Lumang Tipan 2022
Setyembre 19–25. Isaias 40–49: “Inyong Aliwin ang Aking Bayan”


“Setyembre 19–25. Isaias 40–49: ‘Inyong Aliwin ang Aking Bayan,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: Lumang Tipan 2022 (2021)

“Setyembre 19–25. Isaias 40–49,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: 2022

si Jesus na pinagagaling ang lalaking bulag

Healing the Blind Man [Pinagagaling ang Lalaking Bulag], ni Carl Heinrich Bloch

Setyembre 19–25

Isaias 40–49

“Inyong Aliwin ang Aking Bayan”

Maraming sipi sa Isaias 40–49 ang makatutulong sa mga bata na maragdagan ang kanilang pagmamahal sa Panginoon at ang kanilang pananampalataya sa Kanya. Hangarin ang patnubay ng Espiritu para mahanap ang mga siping iyon habang nag-aaral ka.

Itala ang Iyong mga Impresyon

icon ng pagbabahagi

Mag-anyayang Magbahagi

Basahin ninyo ng mga bata ang Isaias 40:9, at anyayahan silang magkunwaring umaakyat sa “mataas na bundok” at pagkatapos ay maghalinhinan sa pagbabahagi sa malakas na tinig ng isang bagay na natutuhan nila mula sa mga banal na kasulatan kamakailan—sa bahay man o sa simbahan.

icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina: Mas Maliliit na Bata

Isaias 43:10

Maaari akong maging saksi ng Panginoon.

Ipinaalala ng Panginoon sa mga Israelita na nasaksihan nila ang maraming dakilang bagay na nagawa Niya para sa kanila. Gusto Niya sila (at lahat tayo) na maging Kanyang mga saksi, na ipinapaalam sa iba ang Kanyang kapangyarihan at kabutihan.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Ikuwento sa mga bata ang isang bagay na nasaksihan mo. Tulungan silang mag-isip ng mga bagay na naranasan nila na maaari nilang ikuwento sa isa’t isa o maaari silang maging “saksi”—halimbawa, ng isang masarap na pagkaing natikman nila, isang lugar na nabisita nila, o isang taong kilala nila. Basahin sa mga bata ang Isaias 43:10: “Kayo’y aking mga saksi,” sabi ng Panginoon, “at aking lingkod na aking pinili.” Sabihin sa mga bata na kapag bininyagan tayo ay nangangako tayong maging saksi ni Jesucristo (tingnan sa Mosias 18:9). Ano ang ibig sabihin ng maging saksi ng Panginoon?

  • Hilingin sa mga bata na ibahagi ang nalalaman nila tungkol kay Jesucrito at sa Kanyang ebanghelyo. Magpakita sa kanila ng mga larawan para mabigyan sila ng mga ideya (halimbawa, mga larawan ng Pagkabuhay na Mag-uli ng Tagapagligtas, Aklat ni Mormon, templo, at buhay na propeta). Anyayahan silang pag-usapan kung ano ang maibabahagi nila sa iba bilang mga saksi ng Panginoon.

Isaias 43:11

“Liban sa akin ay walang tagapagligtas.”

Si Jesucristo ang tanging makapagliligtas sa atin mula sa kasalanan at kamatayan. Pagnilayan kung paano mo mahihikayat ang mga bata na magtiwala sa Kanya.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Anyayahan ang mga bata na mag-isip ng isang sitwasyon kung saan maaari silang mangailangan ng tulong (tulad ng pagkakasakit o nasa gitna ng bagyo). Magpakita ng ilang bagay (o larawan ng mga bagay), na ang ilan ay makakatulong sa kanila sa sitwasyon at ang iba ay hindi. Halimbawa, ang isang payong ay makakatulong kapag may bagyo, pero ang isang baso ng tubig at isang lapis ay hindi. Hilingin sa mga bata na piliin ang bagay na makakatulong sa sitwasyong iyon. Magpakita ng mga larawan ng Tagapagligtas para tulungan ang mga bata na pag-usapan kung paano Niya tayo tinutulungan.

  • Basahin sa mga bata ang Isaias 43:11, at hilingin sa kanila na ituro ang isang larawan ni Jesus kapag narinig nila ang salitang “tagapagligtas.” Magpatotoo na dahil si Jesucristo ay nagdusa at namatay para sa atin at nabuhay na mag-uli, Siya ang tanging makapagliligtas sa atin mula sa ating mga kasalanan at mula sa kamatayan.

mga alon sa karagatan

Maaari tayong magkaroon ng “katuwiran [na] parang mga alon sa dagat” (Isaias 48:18).

Isaias 48:18

Ang pagsunod sa mga utos ng Diyos ay naghahatid ng kapayapaan.

Nangangako ang Panginoon ng kapayapaang parang “ilog” at katuwirang parang “mga alon sa dagat” sa mga sumusunod sa Kanyang mga utos.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Basahin sa mga bata ang Isaias 48:18. Anyayahan silang igalaw ang kanilang mga kamay at bisig na parang isang ilog at mga alon. Pag-usapan kung paano nakatulong sa iyo ang pagsunod sa mga utos ng Diyos para mapayapa ka na parang ilog o lumakas na parang alon.

  • Magdrowing ng ilog sa pisara. Tulungan ang mga bata na mag-isip ng mga kautusang naibigay sa atin ng Diyos. Isulat ang mga kautusang iyon sa mga piraso ng papel (o magdrowing ng mga simpleng larawan ng mga ito), at sabihin sa mga bata na maghalinhinan sa pagdidikit ng mga kautusan sa ilog na nasa pisara. Tulungan ang mga bata na malaman kung paano naghahatid ng kapayapaan ang pagsunod sa mga kautusan.

  • Sama-samang kantahin ang isang awitin tungkol sa mga kautusan, tulad ng “Mga Kautusan sa Tuwina ay Sundin” (Aklat ng mga Awit Pambata, 68–69). Ano ang itinuturo ng awiting ito kung bakit dapat nating sundin ang mga utos ng Diyos?

icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina: Mas Nakatatandang mga Bata

Isaias 40:3–5

Maaari akong tumulong na ihanda ang “daan ng Panginoon.”

Tumutulong tayong matupad ang propesiya sa Isaias 40:3–5 sa pagtulong sa iba na tanggapin ang Panginoon sa kanilang buhay.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Hilingin sa isang bata na basahin ang Isaias 40:3 habang binabasa ng bawat isa sa iba pang mga bata ang isa sa sumusunod na mga sipi at hanapin ang katulad na mga salita at parirala: Marcos 1:3–4 (Juan Bautista); Alma 7:9 (Alma); Doktrina at mga Tipan 33:10–11 (mga missionary sa mga huling araw). Tulungan silang matukoy kung sino ang naghahanda sa “daan ng Panginoon” sa bawat sipi. Paano inihanda ng mga taong ito ang daan ng Panginoon? Ano ang magagawa natin para makatulong?

  • Magdrowing ng isang landas sa pisara, at basahin ninyo ng mga bata ang Isaias 40:3–5. Hilingin sa mga bata na maglista ng mga balakid na maaaring humadlang sa mga tao na sundin ang Tagapagligtas, at anyayahan silang magdrowing ng mga balakid sa landas. Ipabura sa kanila ang mga balakid habang pinag-uusapan ninyo ang mga paraan na matutulungan natin ang mga tao na malampasan ang mga ito.

Isaias 41:10; 43:1–5; 48:10

Kasama ko ang Panginoon sa aking mga pagsubok.

Kapag nakikipagtipan tayo sa Panginoon, nangangako Siyang sasamahan tayo—maging sa oras ng ating mga pagsubok. Tulungan ang mga bata na makita ang kanilang sarili bilang bahagi ng pinagtipanang mga tao ng Panginoon at bilang mga tumatanggap ng Kanyang mga pangako.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Isulat sa pisara ang Ako ay… at Aking … Anyayahan ang mga bata na basahin ang Isaias 41:10 at Isaias 43:1–5 para malaman ang sinasabi ng Panginoon kung sino Siya at ano ang sinasabi Niyang gagawin Niya. Anong iba pang mga parirala ang inulit sa mga talatang ito? Paano tayo maaaring bigyan ng kapanatagan at pag-asa ng mga mensaheng ito sa mahihirap na sandali?

  • Sama-samang basahin ang Isaias 48:10, at pag-usapan kung ano ang hurno at ang iba’t ibang mga paraan na ginagamit ito. Ipaliwanag na ang mga metal ay pinadadalisay sa isang hurno. Bakit magandang paraan ang hurno para ilarawan ang paghihirap? Paano tayo mapapadalisay ng ating mga paghihirap? (tingnan sa Alma 62:41).

Isaias 49:14–16

Hindi ako kalilimutan ng Panginoon kailanman.

Kapag nadarama natin na malayo tayo sa Panginoon dahil sa kasalanan, mga pagsubok, o anupamang dahilan, ang mensahe ng Isaias 49:14–16 ay makapaghahatid ng kapanatagan.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Hilingin sa mga bata na basahin ang Isaias 49:14. Ano ang maaaring magpadama sa mga tao na kinalimutan o pinabayaan sila? Paano natin maipapaalam sa iba na hindi sila nalilimutan ng Panginoon? Paano natin malalaman na hindi Niya tayo nalilimutan?

  • Anyayahan ang mga bata na pag-usapan ang isang taong kilala nila na hinding-hindi nila malilimutan, tulad ng isang kapamilya o kaibigan. Talakayin kung ano ang nadarama ng isang mapagmahal na ina tungkol sa kanyang mga anak at ano ang nadarama ng Panginoon tungkol sa atin. Pagkatapos ay hilingin sa mga bata na basahin ang Isaias 49:15–16. Ayon sa mga talatang ito, bakit hindi tayo kalilimutan ng Panginoon kailanman? Anyayahan ang mga bata na ibahagi ang nadarama nila tungkol kay Jesucristo.

icon ng pag-aaral

Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan

Anyayahan ang mga bata na isipin ang isang bagay na natutuhan nila ngayon na gusto pa nilang matutuhan. Tulungan silang sumulat ng isang tanong tungkol doon na maaari nilang itanong sa isang magulang o iba pang miyembro ng pamilya.

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo

Umangkop sa mga pangangailangan ng mga bata. Kung nagtuturo ka sa mas maliliit na bata pero nahihikayat kang ituro sa kanila ang isa sa mga alituntunin sa outline na ito sa ilalim ng “Mas Nakatatandang mga Bata” o vice versa, iangkop ang isa sa mga iminungkahing aktibidad para sa alituntuning iyon para matugunan ang mga pangangailangan at kakayahan ng mga batang tinuturuan mo.