Lumang Tipan 2022
Oktubre 17–23. Jeremias 30–33; 36; Mga Panaghoy 1; 3: “Gagawin Kong Kagalakan ang Kanilang Pagluluksa”


“Oktubre 17–23. Jeremias 30–33; 36; Mga Panaghoy 1; 3: ‘Gagawin Kong Kagalakan ang Kanilang Pagluluksa,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: Lumang Tipan 2022 (2021)

“Oktubre 17–23. Jeremias 30–33; 36; Mga Panaghoy 1; 3,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: 2022

inukit na larawan ng propetang si Jeremias

The Cry of Jeremiah the Prophet [Ang Sigaw ng Propetang si Jeremias], mula sa isang larawang inukit ng Nazarene School

Oktubre 17–23

Jeremias 30–33; 36; Mga Panaghoy 1; 3

“Gagawin Kong Kagalakan ang Kanilang Pagluluksa”

Ang mga aklat na Jeremias at Mga Panaghoy ay maaaring mahirap maunawaan ng mga bata, pero maaari pa ring matuto ng mga aral ang iyong klase mula sa mga alituntuning itinuturo sa mga aklat na ito. Ano sa pakiramdam mo ang dapat mong ibahagi?

Itala ang Iyong mga Impresyon

icon ng pagbabahagi

Mag-anyayang Magbahagi

Ipasa-pasa sa paligid ang isang kopya ng Biblia. Habang hawak ng mga bata ang aklat, hilingan silang magbahagi ng isang bagay na gustung-gusto nila tungkol sa Lumang Tipan—marahil ay isang alituntunin o paboritong kuwento na natutuhan nila mula rito sa bahay o sa simbahan.

icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina: Mas Maliliit na Bata

Jeremias 31:3

Mahal ako ng Ama sa Langit at ni Jesus.

Ang madama ang “walang hanggang pag-ibig” ng Ama sa Langit at ni Jesucristo ay tutulong sa mga batang tinuturuan mo na lalong lumapit sa Kanila.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Magpakita ng ilang bagay (o larawan ng mga bagay) sa mga bata na nagtatagal at ng ilang bagay na hindi, tulad ng isang metal na barya at isang piraso ng prutas. Itanong sa mga bata kung alin ang mas magtatagal, at talakayin kung bakit mas tumatagal ang ilang bagay kaysa sa iba. Basahin ang Jeremias 31:3, at ipaunawa sa mga bata na ang pagmamahal ng Ama sa Langit at ni Jesucristo para sa kanila ay “walang hanggan.”

  • Hilingin sa mga bata na ibahagi kung paano ipinapakita ng Ama sa Langit at ni Jesucristo ang Kanilang “kagandahang-loob” para sa kanila (Jeremias 31:3). Para mabigyan ng mga ideya ang mga bata, kumanta ng isang awitin tungkol sa pagmamahal Nila sa atin, tulad ng “Aking Nadarama ang Pag-ibig ni Cristo” o “Ako ay Mahal ng Ama sa Langit” (Aklat ng mga Awit Pambata, 42–43, 16–17). Kung maaari, magpakita ng mga larawan ng mga bagay na binanggit sa awitin. Ano ang pakiramdam natin kapag iniisip natin ang pagmamahal ng Ama sa Langit at ni Jesucristo?

batang babaeng nag-aaral ng mga banal na kasulatan

Maaari tayong hikayatin ng mga banal na kasulatan na magsisi at bumaling sa Panginoon.

Jeremias 36:1–4

Ang mga banal na kasulatan ay ang salita ng Diyos.

Sinabi ng Panginoon kay Jeremias na isulat ang Kanyang mga salita, at ang mga sulat ni Jeremias ay iningatan para sa atin sa aklat ni Jeremias. Tulungan ang mga bata na palalimin ang kanilang pagmamahal para sa mga banal na kasulatan, kung saan natin matatagpuan ang salita ng Diyos.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Anyayahan ang isang bata na magkunwaring si Jeremias, at anyayahan ang iba pang mga bata na magkunwaring si Baruc. Tulungan ang batang gumaganap bilang si Jeremias na sabihin ang ilang salita mula sa Jeremias 36:3 habang nagkukunwari ang ibang mga bata na isinusulat ang mga ito, tulad ng ginawa ni Baruc. Magpatotoo na ang mga banal na kasulatan ngayon ay “lahat ng salita ng Panginoon” (Jeremias 36:4) na hiniling Niyang isulat ng mga propeta.

  • Magdispley ng isang aklat na pambata at isang kopya ng mga banal na kasulatan, at hilingin sa mga bata na pag-usapan ang mga pagkakaibang napapansin nila sa pagitan ng mga aklat. Paano naging espesyal ang mga banal na kasulatan? Ipaunawa sa mga bata na ang mga banal na kasulatan ay salita ng Diyos na isinulat ng mga propeta, tulad ng aklat ni Jeremias na ipinasulat ng Diyos kay Jeremias.

Jeremias 36:4–10

Maaari kong ibahagi ang natututuhan ko mula sa mga banal na kasulatan.

Maaaring magkaroon ng malaking impluwensya ang mga bata sa mga nasa paligid nila. Tulad ni Baruc, maaari nilang ibahagi sa iba ang natututuhan nila sa mga banal na kasulatan.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Anyayahan ang mga bata na gumawa ng mga aktong nababagay sa mga salita habang binabasa (o ibinubuod) mo ang Jeremias 36:4–10, tulad ng pagkukunwaring nagsusulat sa isang aklat (tingnan sa talata 4), paghawak sa mga rehas ng kulungan (tingnan sa talata 5), at pagbabasa ng mga banal na kasulatan sa mga tao (tingnan sa mga talata 8, 10). Bigyang-diin na si Baruc ay nagkalakas ng loob na basahin ang mga salita ni Jeremias sa mga tao kahit ayaw ng mga pinuno sa Jerusalem na gawin niya ito. Ipaalala sa mga bata ang isang bagay na natutuhan nila mula sa Lumang Tipan at mag-isip ng mga paraan para maibahagi nila ito sa iba.

  • Kumanta ng isang awitin tungkol sa mga banal na kasulatan, tulad ng “Babasahin, Uunawain, at Mananalangin” (Aklat ng mga Awit Pambata, 66). Ibahagi ang iyong patotoo tungkol sa mga banal na kasulatan, at anyayahan ang mga bata na ibahagi rin ang kanilang patotoo.

icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina: Mas Nakatatandang mga Bata

Jeremias 31:31–34; 32:38–41

Kaya kong tuparin ang aking mga tipan sa Diyos.

Ang mga turo ni Jeremias tungkol sa bago at walang-hanggang tipan ng Panginoon ay makakatulong sa mga batang tinuturuan mo na palakasin ang hangarin nilang tuparin ang kanilang mga tipan.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Magdrowing ng isang puso sa pisara, at anyayahan ang kalahati sa mga bata na basahin ang Jeremias 31:31–34 at ipabasa sa natitirang kalahati ang Jeremias 32:38–41. Anyayahan ang mga grupo na isulat sa puso ang mga bagay na natututuhan nila mula sa kanilang mga talata tungkol sa ating mga tipan sa Diyos. Paano naiiba ang pagsulat ng batas ng Diyos sa ating puso (tingnan sa Jeremias 31:33) sa basta pagbabasa lang nito sa mga banal na kasulatan? Bakit natin gustong makipagtipan sa Panginoon? Bakit Niya gustong makipagtipan sa atin?

  • Para marebyu ang mga tipang ginagawa natin kapag bininyagan tayo, anyayahan ang mga bata na gumawa ng isang chart na may dalawang column sa isang papel na may mga heading na Mga Pangako Ko at Mga Pangako ng Diyos. Hilingin sa kanila na punan ang tsart gamit ang bahaging pinamagatang “Ang Tipan sa Binyag” sa artikulo sa Mga Paksa ng Ebanghelyo na “Binyag” (topics.ChurchofJesusChrist.org) o sa Mosias 18:10, 13; Doktrina at mga Tipan 20:37. Anyayahan ang mga bata na idispley ang papel sa bahay para maipaalala nito sa kanila na sundin ang kanilang mga tipan.

Jeremias 36

Ang mga banal na kasulatan ay ang salita ng Diyos.

Ang salaysay sa Jeremias 36 ay makakatulong sa mga bata na matuto mula sa mga halimbawa ng mga taong tumanggap sa salita ng Panginoon sa mga banal na kasulatan.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Isulat sa pisara ang mga tanong na ito: Bakit? Sino ang nagpahalaga sa mga banal na kasulatan? Sino ang hindi? Sama-samang basahin ang Jeremias 36:1–3, at itanong sa mga bata kung bakit nais ng Panginoon na isulat ni Jeremias ang Kanyang mga salita. Pagkatapos ay hilingin sa mga bata na magtulungan bilang magkakapares na basahin ang Jeremias 36:5–8, 20–25 at tukuyin kung sino ang nagpakita na pinahalagahan nila ang mga banal na kasulatan at sino ang hindi. Pag-usapan kung bakit mo pinahahalagahan ang mga banal na kasulatan. Magbahagi ng isang sipi o kuwento sa banal na kasulatan na partikular na makabuluhan sa iyo. Anyayahan ang mga bata na magbahagi rin sila.

  • Anyayahan ang mga bata na gamitin ang pahina ng aktibidad para sa linggong ito para magpraktis na ikuwento sa isa’t isa ang salaysay sa Jeremias 36. Anyayahan silang ibahagi ang kanilang patotoo tungkol sa mga banal na kasulatan.

Mga Panaghoy 1:1–2, 16; 3:22–26

Ginawang posible ng Tagapagligtas na mapatawad ako sa aking mga kasalanan.

Tulad ng patulang paglalarawan ng aklat ng Mga Panaghoy, madalas tayong malungkot kapag nagkakasala tayo. Ang mga damdaming ito ay maaaring maghikayat sa atin na magbago at humingi ng tawad sa Ama sa Langit.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Ipaliwanag sa mga bata na dahil hindi nagsisi ang mga Israelita, winasak ang Jerusalem at ang templo roon. Hilingin sa mga bata na pag-usapan kung ano ang maaaring nadama nila kung nakatira sila sa Jerusalem noong panahong iyon. Sama-samang basahin ang Mga Panaghoy 1:1–2, 16. Anong mga salita at parirala sa mga talatang ito ang nagpapaunawa sa atin kung ano ang maaaring nadama ng mga Israelita? Paano kaya nakapagbigay sa kanila ng pag-asa ang mensahe sa Mga Panaghoy 3:22–26?

  • Hilingin sa mga bata na mag-isip ng isang pagkakataon na nalungkot sila dahil sa isang masamang pagpiling ginawa nila. Ano ang natutuklasan nila sa Mga Panaghoy 3:22–26 na nagpapaalam sa kanila na handa ang Panginoon na patawarin sila?

icon ng pag-aaral

Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan

Anyayahan ang mga bata na hilingin sa mga miyembro ng kanilang pamilya na magbahagi ng mga karanasang may kaugnayan sa mga alituntuning pinag-aralan ninyo sa klase. Halimbawa, kung tinalakay ninyo ang mga banal na kasulatan, maaaring hilingin ng mga bata sa isang kapamilya na ibahagi kung paano niya nalaman na ang mga banal na kasulatan ay totoo.

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo

Panatilihing nakatuon ang pansin ng mga bata. Maaaring kailanganin mong mag-isip ng malikhaing mga paraan para manatiling nakatuon ang pansin ng mas maliliit na bata. Halimbawa, gumamit ng mga larawan, awitin, laro, at iba pang mga aktibidad.