“Agosto 29–Setyembre 4: Mga Kawikaan 1–4; 15–16; 22; 31; Eclesiastes 1–3; 11–12: ‘Ang Takot sa Panginoon ang Pasimula ng Karunungan,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: Lumang Tipan 2022 (2021)
“Agosto 29–Setyembre 4: Mga Kawikaan 1–4; 15–16; 22; 31; Eclesiastes 1–3; 11–12” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: 2022
Agosto 29–Setyembre 4
Mga Kawikaan 1–4; 15–16; 22; 31; Eclesiastes 1–3; 11–12
“Ang Takot sa Panginoon ang Pasimula ng Karunungan”
Habang pinag-aaralan mo ang Mga Kawikaan at Eclesiastes, isipin ang mga batang tinuturuan mo. Anong mga mensahe sa mga banal na kasulatang ito ang makatutulong sa kanila na mas mapalapit sa Ama sa Langit at kay Jesucristo?
Itala ang Iyong mga Impresyon
Mag-anyayang Magbahagi
Idrowing sa pisara ang mga larawan ng mga bagay na binanggit sa aklat ng Mga Kawikaan, tulad ng puso, ilaw, o landas. Tulungan ang mga bata na basahin ang Mga Kawikaan 3:5; 4:18, 26, at anyayahan silang magbahagi ng isang bagay na natutuhan nila tungkol sa mga bagay na ito mula sa mga banal na kasulatan.
Ituro ang Doktrina: Mas Maliliit na Bata
Maaari akong magtiwala sa Panginoon nang buong-puso.
Kapag nagtitiwala tayo sa Panginoon nang buong puso, nananampalataya tayo sa Kanya at alam nating tutulungan Niya tayo.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Pahawakan sa isa sa mga bata ang larawan ng Tagapagligtas habang binabasa ninyo ang Mga Kawikaan 3:5. Sabihin sa mga bata kung ano ang ibig sabihin sa iyo ng pagtitiwala sa Panginoon. Anyayahan ang mga bata na gumawa ng puso gamit ang kanilang mga kamay o itapat ang kanilang mga kamay sa kanilang puso habang inuulit nila ang katagang “sa Panginoon ay buong puso kang magtiwala” nang ilang beses.
-
Magdrowing ng isang malaking puso sa pisara, at tulungan ang mga bata na mag-isip ng mga bagay na magagawa nila para ipakita na nagtitiwala sila sa Panginoon. Anyayahan silang idrowing ang kanilang mga ideya sa loob ng puso o sa isang pirasong papel. Hikayatin silang ibahagi ang kanilang mga ideya sa kanilang pamilya.
Maaari akong gumamit ng mabubuting salita.
Sa mahirap o nakakainis na mga sitwasyon, maaari tayong matuksong tumugon nang may galit. Itinuturo sa atin sa Mga Kawikaan 15:1, 18 kung paano natin maiwawaksi ang galit.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Basahin ang Mga Kawikaan 15:1 sa mga bata, at ipaliwanag ang anumang mga salita o pariralang maaaring hindi pamilyar sa kanila. Magbahagi ng ilang halimbawa ng mga sitwasyon kung saan maaaring makaramdam ng galit ang isang bata (tulad ng pagkikipagtalo sa isang kapatid). Tulungan silang mag-isip ng “[mga] sagot na malumanay,” o mabubuting salita, na magagamit nila sa halip na pagalit na mga salita. Tulungan silang magpraktis na sabihin ang mga bagay na ito nang malumanay o mahinahon.
-
Kumanta ng isang awitin tungkol sa kabaitan, tulad ng “Sa Akin Nagmumula ang Kabaitan” (Aklat ng mga Awit Pambata, 83). Ano ang itinuturo sa atin ng awiting ito tungkol sa pagiging mabait?
-
Para matulungan ang mga bata na maunawaan ang ibig sabihin ng “makupad sa galit” (Mga Kawikaan 15:18), magkuwento ng isang personal na salaysay kung kailan nagalit ka (o ang isang taong kilala mo) pero piniling maging mabait. Hayaang magbahagi rin ang mga bata ng sarili nilang mga karanasan. Tulungan ang mga bata na mag-isip ng mga bagay na magagawa nila sa halip na magalit. Halimbawa, maaari nilang isipin si Jesus, hilingin sa Ama sa Langit na tulungan sila, kantahin sa kanilang sarili ang isang awitin sa Primary, o, kung maaari, basta lumayo na lang.
Maibabahagi ko sa ibang tao kung ano ang mayroon ako.
Maaaring matuto ang maliliit na bata na tumulong sa mga tao sa kanilang paligid na nangangailangan. Paano mo sila mahihikayat na ibahagi sa iba kung ano ang mayroon sila?
Mga Posibleng Aktibidad
-
Magpakita sa mga bata ng ilang larawan ng ibang mga taong naglilingkod o tumutulong sa mga taong nangangailangan, kabilang na ang mga larawan ng Tagapagligtas (tulad ng Aklat ng Sining ng Ebanghelyo, blg. 42, 44, 46). Hilingin sa mga bata na sabihin sa iyo ang nangyayari sa bawat larawan. Basahin sa mga bata ang Mga Kawikaan 22:9. Ipaliwanag na ang isang paraan na maaari tayong maglingkod ay sa pagbibigay ng “tinapay sa mga dukha,” pero marami pang ibang paraan para matulungan ang mga nangangailangan. Anyayahan ang mga bata na idrowing ang kanilang sarili na tumutulong sa isang tao.
-
Magdala sa klase ng ilang bagay na maaari mong ibahagi sa mga bata, tulad ng mga larawan o krayola. Habang nagbibigay ka ng isa sa bawat bata, sabihing, “Magbabahagi ako kay [pangalan ng bata].” Hayaang maghalinhinan ang mga bata sa pagbabahagi ng mga bagay sa isa’t isa. Ano ang iba pang mga bagay na maaari nating ibahagi sa iba?
-
Sama-samang kantahin ang isang awitin tungkol sa paglilingkod, tulad ng “‘Magbigay,’ Wika ng Munting Sapa” (Aklat ng mga Awit Pambata, 116). Itanong sa mga bata kung ano ang pakiramdam nila kapag tumutulong sila sa iba.
Ituro ang Doktrina: Mas Nakatatandang mga Bata
Mga Kawikaan 1:7; 2:5; 15:33; 16:6; Eclesiastes 12:13
Ang ibig sabihin ng “matakot ka sa Diyos” ay mahalin at sundin Siya.
Ang isa sa mahahalagang mensahe sa Mga Kawikaan at Eclesiastes ay “matakot ka sa Diyos, at sundin mo ang kanyang mga utos” (Eclesiastes 12:13). Pagnilayan kung paano mo maipauunawa sa mga bata ang ibig sabihin ng matakot sa Diyos.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Anyayahan ang mga bata na maglista ng ilang bagay na maaaring katakutan ng mga tao. Pagkatapos ay ipabasa sa kanila ang Mga Kawikaan 1:7 at Eclesiastes 12:13. Ano ang ibig sabihin ng matakot sa Diyos? Para masagot ang tanong na ito, hilingan ang isang bata na basahing muli ang mga talata, na pinapalitan ang salitang “matakot” ng salitang “magpitagan.” Ulitin ang aktibidad na ito sa mga salitang tulad ng “magmahal,” “sumunod,” o “tumalima.” Paano nito binabago ang pagkaunawa natin sa ibig sabihin ng matakot sa Diyos?
-
Anyayahan ang bawat bata na pumili ng isa sa sumusunod na mga talata para basahin, na hinahanap ang salitang “takot”: Mga Kawikaan 1:7; 2:5; 15:33; 16:6. Hilingin sa mga bata na ibahagi ang itinuturo ng kanilang talata tungkol sa mga pagpapalang dumarating kapag may takot tayo sa Panginoon, na ibig sabihin ay nagpapakita tayo ng pagpipitagan at paggalang sa Kanya (tingnan din sa Mga Kawikaan 14:26–27). Paano natin maipapakita sa Panginoon na mahal at iginagalang natin Siya?
“Sa Panginoon ay buong puso kang magtiwala.”
-
Sama-samang basahin ang Mga Kawikaan 3:5–7, at hilingin sa mga bata na ilista ang mga bagay na sinasabi sa mga talatang ito na dapat at hindi natin dapat gawin. Tanungin sila kung ano sa palagay nila ang maaaring ibig sabihin ng bawat isa sa mga bagay na ito. Anong mga katangian ang nakikita natin sa mga taong pinagkakatiwalaan natin? Anong mga katangian ang taglay ng Panginoon na tumutulong sa atin na magtiwala sa Kanya?
-
Para ipakita ang ibig sabihin ng “huwag kang manalig sa sarili mong pang-unawa,” hayaang subukan ng mga bata na isandal ang isang patpat o lapis sa iba-ibang bagay, tulad ng isang aklat o isang pirasong papel. Aling mga bagay ang pinakamainam na nagamit? Bakit mahalagang “magtiwala sa Panginoon” at huwag manalig sa ating “sariling pang-unawa”?
“Nakapapawi ng poot ang sagot na malumanay.”
Ang pagsasalita habang galit ay kadalasang nagpapalala sa isang mainit na sitwasyon. Itinuturo sa mga talatang ito na maaaring makapawi ng poot o galit ang ating mga salita at kilos.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Isulat ang mga salitang poot at pagtatalo sa pisara, at magbahagi ng isang halimbawa ng pagtatalo ng mga bata. Pagkatapos ay hilingin sa mga bata na basahin ang Mga Kawikaan 15:1, 18; 16:32 at humanap ng payo na maibibigay ng mga ito sa mga batang nagtatalo. Tuwing magbabahagi ng isang ideya ang mga bata, anyayahan silang burahin ang isang bahagi ng mga salita sa pisara. Anyayahan silang palitan ang mga salitang iyon ng ibang mga salita na naglalarawan sa mga katangian ni Cristo na naghahatid ng kapayapaan.
-
Tulungan ang mga bata na mag-isip ng mga salaysay sa mga banal na kasulatan na nagpakita ng halimbawa ang Tagapagligtas ng itinuturo sa Mga Kawikaan 15:1, 18; 16:32. Para sa mga ideya, maaari nilang basahin ang Juan 8:1–11; 18:1–11. Sama-samang kumanta ng isang awitin tungkol sa halimbawa ng Tagapagligtas, tulad ng “Sinisikap Kong Tularan si Jesus” (Aklat ng mga Awit Pambata, 40–41). Paano natin masusundan ang halimbawa ni Jesus kapag nakikipag-ugnayan tayo sa mga kapamilya, kaibigan, at sa iba?
Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan
Tulungan ang mga bata na pumili ng isang talatang binasa nila sa klase na nagustuhan nila. Hikayatin silang ibahagi ang talatang iyon sa kanilang pamilya at sabihin sa kanila ang natutuhan nila mula rito.