“Nobyembre 28–Disyembre 4. Nahum; Habakuk; Sefanias: ‘Ang Kanyang mga Pamamaraan ay Walang Hanggan,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: Lumang Tipan 2022 (2021)
“Nobyembre 28–Disyembre 4. Nahum; Habakuk; Sefanias,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: 2022
Nobyembre 28–Disyembre 4
Nahum; Habakuk; Sefanias
“Ang Kanyang mga Pamamaraan ay Walang Hanggan”
Ang pagmamahal mo para sa mga banal na kasulatan ay maaaring magkaroon ng malaking impluwensya sa mga batang tinuturuan mo. Hayaang makita nila kung gaano kalaki ang pasasalamat mo para sa salita ng Diyos.
Itala ang Iyong mga Impresyon
Mag-anyayang Magbahagi
Anyayahan ang mga bata na maghalinhinan sa pagtayo at pagkukunwaring isang propeta sa Lumang Tipan na nakatayo sa “ibabaw ng tore” tulad ni Habakuk (Habakuk 2:1). Hilingin sa kanila na sabihin sa iba pang mga bata ang isang bagay na natututuhan nila tungkol kay Jesucristo at sa Kanyang ebanghelyo.
Ituro ang Doktrina: Mas Maliliit na Bata
Laging tutuparin ng Panginoon ang Kanyang mga pangako.
Ang propetang si Habakuk ay nabagabag sa kasamaang nakita niya sa mga mamamayan ng Juda (tingnan sa Habakuk 1:2–4). Muling tiniyak sa kanya ng Panginoon na ang Kanyang mga pangako ay matutupad sa Kanyang panahon (tingnan sa Habakuk 2:3).
Mga Posibleng Aktibidad
-
Magbahagi ng ilang halimbawa ng mga bagay na mabuti pero pagkatapos lamang nating maghintay—tulad ng prutas na kinakailangang mahinog o masa na kinakailangang lutuin sa hurno. Ano ang mangyayari kung susubukan nating kainin ang prutas o ang masa bago ito mahinog o maluto? Magkuwento tungkol sa propetang si Habakuk, na ginustong malaman kung kailan patitigilin ng Panginoon ang kasamaang nakita niya sa kanyang paligid. Basahin sa mga bata ang sagot ng Panginoon, na matatagpuan sa Habakuk 2:3. Bigyang-diin na kinailangang hintayin ni Habakuk na matupad ang mga pangako ng Panginoon, tulad ng kailangan nating gawin kung minsan. Magbahagi ng isang pagkakataon na kinailangan mong hintayin ang isang pagpapala.
-
Tulungan ang mga bata na mag-isip ng mga bagay na naipangako ng Diyos—halimbawa, na si Jesucristo ay babalik sa lupa o na makakapiling nating muli ang Diyos. Sa bawat halimbawa, anyayahan ang mga bata na ulitin ang pariralang “Hintayin mo; ito’y tiyak na darating.”
Maaari akong tumulong na punuin ang mundo ng kaalaman tungkol kay Jesucristo.
Ipinropesiya ni Habakuk ang araw na malalaman ng buong mundo ang tungkol kay Jesucristo. Ang propesiyang iyan ay nagsisimula nang matupad sa ating panahon. Isipin kung paano mo matutulungan ang mga bata na maging bahagi ng katuparan nito.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Magpakita ng isang garapon na walang laman, at bigyan ang bawat bata ng isang munting bagay. Hilingin sa bawat bata na magbahagi ng isang bagay na ginawa o itinuro ni Jesus at pagkatapos ay ilagay ang bagay na ibinigay sa kanila sa garapon. Basahin nang malakas ang Habakuk 2:14, at ipaliwanag na tulad ng pinuno ng mga bata ang garapon ng kanilang kaalaman tungkol sa Panginoon, maaari din nating punuin ang mundo ng kaalaman tungkol sa Kanya.
-
Magpakita sa mga bata ng isang mapa ng mundo. Tulungan silang mahanap ang lugar kung saan sila nakatira at ang mga lugar kung saan nakapaglingkod ang mga missionary na kilala nila. Magpatotoo na nais ng Ama sa Langit na malaman ng lahat ng tao sa buong mundo ang tungkol kay Jesucristo. Paano tayo makakatulong na turuan ang ibang tao tungkol kay Jesus? Sabihin sa mga bata ang mga bagay na nakita mong ginawa nila na nagtuturo sa iyo tungkol kay Jesucristo. Tulungan silang mag-isip ng iba pang mga bagay na maaari nilang gawin.
-
Sama-samang kantahin ang isang awitin tungkol sa pagbabahagi ng ebanghelyo, tulad ng “Nais Ko nang Maging Misyonero” (Aklat ng mga Awit Pambata, 90). Ano ang masasabi natin sa iba tungkol kay Jesucristo? Para sa ilang ideya, tingnan sa mga Saligan ng Pananampalataya.
“Hanapin ninyo ang Panginoon.”
Itinuro ni Sefanias na dapat nating hanapin ang Panginoon sa mga panahon ng matinding kasamaan, tulad sa mga huling araw na ito. Pagnilayan kung paano mo hihikayatin ang mga bata na hanapin Siya.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Magdispley ng isang larawan ni Jesus, at basahin sa mga bata ang Sefanias 2:3. Anyayahan silang ilagay ang kanilang mga kamay sa paligid ng kanilang mga mata na parang salamin at tumingin sa larawan tuwing mababasa mo ang salitang “hanapin.” Ipaliwanag na ginusto ng propetang si Sefanias na hanapin ng mga tao ang Panginoon. Paano natin hinahanap ang Panginoon? Saan natin Siya mahahanap?
-
Gamitin ang pahina ng aktibidad para sa linggong ito, o umisip ng isa pang laro na naghihikayat sa mga bata na hanapin ang Panginoon. Patugtugin o sama-samang kantahin ang isang awiting nauugnay sa paksang ito, tulad ng “Hanapin si Cristo Habang Bata” (Aklat ng mga Awit Pambata, 67). Talakayin kung ano ang itinuturo ng awitin kung paano natin matatagpuan si Jesucristo sa ating buhay.
Ituro ang Doktrina: Mas Nakatatandang mga Bata
“Ang Panginoon ay mabuti, isang muog sa araw ng kaguluhan.”
Bawat isa sa atin ay nahaharap sa sarili nating “mga araw ng kaguluhan.” Paano mo tutulungan ang mga bata na bumaling sa Panginoon, “[magtiwala] sa kanya,” at makasumpong ng espirituwal na kaligtasan sa kanilang mga araw ng kaguluhan?
Mga Posibleng Aktibidad
-
Magpakita sa mga bata ng larawan ng isang muog o tanggulan. Ano ang ilang dahilan kung bakit kailangan ng mga tao ng tanggulan? Anyayahan ang mga bata na basahin ang Nahum 1:7 para alamin kung ano ang sinabi ng propetang si Nahum na parang muog o tanggulan para sa atin. Mula saan tayo maaaring protektahan ng Tagapagligtas?
-
Anyayahan ang mga bata na idrowing ang kanilang sarili at kanilang pamilya sa loob ng isang muog o tanggulan. Hikayatin silang sumulat ng mga salita sa paligid ng muog na naglalarawan ng ilan sa masasamang impluwensya sa mundo. Anyayahan silang isulat ang mga salita sa loob ng muog na naglalarawan kay Jesucristo. Ano ang ipinagagawa Niya sa atin para matanggap ang Kanyang lakas at proteksyon? (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 35:24).
Maaari akong magalak kay Jesucristo, kahit hindi maayos ang lagay ng mga bagay-bagay.
Inilarawan ni Habakuk ang ilang pagsubok na maaaring mangyari sa kanyang mga tao, kabilang na ang mga puno o baging na hindi namumunga. Pagkatapos ay sinabi niya na kahit nangyari ang mga bagay na ito, “gayunma’y magagalak ako sa Panginoon.”
Mga Posibleng Aktibidad
-
Anyayahan ang mga bata na basahin ang Habakuk 3:17 at tukuyin ang mga pagsubok na inilarawan sa talatang ito. Ano ang maaaring madama ng isang tao kung nangyari ang mga bagay na ito? Tulungan ang mga bata na mag-isip ng mga pagsubok na maaaring mangyari sa kanila. Pagkatapos ay sama-samang basahin ang mga talata 18–19 para malaman ang sinabi ni Habakuk na madarama niya kung nangyari ang mga bagay na ito sa kanya.
-
Tulungan ang mga bata na makahanap ng iba pang mga halimbawa ng mga tao sa mga banal na kasulatan na nagalak sa Panginoon kahit sa mahihirap na panahon. Maaari silang makakita ng mga halimbawa sa Mga Gawa 16:19–25; Mosias 24:10–15; at sa mensahe ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf na “Nagpapasalamat Anuman ang Kalagayan” (Liahona, Mayo 2014, 70–77), lalo na sa bahaging “Pagpapasalamat sa Ating mga Kalagayan.” Bakit naging masaya ang mga taong ito sa mahihirap na panahon? Paano natin matutularan ang kanilang mga halimbawa?
Yaong mga sumusunod kay Jesucristo ay makasusumpong ng kapayapaan at kagalakan.
Inilalarawan sa Sefanias 3:14–20 ang masayang araw kung kailan maghahari si Jesucristo, “ang hari ng Israel,” sa Kanyang mga tao at “magagalak sa [atin] na may malakas na awitan” (mga talata 15, 17).
Mga Posibleng Aktibidad
-
Sama-samang basahin ang Sefanias 3:14. Pagkatapos ay anyayahan ang bawat bata na pumili ng isa sa mga talata sa Sefanias 3:15–20 at pag-aralan ito, na naghahanap ng isang bagay na makakatulong sa atin na “matuwa at magalak.” Hilingin sa kanila na ibahagi ang matatagpuan nila.
-
Tulungan ang mga bata na makahanap ng mga himno o awiting pambata na tumutulong sa kanila na “matuwa at magalak nang buong puso” (Sefanias 3:14). Sama-samang kumanta ng ilang awitin, at hikayatin ang mga bata na pag-usapan ang kagalakang natatagpuan nila sa ebanghelyo ni Jesucristo.
Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan
Hilingin sa mga bata na isulat ang reperensya sa isang talata sa banal na kasulatan na nais nilang ibahagi sa kanilang pamilya (o isulat iyon para sa kanila).