“Oktubre 10–16. Jeremias 1–3; 7; 16–18; 20: ‘Bago Kita Inanyuan sa Sinapupunan ay Kilala na Kita,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: Lumang Tipan 2022 (2021)
“Oktubre 10–16. Jeremias 1–3; 7; 16–18; 20: ‘Bago Kita Inanyuan sa Sinapupunan ay Kilala na Kita,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: 2022
Oktubre 10–16
Jeremias 1–3; 7; 16–18; 20
“Bago Kita Inanyuan sa Sinapupunan ay Kilala na Kita”
Sinabi ni Elder David A. Bednar: “Ang isa sa mga paraan na nagagawa kong pakinggan [ang Panginoon] ay sa mga banal na kasulatan. Ang mga banal na kasulatan ang inirekord na tinig ng Panginoon” (“‘Hear Him’ in Your Heart and in Your Mind,” ChurchofJesusChrist.org).
Itala ang Iyong mga Impresyon
Noong una, hindi inisip ni Jeremias na magiging mabuting propeta siya. “Tingnan mo, hindi ako marunong magsalita,” pagtanggi niya nang tawagin siya ng Panginoon (Jeremias 1:6). Tiniyak sa kanya ng Panginoon, “Inilagay ko ang aking mga salita sa iyong bibig” (talata 9). Nadama ni Jeremias na isa siyang walang karanasan na “kabataan” (talata 6), ngunit ipinaliwanag ng Panginoon na mas handa siya kaysa inaakala niya—inorden siya sa tungkuling ito bago pa man siya isinilang (tingnan sa talata 5). Kaya isinantabi ni Jeremias ang kanyang takot at tinanggap ang tawag. Binalaan niya ang mga hari at mga saserdote sa Jerusalem na hindi sila maililigtas sa pagkalipol ng kanilang pakunwaring kabanalan. Ang “kabataan” na nag-akalang hindi niya kayang magsalita ay nadama ang salita ng Diyos “sa [kanyang] puso gaya ng nagliliyab na apoy” at hindi mapatahimik (Jeremias 20:9).
Ang kuwento ni Jeremias ay kuwento rin natin. Kilala tayo ng Diyos, bago tayo isinilang at inihanda tayong gawin ang Kanyang gawain sa mundo. Bukod sa iba pang mga bagay, ang gawaing iyan ay kinapapalooban ng isang bagay na nakinita ni Jeremias: ang pagtitipon sa mga tao ng Diyos, nang isa-isa, upang “[dalhin sila] sa Sion” (Jeremias 3:14). At kahit hindi natin alam kung ano ang gagawin o sasabihin, dapat tayong “huwag matakot …; sapagkat ako’y kasama mo, sabi ng Panginoon” (Jeremias 1:8, 19).
Para sa maikling paliwanag tungkol sa aklat ng Jeremias, tingnan sa “Jeremias” sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan.
Mga Ideya para sa Personal na Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan
Jeremias 1:4–19; 7:1–7; 20:8–10
Ang mga propeta ay tinatawag upang bigkasin ang salita ng Panginoon.
Habang binabasa mo ang Jeremias 1:4–19 tungkol sa pagtawag kay Jeremias na maging propeta, pagnilayan ang papel na ginagampanan ng mga propeta sa iyong buhay. Ano ang natutuhan mo tungkol sa mga propeta mula sa mga salita ng Panginoon kay Jeremias? (tingnan din sa Jeremias 7:1–7). Ang pangangaral ni Jeremias ay madalas tanggihan noon (tingnan sa Jeremias 20:8, 10). Ano ang natututuhan mo sa mga salita ni Jeremias sa Jeremias 20:9? Isaisip ang mga ideyang ito sa iyong pag-aaral ng mga turo ni Jeremias. Ano ang nakikita mo sa mga turong ito na naghihikayat sa iyo na sundin ang ating mga propeta sa mga huling araw?
Kilala na ako ng Diyos bago ako isinilang.
Bago isinilang si Jeremias, kilala na siya ng Diyos at pinili siya, o inorden na noon pa, upang gampanan ang isang natatanging misyon sa mundo (tingnan sa Jeremias 1:5). Sa palagay mo, bakit mahalagang malaman ni Jeremias ang mga bagay na ito?
Kilala ka rin ng Diyos bago ka isinilang at inorden ka sa mga partikular na responsibilidad (tingnan sa Alma 13:1–4; Doktrina at mga Tipan 138:53–56; Abraham 3:22–23). Ano ang kaibhang magagawa ng kaalamang ito sa buhay mo? Kung natanggap mo na ang iyong patriarchal blessing, maaari mo itong mapanalanging rebyuhin at itanong sa Diyos kung paano mo isasagawa ang inorden Niyang gawin mo.
Tingnan din sa Gospel Topics, “Foreordination,” “Premortality,” topics.ChurchofJesusChrist.org.
“Tinalikuran nila ako, ang bukal ng mga tubig na buhay.”
Sa tigang na rehiyon kung saan nakatira noon ang mga Israelita, ang mga tao ay nag-imbak ng mamahaling tubig sa mga sisidlan sa ilalim ng lupa na tinatawag na mga tipunan ng tubig. Bakit mas mainam na makatanggap ng tubig mula sa bukal kaysa sa isang tipunan ng tubig? Ano ang ibig sabihin ng “talikuran ang bukal ng mga tubig na buhay”? Ano sa palagay mo ang isinisimbolo ng “mga sirang tipunan” na binanggit sa Jeremias 2:13? Habang binabasa mo ang Jeremias 2 at 7, pansinin kung paano tinatalikuran ng mga tao ang mga buhay na tubig ng Panginoon, at isipin kung paano ka nakatatanggap ng tubig sa iyong buhay.
Ang Jeremias 7 ay isinulat para sa mga nagsisipasok sa “pintuan ng bahay ng Panginoon … upang magsisamba sa Panginoon” (Jeremias 7:2). Subalit sa kabila ng panlabas na anyong ito ng katapatan, sila ay nagkasala ng malaking kasamaan (tingnan sa mga talata 2–11). Ano sa palagay mo ang mga mensahe ng Panginoon para sa iyo sa mga talata 21–23?
Titipunin ng Panginoon ang Kanyang mga tao.
Nang nagpropesiya si Jeremias tungkol sa pagtitipon ng nakalat na Israel, sinabi niya na mas mahalaga pa ito kaysa sa paglalakbay o Exodo mula sa Egipto (tingnan sa Jeremias 16:14–15). Sa gayunding diwa, si Pangulong Russell M. Nelson ay nagsabing: “Ipinadala kayo sa mundo sa panahong ito mismo … upang tumulong sa pagtipon ng Israel. Wala nang ibang nangyayari sa daigdig na ito ngayon na mas mahalaga pa kaysa [sa pagtitipon]. … Ang pagtitipon na ito ay dapat maging pinakamahalaga sa inyo” (Russell M. Nelson at Wendy W. Nelson, “Pag-asa ng Israel” [pandaigdigang debosyonal para sa mga kabataan, Hunyo 3, 2018, suplemento sa New Era at Ensign, Ago. 2018, 12, ChurchofJesusChrist.org).
Habang pinag-aaralan mo ang Jeremias 3:14–18; 16:14–21, ano ang nagbibigay-inspirasyon sa iyo tungkol sa pagtitipon ng Israel sa mga huling araw? Ano ang iminumungkahi ng mga talatang ito tungkol sa kung paano mangyayari ang pagtitipon na iyon? Anong karagdagang mga kabatiran ang nakikita mo sa mensahe ni Pangulong Nelson na binanggit sa itaas?
Mga Ideya para sa Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan ng Pamilya at Home Evening
-
Jeremias 1:5.Magagamit ninyo ang talatang ito para pag-usapan ang ating buhay sa piling ng Ama sa Langit bago tayo isinilang. Ang resources na tulad ng “I Lived in Heaven” (Children’s Songbook,4) at “Introduction: Our Heavenly Father’s Plan” (sa New Testament Stories, 1–5) ay maaaring makatulong. Paano maaaring makaapekto sa paraan ng ating mortal na pamumuhay ang kaalaman tungkol sa ating premortal na buhay?
-
Jeremias 2:13; 17:13–14.Para matulungan ang mga miyembro ng pamilya na mailarawan sa isipan ang mga talatang ito, maaari mong ipakita kung ano ang mangyayari kapag naglagay ka ng tubig sa isang basag na sisidlan. Ano kaya ang isinasagisag ng “bukal ng mga buhay na tubig” at ng “mga sirang tipunan”? (Jeremias 2:13). Paano tayo umiinom mula sa tubig na buhay ng Panginoon?
-
Jeremias 16:16.Ikinumpara ni Pangulong Russell M. Nelson ang mga mangingisda at mangangaso sa talatang ito sa mga missionary sa mga huling araw (tingnan sa “Ang Pagtitipon ng Ikinalat na Israel,” Ensign o Liahona, Nob. 2006, 81). Ang mga miyembro ng pamilya ay maaaring “mangaso” o maghanap ng mga bagay sa paligid ng inyong tahanan at pag-usapan kung paano kayo makatutulong na “mangisda” at “manghuli” sa nakalat na Israel.
-
Jeremias 18:1–6.Upang tuklasin ang mga talatang ito, maaari ninyong talakayin o ipakita kung paano ginagawa ang palayok. Ano ang mensahe ng Panginoon para sa Israel sa Jeremias 18:1–6? Ano ang ibig sabihin ng luwad sa mga kamay ng Panginoon? (tingnan din sa Isaias 64:8). Para sa isa pang kuwento na nagkukumpara sa atin sa luwad ng magpapalayok, tingnan sa Elder Richard J. Maynes, “Ang Kagalakan sa Pamumuhay na Nakasentro kay Cristo,” (Ensign o Liahona, Nob. 2015, 27–30).
Para sa iba pang mga ideya sa pagtuturo sa mga bata, tingnan ang outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary.
Iminumungkahing awitin: “Israel, Diyos ay Tumatawag,” Mga Himno, blg. 6.