“Disyembre 19–25. Pasko: ‘Hinintay Natin Siya at Ililigtas Niya Tayo,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: Lumang Tipan 2022 (2021)
“Disyembre 19–25. Pasko,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: 2022
Disyembre 19–25
Pasko
“Hinintay Natin Siya at Ililigtas Niya Tayo”
Inasam ng mga propeta sa Lumang Tipan nang may labis na kagalakan ang pagsilang ng Mesiyas (tingnan sa Isaias 25:9). Habang naghahanda kang magturo sa Kapaskuhan, isipin kung paano mo matutulungan ang mga bata na magalak sa pagsilang ng Tagapagligtas na si Jesucristo.
Itala ang Iyong mga Impresyon
Mag-anyayang Magbahagi
Anyayahan ang mga bata na ibahagi ang nalalaman nila tungkol sa pagsilang ni Jesucristo. Kapag bumanggit sila ng isang tao o bagay mula sa kuwento, anyayahan silang idrowing ito sa pisara. Itanong sa mga bata kung ano ang gustung-gusto nila tungkol sa kuwentong ito.
Ituro ang Doktrina: Mas Maliliit na Bata
Tinuturuan ako ng Lumang Tipan tungkol kay Jesus.
Tulungan ang mga bata na magtuon sa Tagapagligtas na si Jesucristo bilang dahilan ng pagdiriwang natin ng Pasko. Magagawa mo ito gamit ang mga talata mula sa Lumang Tipan na nagpapatotoo tungkol sa Kanya.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Magdispley ng isang larawan ng pagsilang ni Jesucristo (tulad sa Aklat ng Sining ng Ebanghelyo, blg. 30, o isa sa mga larawan sa outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya). Basahin ang Isaias 9:6, na binibigyan ng pagkakataon ang bawat bata na ituro ang sanggol na si Jesus kapag narinig nila ang pariralang “ipinanganak ang isang bata.” Ibahagi ang iyong patotoo na alam ng mga propeta sa Lumang Tipan na isisilang si Jesus.
-
Anyayahan ang bawat bata na sabihin ang kanyang pangalan, at ituro na bukod pa sa ating pangalan, maaari tayong tawagin sa iba pang mga pangalan, tulad ng kapatid o kaibigan. Anyayahan ang mga bata na mag-isip ng iba pang mga halimbawa. Basahin ang Isaias 9:6 sa mga bata, na binibigyang-diin ang mga pangalang tumutukoy kay Jesucristo: “Kamangha-mangha, Tagapayo, Makapangyarihang Diyos, Walang hanggang Ama, Prinsipe ng Kapayapaan.” Ipaunawa sa mga bata kung ano ang sinasabi sa atin ng mga pangalang ito tungkol kay Jesus.
-
Bigyan ng isang bituing papel ang bawat bata, at anyayahan ang mga bata na itaas ang kanilang bituin kapag binasa mo ang sumusunod na parirala mula sa Mga Bilang 24:17: “lalabas ang isang [B]ituin sa Jacob.” Anyayahan ang mga bata na ibahagi kung paano parang isang maningning na bituin si Jesus na kumikinang sa buong mundo. Sama-samang kantahin ang isang awitin tungkol sa bituing lumitaw nang isilang si Jesus, tulad ng “Nagningning ang mga Tala” (Aklat ng mga Awit Pambata, 24) o “Ang Unang Noel” (Mga Himno, blg. 131).
Si Jesucristo ang aking Tagapagligtas.
Ang Pasko ay isang panahon para ipagdiwang hindi lamang ang pagsilang ni Jesus kundi pati na ang Kanyang buhay at misyon bilang Tagapagligtas ng sanlibutan. Paano mo maipadarama sa mga bata ang kagalakan at pasasalamat para sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo?
Mga Posibleng Aktibidad
-
Hilingin sa mga bata na mag-isip ng isang bagay na inaasam nila. Ipaliwanag na inasam ng matatapat na tao sa panahon ng Lumang Tipan ang pagsilang ni Jesucristo. Basahin ang Isaias 25:9 sa mga bata, at ipaulit sa kanila ang pariralang “Ating hinintay siya, tayo’y matuwa at magalak sa kanyang pagliligtas.” Ibahagi sa kanila kung bakit ka natutuwa at nagagalak na isinilang si Cristo. Anyayahan ang mga bata na ibahagi ang damdamin nila tungkol sa Tagapagligtas.
-
Sama-samang kantahin ang isang awitin tungkol sa pagsilang ni Jesus, tulad ng “Doon sa May Sabsaban” (Aklat ng mga Awit Pambata, 26–27) o “Dinggin! Awit ng Anghel,” (Mga Himno, blg. 128). Tulungan ang mga bata na tuklasin ang mga parirala sa mga awiting ito na nagtuturo sa atin tungkol sa ating Tagapagligtas at sa mga pagpapalang mayroon tayo dahil sa Kanya.
Ituro ang Doktrina: Mas Nakatatandang mga Bata
Tinuturuan ako ng Lumang Tipan tungkol kay Jesucristo, ang ipinangakong Mesiyas.
Ang Lumang Tipan ay hindi lamang isang koleksyon ng nakawiwiling mga kuwento at sulat; ang layunin nito, tulad ng lahat ng banal na kasulatan, ay ang magpatotoo tungkol kay Jesucristo. Tulungan ang mga bata na matutuhan kung paano Siya matatagpuan sa Lumang Tipan.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Anyayahan ang mga bata na ilista ang lahat ng pangalan at titulo ni Jesucristo na matatagpuan nila sa Moises 7:53; Mga Awit 23:1; Job 19:25; Isaias 7:14; 9:6; 12:2; Amos 4:13; and Zacarias 14:16. Hayaan silang magpares-pares kung gusto nila. Anyayahan silang ibahagi ang kanilang listahan sa isa’t isa. Ano ang natututuhan natin tungkol sa Tagapagligtas mula sa bawat isa sa mga pangalan at titulong ito?
-
Magpakita sa mga bata ng ilang dekorasyon sa Pasko (o mga larawan ng ilan), tulad ng isang bituin, mga ilaw, o isang regalo. Itanong sa mga bata kung paano maaaring ipaalala sa atin ng bawat isa sa mga bagay na ito ang Tagapagligtas. Ipaliwanag na ang mga banal na kasulatan ay madalas gumamit ng mga simbolo para turuan tayo tungkol kay Jesucristo. Anyayahan ang mga bata na maghanap sa isa o mahigit pa sa sumusunod na mga talata ng isang bagay na maaaring kumatawan kay Jesucristo: Genesis 22:8; Exodo 17:6; Mga Awit 18:2; 27:1 (tingnan sa outline para sa linggong ito sa , Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya para sa karagdagang mga halimbawa). Paano parang isang kordero, tubig, bato, tanggulan, o ilaw si Jesus?
-
Sa pagtatapos ng pag-aaral ng Lumang Tipan ngayong taon, anyayahan ang mga bata na ibahagi ang paborito nilang mga kuwento o talata mula sa Lumang Tipan. Ano ang itinuturo sa atin ng mga kuwento o talatang ito tungkol kay Jesucristo? Bakit tayo nagpapasalamat na mayroon tayong Lumang Tipan?
Si Jesucristo ang aking Tagapagligtas at Manunubos.
Habang ipinagdiriwang natin ang pagsilang ni Jesucristo, maaari din tayong magalak sa Kanyang buhay at nagbabayad-salang sakripisyo. Paano mo maaaring gamitin ang mga talata mula sa Lumang Tipan para tulungan ang mga bata na patatagin ang kanilang pananampalataya sa kanilang Tagapagligtas at Manunubos?
Mga Posibleng Aktibidad
-
Sama-samang basahin ang Isaias 7:14; pagkatapos ay anyayahan ang mga bata na ibahagi ang nalalaman nila tungkol sa pagsilang ni Cristo. Magpatotoo tungkol sa Tagapagligtas, at anyayahan ang mga bata na gawin din iyon.
-
Para mas maipaunawa sa mga bata ang papel ni Jesucristo bilang ating Tagapagligtas, anyayahan silang basahin ang Isaias 25:8–9; 53:3–5; at Hoseas 13:14. Ano ang itinuturo sa atin ng mga talatang ito kung paano tayo inililigtas ng Panginoon? Paano tayo “ma[ga]galak sa kanyang pagliligtas”? (Isaias 25:9).
-
Sama-samang kantahin ang isang awitin tungkol sa pagmamahal ni Jesucristo para sa atin, tulad ng “Doon sa May Sabsaban” (Aklat ng mga Awit Pambata, 26–27) o “Ako ay Namangha” (Mga Himno, blg. 115). Anyayahan ang mga bata na magbahagi ng mga pariralang nagpapadama sa kanila ng pagmamahal ng Tagapagligtas.
Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan
Anyayahan ang mga bata na ibahagi sa kanilang pamilya o isang kaibigan ang natutuhan nila tungkol kay Jesucristo mula sa Lumang Tipan. Hikayatin sila na simulang pag-aralan ang Bagong Tipan sa linggong ito.