Lumang Tipan 2022
Oktubre 31–Nobyembre 6. Daniel 1–6: “Walang Ibang Diyos na Makapagliligtas”


“Oktubre 31–Nobyembre 6. Daniel 1–6: ‘Walang Ibang Diyos na Makapagliligtas,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: Lumang Tipan 2022 (2021)

“Oktubre 31–Nobyembre 6. Daniel 1–6,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: 2022

Larawan
si Daniel na binibigyang-kahulugan ang panaginip ng hari

Daniel Interprets Nebuchadnezzar’s Dream [Binigyang-kahulugan ni Daniel ang Panaginip ni Nebukadnezar], ni Grant Romney Clawson

Oktubre 31–Nobyembre 6

Daniel 1–6

“Walang Ibang Diyos na Makapagliligtas”

Habang binabasa mo ang Daniel 1–6, itala ang mga katotohanan na nahihikayat kang tulungan ang mga bata na matuklasan.

Itala ang Iyong mga Impresyon

Larawan
icon ng pagbabahagi

Mag-anyayang Magbahagi

Magdispley ng mga larawan ng mga pangyayari sa Daniel 1–6 (tingnan sa outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya o sa Aklat ng Sining ng Ebanghelyo, blg. 23, 24, 25, 26). Hilingin sa mga bata na ibahagi ang nalalaman nila tungkol sa mga pangyayari sa mga larawan. Anyayahan silang magbahagi ng isang pagkakataon na pinili nilang sundin ang Tagapagligtas, tulad ng ginawa ni Daniel at ng kanyang mga kaibigan.

Larawan
icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina: Mas Maliliit na Bata

Daniel 1:1–17

Nais ng Ama sa Langit na pangalagaan ko ang aking katawan.

Tinanggihan ni Daniel at ng kanyang mga kaibigan ang karne at alak na inialok sa kanila ng hari dahil nais nilang sundin ang mga utos ng Diyos at iwasang mapinsala ang kanilang katawan. Ngayon ay tinutulungan tayo ng Word of Wisdom na iwasan ang mga sangkap na makapipinsala sa ating katawan.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Ibahagi sa mga bata ang “Si Daniel at ang Kanyang mga Kaibigan” (sa Mga Kuwento sa Lumang Tipan), o ibuod ang Daniel 1:1–17. Anyayahan ang mga bata na isadula ang kuwento. Ipaunawa sa kanila kung paano pinagpala ng Panginoon si Daniel at ang kanyang mga kaibigan dahil sa pagpiling sundin Siya (tingnan sa talata 17). Anong mga pagpapala ang natatanggap natin mula sa Diyos kapag pinipili natin ang tama?

  • Ipakita sa mga bata ang mga larawan ng mga bagay na itinuturo sa atin ng Word of Wisdom na kainin o gamitin at mga bagay na sinasabi nito sa atin na huwag kainin o gamitin (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 89). Anyayahan ang mga bata na magkunwaring kinakain ang mabubuting bagay at tinatanggihan ang masasamang bagay. Magpatotoo na pinagpapala tayo ng Panginoon kapag pinangangalagaan natin ang ating katawan. Sama-samang kantahin ang isang awitin tungkol sa pangangalaga sa ating katawan, tulad ng “Ang Diyos sa Akin ay Nagbigay ng Templo” (Aklat ng mga Awit Pambata, 73). Ano ang itinuturo ng awiting ito sa atin?

Larawan
apat na batang lalaki sa tabi ng mesa na tinatanggihan ang karneng inaalok ng tao

Paglalarawan kay Daniel at sa kanyang mga kaibigan na tinatanggihan ang pagkain ng hari, ni Brian Call

Daniel 1; 3; 6

Pagpapalain ako ng Diyos kapag pinipili kong sundin si Jesucristo.

Ang aklat ni Daniel ay naglalaman ng mga kuwento ng mga taong piniling sundin ang mga utos ng Diyos kahit mahirap gawin iyon. Paano mo matutulungan ang mga bata na matuto mula sa mga halimbawang ito?

Mga Posibleng Aktibidad

  • Maghanap ng mga larawan ng mga kuwento sa Daniel 1, 3, at 6 (tingnan sa pahina ng aktibidad para sa linggong ito, outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya, o sa Aklat ng Sining ng Ebanghelyo, blg. 23, 25, 26). Ilagay nang pataob ang mga larawan sa pisara o sa sahig. Anyayahan ang isang bata na itihaya ang isa sa mga larawan, at tulungan siyang ikuwento ang salaysay na kinakatawan nito. (Para sa tulong, tingnan sa “Si Daniel at ang Kanyang mga Kaibigan,” “Sina Shadrac, Meshac, at Abednego,” at “Si Daniel at ang Yungib ng mga Leon” sa Mga Kuwento sa Lumang Tipan.) Pagkatapos ng bawat kuwento, talakayin ang mga tanong na tulad nito: Ano ang ginawa ng mga tao para sundin ang Panginoon? Paano sila pinagpala ng Panginoon? Ibahagi kung paano ka napagpala sa pagpiling sundin si Jesucristo. Anyayahan ang mga bata na ibahagi ang kanilang mga karanasan.

  • Anyayahan ang mga bata na magsadula ng mga sitwasyon kung saan maipapakita nila ang kanilang pananampalataya sa Diyos sa pagsunod sa Kanyang mga utos. Maaaring kabilangan ang mga ito ng pagiging mabait sa isang kapatid, pagkukuwento sa isang tao tungkol sa Tagapagligtas, o pagdarasal gabi-gabi. Magpakita ng isang larawan nina Shadrac, Meshac, at Abednego sa nagniningas na hurno (tingnan sa Aklat ng Sining ng Ebanghelyo, blg. 25), at hilingin sa mga bata na bilangin ang mga tao sa hurno. Basahin ang Daniel 3:24–25 para malaman kung sino pa ang nasa hurno. Magpatotoo na kasama natin ang Panginoon kapag sinusunod natin Siya.

Daniel 6

Nais ng Ama sa Langit na madalas akong manalangin.

Handa si Daniel na itaya ang kanyang buhay para maaari siyang manalangin sa Ama sa Langit bawat araw. Paano mo matutulungan ang mga bata na magkaroon ng gayon ding hangaring manalangin?

Mga Posibleng Aktibidad

  • Ikuwento ang salaysay sa Daniel 6 (tingnan sa “Si Daniel at ang Yungib ng mga Leon” sa Mga Kuwento sa Lumang Tipan), at anyayahan ang mga bata na magdrowing ng isang larawan tungkol sa kuwento. Anyayahan silang gamitin ang kanilang larawan para ikuwento ito sa bawat isa. Bakit nais ng Ama sa Langit na manalangin tayo sa Kanya? Ibahagi kung bakit mahalaga sa iyo ang panalangin.

  • Kausapin ang mga bata tungkol sa mga pagkakataon na maaari silang manalangin, tulad ng kapag natatakot sila, kapag nagkakamali sila, o kapag kailangan nila ng tulong sa paaralan. Bakit makabubuting manalangin sa mga sitwasyong ito? Ituro sa mga bata na saanman sila naroon, maaari silang manalangin sa kanilang puso tuwina.

  • Sama-samang kantahin ang isang awitin tungkol sa panalangin, tulad ng “Nakayuko” (Aklat ng mga Awit Pambata, 18). Kausapin ang mga bata tungkol sa mga bagay na maaari nating ipagdasal.

Larawan
icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina: Mas Nakatatandang mga Bata

Daniel 1; 3; 6

Kaya kong gawin ang tama kahit mahirap ito.

Ang mga kuwento sa Daniel 1, 3, at 6 ay maaaring magbigay sa mga batang tinuturuan mo ng tapang at pananampalataya na gumawa ng mabubuting pagpili, kahit pakiramdam nila ay nag-iisa sila.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Magdrowing sa pisara ng ilang pana na nakaturong lahat sa iisang direksyon at pagkatapos ay isang panang nakaturo sa kabilang direksyon. Paano naging katulad ng panang ito si Daniel at ang kanyang mga kaibigan? Anyayahan ang mga bata na magbigay ng mga halimbawa mula sa mga kuwento sa Daniel 1, 3, at 6 (tingnan sa “Si Daniel at ang Kanyang mga Kaibigan,” “Sina Shadrac, Meshac, at Abednego,” at “Si Daniel at ang Yungib ng mga Leon” sa Mga Kuwento sa Lumang Tipan). Itanong sa mga bata kung bakit sa palagay nila maaaring mahirap para kay Daniel at sa kanyang mga kaibigan na gumawa ng mabubuting pasiya. Paano sila pinagpala ng Panginoon sa pagpili ng tama?

  • Tulungan ang mga bata na mag-isip ng mga sitwasyon na maaaring napipilitan silang gumawa ng isang maling pagpili. Anyayahan silang magbahagi ng mga karanasan na pinagpala sila sa pagpili ng tama kahit mahirap iyong gawin. Sama-samang kantahin ang isang awiting nauugnay sa paksang ito, tulad ng “Piliin ang Tama” (Mga Himno, blg. 145).

Daniel 2

Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ang kaharian ng Diyos sa lupa.

Nang ibigay ni Daniel ang kanyang inspiradong pakahulugan sa panaginip ni Nebukadnezar, nakita niya ang batong “natibag mula sa bundok, hindi sa pamamagitan ng kamay” (Daniel 2:45). Ang batong ito ay kumakatawan sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, na nakatadhanang punuin ang mundo.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Basahin ninyo ng mga bata ang Daniel 2:31–35, 44–45, at anyayahan silang magdrowing ng isang larawan ng nakita ni Nebukadnezar sa kanyang panaginip. Itanong sa mga bata kung ano ang natututuhan nila mula sa mga talatang ito tungkol sa bato sa panaginip. Ipaliwanag na ang batong ito ay kumakatawan sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Hilingin sa mga bata na bumanggit ng ilang bagay na ginawa ng Ama sa Langit upang maitatag ang Kanyang Simbahan sa mga huling araw. Para mabigyan sila ng mga ideya, magpakita ng mga larawan ng mga pangyayari sa Pagpapanumbalik ng Simbahan (tingnan sa Aklat ng Sining ng Ebanghelyo, blg. 90–95).

  • Bigyan ang bawat bata ng isang nilukot na piraso ng papel para kumatawan sa bato sa panaginip ni Nebukadnezar. Hilingin sa bawat bata na ibahagi kung paano niya nalaman na ang Simbahan ay ipinanumbalik ng Diyos. Habang nagbabahagi ang mga bata, anyayahan silang ibigay ang kanilang “mga bato” sa iyo. Sama-samang ibalot ang mga bato gamit ang tape o tali para makabuo ng isang malaking bato. Magpatotoo na kapag pinalalakas natin ang ating patotoo at ibinabahagi ang ebanghelyo sa iba, pinagkakaisa natin ang ating pananampalataya para tulungan ang kaharian ng Diyos na “[punuin] ang buong lupa” (Daniel 2:35).

Larawan
icon ng pag-aaral

Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan

Anyayahan ang mga bata na gumawa ng isang bagay sa linggong ito na nagpapakita ng kanilang pananampalataya kay Jesucristo.

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo

Tulungan ang mga bata na makilala ang Espiritu. Kapag may mga espirituwal na karanasan kayo ng mga bata, tulungan silang makilala ang impluwensya ng Espiritu Santo.

Print