“Setyembre 26–Oktubre 2. Isaias 50–57: ‘Kanyang Pinasan ang Ating mga Karamdaman, at Dinala ang Ating mga Kalungkutan,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: Lumang Tipan 2022 (2021)
“Setyembre 26–Oktubre 2. Isaias 50–57,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: 2022
Setyembre 26–Oktubre 2
Isaias 50–57
“Kanyang Pinasan ang Ating mga Karamdaman, at Dinala ang Ating mga Kalungkutan”
Ang Isaias 50–57 ay naglalaman ng ilang magagandang pananalita na maaaring hindi maunawaan ng mga batang tinuturuan mo. Habang naghahanda kang magturo, pagnilayan ang mga simpleng katotohanang itinuturo ng mga salitang ito at kung paano mo matutulungan ang mga bata na matutuhan ang mga ito.
Itala ang Iyong mga Impresyon
Mag-anyayang Magbahagi
Hikayatin ang bawat bata na ibahagi kung paano nila nalaman na mahal sila ni Jesucristo. Hilingin sa kanila na ibahagi kung ano ang ginagawa nila upang ipakita na mahal nila si Jesus.
Ituro ang Doktrina: Mas Maliliit na Bata
Nagdusa si Jesus para sa akin dahil mahal Niya ako.
Sa pamamagitan ng Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo, nagdusa si Jesucristo para sa ating mga kasalanan at pinasan Niya ang “ating mga karamdaman” at “ating mga kalungkutan.” Paano mo patototohanan sa mga bata ang Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas?
Mga Posibleng Aktibidad
-
Magdispley ng mga larawan ng pagdurusa ng Tagapagligtas sa krus at sa Halamanan ng Getsemani (tingnan sa Aklat ng Sining ng Ebanghelyo, blg. 56, 57, o mga kabanata 51–53 sa Mga Kuwento sa Bagong Tipan). Hilingin sa mga bata na ilarawan ang nakikita nila sa mga larawan at ibahagi ang nalalaman nila tungkol sa nangyayari. Bakit nagdusa si Jesus para sa atin?
-
Basahin sa mga bata ang Isaias 53:4: “Kanyang pinasan ang ating mga karamdaman, at dinala ang ating mga kalungkutan.” Magpakita sa mga bata ng isang mabigat na bagay (o larawan nito), at anyayahan sila na magkunwaring nagbubuhat ng isang bagay na mabigat. Ipaliwanag na ang “karamdaman” at “kalungkutan” ay maaaring mabigat at mahirap dalhin. Magpatotoo na tutulungan tayo ni Jesucristo na dalhin ang mga bagay na ito dahil mahal Niya tayo.
Maaari kong hanapin ang Panginoon at maaari akong manawagan sa Kanya.
Isipin kung paano mo maipauunawa sa mga bata ang ibig sabihin ng “hanapin” si Jesus sa buong buhay nila.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Magtago ng isang larawan ni Jesus sa isang lugar sa silid, at anyayahan ang mga bata na hanapin iyon. Basahin ang mga salitang “Inyong hanapin ang Panginoon habang siya’y matatagpuan” mula sa Isaias 55:6. Hilingin sa mga bata na bumanggit ng ilang paraan na mahahanap nila ang Panginoon—na ibig sabihin ay nagsisikap silang matuto tungkol sa Kanya at mapalapit sa Kanya. Tuwing sasagot ang isang bata, itagong muli ang larawan, at anyayahan ang bata na “hanapin” iyon.
-
Tulungan ang mga bata na matutuhan ang mga salita sa awiting “Hanapin si Cristo Habang Bata” (Aklat ng mga Awit Pambata, 67) o isa pang awitin tungkol sa higit na paglapit sa Tagapagligtas. Gamitin ang pahina ng aktibidad para sa linggong ito para tulungan ang mga bata na pumili ng isang bagay na gagawin nila para “hanapin ang Panginoon.”
-
Basahin ang pariralang “Tumawag kayo sa kanya habang siya’y malapit” mula sa Isaias 55:6. Paano tayo nananawagan sa Ama sa Langit? Hilingin sa mga bata na pag-usapan kung ano ang sinasabi nila sa kanilang mga dalangin. Magpatotoo na mahal sila ng Ama sa Langit at pinakikinggan sila kapag nagdarasal sila.
Ituro ang Doktrina: Mas Nakatatandang mga Bata
Inaanyayahan ako ng Panginoon na “magsuot [ng aking] kalakasan.”
Sa Isaias 51 at 52, ginamit ng Panginoon ang mga katagang tulad ng “gumising,” “tumayo,” at “magsuot ka ng iyong kalakasan” upang hikayatin ang Kanyang mga tao na abutin ang kanilang banal na potensyal. Isipin kung paano mahihikayat ng mga pariralang ito ang mga batang tinuturuan mo.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Bago magklase, isulat sa pisara ang ilang parirala mula sa Isaias 51–52 na nagpapahayag ng mga kilos na nais ng Panginoon na gawin ng Kanyang mga tao, tulad ng “Itingin ninyo ang inyong mga mata sa langit,” “Gumising,” “Tumayo,” “Magpagpag ka ng alabok,” at “Magalak kayong bigla” (Isaias 51:6, 17; 52:2, 9). Hayaang maghalinhinan ang mga bata sa pag-akto ng isa sa mga parirala habang sinusubukan ng mga iba pa sa klase na hulaan kung ano ito. Pagkatapos umakto ang bawat isa, ipakita sa mga bata ang parirala sa mga banal na kasulatan, at talakayin sa kanila ang espirituwal na kahulugan ng parirala. Ano ang ipinagagawa sa atin ng Panginoon? Paano natin magagawa ang bawat isa sa mga bagay na ito?
-
Anyayahan ang mga bata na basahin ang Isaias 51:1, 4, 7 at tukuyin kung sino ang kausap ng Panginoon at kung ano ang nais Niyang gawin nila. Ano ang ibig sabihin ng “makinig sa” Panginoon? Para mailarawan, hilingin sa isa sa mga bata na magbigay ng mga simpleng tagubilin na kailangang sundin ng iba. Bakit mahirap kung minsan na makinig at sumunod sa Panginoon? Paano natin maipapakita sa Panginoon na tayo ay “[nakikinig] sa” Kanya?
Pinasan mismo ni Jesucristo ang aking mga kasalanan at kalungkutan.
Paano mo magagamit ang mga salita ni Isaias para mas maipaunawa sa mga bata ang ginawa ng Tagapagligtas para sa kanila?
Mga Posibleng Aktibidad
-
Magdispley ng ilang larawan na nagpapakita ng pagdurusa at kamatayan ni Jesucristo (tingnan, halimbawa, sa Aklat ng Sining ng Ebanghelyo, blg. 56, 57, 58). Sama-samang basahin ang Isaias 53:3–6, 9, at anyayahan ang mga bata na hanapin ang mga katagang naglalarawan sa mga pangyayari sa mga larawan. Magpatotoo na daan-daang taon bago nagdusa si Jesucristo para sa atin, nagtuturo ang mga propetang tulad ni Isaias tungkol sa mahahalagang pangyayaring ito. Bakit mahalagang malaman ng mga tao ang mga bagay na ito nang maraming taon bago pa ito mangyari? (tingnan sa Alma 39:15–19).
-
Anyayahan ang mga bata na basahin ang Isaias 53:4–7 at hanapin ang mga salitang naglalarawan kung ano ang ipinagdusa ng Tagapagligtas para sa atin. Hilingin sa kanila na isulat ang mga salitang ito sa pisara. Bakit Niya dinanas ang ating “mga karamdaman,” “kalungkutan,” at “mga kasamaan”? (tingnan din sa Alma 7:11–12). Ibahagi sa mga bata kung paano ka natulungan ng Tagapagligtas na dalhin ang iyong mga pighati at kalungkutan. Ipabahagi sa kanila kung ano ang nadarama nila tungkol sa Tagapagligtas at kung ano ang nagawa Niya para sa kanila.
Ang mga paraan ng Panginoon ay mas mataas kaysa aking mga paraan.
Kapag naunawaan natin na ang mga iniisip at paraan ng Panginoon ay mas mataas kaysa sa atin, nagiging mas madaling magtiwala sa Kanya.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Itanong sa mga bata kung kanino sila lalapit kung may mabigat silang problema, at bakit. Basahin ninyo ng mga bata ang Isaias 55:8–9, at hilingin sa kanila na pakinggan kung bakit dapat nating hangarin ang patnubay ng Panginoon kapag kailangan natin ng tulong.
-
Idrowing sa pisara ang langit at ang lupa, at sulatan ang mga ito ng Kalangitan at Lupa. Pagkatapos ay anyayahan ang mga bata na basahin ang Isaias 55:9 para malaman kung ano ang ikinumpara ng Panginoon sa kalangitan at sa lupa, at hilingin sa kanila na idagdag ang iba pang mga pangalang ito sa mga drowing. Ano ang ibig sabihin ng ang mga paraan at iniisip ng Panginoon ay “mas mataas” kaysa sa atin? Bakit mahalagang malaman ito?
-
Talakayin sa mga bata ang ilan sa mga paraan ng Panginoon na mas mataas kaysa ating mga paraan. Halimbawa, ano ang Kanyang paraan ng pagtrato sa mga makasalanan? (tingnan sa Marcos 2:15–17). Ano ang Kanyang paraan ng pamumuno sa iba? (tingnan sa Mateo 20:25–28). Paano naiiba ang Kanyang mga paraan sa mga paraan ng iba? Sabihin sa mga bata kung paano mo natutuhang magtiwala sa mas matataas na paraan at iniisip ng Panginoon.
Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan
Imungkahi sa mga bata na magtakda sila ng isang mithiing makakatulong sa kanila na mas mapalapit kay Jesucristo, batay sa isang bagay na natutuhan nila sa klase ngayon. Anyayahan silang ibahagi ang mithiing iyon sa isang kapamilya.