“Oktubre 10–16. Jeremias 1–3; 7; 16–18; 20: ‘Bago Kita Inanyuan sa Sinapupunan ay Kilala na Kita,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: Lumang Tipan 2022 (2021)
“Oktubre 10–16. Jeremias 1–3; 7; 16–18; 20,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: 2022
Oktubre 10–16
Jeremias 1–3; 7; 16–18; 20
“Bago Kita Inanyuan sa Sinapupunan ay Kilala na Kita”
“Ang layunin ng bawat guro ng ebanghelyo … ay ituro ang dalisay na doktrina ng ebanghelyo, sa pamamagitan ng Espiritu, upang matulungan ang mga anak ng Diyos na mapatatag ang kanilang pananampalataya sa Tagapagligtas at maging mas katulad Niya” (Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas, pabalat sa harapan).
Itala ang Iyong mga Impresyon
Mag-anyayang Magbahagi
Isulat sa mga piraso ng papel ang ilang mahahalagang salita mula sa pag-aaral tungkol kay Jeremias sa linggong ito, tulad ng propeta, mga tubig na buhay, pagtitipon, at luwad. Ilagay ang mga papel sa isang lalagyan, at anyayahan ang mga bata na pumili ng isa at magbahagi ng anumang mga ideya nila tungkol doon. Ipakita sa kanila kung paano nauugnay ang salita sa isang bagay na itinuro ni Jeremias.
Ituro ang Doktrina: Mas Maliliit na Bata
Kilala na ako ng Ama sa Langit bago pa ako isinilang.
Dahil nabuhay tayo sa piling ng Diyos bago tayo pumarito sa lupa, kilala Niya tayo, kahit hindi natin Siya maalala. Paano mo maipauunawa sa mga batang tinuturuan mo ang mahalagang katotohanang ito?
Mga Posibleng Aktibidad
-
Basahin sa mga bata ang Jeremias 1:5, at ipaliwanag na kilala na ng Diyos ang propetang si Jeremias bago pa siya isinilang. Sabihin sa bawat bata, nang isa-isa, na kilala na rin siya ng Ama sa Langit bago pa siya isinilang at na ipinadala Niya ang bawat isa sa atin dito para sa isang layunin.
-
Ipakita sa mga bata ang larawan ng isang sanggol, at itanong sa mga bata kung alam nila kung saan nanirahan ang sanggol na ito bago ito isinilang. Sama-samang kantahin ang isang awiting nagtuturo tungkol sa ating premortal na buhay sa piling ng Diyos, tulad ng “Ako ay Anak ng Diyos” (Aklat ng mga Awit Pambata, 2–3). Pag-usapan ang mga espirituwal na damdaming hatid ng awitin. Magpatotoo na minsan ay namuhay tayong lahat sa piling ng Ama sa Langit at na ipinadala Niya tayo rito sa lupa.
Ang mga propeta ay tinawag upang ipahayag ang mga salita ng Panginoon.
Ipinapakita sa calling ni Jeremias kung ano ang ipinagagawa ng Panginoon sa mga propeta. Paano mo matutulungan ang mga batang tinuturuan mo na palakasin ang hangarin nilang sundin ang buhay na propeta?
Mga Posibleng Aktibidad
-
Magpakita ng isang larawan ng buhay na propeta sa mga bata, at anyayahan silang ibahagi ang nalalaman nila tungkol sa kanya. Ano ang ginagawa ng mga propeta? Basahin sa mga bata ang sinabi ng Panginoon sa isa pang propeta, si Jeremias, sa Jeremias 1:7. Anyayahan ang mga bata na maglakad sa lugar kapag binasa mo ang “saanman kita suguin ay paroroon ka” at magkunwaring nagsasalita kapag binasa mo ang “anumang iutos ko sa iyo ay sasabihin mo.” Magpatotoo na ginagawa at sinasabi ng mga propeta ang iniuutos ng Panginoon.
-
Magpakita ng mga larawan ng mga propeta mula sa mga banal na kasulatan (tingnan sa Aklat ng Sining ng Ebanghelyo, mga magasin ng Simbahan, at Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya). Hayaang sabihin sa iyo ng mga bata ang nalalaman nila tungkol sa mga propetang ito. Ikuwento nang maikli sa mga bata ang isang bagay na ginawa ng bawat isa para tumulong sa gawain ng Diyos. Magpatotoo na ang mga propeta ay tinatawag ng Diyos para ipahayag ang Kanyang mga salita at maglingkod sa Kanyang mga tao.
Maaari kong tulungan ang mga anak ng Ama sa Langit na bumalik sa Kanya.
Sa pagbanggit sa Jeremias 16:16, sinabi ni Pangulong Russell M. Nelson, “Sinaliksik ng mga missionary [natin ang] mga taong kabilang sa nakakalat na Israel; hinanap nila ang mga ito sa ‘butas ng mga bato’; at hinanap nila ang mga ito tulad noong unang panahon” (“Ang Pagtitipon ng Ikinalat na Israel,” Liahona, Nob. 2006, 81).
Mga Posibleng Aktibidad
-
Habang binabasa mo ang Jeremias 16:16, anyayahan ang mga bata na magkunwaring nangingisda o nangangaso. Ipaliwanag na ang mga mangingisda at mangangaso sa talatang ito ay maaaring kumatawan sa mga missionary. Anyayahan ang mga bata na magkunwaring mga missionary. Ano ang ginagawa ng mga missionary? Paano natin sila matutulungan?
-
Lumikha ng isang matching game gamit ang pahina ng aktibidad para sa linggong ito. Kapag nakahanap ng magkatugmang mga larawan ang isang bata, pag-usapan kung ano ang ipinapakita ng larawang iyon na magagawa natin para tulungan ang mga anak ng Ama sa Langit na makabalik sa Kanya.
Ituro ang Doktrina: Mas Nakatatandang mga Bata
Ang mga propeta ay tinatawag upang ipahayag ang salita ng Panginoon.
Paano mo matutulungan ang mga bata na palakasin ang kanilang pananampalataya at pagkaunawa sa papel ng mga propeta sa kaharian ng Diyos?
Mga Posibleng Aktibidad
-
Pumili ng ilang mahahalagang talata mula sa Jeremias 1 na nagtuturo ng mahahalagang katotohanan tungkol sa mga propeta, tulad ng mga talata 5, 7, 10, at 19. Anyayahan ang bawat bata na pumili ng isa sa mga talata, basahin ito, at magbahagi ng isang bagay na natututuhan niya tungkol sa mga propeta mula sa talata. Anyayahan ang ilang bata na ibahagi ang kanilang patotoo tungkol sa pagsunod sa propeta.
-
Magpakita ng isang larawan ng buhay na propeta, at sama-samang kantahin ang isang awitin tungkol sa mga propeta, tulad ng “Tinig ng Propeta” (Mga Himno, blg. 16). Tulungan ang mga bata na gumawa ng listahan ng mga bagay na hiniling na sa atin ng buhay na propeta na gawin. Pumili ng isang mensahe sa kumperensya kamakailan mula sa propeta, at tulungan ang mga bata na makahanap ng payo sa kanyang mensahe. Paano tayo sumusunod sa propeta? Talakayin kung paano tayo tinutulungan ng payo mula sa mga propeta na mas sundin ang Ama sa Langit at si Jesucristo.
-
Itanong sa mga bata kung paano nila ipaliliwanag sa isang kaibigan kung bakit isang pagpapala ang magkaroon ng isang buhay na propeta (tingnan sa Mga Saligan ng Pananampalataya 1:6, 9). Anyayahan ang mga bata na ibahagi ang damdamin nila tungkol sa buhay na propeta.
Maaari akong maging bahagi ng pagtitipon ng Israel.
Ang mensahe tungkol sa pagtitipon ng Israel na matatagpuan sa Jeremias 16:14–15 ay maaaring magbigay ng malaking pagkakataon para kausapin ang mga bata tungkol sa gawaing misyonero at gawain sa family history. Isang paraan ito na tayo ay “[tumatayo] bilang mga saksi ng Diyos” (Mosias 18:9).
Mga Posibleng Aktibidad
-
Sama-samang basahin ang Jeremias 16:14, at hilingin sa mga bata na ibahagi ang mga detalyeng naaalala nila kung paanong “ang Panginoon … [ay iniahon ang] sambahayan ng Israel mula sa lupain ng Ehipto” (tingnan sa Exodo 14). Anyayahan silang basahin ang Jeremias 16:15 para alamin kung anong kaganapan ang sinabi ni Jeremias na mas hindi malilimutan kaysa roon. Ipaliwanag na ang Israel ay ikinalat sa buong mundo, pero nangako ang Diyos na titipunin sila pabalik sa Kanya at sa Kanyang Simbahan. Ito ang tinatawag na pagtitipon ng Israel. Paano ito kapareho ng pagliligtas sa mga tao mula sa pagkabihag?
-
Ibahagi ang pahayag na ito mula kay Pangulong Russell M. Nelson: “Sa bawat oras na gumawa kayo ng kahit ano na tutulong sa kahit sino—sa magkabilang panig ng tabing—na makalapit sa paggawa ng mga tipan sa Diyos at tanggapin ang kanilang mahalagang ordenansa ng pagbibinyag sa templo, tumutulong kayo na tipunin ang Israel” (Russell M. Nelson at Wendy W. Nelson, “Pag-asa ng Israel” [pandaigdigang debosyonal para sa mga kabataan, Hunyo 3, 2018], suplemento sa New Era at Ensign, Ago. 2018, 15, ChurchofJesusChrist.org). Paano tayo makatutulong sa pagtipon ng Israel?
-
Sama-samang kantahin ang isang awitin tungkol sa gawaing misyonero, tulad ng “Sana Ako’y Makapagmisyon” o “Tinawag Upang sa Diyos Maglingkod” (Aklat ng mga Awit Pambata, 91, 94). Itanong sa mga bata kung ano ang natututuhan nila mula sa awitin kung bakit pipiliin ng isang tao na magmisyon.
Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan
Anyayahan ang mga bata na mag-uwi ng isang kopya ng pahina ng aktibidad para sa linggong ito at maglaro ng matching game kasama ang kanilang pamilya. Hikayatin silang kausapin ang kanilang pamilya kung paano sila napagpala ng gawaing misyonero.