“Nobyembre 21–27. Jonas; Mikas: ‘Siya’y Nalulugod sa [Awa],’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: Lumang Tipan 2022 (2021)
“Nobyembre 21–27. Jonas; Mikas,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: 2022
Nobyembre 21–27
Jonas; Mikas
“Siya’y Nalulugod sa [Awa]”
Hanapin ang mahahalagang alituntunin sa Jonas at Mikas na magpapala sa mga batang tinuturuan mo. Pagnilayan ang mga paraan na matutulungan mo ang mga bata na matutuhan ang mga alituntuning ito. Maaaring makatulong ang mga ideya sa outline na ito.
Itala ang Iyong mga Impresyon
Mag-anyayang Magbahagi
Para matulungan ang mga bata na maalala ang kuwento tungkol kay Jonas o ang iba pang mga katotohanang maaaring natutuhan nila sa bahay, sama-samang kantahin ang isang awitin, tulad ng taludtod 7 sa “Propeta’y Sundin” (Aklat ng mga Awit Pambata, 58–59).
Ituro ang Doktrina: Mas Maliliit na Bata
Pinagpapala ako ng Panginoon kapag sinusunod ko Siya.
Nang hilingin ng Panginoon na mangaral si Jonas sa mga tao sa Ninive, hindi sumunod si Jonas. Ipaunawa sa mga bata na pinagpapala tayo kapag sinusunod natin ang Panginoon.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Magpakita ng mga larawan ng kuwento tungkol kay Jonas, at anyayahan ang mga bata na sabihin ang nalalaman nila tungkol sa kuwento (tingnan sa “Ang Propetang si Jonas” sa Mga Kuwento sa Lumang Tipan; sa pahina ng aktibidad para sa linggong ito; o sa outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya). Magtanong ng tulad nito: Ano ang nangyari nang hindi sumunod si Jonas sa Panginoon? (tingnan sa Jonas 1:4–17). Ano ang nangyari nang sumunod siya? (tingnan sa Jonas 3:3–5). Magpatotoo na pagpapalain tayo ng Panginoon kapag sinusunod natin Siya.
-
Sama-samang kantahin ang isang awitin tungkol sa pagsunod sa Panginoon, tulad ng “Susunod Ako” (Aklat ng mga Awit Pambata, 71). Pag-usapan kung paano naging pinakamainam sana para kay Jonas na sumunod sa unang pagkakataon. Tulungan ang mga bata na mag-isip ng mga bagay na nais ng Diyos na gawin nila at pagkatapos ay isadula kung paano sila makakasunod kaagad.
Ang ebanghelyo ay para sa lahat.
Nagsisi ang mga tao ng Ninive nang ibahagi ni Jonas ang mensahe ng Panginoon sa kanila. Ano ang mga pagkakataon ng mga bata na ibahagi ang ebanghelyo?
Mga Posibleng Aktibidad
-
Isadula ninyo ng mga bata ang mga bahagi ng Jonas 3:3–8, tulad ng paglakad patungong lungsod ng Ninive, pagbabahagi ng mensahe ng Panginoon, at pagsusulat ng utos ng hari sa kanyang mga tao. Magpakita ng isang larawan ng mga missionary (tingnan sa Aklat ng Sining ng Ebanghelyo, blg. 109, 110). Ano ang ginagawa ng mga missionary? Paano naging missionary si Jonas? Tulungan ang mga bata na mag-isip ng mga paraan na maibabahagi nila ang ebanghelyo sa iba, tulad ng pagbabahagi ng isang saligan ng pananampalataya o pagpapatotoo tungkol kay Jesucristo.
-
Magkuwento ng isang karanasan nang ibahagi mo ang ebanghelyo ni Jesucristo. O, ilang araw bago magklase, anyayahan ang isang tao na bisitahin ang klase ninyo at ikuwento sa mga bata ang isang pagkakataon na ibinahagi niya ang ebanghelyo o ibinahagi ng isang tao ang ebanghelyo sa kanya. Hikayatin ang tao na magpakita ng mga larawan, kung maaari. Tulungan ang mga bata na mag-isip ng mga paraan na maaari silang maging mga missionary ngayon.
Si Jesucristo ay isinilang sa Bethlehem.
Ipinropesiya ni Mikas na isang “pinuno sa Israel” sa hinaharap ang isisilang sa Bethlehem. Matutulungan mo ang mga bata na malaman na tinupad ng pagsilang ni Jesucristo ang propesiyang ito.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Magdispley ng mga larawan ng mga pangyayaring nakapalibot sa pagsilang ni Jesucristo (tingnan sa Aklat ng Sining ng Ebanghelyo, blg. 28, 29, 30, 31). Anyayahan ang mga bata na pag-usapan ang nangyayari sa bawat larawan. Basahin ang Mikas 5:2, at anyayahan ang mga bata na tumayo kapag narinig nila ang salitang “Bethlehem.” Magpatotoo na napakahalaga ng pagsilang ni Jesus kaya nalaman ito ng mga propeta bago pa Siya isinilang.
-
Anyayahan ang mga bata na magdrowing ng isang larawan ng pagsilang ni Jesus. Habang ipinapakita nila ang kanilang larawan, hilingin sa kanila na ibahagi kung bakit sila nagpapasalamat para kay Jesucristo.
Ituro ang Doktrina: Mas Nakatatandang mga Bata
Jonas 1:10–12; 2:1–4, 9; 3:1–5
Ang pagsisisi ay kinabibilangan ng pag-amin sa aking mga kasalanan at paghingi ng tawad.
Ang halimbawa ni Jonas ay maaaring makahikayat sa mga bata na bumaling sa Panginoon kapag nagkasala sila.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Tulungan ang mga bata na ilista sa pisara ang ilan sa mga pangunahing elemento ng pagsisisi (tingnan sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Magsisi, Pagsisisi,” scriptures.ChurchofJesusChrist.org). Sama-samang rebyuhin ang kuwento tungkol kay Jonas, at anyayahan ang mga bata na tukuyin ang katibayan na nagsisisi si Jonas (tingnan, halimbawa, sa Jonas 1:10–12; 2:1–4, 9; 3:1–5). Paano natin maipapakita sa Panginoon na taos-puso ang ating pagsisisi?
-
Jonas 2:7–10; 3:10; 4:2; Mikas 7:18–19
Ang Panginoon ay maawain sa lahat ng bumabaling sa Kanya.
Kapag nauunawaan ng mga bata na ang Panginoon ay maawain at mabait, babaling sila sa Kanya kapag kailangan nila ng awa.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Anyayahan ang mga bata na hanapin ang kahulugan ng salitang awa sa diksyunaryo o sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan (scriptures.ChurchofJesusChrist.org). Bakit kinailangan ni Jonas ng awa? Bakit kinailangan ng awa ng mga tao ng Ninive? (tingnan sa Jonas 1:1–3). Hilingin sa mga bata na isipin na kunwari ay maaari nilang interbyuhin si Jonas. Anong katibayan ang maaaring ibigay ni Jonas para ipakita na maawain ang Panginoon? (tingnan, halimbawa, sa Jonas 2:7–10; 3:10; 4:2). Paano tayo napakitaan ng awa ng Panginoon?
-
Hilingin sa mga bata na ilista sa pisara ang mga bagay na “ikinalulugod” nila, tulad ng mga libangan, pagpapala mula sa Panginoon, at iba pa. Anyayahan silang basahin ang Mikas 7:18–19 para matuklasan ang isang bagay na ikinalulugod ng Panginoon. Anong mga katotohanan sa mga talatang ito ang maaaring makatulong sa isang tao na takot na magsisi?
-
Tulungan ang mga bata na mag-isip ng mga halimbawa na nagpakita ng awa ang Tagapagligtas sa iba, tulad ng Marcos 2:3–12; Lucas 23:33–34; at Juan 8:1–11. Magpakita ng mga larawan ng mga kaganapang ito, kung maaari. Tulungan ang mga bata na mag-isip ng mga pagkakataon na kailangan nilang maging maawain at mabait sa iba.
Nais ng Panginoon na gumawa ako nang may katarungan, umibig sa kaawaan, at lumakad nang may kapakumbabaan kasama Niya.
Ang Mikas 6:8 ay naglalaan ng isang huwaran sa pamumuhay nang matwid. Paano mo matutulungan ang mga bata na tuklasin at ipamuhay ang mga turo sa talatang ito?
Mga Posibleng Aktibidad
-
Sama-samang basahin ang Mikas 6:8, at ipaunawa sa mga bata ang ibig sabihin ng mga pariralang ito: “gumawa na may katarungan,” “umibig sa kaawaan,” at “lumakad na may kapakumbabaan kasama ng iyong Diyos.” Anyayahan ang mga bata na idrowing ang sarili nila na gumagawa ng isang bagay na nauugnay sa isa sa mga parirala.
-
Isulat sa pisara ang “Ano ang [ipinagagawa] ng Panginoon sa iyo?” Anyayahan silang hanapin ang sagot sa Mikas 6:8. Paano nakakatulong ang pagsunod sa mga utos ng Panginoon na matupad natin ang ipinagagawa sa atin ng Panginoon sa talatang ito?
Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan
Isulat sa isang pirasong papel para sa bawat bata ang isang mahalagang parirala mula sa isa sa mga talatang tinalakay ninyo sa klase. Anyayahan ang mga bata na sikaping isaulo ang parirala at hilingin sa isang kapamilya na ibahagi ang kanyang mga ideya tungkol dito.