Lumang Tipan 2022
Oktubre 24–30. Ezekiel 1–3; 33–34; 36–37; 47: “Lalagyan Ko Kayo ng Bagong Espiritu sa Loob Ninyo”


“Oktubre 24–30. Ezekiel 1–3; 33–34; 36–37; 47: ‘Lalagyan Ko Kayo ng Bagong Espiritu sa Loob Ninyo,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: Lumang Tipan 2022 (2021)

“Oktubre 24–30. Ezekiel 1–3; 33–34; 36–37; 47,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: 2022

Larawan
si Jesus na nag-aakay ng tupa

Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin, ni Scott Sumner

Oktubre 24–30

Ezekiel 1–3; 33–34; 36–37; 47

“Lalagyan Ko Kayo ng Bagong Espiritu sa Loob Ninyo”

Si Ezekiel ay inanyayahang “kumain” sa simbolikong paraan ng salita ng Diyos—upang puspusin nito ang kanyang sarili (tingnan sa Ezekiel 2:9–3:3, 10). Paano mo pupuspusin ang iyong sarili sa salita ng Diyos sa linggong ito?

Itala ang Iyong mga Impresyon

Si Ezekiel ay isang propeta na ipinatapon. Kasama ang iba pang mga Israelita, nahuli siya at ipinadala sa Babilonia ilang taon bago tuluyang nawasak ang Jerusalem. Sa Jerusalem, si Ezekiel ay isang saserdote na naglilingkod sa templo. Sa Babilonia, siya ay kabilang sa “mga bihag,” at siya ay “umupo [kung saan sila nakaupo]” (Ezekiel 3:15), daan-daang milya ang layo mula sa templo at may kaunting pag-asa na makabalik pa sa pinakamamahal na bahay ng Diyos. Ngunit isang araw ay nagkaroon ng pangitain si Ezekiel. Nakita niya ang “kaluwalhatian ng Panginoon” (Ezekiel 1:28)—hindi doon sa templo sa Jerusalem kundi doon sa Babilonia kasama ng mga ipinatapon. Ang kasamaan sa Jerusalem, na kanyang napag-alaman, ay naging napakatindi kung kaya wala na roon ang presensya ng Diyos (tingnan sa Ezekiel 8–11; 33:21).

Ang isa sa mga tungkulin ni Ezekiel ay balaan ang mga Israelita tungkol sa mga bunga ng kanilang paghihimagsik—isang babala na hindi pinakinggan sa pangkalahatan. Ngunit higit pa rito ang mensahe ni Ezekiel: ipinropesiya niya na, kahit napakasama ng mga nangyayari, mayroong daan pabalik. Kung tatanggapin ng mga tao ng Diyos ang paanyayang “dinggin ang salita ng Panginoon” (Ezekiel 37:4), ang minsang patay na ay maaaring sumigla. Ang “batong puso” ay maaaring mapalitan ng “bagong puso” (Ezekiel 36:26). “[Aking] ilalagay ang aking Espiritu sa inyo,” sabi ng Panginoon sa kanila, “at kayo’y mabubuhay” (Ezekiel 37:14). At sa mga huling araw, ang Panginoon ay magtatatag ng bagong templo at bagong Jerusalem, “At ang magiging pangalan ng lunsod mula sa araw na yaon ay, Ang Panginoon ay naroroon” (Ezekiel 48:35).

Larawan
icon ng personal na pag-aaral

Mga Ideya para sa Personal na Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan

Ezekiel 1–3

“Magsalita ka ng aking mga salita.”

Ang pagbabasa tungkol sa panawagan kay Ezekiel sa ministeryo sa Ezekiel 1–3 ay maaaring maghikayat sa iyo na isipin ang mga pagkakataong ibinigay sa iyo ng Diyos upang “magsalita [ng Kanyang] mga salita” sa iba (Ezekiel 3:4). Sa Ezekiel 2–3, pansinin ang Kanyang mga salita ng panghihikayat at tagubilin kay Ezekiel. Bagama’t marahil ang mga taong pinaglilingkuran mo ay hindi kasing-rebelde ng mga tao ni Ezekiel, isipin kung paano naaapektuhan ng mga salita ng Diyos kay Ezekiel ang iyong pananaw tungkol sa iyong paglilingkod sa Simbahan, sa tahanan, at sa ibang lugar.

Tingnan din sa Ezekiel 33:1–9; D.Todd Christofferson, “Ang Tinig ng Babala,” Ensign o Liahona, Mayo 2017, 108–11.

Ezekiel 33:10–19

Nais ng Panginoon na magpatawad.

“[Kung] ang aming … mga kasalanan ay nasa amin,” naisip ng mga bihag na Israelita, “paano ngang kami ay mabubuhay?” (Ezekiel 33:10). Bilang tugon, itinuro sa kanila ng Panginoon ang mahahalagang katotohanan tungkol sa pagsisisi at pagpapatawad. Ang mga tanong na ito ay maaaring makatulong sa iyo na pagnilayan ang mga katotohanang iyon:

  • Ano sa palagay mo ang ibig sabihin ng “[mag]tiwala sa [iyong] pagiging matuwid”? (tingnan sa Ezekiel 33:12–13).

  • Ano ang sasabihin mo sa isang taong nagsasabing ang mabuting tao at masamang taong inilarawan sa Ezekiel 33:12–19 ay hindi tinatrato sa patas na paraan? (tingnan din sa Mateo 21:28–31; Lucas 18:9–14).

  • Anong mga kataga ang nakita mo sa mga talatang ito na nakatulong sa iyo na maunawaan ang kahulugan ng pagsisisi? Anong karagdagang mga ideya ang nakita mo sa Ezekiel 36:26–27 at Alma 7:14–16?

Ezekiel 34

Inaanyayahan ako ng Tagapagligtas na pakainin ang Kanyang mga tupa.

Sa Ezekiel 34, tinukoy ng Panginoon ang mga lider ng Kanyang mga tao bilang “mga pastol.” Habang ikaw ay nagbabasa, isipin kung ano ang iminumungkahi ng titulong ito sa iyo tungkol sa kahulugan ng maging lider. Sino ang “mga tupa” na nais ng Panginoon na pakainin mo? Paano mo masusundan ang halimbawa ng mga taong itinuturing ng Tagapagligtas na ating pastol? (tingnan sa mga talata 11–31).

Tingnan din sa Juan 21:15–17.

Larawan
disyerto at Dead Sea o Patay na Dagat

Nakita ni Ezekiel sa pangitain ang isang ilog na dumadaloy mula sa templo at pinagaling ang Dead Sea o Patay na Dagat.

Ezekiel 37

Tinitipon ng Panginoon ang Kanyang mga tao at binibigyan sila ng bagong buhay.

Ang pagtitipon ng Israel ay inilarawan sa Ezekiel 37 sa pamamagitan ng dalawang simbolo. Habang binabasa mo ang una—ang mga patay na buto na muling nabubuhay (tingnan sa mga talata 1–14)—pagnilayan ang natutuhan mo tungkol sa pagtitipon ng Israel sa magkabilang panig ng tabing (tingnan din sa Ezekiel 36:24–30).

Ang ikalawang simbolo (tingnan sa mga talata 15–28) ay may dalawang tungkod, na ayon sa mga mananaliksik ay mga panulat na gawa sa kahoy na pinagkabit ng bisagra. Ang tungkod ni Juda ay kumakatawan sa Biblia (dahil karamihan sa Biblia ay isinulat ng mga inapo ni Juda), at ang tungkod ni Jose ay kumakatawan sa Aklat ni Mormon (yamang ang pamilya ni Lehi ay mga inapo ni Jose ng Egipto). Habang iniisip iyan, ano ang itinuturo sa iyo ng mga talatang ito tungkol sa papel na ginagampanan ng mga banal na kasulatan sa pagtitipon ng Israel? Ano ang idinaragdag ng 2 Nephi 3:11–13 (isang propesiya tungkol kay Joseph Smith at sa Aklat ni Mormon) sa iyong pang-unawa?

Tingnan din sa 2 Nephi 29:14; “The Book of Mormon Gathers Scattered Israel” (video, ChurchofJesusChrist.org).

Larawan
icon ng pag-aaral ng pamilya

Mga Ideya para sa Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan ng Pamilya at Home Evening

Ezekiel 33:1–5.Para mailarawan ang mga talatang ito, maaaring magkunwari ang isang miyembro ng pamilya bilang “bantay” sa pamamagitan ng pagdungaw sa bintana at pagsasabi sa iba pang kapamilya kung ano ang nangyayari sa labas. Paano naging katulad ng bantay sa atin ang buhay na propeta?

Ezekiel 33:15–16.Ano ang itinuturo sa atin ng mga talatang ito tungkol sa kapatawaran na matatanggap natin sa pamamagitan ni Jesucristo?

Ezekiel 36:26–27.Ipakita sa inyong pamilya ang ilang bato habang tinatalakay ninyo ang ibig sabihin ng magkaroon ng “pusong bato.” Hayaan silang magmungkahi ng mga salitang naglalarawan sa “bagong puso” at “bagong espiritu” na ibinibigay sa atin ng Tagapagligtas (tingnan sa Mosias 3:19; 5:2).

Ezekiel 37:15–28.Maaaring maghanap ang mga miyembro ng pamilya ng dalawang patpat o tungkod at isulat sa isa ang Para kay Juda (Biblia) at sa isa pa ang Para kay Jose (Aklat ni Mormon) (tingnan sa mga talata 16–19). Pagkatapos ay maaari silang magbahagi ng mga kuwento o talata mula sa Biblia at sa Aklat ni Mormon na tutulong sa kanila na mas mapalapit sa Tagapagligtas at maging “[Kanyang] bayan” (talata 23).

Ezekiel 47:1–12.Inilalarawan ng mga talatang ito ang pangitain ni Ezekiel tungkol sa tubig na dumadaloy mula sa templo at ang pagpapagaling sa Dead Sea o Dagat na Patay—isang dagat na sobrang alat kung kaya’t hindi kayang mabuhay dito ng mga isda at mga halaman. Maaaring masiyahan ang mga bata sa pagdrowing ng isang larawan ng pangitaing ito. Ano kaya ang isinisimbolo ng tubig na dumadaloy mula sa templo? (panoorin ang video na “And the River Will Grow,” ChurchofJesusChrist.org). Paano tayo natutulungan ng templo na gumaling? (tingnan sa Ezekiel 47:8–9, 11).

Para sa iba pang mga ideya sa pagtuturo sa mga bata, tingnan ang outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary.

Iminumungkahing awitin: “Nasa Puso ng Pastol,” Mga Himno, blg. 134.

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo

Huwag tangkaing ituro ang lahat. Maaaring hindi ninyo masaliksik ang bawat katotohanan na nasa Ezekiel kasama ang inyong pamilya. Maghangad ng espirituwal na patnubay para malaman kung ano ang pagtutuunan ng pansin. (Tingnan sa Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas, 7.)

Larawan
paglalarawan ng ilog na umaagos mula sa templo

“Narito, ang tubig ay lumalabas sa ilalim ng pasukan ng bahay.… Kaya’t lahat ay mabubuhay saanman dumating ang ilog” (Ezekiel 47:1, 9). Ginamit ang imahe sa ilalim ng lisensya ng shutterstock.com.

Print