“Oktubre 24–30. Ezekiel 1–3; 33–34; 36–37; 47: ‘Lalagyan Ko Kayo ng Bagong Espiritu sa Loob Ninyo,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: Lumang Tipan 2022 (2021)
“Oktubre 24–30. Ezekiel 1–3; 33–34; 36–37; 47,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: 2022
Oktubre 24–30
Ezekiel 1–3; 33–34; 36–37; 47
“Lalagyan Ko Kayo ng Bagong Espiritu sa Loob Ninyo”
Wala kayong oras para ituro ang bawat alituntunin sa Ezekiel. Maghangad ng espirituwal na patnubay kung ano ang pagtutuunan ng pansin, at hikayatin ang mga bata na ipagpatuloy ang pag-aaral sa bahay.
Itala ang Iyong mga Impresyon
Mag-anyayang Magbahagi
Hayaang maghalinhinan ang ilang bata sa pagdodrowing ng mga larawan ng isang bagay na natutuhan nila kamakailan mula sa mga banal na kasulatan. Maaaring hulaan ng iba pang mga bata ang idinodrowing ng bawat bata.
Ituro ang Doktrina: Mas Maliliit na Bata
Ang mga propeta ay parang mga bantay na nagbababala sa atin tungkol sa panganib.
Si Ezekiel ay parang isang bantay, na nagbababala sa mga Israelita tungkol sa mga panganib na hindi nila nakikita. Tulungan ang mga bata na makita kung paano parang mga bantay ang ating mga propeta ngayon.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Basahin sa mga bata ang sinabi ng Panginoon kay Ezekiel sa Ezekiel 3:17. Anyayahan silang gumawa ng mga aktong tumutugma sa mga salita, tulad ng pagtuturo sa kanilang mga mata, tainga, at bibig kapag binasa ninyo ang mga salitang “bantay,” “makakarinig,” at “bibig.”
-
Pamunuan ang mga bata sa isang hiking sa paligid ng silid. Balaan sila tungkol sa mga kunwa-kunwariang panganib sa daan, tulad ng mga ilog na hahakbangan, mga sangang gagapangan sa ilalim, o mga hayop na iiwasan. Hayaang maghalinhinan ang mga bata sa pagiging lider. Pag-usapan kung paano tayo binabalaan ng ating propeta tungkol sa mga panganib na hindi natin nakikita.
-
Magpakita ng isang larawan ng kasalukuyang propeta habang sama-sama ninyong kinakanta ang isang awitin tungkol sa mga propeta, tulad ng huling taludtod ng “Propeta’y Sundin” (Aklat ng mga Awit Pambata, 58–59). Sabihin sa mga bata kung paano parang bantay ang propeta para sa iyo.
Tinuturuan ako ng mga banal na kasulatan tungkol kay Jesucristo.
Ikinumpara ni Ezekiel ang sambahayan ni Israel sa dalawang tungkod na naging isa. Ang mga tungkod na ito ay sumisimbolo rin sa Biblia at sa Aklat ni Mormon, na nagkakaisang nagpapatotoo kay Cristo.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Bigyan ang ilang bata ng mga kopya ng Aklat ni Mormon; bigyan ang iba pa ng mga kopya ng Biblia. Ibuod ang Ezekiel 37:15–19 sa pamamagitan ng pagpapaliwanag na sinabi ng Panginoon kay Ezekiel na sumulat sa dalawang tungkod na kumakatawan sa Biblia at sa Aklat ni Mormon. Basahin ang talata 17, at anyayahan ang bawat bata na maghanap ng isang taong mayroong aklat ng banal na kasulatan na naiiba sa kanila at “pagdugtungin” ang mga ito para “maging isa sa [kanilang mga kamay].” Pag-usapan kung paano tayo tinutulungan ng Biblia at ng Aklat ni Mormon na palakasin ang ating pananampalataya sa Ama sa Langit at kay Jesucristo.
-
Gamit ang mga larawan mula sa Aklat ng Sining ng Ebanghelyo o mula sa mga aklat ng nakaraang taon na Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin, tulungan ang mga bata na magkuwento tungkol kay Jesus mula sa Biblia at sa Aklat ni Mormon. Hilingin sa kanila na ibahagi kung bakit sila nagpapasalamat na magkaroon ng dalawang aklat na ito ng banal na kasulatan.
Ang malalaking pagpapala ay nagmumula sa templo.
Ang pangitain ni Ezekiel tungkol sa isang ilog na nagpapagaling na umagos mula sa templo ay makakatulong sa mga bata na matutuhan na ang mga templo ay naghahatid ng mga pagpapala sa ating buhay.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Magpakita sa mga bata ng isang baso ng tubig. Paano tayo pinagpapala ng tubig? Ikuwento sa mga bata ang pangitain ni Ezekiel tungkol sa tubig na umaagos mula sa templo (tingnan sa Ezekiel 47:1–12). Ipakita ang larawan sa outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya. Magkuwento sa mga bata tungkol sa mga pagpapalang natatanggap mo na umaagos, tulad ng ilog sa pangitain ni Ezekiel, mula sa templo.
-
Anyayahan ang mga bata na idrowing ang kanilang sarili na papunta sa templo. Sama-samang kantahin ang isang awiting naglalarawan sa mga pagpapala ng templo, tulad ng “Mag-anak ay Magsasamang Walang Hanggan” (Aklat ng mga Awit Pambata, 98). Ano ang itinuturo ng awiting ito kung paano tayo pinagpapala ng mga templo?
Ituro ang Doktrina: Mas Nakatatandang mga Bata
Matutulungan ako ni Jesucristo na baguhin ang puso ko.
Ginamit ni Ezekiel ang mga pariralang tulad ng “bagong puso” at “bagong espiritu” para magturo tungkol sa klase ng pagbabagong hatid ng Tagapagligtas sa ating buhay.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Hilingin sa mga bata na saliksikin ang Ezekiel 2:3–4; 3:7 para sa mga salitang naglarawan sa mga Israelita. Pagkatapos ay anyayahan silang basahin ang Ezekiel 36:26–27 para malaman kung paano nag-alok ang Tagapagligtas na tulungan silang magbago. Anong mga salita ang maaaring maglarawan sa “bagong puso” at “bagong espiritu” na ibinibigay Niya sa atin? (tingnan, halimbawa, sa Mosias 3:19; 5:2).
-
Hilingin sa mga bata na mag-isip ng mga bagay na maaaring gawin ng mga taong “matitigas ang ulo” o “may mapagmatigas na puso” (Ezekiel 2:4; 3:7). Halimbawa, paano kaya sila tutugon sa payo ng isang magulang o ng propeta? Ano kaya ang gagawin nila kapag nakakita sila ng isang taong nangangailangan? Paano nagiging iba ang kilos natin kapag napalambot ng Tagapagligtas ang ating puso?
Ang Biblia at ang Aklat ni Mormon ay tumutulong na “tipunin” tayo kay Jesucristo.
Ang “tungkod ni Juda” (ang Biblia) at ang “tungkod ni Jose” (ang Aklat ni Mormon) ni Ezekiel ay nagtutulungan para tipunin ang Israel sa Tagapagligtas (tingnan sa Ezekiel 37:19).
Mga Posibleng Aktibidad
-
Itaas ang isang kopya ng Biblia at ng Aklat ni Mormon, at itanong sa mga bata kung bakit sa pakiramdam nila ay mabuting magkaroon ng mga aklat na ito. Basahin sa kanila ang Ezekiel 37:19, at ipaliwanag na ang “tungkod ni Jose” ay tumutukoy sa Aklat ni Mormon, na isinulat ng mga inapo ni Jose ng Ehipto, at “ang tungkod ni Juda” ay tumutukoy sa Biblia, na karamihan ay isinulat ng mga Judio. Pagkatapos ay sama-samang basahin ang mga talata 21–23 at 2 Nephi 3:12, at ilista ang mga pagpapalang nagmumula sa pagkakaroon ng mga aklat na ito.
-
Maglagay ng isang larawan ni Jesus sa gitna ng silid, at anyayahan ang mga bata na ilipat ang kanilang upuan sa iba’t ibang lugar sa tabi ng mga dingding ng silid. Pagkatapos ay hilingin sa kanila na gamitin ang Gabay sa mga Banal na Kasulatan para mahanap ang mga talata sa Biblia at Aklat ni Mormon na nagtuturo tungkol kay Jesucristo (kung kailangan, ipakita sa kanila kung paano gawin ito). Matapos ibahagi ng bawat bata ang isang talata, anyayahan ang lahat ng bata na ilapit ang kanilang upuan sa larawan ni Jesus. Magpatuloy hanggang sa lahat ay “matipon” pabalik sa Kanya.
Ang mga pagpapala ng templo ay maaaring magpagaling sa ating puso at pamilya.
Ang tubig na umaagos mula sa templo sa pangitain ni Ezekiel ay naghatid ng buhay sa lahat ng nadaluyan nito. Gayundin, ang mga pagpapalang dumadaloy mula sa templo ay maaaring magpagaling sa atin sa espirituwal at maghatid sa atin ng buhay na walang-hanggan.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Ilista sa pisara ang ilang mahahalagang salita at pariralang nauugnay sa Ezekiel 47:1–12, tulad ng templo, ilog, disyerto, Patay na Dagat, maraming isda, at mabungang punungkahoy. Anyayahan ang bawat bata na pumili ng isa sa mga bagay na ito na idodrowing. Pagkatapos ay sama-samang basahin ang mga talata, at anyayahan ang mga bata na ibahagi ang kanilang drowing kapag binanggit ang kanilang mga elemento. Anong mga pagpapala ang dumating mula sa ilog sa pangitaing ito? (tingnan sa mga talata 8–9, 12). Tulungan ang mga bata na makita kung paanong ang mga pagpapalang ito ay parang mga pagpapalang inaalok ng Ama sa Langit at ng Tagapagligtas sa mga taong tumutupad sa mga tipan sa templo.
-
Sama-samang basahin ang itinuro ni Elder Dale G. Renlund tungkol sa pangitain ni Ezekiel sa “Family History at Gawain sa Templo: Pagbubuklod at Pagpapagaling” (Liahona, Mayo 2018, 47–48). Sabihin sa mga bata kung paano naghatid sa iyo ng pagpapagaling ng Tagapagligtas ang gawain sa family history at sa templo. Anyayahan ang mga bata na ibahagi ang damdamin nila tungkol sa templo.
Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan
Anyayahan ang mga bata na ibahagi sa kanilang pamilya ang isang bagay na natutuhan nila ngayon at ang isang bagay na gusto pa nilang matutuhan.