“Setyembre 5–11. Isaias 1–12: ‘Ang Diyos ang Aking Kaligtasan,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: Lumang Tipan 2022 (2021)
“Setyembre 5–11. Isaias 1–12,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: 2022
Setyembre 5–11
Isaias 1–12
“Ang Diyos ang Aking Kaligtasan”
Ang mga salita ni Isaias ay maaaring mahirap maunawaan. Habang iniisip mo kung paano magtuturo sa mga bata tungkol kay Isaias, magtuon sa mga simpleng katotohanang maaaring magpalakas sa pananampalataya nila kay Jesucristo.
Itala ang Iyong mga Impresyon
Mag-anyayang Magbahagi
Anyayahan ang mga bata na magbahagi ng isang bagay na nagawa nila kamakailan para ipamuhay ang ebanghelyo, tulad ng pagdarasal, pagpapakita ng kabaitan sa isang tao, o pagsunod sa iba pang mga kautusan.
Ituro ang Doktrina: Mas Maliliit na Bata
Sa templo ay natututo tayo tungkol kay Jesucristo.
Nakinita ni Isaias ang panahon na ang templo, “ang bundok ng bahay ng Panginoon,” ay aakit sa mga tao mula sa “lahat ng bansa.” Magagamit mo ang propesiyang ito para tulungan ang mga bata na asamin ang araw na makapunta sila sa templo.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Hilingin sa mga bata na idrowing ang bahay nila. Pagkatapos ay sama-samang basahin ang Isaias 2:2, at anyayahan silang idrowing ang larawan ng “bahay ng Panginoon,” na isang templo. Sama-samang basahin ang talata 3, at anyayahan silang dagdagan ang kanilang larawan ng maraming taong nagpupunta sa templo, pati na ang kanilang pamilya. Bakit gusto nating pumunta sa bahay ng Panginoon? Ibahagi ang iyong patotoo tungkol sa mga pagpapalang dumarating habang natututo tayo tungkol sa Panginoon sa Kanyang bahay.
-
Pahawakan sa isang bata ang larawan ng isang templo, at hilingin sa mga bata na pag-usapan kung ano ang nakikita nila sa larawan. Itanong sa kanila kung ano ang gusto nila tungkol sa templo. Sama-samang basahin ang Isaias 2:2–3 at iparinig sa kanila ang iba pang mga dahilan kung bakit maaari nating mahalin ang templo. Sabihin sa mga bata kung bakit mahal mo ang templo.
-
Kantahin ninyo ng mga bata ang isang awitin tungkol sa templo, tulad ng “Templo’y Ibig Makita” (Aklat ng mga Awit Pambata, 99). Tulungan silang maghanap ng mga salita at kataga sa awitin na nagtuturo kung ano ang templo at ano ang ginagawa natin doon.
-
Magdrowing ng isang landas sa pisara, at maglagay ng isang larawan ng templo o ng Tagapagligtas sa isang dulo. Hayaang maghalinhinan ang mga bata sa pagdodrowing ng sarili nila na naglalakad sa landas. Habang ginagawa nila ito, anyayahan silang ulitin ang katagang ito mula sa Isaias 2:3: “Tayo’y lumakad sa kanyang mga landas.” Ano ang magagawa natin para lumakad sa mga landas ng Panginoon?
Nagpropesiya si Isaias tungkol kay Jesucristo.
Lahat ng propeta ay nagpapatotoo kay Jesucristo, kabilang na ang mga nabuhay bago Siya isinilang, tulad ni Isaias. Isipin kung ano ang maaaring matutuhan ng mga bata tungkol kay Jesus mula sa propesiya ni Isaias sa Isaias 9:6.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Basahin sa mga bata ang Isaias 9:6, at anyayahan sila na uliting kasabay mo ang bawat “pangalan” na sinabi ni Isaias na si Jesucristo “ay tatawagin.”
-
Isulat sa mga piraso ng papel ang ilan sa mga titulo ni Jesucristo na matatagpuan sa Isaias 9:6 (tingnan sa pahina ng mga aktibidad para sa linggong ito). Anyayahan ang bawat bata na pumili ng isa, at tulungan ang bata na basahin ang titulo sa klase. Kausapin ang mga bata tungkol sa kahulugan sa iyo ng bawat titulo. Bigyan ng isang larawan ni Cristo ang isa sa mga bata, at hilingan siyang magbahagi ng isang bagay tungkol kay Jesus at pagkatapos ay ipasa ang larawan sa ibang bata. Ulitin ang aktibidad hanggang sa magkaroon ng pagkakataong magbahagi ang lahat ng bata.
Ituro ang Doktrina: Mas Nakatatandang mga Bata
Dahil kay Jesucristo, maaari akong magsisi at maging malinis.
Si Isaias ay nabuhay sa panahon na marami sa kanyang mga tao ang tumalikod na sa Panginoon. Pero nangako sa kanila ang Panginoon na mapapatawad ang kanilang mga kasalanan kung magsisisi sila. Ito rin ang pangako Niya sa atin.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Hilingin sa mga bata na basahin ang Isaias 1:2–4 at pag-usapan ang ilan sa mga dahilan kaya hindi natutuwa ang Panginoon sa mga mamamayan ng Juda. Pagkatapos ay sama-samang basahin ang Isaias 1:16–19 para malaman kung ano ang ipinagawa ng Panginoon sa mga tao. Kung kailangan, ipaunawa sa mga bata ang mahihirap na salita at parirala. Para matulungan silang ilarawan sa isipan ang talata 18, magdispley ng isang bagay na pulang-pula at isang bagay na puting-puti. Ano ang natututuhan natin tungkol sa awa ni Jesucristo mula sa mga talatang ito? Anyayahan ang mga bata na ibahagi ang nadarama nila tungkol sa kaloob na pagpapatawad ni Jesucristo., at ibahagi rin ang iyong damdamin.
-
Tulungan ang mga bata na isaulo ang Isaias 1:18. Isulat sa pisara ang talata, at anyayahan ang mga bata na bigkasin ito nang ilang beses, na binubura nang paisa-isa ang mga salita hanggang sa maisaulo nila ito. Maaari ka ring gumamit ng mga paper strip na may nakasulat na mga salita mula sa talata. Bakit mahalaga na laging tandaan ang itinuturo sa talatang ito? Talakayin kung paano napapasaatin ang pangakong ito dahil sa pagpapabinyag at pagtanggap ng sakramento.
Sa templo ay natututo tayo tungkol kay Jesucristo.
Ang propesiya ni Isaias tungkol sa “bundok ng bahay ng Panginoon” ay naghahayag ng ilan sa mga pagpapalang nagmumula sa pagsamba sa templo, pati na ang iba pang mga pagpapalang darating sa mga huling araw. Pagnilayan kung paano mo mahihikayat ang mga bata na hangarin ang mga pagpapalang ito.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Hilingin sa mga bata na basahin kung ano ang nakita ni Isaias sa Isaias 2:2–3 at magdrowing ng isang larawan kung ano sa palagay nila ang hitsura nito. Ipaliwanag na tinawag ni Isaias ang templo na “ang bundok ng bahay ng Panginoon.” Bakit magandang simbolo ng templo ang isang bundok?
-
Anyayahan ang mga bata na basahin ang Isaias 2:2–3, 5 at tukuyin sa bawat isa sa mga talatang ito ang isang bagay na nagbibigay-inspirasyon sa kanila na magpunta sa templo balang-araw. Pagkatapos ay sama-samang basahin ang talata 4, at talakayin kung paano nakatutulong ang templo na ihatid ang kapayapaang inilarawan sa talatang ito. Tulungan silang mag-isip ng mga paraan na makapaghahanda sila ngayon para magpunta sa templo balang-araw.
Nagpropesiya si Isaias tungkol kay Jesucristo.
Nagpropesiya si Isaias tungkol sa pagsilang ng isang batang uupo sa trono ni David at magtatatag ng isang kahariang walang katapusan. Paano mo maipauunawa sa mga batang tinuturuan mo ang mga propesiyang ito tungkol kay Jesucristo?
Mga Posibleng Aktibidad
-
Hilingin sa mga bata na magbigay ng mga halimbawa ng mga titulong maaaring taglay ng isang tao, tulad ng mga titulong may kaugnayan sa isang trabaho, isang katungkulan, isang team, o isang pamilya. Ano ang sinasabi ng mga titulong ito tungkol sa taong nagtataglay ng mga ito? Tulungan ang mga bata na hanapin ang mga titulo ni Jesucristo sa Isaias 7:14 at 9:6–7. Ano ang itinuturo sa atin ng bawat isa sa mga titulong ito tungkol sa Kanya? Ano pa ang natututuhan natin tungkol kay Jesucristo mula sa mga talatang ito?
-
Sama-samang basahin ang Mateo 1:21–23 at Lucas 1:31–33, at talakayin kung paano natupad ang mga propesiya ni Isaias sa Isaias 7:14; 9:6–7 nang isilang si Jesucristo.
Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan
Hilingin sa mga bata na mag-isip ng isang bagay na natutuhan nila tungkol sa Tagapagligtas na maaari nilang ibahagi sa bahay sa kanilang pamilya, tulad ng isa sa Kanyang mga pangalan.