“Nobyembre 14–20. Amos; Obadias: ‘Inyong Hanapin ang Panginoon, at Kayo’y Mabubuhay,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: Lumang Tipan 2022 (2021)
“Nobyembre 14–20. Amos; Obadias,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: 2022
Nobyembre 14–20
Amos; Obadias
“Inyong Hanapin ang Panginoon, at Kayo’y Mabubuhay”
Habang nagtutuon ka sa pagtuturo ng totoong doktrina sa mga simpleng paraan, naglalaan ka ng mga pagkakataon para magpatotoo ang Espiritu Santo sa mga bata. Gamitin ang mga aktibidad sa outline na ito—o lumikha ng sarili mo—para matulungan kang ituro ang mga alituntunin ng ebanghelyo sa mga simpleng paraan.
Itala ang Iyong mga Impresyon
Mag-anyayang Magbahagi
Hilingin sa mga bata na magbahagi ng isang bagay na natutuhan nila kamakailan sa bahay o sa simbahan. Halimbawa, itanong kung may natagpuan na silang anumang bagong paboritong mga talata sa banal na kasulatan o narinig na isang mensaheng maaari nilang ibahagi sa klase.
Ituro ang Doktrina: Mas Maliliit na Bata
Ang mga propeta ay mga sugo ni Jesucristo.
Ang isa sa pinakamahahalagang bagay na malalaman ng mga bata tungkol sa mga propeta ay na sila ay mga sugo ni Jesucristo. Ang mga ideya sa ibaba ay makakatulong sa iyo na ituro sa kanila ang mahalagang katotohanang ito.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Ibulong sa isa sa mga bata ang isang mensahe para sa iba pa sa klase (tulad ng paghiling sa mga bata na tumayo sa isang paa o umikot), at hilingin sa kanya na ibahagi ang mensahe sa iba pang mga bata. Ulitin ang aktibidad na ito, na binibigyan ng pagkakataon ang ilang iba pang bata na maging sugo. Ipaunawa sa kanila kung paanong parang isang propeta ang sugo sa aktibidad na ito, na nagbabahagi ng mensahe ng Diyos sa atin. Magbahagi ng ilang halimbawa ng mga mensahe kamakailan mula sa buhay na propeta na nakatulong sa iyo na mas mapalapit kay Jesucristo.
-
Anyayahan ang isang bata na tumayo sa harapan ng silid at magkunwaring siya ang propetang si Amos. Habang ibinabahagi mo ang ilang katotohanan tungkol kay Amos mula sa Amos 7:14–15, bigyan ang bata ng mga larawan o props na hahawakan na may kaugnayan sa bawat katotohanan, tulad ng mga larawan ng isang tupa, isang prutas, at ng Panginoon. Ipaliwanag na si Amos ay isang pastol na tinawag ng Panginoon na maging Kanyang sugo. Pagkatapos ay magpakita ng mga larawan ng Panginoon at ng buhay na propeta, at ipaliwanag na ang Panginoon ay patuloy na tumatawag ng mga sugo ngayon. Basahin ang Amos 3:7 nang malakas, at hilingin sa mga bata na ituro ang angkop na larawan kapag narinig nila ang mga salitang “Panginoon” at “mga propeta.” Magpatotoo na tulad noong panahon ni Amos, nangungusap si Jesucristo sa atin sa pamamagitan ng Kanyang mga propeta.
-
Magbahagi ng isang kuwento mula sa isang magasin ng Simbahan kamakailan tungkol sa buhay na propeta o tungkol sa mga karanasan ng mga miyembro ng Simbahan nang sundin nila ang payo ng propeta.
-
Kantahin o patugtugin ang isang recording ng isang awitin tungkol sa mga propeta, tulad ng “Propeta’y Sundin” (Aklat ng mga Awit Pambata, 58–59), habang ginagawa ng mga bata ang pahina ng aktibidad para sa linggong ito. Ituro sa mga bata ang mga parirala sa awitin na nagtuturo kung paano nangunguna ang mga propeta sa daan patungo kay Jesucristo.
Kung hahanapin ko ang mabuti, makakasama ko ang Panginoon.
Inanyayahan ni Amos ang mga Israelita na “hanapin ninyo ang mabuti, at hindi ang masama” at ipinangako na kung gagawin nila ito, “ang Panginoon … ay magiging kasama ninyo.” Paano mo tutulungan ang mga bata na tumugon sa paanyayang ito at matanggap ang pangakong ito?
Mga Posibleng Aktibidad
-
Magdispley ng ilang larawan ng mga batang gumagawa ng mabubuting bagay, tulad ng pagtulong sa iba o pagtanggap ng sakramento. Hayaang maghalinhinan ang bawat bata sa paglalarawan sa isa sa mga larawan habang hinuhulaan ng iba pang mga bata kung aling larawan ang inilalalarawan niya. Basahin ang Amos 5:14, at tulungan ang mga bata ng mag-isip ng mga paraan na “[ha]hanapin [nila] ang mabuti” araw-araw.
-
Anyayahan ang mga bata na idrowing ang sarili nila na gumagawa ng isang bagay na mabuti. Basahin ang Amos 5:14, at bigyang-diin ang pangako ng Panginoon na makakasama natin Siya kapag naghahangad tayo ng mabuti. Anyayahan ang mga bata na idagdag sa drowing nila ang isang larawan ni Jesus na nakatayo sa tabi nila.
Ituro ang Doktrina: Mas Nakatatandang mga Bata
Ang mga propeta ay mga sugo ni Jesucristo.
Ang Amos 3:7 ay isang magandang talata sa banal na kasulatan para maipaintindi sa mga bata na kapag nakikinig tayo sa propeta, nakikinig tayo sa isang sugo ni Jesucristo.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Tulungan ang mga bata na isaulo ang lahat o bahagi ng Amos 3:7. Halimbawa, bigyan sila ng ilang minuto para basahin nang ilang beses ang talata habang isinusulat mo sa pisara nang laktaw-laktaw ang mga salita ng talata. Anyayahan ang mga bata na isara ang kanilang mga banal na kasulatan at sama-samang bigkasin ang talata, gamit ang mga clue na nasa pisara. Pagkatapos ay isa-isang burahin ang ilang salita hanggang sa maulit ng mga bata ang buong talata nang walang anumang mga clue. Ano ang itinuturo sa atin ng talatang ito tungkol sa mga propeta? Paano tayo natulungan ng ating buhay na propeta na malaman kung ano ang nais ipagawa sa atin ng Tagapagligtas?
-
Isulat ang ilang tanong tungkol sa mga propeta sa mga piraso ng papel, tulad ng mga sumusunod: Bakit tayo mayroong mga propeta? Ano ang ginagawa ng mga propeta? Bakit mo sinusunod ang propeta? Ano ang itinuturo ng mga propeta? Hilingin sa mga bata na magpares-pares, at papiliin ng isang tanong ang isang bata mula sa bawat pares at hilingin sa kanyang kapares na sagutin ito. Kung kailangan ng tulong ng mga bata sa pagsagot sa isang tanong, maaari nilang tingnan ang “Propeta” sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan (scriptures.ChurchofJesusChrist.org). Matapos sagutin ng kapares ang tanong, maaaring magpalitan ng ginagampanang papel ang mga bata at pumili ng isa pang tanong.
-
Ibahagi sa mga bata ang ilang katotohanan tungkol sa isang propeta sa Lumang Tipan na napag-aralan nila ngayong taon (tulad nina Noe, Moises, o Isaias). Hilingin sa kanila na hulaan kung sinong propeta ang inilalarawan mo. Ulitin ito sa iba pang mga propeta.
Kung maghahangad ako ng kabutihan, makakasama ko ang Panginoon.
Maraming oportunidad ang mga bata na pumili sa pagitan ng tama at mali. Pag-isipan kung paano mo sila magaganyak na “hanapin ninyo ang mabuti, at hindi ang masama” (talata 14).
Mga Posibleng Aktibidad
-
Ipasaliksik sa mga bata ang Amos 5:4–15, na hinahanap ang salitang “hanapin.” Ano ang nais ng Panginoon na hanapin natin, at ano ang ipinapangako Niya sa mga taong gumagawa nito? Paano natin hahanapin ang Panginoon?
-
Tulungan ang mga bata na maisaulo ang huling pangungusap ng ikalabintatlong saligan ng pananampalataya. Paano natin “hinahangad … ang mga bagay na ito”?
Ang Pagpapanumbalik ng ebanghelyo ay nagwakas sa taggutom na apostasiya.
Ang pag-unawa sa itinuro ni Amos tungkol sa apostasiya ay makatutulong sa mga bata na magpasalamat para sa Pagpapanumbalik ng ebanghelyo.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Anyayahan ang mga bata na basahin ang Amos 8:11–12, at pag-usapan kung ano ang nangyayari kapag hindi taglay ng mga tao ang salita ng Panginoon. Tulungan ang mga bata na bigyang-kahulugan ang mga salitang apostasiya at taggutom, gamit ang Gabay sa mga Banal na Kasulatan (scriptures.ChurchofJesusChrist.org) o ang isang diksyunaryo. Paano naging parang taggutom ang apostasiya?
-
Para maipaunawa sa mga bata ang Malawakang Apostasiya, rebyuhin sa kanila ang “Pagkaraan ng Bagong Tipan” (sa Mga Kuwento sa Bagong Tipan, 167–70). Pagkatapos ay talakayin ang mga tanong na tulad nito: Bakit nagkaroon ng Apostasiya? Ano ang nangyari dahil sa Apostasiya? Bakit ipinanumbalik ng Panginoon ang Kanyang ebanghelyo? (tingnan din sa “Ang Pagpapanumbalik ng Kabuuan ng Ebanghelyo ni Jesucristo: Isang Proklamasyon sa Mundo para sa Ika-200 Taong Anibersaryo,” ChurchofJesusChrist.org). Hikayatin ang mga bata na isulat ang mga tanong na ito at ang kanilang mga sagot at ibahagi ang mga ito sa kanilang pamilya sa bahay.
Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan
Bigyan ng ilang sandali ang mga bata para isipin ang isang bagay na natutuhan nila ngayon na gusto nilang ibahagi sa isang kapamilya. Hikayatin silang magpasiya kung kanino nila ito ibabahagi at paano nila ito ibabahagi.