Lumang Tipan 2022
Oktubre 3–9. Isaias 58–66: “Ang Isang Manunubos ay Darating sa Zion”


“Oktubre 3–9. Isaias 58–66: ‘Ang Isang Manunubos ay Darating sa Zion,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: Lumang Tipan 2022 (2021)

“Oktubre 3–9. Isaias 58–66,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: 2022

Larawan
si Jesus na nagtuturo sa sinagoga

Si Jesus sa Sinagoga sa Nasaret, ni Greg K. Olsen

Oktubre 3–9

Isaias 58–66

“Ang Isang Manunubos ay Darating sa Zion”

Habang pinag-aaralan mo ang Isaias 58–66, isipin kung paano nagdudulot sa iyo ng galak at pag-asa sa hinaharap ang mga salita ni Isaias.

Itala ang Iyong mga Impresyon

Noong bago pa sa Kanyang ministeryo sa lupa, binisita ni Jesucristo ang isang sinagoga sa Nazaret, ang nayon kung saan Siya pinalaki. Doon ay tumayo Siya para magbasa mula sa mga banal na kasulatan, binuklat ang aklat ni Isaias, at binasa ang alam na natin ngayon bilang Isaias 61:1–2. Pagkatapos ay sinabi niya, “Ngayo’y naganap ang kasulatang ito sa inyong pandinig.” Isa ito sa pinakatuwirang pahayag ng Tagapagligtas na Siya ang Hinirang, upang “palayain ang mga naapi” at “ipahayag ang paglaya sa mga bihag” (tingnan sa Lucas 4:16–21). Ang talatang ito ay totoong natupad sa araw na iyon. At, tulad ng maraming iba pang propesiya ni Isaias, patuloy itong natutupad sa ating panahon. Patuloy na pinagagaling ng Tagapagligtas ang lahat ng pusong nasasaktan na lumalapit sa Kanya. Marami pang bihag na kailangang makarinig ng pangangaral ukol sa kaligtasan. At may maluwalhating kinabukasan na paghahandaan—isang panahon kung kailan “lilikha ang Panginoon ng bagong langit at bagong lupa” (Isaias 65:17) at “magpapasibol ng katuwiran at kapurihan sa harapan ng lahat ng bansa” (Isaias 61:11). Ang pagbabasa ng Isaias ay nagbubukas sa ating mga mata sa nagawa na ng Panginoon, sa ginagawa Niya, at sa gagawin pa Niya para sa Kanyang mga tao.

Larawan
icon ng personal na pag-aaral

Mga Ideya para sa Personal na Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan

Isaias 58:3–12

Ang pag-aayuno ay nagdudulot ng mga pagpapala.

Iminumungkahi ng mga talatang ito na sa maraming sinaunang Israelita, ang pag-aayuno ay mas pabigat kaysa pagpapala. Marami sa atin ang nakauugnay sa damdaming iyon kung minsan. Kung gusto mong magkaroon ng dagdag na kahulugan at layunin sa iyong pag-aayuno, basahin ang Isaias 58:3–12 upang mahanap ang mga sagot ng Panginoon sa tanong na “Bakit tayo nag-aayuno?” Sa iyong karanasan, paano nagagawa ng pag-aayuno na “kalagin ang mga tali ng kasamaan” at “kalasin ang mga panali ng pamatok”? (Isaias 58:6). Paano naihatid sa iyo ng pag-aayuno ang mga pagpapalang inilarawan sa Isaias 58:8–12? Paano naaapektuhan ng Isaias 58:3–12 ang iniisip mo tungkol sa pag-aayuno?

Sa kanyang mensahe na, “Hindi Baga Ito ang Ayuno na Aking Pinili?” (Liahona, Mayo 2015, 22–25), si Pangulong Henry B. Eyring ay nagbahagi ng ilang halimbawa kung paano napagpala ng pag-aayuno at mga handog-ayuno ang mga tao. Paano mo nakita ang mga pagpapala ring ito sa iyong buhay?

Tingnan din sa Gospel Topics, “Fasting and Fast Offerings” (topics.ChurchofJesusChrist.org).

Isaias 59:9–21; 61:1–3; 63:1–9

Si Jesucristo ang aking Tagapagligtas at Manunubos.

Sa Isaias 58–66 marami kang makikitang mga reperensya sa misyon ng pagbabayad-sala ni Jesucristo. Narito ang ilang halimbawa, kasama ang ilang tanong para matulungan kang pagnilayan ang mga ito.

  • Isaias 59:9–21. Paano mo ibubuod ang espirituwal na kalagayan ng mga taong inilarawan sa mga talata 9–15? Ano ang hinangaan mo sa paglalarawan sa “mamamagitan” sa mga talata 16–21 at ang tipang ginagawa Niya sa mga lumalapit sa Kanya?

  • Isaias 61:1–3. Paano ka pinagpala ni Jesucristo sa mga paraang inilarawan sa mga talatang ito? Anong “mabubuting balita” ang dinala Niya sa iyo? Paano Niya ibinigay sa iyo ang kagandahan kapalit ng mga abo?

  • Isaias 63:7–9. Ano ang “mga kagandahang-loob ng Panginoon” na maaari mong banggitin? Anong mga damdamin para sa Tagapagligtas ang binibigyang-inspirasyon ng mga talatang ito sa iyong puso?

Anong iba pang mga reperensya sa Tagapagligtas ang makikita mo sa Isaias 58–66?

Tingnan din sa Mosias 3:7; Doktrina at mga Tipan 133:46–53.

Larawan
babaeng pinaiilaw ang lamparang langis na yari sa luwad mula sa lamparang hawak ng isang lalaki

“Ang Panginoon ay magiging iyong walang-hanggang liwanag” (Isaias 60:19). Isang Kaloob na Liwanag, ni Eva Timothy

Isaias 60; 62

“Ang Panginoon ay magiging iyong walang-hanggang liwanag.”

Ang Isaias 60 at 62 ay nagbabanggit tungkol sa liwanag at kadiliman, mga mata at pagtingin, upang ituro kung paano pagpapalain ng ebanghelyo ni Jesucristo ang mundo sa mga huling araw. Hanapin ang mga konseptong ito lalo na sa Isaias 60:1–5, 19–20; 62:1–2. Habang binabasa mo ang mga kabanatang ito, pagnilayan kung paano tinitipon ng Diyos ang kanyang mga anak mula sa kadiliman tungo sa Kanyang liwanag. Ano ang papel na ginagampanan mo sa gawaing ito?

Tingnan din sa 1 Nephi 22:3–12; 3 Nephi 18:24; Doktrina at mga Tipan 14:9; Bonnie H. Cordon, “Upang Makita Nila,” Liahona, Mayo 2020, 78–80.

Isaias 64:1–5; 65:17–25; 66

Maghahari si Jesucristo sa daigdig sa panahon ng Milenyo.

Binanggit ni Isaias ang araw na “ang mga dating kabagabagan ay nalimutan na” (Isaias 65:16). Bagaman ang propesiyang ito ay may ilang katuparan, sa kabuuan nito, ang araw na iyon ay darating pa lang—kung kailan babalik si Jesucristo sa lupa at itatatag ang panahon ng kapayapaan at kabutihan na tinatawag na Milenyo. Inilarawan sa Isaias ang darating na araw na ito sa Isaias 64:1–5; 65:17–25; 66. Pansinin kung gaano kadalas niya ginamit ang mga salitang tulad ng “magalak” at “pagsasaya.” Pagnilayan kung bakit ang pagbabalik ng Tagapagligtas ay magiging araw ng kagalakan para sa iyo. Ano ang magagawa mo upang makapaghanda para sa Kanyang pagdating?

Tingnan din sa Mga Saligan ng Pananampalataya 1:10; Russell M. Nelson, “Ang Kinabukasan ng Simbahan: Paghahanda sa Mundo para sa Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas,” Liahona, Abr. 2020, 13–17.

Larawan
icon ng pag-aaral ng pamilya

Mga Ideya para sa Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan ng Pamilya at Home Evening

Isaias 58:3–11.Maaaring mas maunawaan ng mga miyembro ng pamilya ang mensahe ni Isaias tungkol sa pag-aayuno kung isasadula nila ang uri ng pag-aayuno na inilarawan sa Isaias 58:3–5 at ang uri ng pag-aayuno na inilarawan sa Isaias 58:6–8. Paano nating magagawa ang ating mga pag-aayuno na mas makatulad ng “ayuno na pinili ng Diyos”? Anong mga pagpapala ang nakita natin mula sa pag-aayuno?

Isaias 58:13–14.Ano ang pagkakaiba ng “paghahanap ng [ating] sariling kalayawan” at paghahanap na “malugod … sa Panginoon” sa araw ng Sabbath? Ano ang magagawa natin para maging “kalugud-lugod” ang Sabbath?

Isaias 60:1–5.Habang binabasa ninyo ang Isaias 60:1–3, maaaring sindihan ng mga miyembro ng pamilya ang isang ilaw kapag binabanggit ang ilaw o liwanag sa mga talata at patayin ito kapag binabanggit ng mga talata ang kadiliman. Paano nahahalintulad ang ebanghelyo ni Jesucristo sa isang ilaw o liwanag? Ano ang nakinita ni Isaias na mangyayari kapag ibinabahagi ng mga tao ng Diyos ang liwanag ng ebanghelyo? (tingnan sa Isaias 60:3–5).

Isaias 61:1–3.Paano tinupad ng Tagapagligtas ang mga propesiya ni Isaias sa mga talatang ito? Maaari mong anyayahan ang mga miyembro ng pamilya na hanapin ang mga larawan ng Tagapagligtas na sa tingin nila ay naglalarawan sa mga aspetong ito ng Kanyang misyon (matatagpuan ang mga larawan sa mga magasin ng Simbahan o Aklat ng Sining ng Ebanghelyo). Maaari din ninyong kantahin ang isang awitin tungkol sa kung paano tayo pinagpapala ng Tagapagligtas, tulad ng “Aking Nadarama ang Pag-ibig ni Cristo” (Aklat ng mga Awit Pambata, 42).

Para sa iba pang mga ideya sa pagtuturo sa mga bata, tingnan ang outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary.

Iminumungkahing awitin: “Sa Kanyang Pagbabalik,” Aklat ng mga Awit Pambata, 46–47

Pagpapabuti ng Personal na Pag-aaral

Ihanda ang iyong kapaligiran. Ang ating kapaligiran ay maaaring makaapekto sa kakayahan nating matuto. Humanap ng isang lugar na mapag-aaralan ang mga banal na kasulatan at madarama mo ang impluwensya ng Espiritu. (Tingnan sa Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas, 15.)

Larawan
si Jesus na nasa langit

“Ikaw ay bumangon, magliwanag ka, sapagkat ang iyong liwanag ay dumating, at ang kaluwalhatian ng Panginoon ay sumikat sa iyo” (Isaias 60:1). Liwanag at Buhay, ni Mark Mabry

Print