Lumang Tipan 2022
Oktubre 3–9. Isaias 58–66: “Ang Isang Manunubos ay Darating sa Zion”


“Oktubre 3–9. Isaias 58–66: ‘Ang Isang Manunubos ay Darating sa Zion,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: Lumang Tipan 2022 (2021)

“Oktubre 3–9. Isaias 58–66,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: 2022

si Jesus na nagtuturo sa sinagoga

Jesus in the Synagogue at Nazareth [Si Jesus sa Sinagoga sa Nazaret], ni Greg K. Olsen

Oktubre 3–9

Isaias 58–66

“Ang Isang Manunubos ay Darating sa Zion”

Ang mga ideya sa aktibidad sa outline na ito ay nilayong magbigay-inspirasyon sa iyong pagkamalikhain. Huwag mong isipin na obligado kang sundin ang mga ito nang eksakto; sundin ang mga pahiwatig ng Espiritu bago at sa oras ng lesson mo.

Itala ang Iyong mga Impresyon

icon ng pagbabahagi

Mag-anyayang Magbahagi

Marami sa mga salita ni Isaias ang nagpapatotoo at nagtuturo tungkol sa Tagapagligtas. Magdispley ng isang larawan ni Jesucristo, at anyayahan ang mga bata na ibahagi ang isang bagay na natutuhan nila tungkol sa Kanya sa linggong ito.

icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina: Mas Maliliit na Bata

Isaias 58:13–14

Ang Sabbath ay maaaring maging kalugud-lugod sa akin.

Ang araw ng Sabbath ay isang panahon para alalahanin natin ang Panginoon at magpahinga mula sa ating mga lingguhang aktibidad. Paano mo matutulungan ang mga batang tinuturuan mo na gawing kalugud-lugod ang Sabbath?

Mga Posibleng Aktibidad

  • Hilingin sa mga bata na ulitin ang pariralang “[Tawagin] ang Sabbath bilang isang [kaluguran], ang banal na araw ng Panginoon” (Isaias 58:13) nang ilang beses. Ipaliwanag na ang ibig sabihin ng “kaluguran” ay isang bagay na nagdudulot sa atin ng kagalakan. Anyayahan ang mga bata na magbahagi ng ilang bagay na nagdudulot sa kanila ng kagalakan. Magpatotoo na ibinigay sa atin ng Panginoon ang araw ng Sabbath dahil nais Niya tayong magalak. Sabihin sa mga bata kung bakit kaluguran sa iyo ang Sabbath.

  • Basahin sa mga bata ang Isaias 58:14: “Kung magkagayo’y malulugod ka sa Panginoon.” Ipaliwanag sa mga bata na ang Sabbath ay isang espesyal na araw—isang panahon kung kailan maiisip natin ang mga bagay na ginawa ng Ama sa Langit at ni Jesus para tulungan tayong maging maligaya. Tulungan ang mga bata na mag-isip ng mga bagay na magagawa nila sa araw ng Sabbath para alalahanin ang Ama sa Langit at si Jesus. Anyayahan silang idrowing ang kanilang mga ideya at ibahagi ang kanilang mga larawan sa isa’t isa at sa kanilang pamilya.

babaeng sinisindihan ang ilawang langis na yari sa luwad mula sa ilawang hawak ng lalaki

“Ang Panginoon ang magiging iyong walang hanggang liwanag” (Isaias 60:19). A Gift of Light [Isang Kaloob na Liwanag], ni Eva Timothy

Isaias 60:1–3

Maaari kong paningningin ang liwanag ng Tagapagligtas para sa iba.

Ipinropesiya ni Isaias na sa mga huling araw, ang mga tao ng Panginoon ay magiging parang isang liwanag para sa mga taong nasa kadiliman. Isipin kung paano mo matutulungan ang mga bata na “bumangon” at “magliwanag.”

Mga Posibleng Aktibidad

  • Anyayahan ang mga bata na pumikit habang binabasa mo ang Isaias 60:1–3. Hilingin sa kanila na dumilat kapag narinig nila ang salitang “liwanag” at pumikit kapag narinig nila ang salitang “kadiliman.” Ipaliwanag na si Jesucristo at ang Kanyang ebanghelyo ay parang liwanag na tumutulong sa atin na makita ang daan pabalik sa Ama sa Langit.

  • Bigyan ang bawat bata ng larawan ng isang liwanag (tulad ng araw, kandila, o bombilya). Tulungan silang mag-isip ng mga paraan na maibabahagi nila ang liwanag ng Tagapagligtas sa iba. Habang ibinabahagi ang bawat ideya, anyayahan silang “bumangon” at “[paliwanagin]” ang kanilang ilaw sa pamamagitan ng pagtataas ng kanilang larawan. Sabihin sa mga bata ang mga paraan na nakita mo silang nagbabahagi ng liwanag ng Tagapagligtas.

  • Sama-sama ninyong kantahin ang isang awitin tungkol sa pagbabahagi ng liwanag, tulad ng “Magliwanag” (Aklat ng mga Awit Pambata, 96). Tulungan ang mga bata na mapansin ang mga salita sa awitin na nagpapatibay sa natututuhan nila mula sa Isaias 60:1–3.

Isaias 61:1–3

Si Jesucristo ang aking Tagapagligtas at Manunubos.

Ang Isaias 61:1–3 ay nagbibigay ng makapangyarihang paglalarawan sa misyon ng Tagapagligtas na magturo at magpagaling. Humanap ng mga paraan na maipapakita sa mga bata kung paano sila personal na matuturuan at mapapagaling ni Jesucristo.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Pahawakan sa mga bata ang mga larawan ni Jesus na nagtuturo, nagpapagaling, at tumutulong sa iba habang binabasa mo ang Isaias 61:1 (tingnan sa Aklat ng Sining ng Ebanghelyo). Ipaliwanag na isinugo ng Diyos si Jesucristo para gawin ang mga bagay na ito para sa ating lahat. Hilingin sa mga bata na ibahagi ang nadarama nila tungkol kay Jesucristo. Magpatotoo tungkol sa pagmamahal ng Tagapagligtas para sa bawat isa sa mga bata.

  • Inilalarawan sa Isaias 61:3 ang mga nakikinig at sumusunod sa Panginoon bilang “mga punungkahoy ng katuwiran.” Magdrowing ng isang puno sa pisara, at anyayahan ang mga bata na mag-isip ng mabubuting bagay na magagawa nila. Para sa bawat ideya, magpadrowing sa mga bata ng isang dahon sa puno.

icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina: Mas Nakatatandang mga Bata

Isaias 58:6–11

Ang pag-aayuno ay nagpapala sa akin at sa ibang nangangailangan.

Ang ilan sa mga batang tinuturuan mo ay maaaring nasa tamang edad na para mag-ayuno. Pero maging ang mga wala pa sa tamang edad ay maaaring makinabang sa pagkatuto tungkol sa batas ng ayuno ng Panginoon at sa paghahandang mag-ayuno kapag handa na sila.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Isulat sa pisara ang Bakit tayo nag-aayuno? at Paano tayo nag-aayuno? Anyayahan ang mga bata na isulat ang mga posibleng sagot sa pisara. Hikayatin silang rebyuhin ang “Ayuno, Pag-aayuno” sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan (scriptures. ChurchofJesusChrist.org) at Isaias 58:6–11 para makakita ng karagdagang mga sagot. Paano maaaring makatulong sa atin ang Isaias 58:6–11 kapag mahirap mag-ayuno?

  • Magbahagi sa mga bata ng isang personal na karanasan sa pag-aayuno, o magbahagi ng kuwento mula sa isang magasin ng Simbahan tungkol sa pag-aayuno. Bigyang-diin ang mga pagpapalang nagmumula sa pag-aayuno nang may espirituwal na layunin. Kung nakapag-ayuno ang sinuman sa mga bata, anyayahan silang ibahagi ang kanilang mga karanasan. Hikayatin ang mga bata na kausapin ang kanilang mga magulang sa susunod na Linggo ng ayuno tungkol sa kahulugan ng pag-aayuno. Ipaunawa sa kanila ang ibig sabihin ng mag-ayuno nang may tapat na layunin at pusong may panalangin.

  • Sama-samang basahin ang Isaias 58:6–7, at ipaliwanag na ang isang paraan na ating “[ibinabahagi] ang [ating] tinapay sa nagugutom” kapag nag-aayuno tayo ay sa pagbibigay ng perang nagugol sana natin para sa pagkain bilang isang handog-ayuno. Magpakita sa mga bata ng isang donation slip para sa ikapu at mga handog-ayuno, at ipaliwanag kung paano ito pupunan. Anyayahan ang mga bata na basahin ang Isaias 58:8–10, na hinahanap ang mga pagpapalang ipinapangako sa atin kapag nag-aayuno tayo. Paano maaaring magpala ang pag-aayuno sa atin at sa mga nangangailangan?

Isaias 61:1–3

Si Jesucristo ang aking Tagapagligtas at Manunubos.

Pagnilayan kung paano mo pinakamainam na magagamit ang mga salita ni Isaias para mapalakas ang patotoo ng mga bata kay Jesucristo bilang kanilang Tagapagligtas at Manunubos.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Bigyan ng ilang minuto ang mga bata para basahin ang Isaias 61:1–3 nang mag-isa. Pagkatapos ay anyayahan silang isulat sa isang pirasong papel o sa isang study journal kung ano ang itinuturo ng mga talatang ito sa kanila tungkol kay Jesucristo. Anyayahan ang ilan sa mga bata na ibahagi ang kanilang mga ideya.

  • Anyayahan ang mga bata na magbahagi ng isang kataga mula sa mga talatang ito na partikular na makabuluhan sa kanila at ipaliwanag kung bakit. Paano naipauunawa sa atin ng mga talatang ito kung ano ang ipinagawa kay Jesucristo kaya Siya isinugo sa lupa?

Isaias 65:17–25

Ang Milenyo ay magiging panahon ng kapayapaan at kagalakan.

Nakita ni Isaias ang isang panahon na magkakaroon ng kapayapaan at kagalakan ang mga tao ng Diyos. Ang propesiyang ito ay matutupad kapag nagbalik si Jesucristo sa lupa at naghari sa loob ng isang libong taon—isang panahong tinatawag na Milenyo.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Inilalarawan sa Isaias 65:17–25 kung ano ang magiging hitsura ng daigdig kapag muling pumarito ang Tagapagligtas. Hatiin ang mga bata sa maliliit na grupo, na binibigyan ang bawat grupo ng ilan sa mga talatang ito para basahin. Pagkaraan ng ilang minuto, sama-samang ilista sa pisara kung paano maiiba ang buhay sa “bagong lupa” na inilarawan sa mga talatang ito (talata 17). Bakit ito magiging panahon para “matuwa at magalak magpakailanman”? (talata 18).

  • Bago magklase, maghanda ng mga word strip na may mga salita at parirala mula sa ikasampung saligan ng pananampalataya. Anyayahan ang isa sa mga bata na bigkasin ang saligan ng pananampalataya, at hilingin sa mga bata na pagsunud-sunurin nang maayos ang mga word strip. Ipaunawa sa mga bata kung ano ang itinuturo sa atin ng saligang ito ng pananampalataya tungkol sa Milenyo.

icon ng pag-aaral

Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan

Anyayahan ang mga bata na ibahagi sa kanilang pamilya ang isang bagay na natutuhan nila ngayon tungkol sa Tagapagligtas. Hikayatin silang basahin ang mga banal na kasulatan kasama ang kanilang pamilya sa linggong ito.

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo

Magtanong ng inspiradong mga tanong. Magtanong ng mga bagay na nag-aanyaya sa mga bata na magbahagi ng higit pa sa pagsasabi ng mga katotohanan. Halimbawa, umisip ng mga tanong na naghihikayat sa kanila na ibahagi ang kanilang patotoo at mga karanasan.