong patotoo na ang Diyos ay “makalilikha sa [atin] ng malinis na puso” kapag tayo ay nagsisisi (talata 10).
“Aking gugunitain ang mga gawa ng Panginoon.”
Itinuro ng mga Israelita sa kanilang mga anak ang tungkol sa mga himalang ginawa ng Diyos para sa kanila “upang [ilagak ng mga bata] ang kanilang pag-asa sa Diyos” (Mga Awit 78:7).
Mga Posibleng Aktibidad
-
Hilingin sa mga bata na ibahagi sa iyo ang ilan sa kanilang paboritong kuwento mula sa mga banal na kasulatan (ang mga larawan mula sa Aklat ng Sining ng Ebanghelyo ay maaaring makatulong sa kanila na mag-isip ng mga kuwento). Bakit gusto nila ang mga kuwentong ito? Ano ang itinuturo sa atin ng mga kuwentong ito tungkol sa Panginoon? Sama-samang basahin ang Mga Awit 77:11; 78:7. Bakit mahalagang “gunitain ang mga gawa ng Panginoon”?
-
Ipabasa sa mga bata ang Mga Awit 66:16 at pag-isipan o isulat ang mga sagot sa tanong na “Ano ang ginawa ng Panginoon para sa aking kaluluwa?” Pagkatapos ay ipabahagi ang kanilang mga sagot, kung gusto nila. Ano ang maaari nating gawin upang “laging alalahanin” (Moroni 4:3; 5:2) ang ginawa ng Panginoon para sa atin?
Nais ng Panginoon na magpatawad.
Kapag nagkakasala tayo, nais ni Satanas na isipin natin na hinding-hindi tayo patatawarin ng Panginoon. Tulungan ang mga bata na patatagin ang kanilang pananampalataya na ang Panginoon ay “mapagpatawad, sagana sa tapat na pag-ibig” (Mga Awit 86:5).
Mga Posibleng Aktibidad
-
Magpakita ng larawan ng Tagapagligtas (tulad ng nasa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya), at itanong sa mga bata kung anong mga salita ang gagamitin nila para ilarawan Siya. Ipahanap sa kanila ang mga salitang naglalarawan sa Kanya sa Mga Awit 86:5, 13, 15. Kung kailangan, tulungan silang ipaliwanag ang mga salitang ito. Ano ang masasabi natin sa isang kaibigan na nadarama na galit ang Diyos sa kanila kapag nagkakasala sila?
-
Kasama ang mga bata, kantahin ang isang awitin na sa pakiramdam mo ay makakatulong sa kanila na maunawaan ang likas na mapagpatawad na katangian ng Tagapagligtas, tulad ng “Ako ay Namangha” (Mga Himno, blg. 115). Ibahagi ang iyong patotoo na nais ni Jesucristo na patawarin tayo.
Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan
Sabihin sa bawat bata na magbanggit ng isang dahilan kung bakit mahal nila ang Ama sa Langit at si Jesucristo. Hikayatin silang ibahagi ang bagay na iyon sa isang tao sa kanilang bahay. Magpatotoo na ang kanilang mga salita ay magpapala sa taong iyon.