Lumang Tipan 2022
Agosto 22–28. Mga Awit 102–103; 110; 116–119; 127–128; 135–139; 146–150: “Lahat ng Bagay na May Hininga ay Magpuri sa Panginoon”


“Agosto 22–28. Mga Awit 102–103; 110; 116–119; 127–128; 135–139; 146–150: ‘Lahat ng Bagay na May Hininga ay Magpuri sa Panginoon,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: Lumang Tipan 2022 (2021)

“Agosto 22–28. Mga Awit 102–103; 110; 116–119; 127–128; 135–139; 146–150,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: 2022

Larawan
Si Cristo na nakasuot ng pulang bata na napaliligiran ng nakaluhod na mga tao

Ang Bawat Tuhod ay Magsisiluhod, ni J. Kirk Richards

Agosto 22–28

Mga Awit 102–103; 110; 116–119; 127–128; 135–139; 146–150

“Lahat ng Bagay na May Hininga ay Magpuri sa Panginoon”

Kung kailangan mo ng mga karagdagang ideya habang naghahanda kang magturo, tingnan ang “Karagdagang Resources sa Pagtuturo ng mga Bata” at “Pagtugon sa mga Pangangailangan ng Mas Maliliit na Bata” sa simula ng resource na ito.

Itala ang Iyong mga Impresyon

Larawan
icon ng pagbabahagi

Mag-anyayang Magbahagi

Ipakita ang ilang larawan mula sa outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya, at anyayahan ang mga bata na sabihin kung ano ang nakikita nila sa mga larawan. Tulungan silang makita ang mga koneksyon ng mga larawang ito at kung ano ang natututuhan nila sa aklat ng Mga Awit.

Larawan
icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina: Mas Maliliit na Bata

Mga Awit 119:105

Ang salita ng Diyos ay parang ilaw.

Ang mga batang tinuturuan mo ay nasa landas pabalik sa Ama sa Langit. Ang salita ng Diyos ay makakatulong sa kanila na manatili sa landas na ito ngayon at sa buong buhay nila.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Ipakita ang mga larawan ng mga bagay na binanggit sa Mga Awit 119:105, at anyayahan ang mga bata na ayusin ang mga larawan habang binabasa mo ang talata. Anyayahan ang mga bata na uliting bigkasin ang mga kataga mula sa talata kasabay mo habang nakaturo ka sa mga larawan.

  • Anyayahan ang mga bata na pag-usapan kung ano ang pakiramdam ng nasa dilim. Ano ang mga bagay na mahirap gawin sa dilim? Maaari mong anyayahan ang isang bata na subukang gawin ang isang bagay nang nakapikit ang kanilang mga mata, tulad ng pagdodrowing ng larawan. Bakit mas madaling gawin ang mga bagay na ito kapag may liwanag? Tulungan ang mga bata na maunawaan kung paano tumatanglaw sa ating landas pabalik sa Ama sa Langit ang salita ng Diyos, na matatagpuan sa mga banal na kasulatan at sa mga salita ng mga buhay na propeta.

Mga Awit 139:1–3, 23

Kilala at mahal ako ng Ama sa Langit at ni Jesucristo.

Sa buong buhay natin, kailangan tayong paalalahanan na personal tayong kilala ng Ama sa Langit at ni Jesucristo. Matutulungan ka ng Mga Awit 139 na ituro sa mga bata na sila ay kilala at mahal Nila.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Gumawa ng maikling listahan ng mga bagay na alam mo tungkol sa bawat bata. Habang isa-isa mong binabasa ang mga listahan, pahulaan sa mga bata kung sino ang inilalarawan mo. Basahin ang Mga Awit 139:1–3, at tulungan ang mga bata na maunawaan ang mga salitang maaaring hindi nila alam. Magpatotoo na kilalang-kilala sila ng Ama sa Langit at ni Jesus—alam Nila ang kanilang mga pangalan, ano ang nagpapasaya at nagpapalungkot sa kanila, at ang mga bagay na mabuti nilang nagagawa.

  • Basahin ang Mga Awit 139:23, at ipalagay sa mga bata ang kanilang mga kamay sa tapat ng kanilang puso kapag sinabi mong “puso” at hawakan ang kanilang ulo kapag sinabi mong “kaisipan.” Magbahagi ng isang pagkakataon na nadama mo na alam ng Diyos ang iyong puso at kaisipan.

Mga Awit 146:1, 5–9.

Maaari kong purihin ang Panginoon.

Ang ibig sabihin ng purihin ang Panginoon ay ipakita ang pasasalamat at pagmamahal sa Kanya. Tulungan ang mga bata na malaman na pinupuri natin Siya kapag ginagawa natin ang mga bagay na tulad ng pagkanta, pagdarasal, at pagsunod sa Kanyang mga turo.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Ipabahagi sa mga bata ang mga karanasan nila nang pinuri sila ng isang tao o sinabihan sila na maganda ang ginawa nila. Ibahagi ang ilan sa mabubuting bagay mula sa Mga Awit 146:6–9 na ginawa ng Panginoon, at anyayahan ang mga bata na pag-usapan ang tungkol sa iba pang mga bagay na ginagawa Niya para sa atin. Tulungan silang mag-isip ng mga paraan na maaari nilang papurihan Siya para sa mga bagay na iyon.

  • Sama-samang kantahin ang isang awitin tungkol sa papuri, tulad ng “Kayganda ng Mundo” (Aklat ng mga Awit Pambata, 232). Ipaliwanag na para sa mga Israelita noong unang panahon, ang Mga Awit ay tulad ng mga awiting kinakanta natin ngayon upang sambahin at purihin ang Diyos.

Larawan
icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina: Mas Nakatatandang mga Bata

Mga Awit 102:1–2103

Binibigyan ako ng Panginoon ng kapanatagan at pag-asa.

Batid ng Diyos ang ating mga pagsubok at kalungkutan, at nais Niya tayong panatagin at hikayatin. Tulungan ang mga bata na patatagin ang kanilang pananampalataya sa Kanya para bumaling sila sa Kanya sa oras ng pangangailangan.

Larawan
Nagpapagaling si Jesus

Pagpapagaling, ni J. Kirk Richards

Mga Posibleng Aktibidad

  • Sabihin sa isa sa mga bata na basahin ang Mga Awit 102:1–2. Paano tayo tinutulungan ng Panginoon sa panahon ng kaguluhan? Paano natin hihingin ang Kanyang tulong? Magbahagi ng isang karanasan kung saan nadama mo na dininig ng Diyos ang iyong mga panalangin noong ikaw ay nangailangan, at ipabahagi sa mga bata ang kanilang mga karanasan at patotoo.

  • Anyayahan ang mga bata na hanapin ang mga salita ng kapanatagan at pag-asa sa Mga Awit 103. Paano matutulungan ng mga salitang ito ang mga tao na may kinakaharap na mga hamon? Hikayatin ang mga bata na isulat ang mga katagang makabuluhan sa kanila para ipaalala sa kanila na matutulungan sila ng Panginoon kapag may mga pagsubok sila.

Mga Awit 119:105

Ang salita ng Diyos ay tumutulong sa akin na sundan ang Kanyang landas.

Kahit tila madilim ang mundo kung minsan, maaaring tanglawan ng salita ng Diyos ang ating landas at tulungan tayong makabalik sa Kanya.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Magdrowing sa pisara ng isang ilaw (tulad ng lampara) at larawan ng mga banal na kasulatan. Anyayahan ang mga bata na basahin ang Mga Awit 119:105. Paano tayo natutulungan ng ilaw? Paano tayo tinutulungan ng salita ng Diyos? Ipasulat sa mga bata ang kanilang mga sagot sa pisara sa tabi ng mga larawan. Paano nahahalintulad ang salita ng Diyos sa isang ilaw? Paano tayo natutulungan nito na manatili sa landas pabalik sa Ama sa Langit?

  • Pagpartner-partnerin ang mga bata, at bigyan ang bawat magkapartner ng isa sa sumusunod na mga talata sa banal na kasulatan: Mga Awit 119:47–48; Mga Awit 119:105; 1 Nephi 11:25; 2 Nephi 31:20. Ipabasa sa kanila ang mga talata at ipahanap ang ibinigay sa atin ng Ama sa Langit para tulungan tayong manatili sa landas pabalik sa Kanya. Anyayahan ang mga bata na pagnilayan at ibahagi ang nadarama nilang dapat nilang gawin dahil sa natutuhan nila.

  • Sama-samang kantahin ang isang awitin tungkol sa pagsunod sa landas ng Diyos, tulad ng “Sa Aking Paglakad, Jesus ang Kasama” (ChurchofJesusChrist.org). Ano ang matututuhan natin sa awiting ito tungkol sa kung paano manatili sa tamang landas?

Mga Awit 139:23–24

Matutulungan ako ng Ama sa Langit at ni Jesucristo na malaman kung paano mas bumuti pa.

Itinuturo sa Mga Awit 139 na alam ng Diyos ang lahat ng tungkol sa atin, pati na ang ating mga kalakasan at kahinaan. Kung babaling tayo sa Kanya, maituturo Niya sa atin ang kailangan nating gawin upang maging higit na katulad Niya.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Isulat sa pisara ang mga salita ng Mga Awit 139:23–24, at sabihin sa mga bata na salungguhitan ang mga salitang naglalarawan ng mga bagay na magagawa ng Diyos para sa atin. Bakit natin gugustuhing gawin ng Diyos ang mga bagay na ito? Paano natin Siya aanyayahan na “akayin [tayo] sa daan na walang-hanggan”?

  • Hikayatin ang mga bata na “saliksikin” ang kanilang buhay para mas mapagbuti pa nila ang kanilang buhay sa apat na aspeto ng pokus sa Mga Bata at Kabataan—espirituwal, pakikisalamuha, pisikal, at intelektuwal. Ipaalala sa kanila na alam ng Panginoon kung paano nila mapagbubuti ang bawat isa sa mga aspetong ito, at hikayatin silang hangarin ang Kanyang patnubay.

  • Kantahin ang isang awitin tungkol sa kung paano tayo matutulungan ng Ama sa Langit na mas bumuti pa, tulad ng ikalawang talata ng “Ama, Ako’y Tulungan” (Aklat ng mga Awit Pambata,} 52). Ibahagi kung paano ka natulungan ng Ama sa Langit at ni Jesucristo na bumuti pa.

Larawan
icon ng pag-aaral

Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan

Paminsan-minsan, maaari mong anyayahan ang isa sa mga bata at ang isa sa kanyang mga kapamilya na ibahagi sa klase ang ginagawa nila para matutuhan ang ebanghelyo sa tahanan. Hikayatin ang iba pang mga bata na ibahagi ang mga ideyang ito sa kanilang pamilya.

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo

Gumamit ng musika. Ang mga awitin sa Primary at mga himno ay makatutulong sa mga bata sa lahat ng edad para maunawaan at maipamuhay ang mga katotohanan ng ebanghelyo sa paraang madaling tandaan. Mapapanatili ng pagkanta ang aktibong pakikilahok ng mga bata sa pag-aaral. (Tingnan sa Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas, 22.)

Print