“Disyembre 12–18. Malakias: ‘Inibig Ko Kayo, Sabi ng Panginoon,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: Lumang Tipan 2022 (2021)
“Disyembre 12–18. Malakias,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: 2022
Disyembre 12–18
Malakias
“Inibig Ko Kayo, Sabi ng Panginoon”
Mahal ng Panginoon ang mga batang tinuturuan mo. Paano mo maipadarama sa mga bata ang Kanyang pagmamahal habang itinuturo mo ang doktrinang matatagpuan sa aklat ni Malakias?
Itala ang Iyong mga Impresyon
Mag-anyayang Magbahagi
Basahin ang sumusunod na parirala mula sa Malakias 1:2: “Inibig ko kayo, sabi ng Panginoon.” Anyayahan ang bawat bata na magbahagi ng isang paraan na alam nila na mahal sila ng Panginoon. Pagkatapos magbahagi ang bawat bata, pasalamatan siya, at ibahagi ang iyong patotoo tungkol sa pagmamahal ng Panginoon sa batang iyon.
Ituro ang Doktrina: Mas Maliliit na Bata
Pagpapalain ako ng Ama sa Langit kapag nagbabayad ako ng ikapu.
Kahit hindi pa kumikita ng pera ang maliliit na batang tinuturuan mo, maaari pa rin silang matuto tungkol sa mga pagpapala ng pagbabayad ng ikapu.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Tulungan ang mga bata na bilangin ang 10 maliliit na bagay, tulad ng mga barya sa pahina ng aktibidad para sa linggong ito. Anyayahan silang ihiwalay sa iba ang isa sa mga bagay, at ipaliwanag na para itong ikapu na ibinibigay natin sa Panginoon. Ibinibigay natin sa Kanya ang ikasampung bahagi ng ating natatanggap. Magpatotoo kung paano tayo pinagpapala ng Panginoon kapag nagbabayad tayo ng ikapu. Kantahin ninyo ng mga bata ang isang awitin tungkol sa ikapu, tulad ng “Nais Kong Ibigay sa Panginoon ang Aking Ikapu” (Liahona Okt. 2006).
-
Magdrowing ng isang bintana sa pisara, at basahin ang Malakias 3:10 sa mga bata. Anyayahan silang ituro ang bintana kapag nabasa mo ang pariralang “mga bintana ng langit.” Ipaliwanag na ibig sabihin nito ay binibigyan tayo ng Ama sa Langit ng malalaking pagpapala kapag nagbabayad tayo ng ikapu. Habang kinukulayan ng mga bata ang pahina ng aktibidad para sa linggong ito, pag-usapan ang ilan sa mga dahilan kaya tayo nagbabayad ng ikapu.
-
Magbahagi ng isang kuwento mula sa magasing Kaibigan o mula sa sarili mong buhay tungkol sa pagbabayad ng ikapu. Anyayahan ang mga bata na pakinggan ang mga pagpapalang maaaring magmula sa pagbabayad ng ikapu.
Ibinubuklod tayo bilang mga pamilya sa templo.
Dahil sa mga susi ng pagbubuklod ng priesthood na ibinigay ni Elijah kay Joseph Smith sa Kirtland Temple, maaaring magkasama-sama nang walang-hanggan ang mga pamilya. Habang itinuturo mo ang katotohanang ito, maging sensitibo sa damdamin ng mga batang hindi pa nabubuklod sa templo ang mga pamilya.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Basahin ang Malakias 4:5 sa mga bata. Pagkatapos ay sabihin sa kanila na natupad ang pangakong ito nang magpakita si Elijah kay Joseph Smith sa Kirtland Temple (tingnan sa “Kabanata 40: Mga Pangitain sa Templo sa Kirtland,” sa Mga Kuwento sa Doktrina at mga Tipan, 155). Magpakita ng isang larawan ng kaganapang ito (tingnan sa Aklat ng Sining ng Ebanghelyo, blg. 95), at anyayahan ang mga bata na ituro si Elijah at si Joseph Smith. Ipaliwanag na dahil dumating si Elijah, maaari tayong mabuklod bilang mga pamilya sa templo. Magpatotoo tungkol sa kahalagahan ng pagbubuklod bilang mga pamilya.
-
Sabihin sa mga bata ang pagmamahal mo para sa iyong pamilya; magpakita ng isang larawan kung maaari. Anyayahan ang ilang bata na ibahagi ang nadarama nila para sa kanilang pamilya. Sama-samang kantahin ang isang awitin tungkol sa mga pamilya, tulad ng “Mag-anak ay Magsasamang Walang Hanggan” (Mga Himno, blg. 188), at magpatotoo na nais ng Ama sa Langit na mabuklod ang mga pamilya at na ito ang isang dahilan kaya tayo may mga templo. Ipaunawa sa mga bata na dahil kay Jesucristo, maaari pa nga tayong mabuklod sa mga miyembro ng pamilya na hindi nakapunta sa templo sa buhay na ito. Anyayahan ang mga bata na idrowing ang kanilang pamilya na magkakasama sa langit.
Ituro ang Doktrina: Mas Nakatatandang mga Bata
Pagpapalain ako ng Ama sa Langit kapag nagbabayad ako ng ikapu.
Ang pagbabayad ng ikapu ay hindi tungkol sa pera kundi sa pagkakaroon ng pananampalataya sa Ama sa Langit at kay Jesucristo. Ano ang nauunawaan ng mga batang tinuturuan mo tungkol sa ikapu? Paano mo sila matutulungang magkaroon ng pananampalataya na magbayad ng ikapu?
Mga Posibleng Aktibidad
-
Isulat sa pisara ang mga tanong tungkol sa ikapu tulad ng mga sumusunod: Ano ang ikapu? Paano ako magbabayad ng ikapu? Para saan ang ikapu? Ano ang mga pagpapala ng pagbabayad ng ikapu? Anyayahan ang mga bata na saliksikin ang Malakias 3:8–12 at ang “Ikapu” sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan (scriptures.ChurchofJesusChrist.org) at isulat ang mga sagot na matagpuan nila. Anyayahan silang ibahagi ang kanilang mga sagot sa isa’t isa. Anong klaseng mga tao ang kinahihinatnan natin sa pagbabayad ng ikapu?
-
Sama-samang basahin ang Marcos 12:41–44. Ano ang itinuturo sa atin ng kuwentong ito tungkol sa nadarama ng Panginoon tungkol sa ating mga handog?
-
Magdrowing ng isang bintana sa pisara, at anyayahan ang mga bata na isulat sa loob ng bintana ang mga pagpapalang maaaring matanggap ng isang tao sa pagbabayad ng ikapu (para sa mga ideya, tingnan sa Malakias 3:10–12). Anyayahan ang mga bata na magbahagi ng isang personal na halimbawa kung paano sila napagpala o ang kanilang pamilya sa tapat na pagbabayad ng ikapu. O maaari kang magbahagi ng isang halimbawa mula sa sarili mong buhay kung paano naragdagan ang iyong pananampalataya sa Ama sa Langit at kay Jesucristo sa pagbabayad ng ikapu.
“Susuguin ko sa inyo si [Elijah] na propeta.”
Ang propesiya ni Malakias tungkol sa propetang si Elijah ay natupad nang magpakita si Elijah kay Joseph Smith sa Kirtland Temple at ibinigay sa kanya ang mga susi ng priesthood na nagtutulot na mabuklod nang magkakasama ang mga pamilya magpakailanman. Maaari mong anyayahan ang isang tao sa ward na may responsibilidad sa gawain sa templo at family history (tulad ng isang miyembro ng elders quorum presidency o Relief Society presidency) na tulungan kang ituro ang doktrinang ito sa mga bata. Alalahaning maging sensitibo sa damdamin ng mga batang hindi pa nabuklod ang mga pamilya.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Isulat ang bawat parirala mula sa Malakias 4:5–6 sa isang hiwalay na piraso ng papel. Ibigay ang mga piraso ng papel sa mga bata, at hilingin sa kanila na ilagay ang mga parirala sa tamang pagkakasunud-sunod. Sama-samang basahin ang mga talata, at talakayin ang mga tanong na tulad nito: Sino ang ipinangakong isugo ng Panginoon? Kailan daw darating ang taong ito ayon sa Kanya? Ano ang sinabi ng Panginoon na gagawin ng taong ito? Bakit kailangang dumating ang taong ito? Saan natupad ang propesiyang ito? (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 110:13–16).
-
Isulat sa pisara ang isang tanong na tulad ng Ano ang ibig sabihin ng ibaling ang puso ng mga anak sa kanilang mga magulang? (tingnan sa Malakias 4:6). Anyayahan ang mga bata na ibahagi ang kanilang mga ideya tungkol sa tanong na nasa pisara. Sama-samang talakayin ang mga karanasan mo o ng mga bata sa pag-aaral tungkol sa family history.
-
Ipakita ang larawan ni Elijah sa outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya. Anyayahan ang mga bata na ibahagi ang nalalaman nila tungkol sa pangyayaring ipinapakita sa larawang ito (tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 110:13–16). Magpatotoo na ang kapangyarihang magbuklod na ipinanumbalik ni Elijah ay nagtutulot sa mga pamilya na magkasama-sama magpakailanman—pati na ang mga pamilyang hindi nagkaroon ng pagkakataong iyon sa mortalidad. Kung nakalahok ka na sa isang pagbubuklod, para sa sarili mo man o para sa isang taong pumanaw na, pag-usapan kung ano ang nadama mo habang isinasagawa ang ordenansang iyon. Hilingin sa mga bata na ibahagi ang kanilang damdamin tungkol sa kanilang pamilya at tungkol sa plano ng Diyos na tulungan ang mga pamilya na magkasama-sama magpakailanman.
Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan
Anyayahan ang mga bata na mag-isip ng isang bagay na natutuhan nila sa klase ngayon, at hilingan ang ilang bata na magbahagi. Hikayatin ang lahat ng bata na ibahagi sa kanilang pamilya ang isang bagay na natutuhan nila tungkol sa mga turo ni Malakias.