Lumang Tipan 2022
Setyembre 12–18. Isaias 13–14; 24–30; 35: “Kahanga-hanga at Kagila-gilalas [na Gawain]”


“Setyembre 12–18. Isaias 13–14; 24–30; 35: ‘Kahanga-hanga at Kagila-gilalas [na Gawain],’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: Lumang Tipan 2022 (2021)

“Setyembre 12–18. Isaias 13–14; 24–30; 35,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: 2022

si Joseph Smith na nakikita ang Ama sa Langit at si Jesucristo sa Sagradong Kakahuyan

Sagradong Kakahuyan, ni Brent Borup

Setyembre 12–18

Isaias 13–14; 24–3035

“Kahanga-hanga at Kagila-gilalas [na Gawain]”

Matapos mapanalanging pag-aralan ang Isaias 13–14; 24–3035, magplano ng mga aktibidad na tutulong sa mga bata na matuto. Ang mga ideya sa aktibidad sa ibaba ay maaaring iakma sa anumang grupo ng mga batang magkakaedad.

Itala ang Iyong mga Impresyon

icon ng pagbabahagi

Mag-anyayang Magbahagi

Anyayahan ang mga bata na tumayo kung gusto nilang magbahagi ng isang bagay na natutuhan nila sa bahay o sa simbahan kamakailan tungkol sa ebanghelyo. Bigyan ng pagkakataon ang bawat bata na magbahagi.

icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina: Mas Maliliit na Bata

Isaias 14:12–14

Nagkaroon ng digmaan sa langit.

Bago nilikha ang mundo, pinili ng Ama sa Langit si Jesucristo na maging ating Tagapagligtas. Inilalarawan sa Isaias 14:12–14 ang kapalaluang ipinakita ni Satanas sa Kapulungan sa Langit bago tayo isinilang.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Gamitin ang “Pambungad: Ang Plano ng Ating Ama sa Langit” (sa Mga Kuwento sa Bagong Tipan, 1–3) para ikuwento sa mga bata ang Digmaan sa Langit bago tayo isinilang. (Habang ginagawa mo ito, isama ang mga parirala mula sa Isaias 14:12–14 na naglalarawan kay Satanas.) Pagkatapos ay anyayahan ang mga bata na maghalinhinan sa pagkukuwento nito sa iyo. Bigyang-diin na sinunod ni Jesucristo ang plano ng Ama sa Langit at naging ating Tagapagligtas.

  • Sa pisara, magdrowing ng isang puso na may salitang Satanas at ng isang malungkot na mukha sa loob nito. Ipaliwanag na sinabi ni Satanas sa kanyang puso, “sa itaas ng mga bituin ng Diyos aking itatatag ang aking trono” (Isaias 14:13), na ibig sabihin ay nais niyang higitan ang Ama sa Langit. Anyayahan ang isang bata na magdrowing ng isa pang puso, na may salitang Jesus at isang masayang mukha sa loob nito. Ipaunawa sa mga bata na gusto ni Jesus na gawin ang ipinagawa sa Kanya ng Ama sa Langit (tingnan sa Moises 4:1–2). Paano natin matutularan ang halimbawa ni Jesus?

ang nabuhay na mag-uling si Jesus na nagpakita sa isang babae sa libingan

“Lulunukin Niya ang kamatayan magpakailanman” (Isaias 25:8).

Isaias 25:8

Si Jesucristo ay nabuhay na mag-uli.

Kayang aliwin ni Jesucristo ang kalungkutang nadarama natin tungkol sa kamatayan. Dahil nagtagumpay Siya laban sa kamatayan, tayong lahat din ay mabubuhay na mag-uli.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Magpakita ng isang larawan ng Pagkabuhay na Mag-uli ni Jesucristo, at hilingin sa mga bata na ibahagi ang nalalaman nila tungkol sa larawan. Kung kailangan, ibahagi sa kanila ang kuwento noong si Jesus ay mabuhay na mag-uli (tingnan sa “Nagbangon si Jesus,” sa Mga Kuwento sa Bagong Tipan, 139–44). Magpatugtog o kumanta ng isang awitin tungkol sa Pagkabuhay na Mag-uli, tulad ng “Si Jesus ay Nagbangon” (Aklat ng mga Awit Pambata, 44), at anyayahan ang mga bata na ibahagi kung ano ang pakiramdam nila nang malaman nila na nagbangon si Jesus mula sa mga patay.

  • Magkuwento sa mga bata tungkol sa isang taong kilala mo na namatay na. Ano ang nadarama natin kapag namatay ang isang taong mahal natin? Anyayahan ang mga bata na idrowing ang mukha ng isang taong umiiyak. Pagkatapos ay basahin ang Isaias 25:8 sa kanila. Ano ang gagawin ni Jesus sa ating mga luha kapag nangungulila tayo sa isang taong namatay na? Anyayahan ang mga bata na magdrowing ng isang masayang mukha. Magpatotoo na dahil nabuhay na mag-uli si Jesucristo, mapapanatag tayo kapag namatay ang isang tao at alam natin na lahat tayo ay mabubuhay na mag-uli balang-araw.

Isaias 29:12, 14

Ipinanumbalik ng Panginoon ang Kanyang Simbahan sa pamamagitan ni Joseph Smith.

Ang Pagpapanumbalik ng ebanghelyo ay isang “kahanga-hanga at kagila-gilalas [na gawain]” (Isaias 29:14). Ibahagi sa mga bata ang ilan sa kagila-gilalas na mga bagay na ginawa ng Panginoon—at patuloy na ginagawa—upang ipanumbalik ang Kanyang ebanghelyo sa ating panahon.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Anyayahan ang mga bata na sabihin sa iyo ang nalalaman nila tungkol kay Joseph Smith. Kung kailangan, ibahagi sa kanila ang “Ang Unang Pangitain ni Joseph Smith” (sa Mga Kuwento sa Doktrina at mga Tipan, 9–12). Basahin ang Isaias 29:12, at ipaliwanag na kahit hindi itinuring ng maraming tao na “marunong” si Joseph Smith, ipinanumbalik ni Jesucristo ang ebanghelyo sa pamamagitan niya.

  • Basahin ang Isaias 29:14 sa mga bata, at ibahagi sa kanila ang iba pang mga salita na ang ibig sabihin din ay “kahanga-hanga” at “kagila-gilalas.” Magdispley ng mga bagay na kumakatawan sa ilan sa kahanga-hangang mga gawain ng Panginoon sa mga huling araw, tulad ng isang larawan ng Unang Pangitain o ng pagtanggap ni Joseph Smith ng priesthood (tingnan sa Aklat ng Sining ng Ebanghelyo, blg. 90, 9394) o ng isang kopya ng Aklat ni Mormon. Anyayahan ang mga bata na pumili ng isang aytem at ibahagi kung bakit ito kahanga-hanga sa kanila.

icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina: Mas Nakatatandang mga Bata

Isaias 24:3–5; 29:7–10; 30:8–14

Ang ibig sabihin ng apostasiya ay pagtalikod sa Panginoon at sa Kanyang mga propeta.

Ang pagbasa sa mga babala ni Isaias tungkol sa mga panganib ng apostasiya ay makatutulong sa mga bata na matibay na magpasiya na manatiling tapat sa Panginoon at sundin ang Kanyang mga propeta.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Isulat ang salitang apostasiya sa pisara. Anyayahan ang mga bata na maghanap ng isang kahulugan ng “Apostasiya” sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan (scriptures.ChurchofJesusChrist.org). Anyayahan silang basahin ang Isaias 24:5; 30:9–11 at ilista ang mga bagay na ginagawa ng mga tao sa panahon ni Isaias na umakay sa kanila na mag-apostasiya. Pagkatapos ay anyayahan ang mga bata na palitan ang mga aytem sa listahan ng mga bagay na magagawa natin para manatiling tapat sa Panginoon.

  • Hatiin nang magkakapares ang klase, at ipabasa sa bawat magkapares ang isa sa sumusunod na mga talata: Isaias 24:3–5; Isaias 29:7–10; o Isaias 30:8–14. Anyayahan silang magdrowing ng mga larawan na kumakatawan sa binasa nila. Habang ibinabahagi nila ang kanilang mga drowing, tulungan silang talakayin ang itinuturo ng mga salita ni Isaias kung bakit dapat tayong manatiling tapat sa Panginoon.

Isaias 29:13–15, 18, 24

Ang Pagpapanumbalik ng ebanghelyo ay isang “kahanga-hangang gawain.”

Paano mo maipauunawa sa mga bata na sila ay bahagi ng “kahanga-hangang gawain” ng Panginoon (Isaias 29:14) sa mga huling araw?

Mga Posibleng Aktibidad

  • Ipakita ang mga larawan ng ilan sa kagila-gilalas na mga pangyayaring naganap nang ipanumbalik ang ebanghelyo (tingnan sa Aklat ng Sining ng Ebanghelyo, blg. 90–95, o ang pahina ng aktibidad para sa linggong ito). Sama-samang basahin ang Isaias 29:14, 18, 24, at anyayahan ang mga bata na maghanap ng mga salita at pariralang nauugnay sa mga pangyayari sa mga larawan. Itanong sa mga bata kung paano sila makatutulong sa “kahanga-hangang gawain” ng Panginoon (talata 14).

  • Magbahagi ng isang maikling karanasan para maipaunawa sa mga bata ang kahulugan ng pagpapanumbalik. Halimbawa, pag-usapan ang isang bagay na nawala at kung paano mo natagpuan iyon. Tulungan ang mga bata na ikumpara ito sa Pagpapanumbalik ng ebanghelyo. Ayon sa Isaias 29:13–15, bakit natin kailangan ang Pagpapanumbalik? Anong kahanga-hangang mga gawain ang ginawa ng Panginoon para ipanumbalik ang Kanyang ebanghelyo?

Isaias 14:3; 25:8; 28:16

Itinuturo ako ng mga turo ni Isaias kay Jesucristo.

Ang mga turo ni Isaias ay maaaring ituro ang mga batang tinuturuan mo sa Tagapagligtas at ipaalala sa kanila ang mga bagay na nagawa Niya para sa kanila.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Isulat ang sumusunod na mga reperensya sa mga banal na kasulatan sa magkakahiwalay na piraso ng papel: Isaias 14:3; Isaias 25:8; Isaias 28:16; Mateo 11:28–30; 1 Corinto 15:53–57; Helaman 5:12. Ibigay ang mga papel sa mga bata, at anyayahan silang isulat sa mga papel ang mga katotohanang natututuhan nila mula sa mga talata at pagtulungan ninyong pagtugmain ang mga talatang nagtuturo ng magkatulad na mga katotohanan. Ayon sa mga talatang ito, anong mga dakilang bagay ang nagawa ng Panginoon para sa atin?

  • Hilingin sa mga bata na pumili ng isang parirala mula sa Isaias 14:3; 25:8; o 28:16 na nagpapaalala sa kanila tungkol kay Jesucristo. Anyayahan silang isulat ang parirala sa isang piraso ng papel at idrowing ang larawan ng Tagapagligtas na maididispley nila sa bahay nila.

icon ng pag-aaral

Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan

Anyayahan ang mga bata na sumulat o magdrowing ng isang bagay na natutuhan nila sa klase ngayon. Hikayatin silang ibahagi ito sa kanilang pamilya o sa isang miyembro ng klase na hindi nakadalo sa Primary ngayon.

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo

Iangkop ang mga aktibidad para maisama ang mga batang may kapansanan. Matitiyak ng maliliit na pag-aangkop sa mga aktibidad na matututo ang lahat ng bata. Halimbawa, kung iminumungkahi sa aktibidad na magpakita ng isang larawan, sa halip ay maaaring kumanta na lang kayo ng isang awitin para maisali ang mga batang may kapansanan sa paningin.