“Nobyembre 7–13. Hoseas 1–6; 10–14; Joel: ‘Malaya Ko Silang Iibigin,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: Lumang Tipan 2022 (2021)
“Nobyembre 7–13. Hoseas 1–6; 10–14; Joel,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: 2022
Nobyembre 7–13
Hoseas 1–6; 10–14; Joel
“Malaya Ko Silang Iibigin”
Habang pinag-aaralan mo ang mga banal na kasulatan at naghahanda kang magturo, maghangad ng inspirasyon mula sa Espiritu Santo. Ano ang nahihikayat kang pagtuunan sa klase sa linggong ito?
Itala ang Iyong mga Impresyon
Mag-anyayang Magbahagi
Magpakita ng isang larawan ng Tagapagligtas, at anyayahan ang mga bata na magbahagi ng isang bagay na alam o natutuhan nila tungkol sa Kanya sa linggong ito. Hayaan silang maghalinhinan sa paghawak ng larawan habang nagbabahagi sila.
Ituro ang Doktrina: Mas Maliliit na Bata
Maaari kong hanapin ang Panginoon.
Ang Hoseas 10:12 ay gumagamit ng mga larawan ng paghahasik, pag-aani, panahon, at ulan para anyayahan tayong hanapin ang Panginoon. Habang binabasa mo ang talatang ito, anong mga malikhaing ideya ang naiisip mo na maaaring maghikayat sa mga bata na hanapin Siya?
Mga Posibleng Aktibidad
-
Basahin ang Hoseas 10:12 sa mga bata, at anyayahan silang gumawa ng mga simpleng akto para maipaunawa sa kanila ang talata, tulad ng pagkukunwaring nagtatanim ng mga binhi, namimitas ng mga gulay mula sa isang halaman, o nakatayo habang umuulan. O magpakita ng mga larawan ng binhi, halaman, at ulan. Tulungan ang mga bata na ikumpara ang pagtatanim ng binhi at pag-aani ng mabuting pagkain sa pamumuhay nang matwid at pagtanggap ng mga pagpapala ng Panginoon. Magpatotoo tungkol sa mga pagpapalang naibuhos sa iyo ng Panginoon nang magsikap kang hanapin Siya.
-
Magdrowing ng isang orasan sa pisara, at anyayahan ang mga bata na magbahagi ng mga paraan na mahahanap natin ang Panginoon sa iba’t ibang oras ng maghapon. Anyayahan ang mga bata na ulitin ninyong lahat na bigkasin ang pariralang “Panahon nang hanapin ang Panginoon” (Hoseas 10:12). Ipaunawa sa kanila na laging panahon na para hanapin ang Panginoon. Ibahagi ang ginagawa mo para maalala Siya sa lahat ng oras.
Si Jesucristo ang aking Tagapagligtas.
Habang nagtuturo ka tungkol sa Tagapagligtas at sa Kanyang Pagbabayad-sala, magpatotoo tungkol sa Kanyang pagmamahal para sa bawat isa sa mga bata.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Magpakita ng mga larawan ng ilang tao, kabilang na si Jesus, at hilingin sa mga bata na hanapin kung sino sa mga taong ito ang ating Tagapagligtas. Basahin ang Hoseas 13:4, at bigyang-diin na walang ibang Tagapagligtas maliban kay Jesucristo. Magpatotoo na dahil sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo, makakapiling nating muli ang Ama sa Langit.
-
Hayaang maghalinhinan ang mga bata sa paghawak sa isang larawan ni Jesus sa krus o sa libingan at sa isang larawan ni Jesus sa labas ng libingang walang laman. Anyayahan ang mga bata na pag-usapan kung ano ang ipinapakita ng mga larawan. Basahin mula sa Hoseas 13:14 ang pariralang “tutubusin ko sila mula sa kapangyarihan ng [libingan]; tutubusin ko sila mula [sa k]amatayan.” Magpatotoo na iniligtas tayo ni Jesucristo mula sa kamatayan at na maaari tayong mabuhay na mag-uli. Sama-samang kantahin ang isang awitin tungkol sa Pagkabuhay na Mag-uli, tulad ng “Si Jesus Ba ay Nagbangon?” (Aklat ng mga Awit Pambata, 45). Tulungan ang mga bata na makilala ang Espiritu habang kumakanta sila.
Maaari akong gabayan ng Espiritu Santo.
Habang nagtuturo ka tungkol sa propesiya ni Joel sa Joel 2:28, isipin kung paano mo matutulungan ang mga bata na maghandang tanggapin ang kaloob na Espiritu Santo matapos silang binyagan.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Basahin ang Joel 2:28 sa mga bata, at ipaliwanag na ang ibig sabihin ng mga salitang “lahat ng laman” ay lahat, pati na ang “mga anak na lalaki” at “mga anak na babae” na tulad nila. Anyayahan ang mga bata na magdrowing ng mga larawan ng mga taong tinukoy sa talatang ito (mga anak na lalaki at mga anak na babae, matatanda at kabataang lalaki, matatanda at kabataang babae), pati na sila mismo. Ipaliwanag na ang isang paraan na ibinubuhos ng Ama sa Langit ang Kanyang Espiritu ay sa pagbibigay sa atin ng kaloob na Espiritu Santo kapag binibinyagan tayo.
-
Anyayahan ang mga bata na ibahagi ang nalalaman nila tungkol sa Espiritu Santo. Ipaunawa sa kanila na matuturuan tayo ng Espiritu Santo tungkol sa Ama sa Langit at kay Jesucristo at matutulungan tayong malaman kung ano ang totoo (tingnan sa Juan 14:26; Doktrina at mga Tipan 42:17). Magbahagi ng mga karanasan para maipaunawa sa mga bata ang mga paraan na matutulungan tayo ng Espiritu.
Ituro ang Doktrina: Mas Nakatatandang mga Bata
Kaya kong tuparin nang may katapatan ang aking mga tipan.
Sa aklat ni Hoseas, ikinumpara ng Panginoon ang Kanyang mga tipan sa mga Israelita sa isang kasal. Sa kabila ng kataksilan ng mga Israelita, minahal pa rin Niya sila at ginusto Niyang bumalik sila. Matutulungan ka ng pagkukumparang ito na ituro sa mga bata ang kahalagahan ng pagtupad ng ating mga tipan sa Panginoon.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Sabihin sa mga bata na sa aklat ni Hoseas, ikinumpara ng Panginoon ang Kanyang mga tipan sa Israel sa isang kasal. Magpakita sa mga bata ng isang larawan ng magnobyong ikakasal. Paano nais ng Ama sa Langit na pakitunguhan ng mag-asawa ang isa’t isa? Paano natin maipapakita sa Panginoon na mahal natin Siya at magiging tapat tayo sa Kanya?
-
Ipaunawa sa mga bata na ang mga tipang ginagawa natin sa Panginoon ay nilayong magtagal magpakailanman. Anyayahan ang isa sa mga bata na basahin ang Hoseas 2:19–20, na hinahanap ang mga salitang naglalarawan sa nadarama ng Panginoon tungkol sa Kanyang mga tipan sa atin. Ano ang tipan na ipinangako nating gawin nang binyagan tayo? Paano natin matutupad ang tipang ito na ginawa natin sa Panginoon?
Si Jesucristo ang aking Tagapagligtas at Manunubos.
Paano mo magagamit ang mga salita ni Hoseas para palakasin ang patotoo ng mga bata tungkol sa kanilang Tagapagligtas at Manunubos? Habang nagtuturo ka, tulungan ang mga bata na madama ang kagalakan at pagmamahal ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Anyayahan ang mga bata na basahin ang Hoseas 13:4, 14, na hinahanap ang mga salita o pariralang naglalarawan kay Jesucristo. Ano ang itinuturo sa atin ng mga salitang ito tungkol sa Kanya? Anyayahan ang mga bata na gamitin ang Topical Guide o Gabay sa mga Banal na Kasulatan para alamin at ibahagi ang iba pang mga talatang nagtuturo tungkol kay Jesucristo bilang Tagapagligtas at Manunubos. Magpatotoo tungkol sa Tagapagligtas, at bigyan ng pagkakataon ang mga bata na gawin din iyon.
-
Maaari akong gabayan ng Espiritu Santo.
Marami sa mga batang tinuturuan mo ang malamang na nabinyagan at natanggap na ang kaloob na Espiritu Santo. Paano mo magagamit ang mga talatang ito para maipaunawa sa kanila ang kapangyarihan at mga pagpapalang nagmumula sa pakikinig sa tinig ng Espiritu?
Mga Posibleng Aktibidad
-
Anyayahan ang mga bata na sama-samang basahin ang Joel 2:28–29, na ipinapalit ang pangalan ng bawat isa sa lugar ng mga pariralang “inyong mga anak na lalaki” at “inyong mga anak na babae.” Isulat sa pisara ang isang pangungusap na tulad ng Ang Espiritu Santo ay maaaring … at anyayahan ang mga bata na maghalinhinan sa pagkumpleto sa pangungusap. Hikayatin silang isama ang mga bagay na natututuhan nila mula sa Juan 14:16; Moroni 10:5; Doktrina at mga Tipan 42:17, at iba pang mga talata sa banal na kasulatan.
-
Maglagay ng isang bagay sa isang mangkok, at hayaang maghalinhinan ang mga bata sa pagbubuhos ng tubig dito. Ipaliwanag na ang bagay ay kumakatawan sa atin, at ang tubig ay kumakatawan sa Espiritu Santo. Kapag binibinyagan tayo, tinatanggap natin ang kaloob na Espiritu Santo, na isang paraan na tinutupad ng Panginoon ang Kanyang pangako na “ibubuhos [Niya] ang [Kanyang] espiritu.” Ano ang kailangan nating gawin para matanggap ang Espiritu Santo? Anyayahan ang mga bata na magbahagi ng mga pagkakataon na nadama nila ang impluwensya ng Espiritu.
Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan
Tulungan ang mga bata na matukoy ang isang bagay na natutuhan nila ngayon sa klase tungkol sa Ama sa Langit, kay Jesucristo, o sa Espiritu Santo. Hikayatin silang ibahagi ito sa kanilang pamilya.