“Disyembre 5–11. Hagai; Zacarias 1–3; 7–14: ‘Banal sa Panginoon,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: Lumang Tipan 2022 (2021)
“Disyembre 5–11. Hagai; Zacarias 1–3; 7–14,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: 2022
Disyembre 5–11
Hagai; Zacarias 1–3; 7–14
“Banal sa Panginoon”
Mapanalanging basahin ang Hagai at Zacarias, na pinagninilayan ang mga impresyong natatanggap mo. Paano makakatulong ang mga katotohanan sa mga aklat na ito na tugunan ang mga pangangailangan ng mga bata?
Itala ang Iyong mga Impresyon
Mag-anyayang Magbahagi
Magdrowing ng isang masayang mukha sa isang pirasong papel, at payagang maghalinhinan ang mga bata sa paghawak dito. Kapag sila na ang hahawak, anyayahan silang magbahagi ng isang bagay na natututuhan nila tungkol sa Ama sa Langit at kay Jesucristo na nagpapasaya sa kanila.
Ituro ang Doktrina: Mas Maliliit na Bata
Maaari kong unahin ang Panginoon sa aking buhay.
Ang pag-aaral tungkol sa payo ng Panginoon na “pag-isipan ninyo ang inyong mga lakad” ay isang pagkakataon para matiyak ng mga bata na ginagawa nila ang mahahalagang bagay na ipinagagawa sa atin ng Diyos.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Ipaliwanag sa mga bata na nais ng Panginoon na itayo ng mga Israelita ang templo, pero sa halip ay ibang mga bagay ang ginagawa nila. Basahin nang malakas ang Hagai 1:7, at ipaliwanag na ang ibig sabihin ng “pag-isipan ninyo ang inyong mga lakad” ay na nais ng Panginoon na pag-isipan ng mga Israelita kung ginagawa ba nila ang pinakamahahalagang bagay. Basahin ang talata 8 sa mga bata, at anyayahan silang magkunwaring “[umaahon] sa bundok,” “kumukuha ng mga kahoy,” at “[itinatayo] ang bahay [ng Panginoon].” Anong mahahalagang bagay ang nais ng Diyos na gawin natin?
-
Ilagay nang pataob sa mesa ang mga larawang kumakatawan sa ilan sa mga bagay na mahalaga sa Diyos, tulad ng mga banal na kasulatan, panalangin, at ang templo. Hayaang maghalinhinan ang mga bata sa pagpili ng isang larawan at sa pagpapakita nito sa klase. Ipaunawa sa kanila kung bakit mahalagang tiyakin na naglalaan tayo ng oras para sa mga bagay na nasa mga larawan.
Maaaring linisin ni Jesucristo ang aking espiritu.
Ang maruruming damit ng mataas na saserdoteng si Josue, na inilarawan sa Zacarias 3:1–7, ay sumasagisag sa nangyayari kapag nagkakasala tayo. Sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo, maaari tayong malinis, tulad noong malinis si Josue nang makatanggap siya ng bagong damit.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Hayaang ipasa-pasa ng mga bata sa paligid ang isang maruming kamiseta, at basahin ang Zacarias 3:3. Pagkatapos ay ipasa-pasa nila sa paligid ang isang malinis na kamiseta, at basahin ang talata 4. Kausapin ang mga bata kung paano parang pagiging espirituwal na marumi ang paggawa ng mga maling pagpili, pero maaari tayong malinis na muli ng Tagapagligtas. Ano ang pakiramdam natin kapag malinis tayo? Magpatotoo na dahil nagdusa at namatay si Jesucristo para sa atin, magiging malinis tayo mula sa ating mga kasalanan kapag nagsisi tayo.
-
Kung maaari, ipakita sa mga bata ang larawan ng isang taong kilala nila na nakasuot ng puti sa kanyang binyag (o tingnan sa Aklat ng Sining ng Ebanghelyo, blg. 103, 104). Bakit tayo nagsusuot ng puting damit sa ating binyag? Kumanta ng isang awitin tungkol sa binyag, tulad ng “Sa Aking Pagkabinyag” (Aklat ng mga Awit Pambata, 53). Anyayahan ang mga bata na idrowing ang kanilang sarili na binibinyagan at ibahagi kung ano ang nadarama nila tungkol sa pagpapabinyag balang-araw.
Ang mga propeta ay nagtuturo sa atin tungkol kay Jesucristo.
Tulad ng iba pang mga propeta sa Lumang Tipan, nagpropesiya si Zacarias tungkol kay Jesucristo. Ano ang maaaring ituro ng mga propesiya sa Zacarias 2:10; 9:9; 14:3–9 sa mga bata tungkol sa Kanya?
Mga Posibleng Aktibidad
-
Magdispley ng isang larawan ni Jesucristo na pumapasok sa Jerusalem sakay ng isang asno (tingnan sa Aklat ng Sining ng Ebanghelyo, blg. 50). Sabihin sa mga bata na maraming taon bago pumarito si Jesus sa lupa, ipinropesiya ni Zacarias na papasok si Jesucristo sa Jerusalem sakay ng isang asno bago Siya mamatay para sa atin. Habang binabasa mo ang Zacarias 9:9, sabihin sa mga bata na ituro ang mga tao sa larawan na “[nagagalak] nang husto” at ituro din ang “Hari.” Sino ang Hari? Hilingin sa mga bata na ibahagi kung bakit sila nagpapasalamat para kay Jesus.
-
Basahin sa mga bata ang ilan sa mga propesiya ni Zacarias tungkol sa Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas, tulad ng nasa Zacarias 2:10; 14:9. Hilingin sa mga bata na idrowing ang mga larawan ng inaakala nilang katulad ng muling pagparito ni Jesus, o sama-samang kantahin ang isang awitin tungkol sa Ikalawang Pagparito, tulad ng “Sa Kanyang Pagbabalik” (Aklat ng mga Awit Pambata, 46–47).
Ituro ang Doktrina: Mas Nakatatandang mga Bata
“Pag-isipan ninyo ang inyong mga lakad.”
Mahalagang malaman nating lahat ang ating mga prayoridad at mag-ukol ng panahon na “pag-isipan [natin] ang [ating] mga lakad.” Paano mo mahihikayat ang mga bata na mag-ukol ng panahon sa kanilang buhay para sa mga bagay ng Diyos?
Mga Posibleng Aktibidad
-
Anyayahan ang mga bata na basahin ang Hagai 1:2–5 para alamin kung bakit hindi nalugod ang Panginoon sa mga Israelita. Hilingin sa mga bata na pumili ng isang parirala mula sa talata 6 at idrowing ito. Hayaang hulaan ng klase kung anong parirala ang kinakatawan ng bawat drowing. Pag-usapan kung paanong ang paggugol ng oras sa mga bagay na hindi gusto ng Panginoon ay parang pagkain nang walang kabusugan, pagsusuot ng damit nang hindi naiinitan, at iba pa. Bakit mahalagang magkaroon ng panahon para sa mga bagay na mahalaga sa Panginoon?
-
Isulat ang “Pag-isipan ninyo ang inyong mga lakad” sa pisara (talata 7). Anyayahan ang bawat bata na ilista ang mga bagay na maaari niyang gawin sa isang karaniwang araw, pati na ang mga bagay na hiniling ng Panginoon na gawin natin. Hilingin sa mga bata na “pag-isipan [nila] ang [kanilang] mga lakad” sa pagbilog sa maaaring sabihin ng Panginoon na pinakamahahalagang bagay sa kanilang listahan. Paano natin matitiyak na nagbibigay tayo ng oras bawat araw para sa mga bagay na nais ng Panginoon na gawin natin?
Ang paggawa at pagtupad ng mga tipan ay makakatulong sa akin na maging higit na katulad ng Ama sa Langit at ni Jesucristo.
Sa isang pangitain, nakita ni Zacarias ang isang mataas na saserdoteng nagngangalang Josue, na “nakasuot ng maruming damit” (Zacarias 3:3). Binigyan siya ng isang anghel ng malinis na damit at ipinaliwanag na sagisag ito ng pagkalinis mula sa kanyang mga kasalanan. Maaari mong gamitin ang pangitaing ito para maipaunawa sa mga bata ang mga tipan at pagpapalang kaakibat ng binyag.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Sama-samang basahin ang Zacarias 3:1–7 at talakayin ang mga tanong na tulad nito: Ano ang kinakatawan ng “maruming damit” ni Josue? Paano tayo nagiging malinis mula sa ating mga kasalanan? Paano tayo tinutulungan ng ating mga tipan sa binyag na “[lumakad] sa mga daan [ng Panginoon]”?
-
Ilang araw bago magklase, anyayahan ang isang bata na pumasok na handang magkuwento tungkol sa kanyang binyag. Sama-samang rebyuhin ang tipang ginagawa natin sa binyag (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 20:37). Paano tayo tinutulungan ng pagtupad ng ating mga pangako na maging higit na katulad ng Ama sa Langit at ni Jesucristo? Paano tayo natutulungan ng pagtanggap ng sakramento bawat linggo na tuparin ang ating mga tipan sa binyag?
Zacarias 9:9–11; 11:12; 13:6–7
Si Jesucristo ang ipinangakong Mesiyas.
Ano ang matututuhan ng mga bata mula sa mga propesiya ni Zacarias tungkol kay Jesucristo?
Mga Posibleng Aktibidad
-
Hatiin ang mga bata nang magkakapares. Bigyan ang bawat pares ng isa sa sumusunod na mga propesiya mula kay Zacarias, pati na ang mga talata sa Bagong Tipan na naglalarawan sa katuparan nito: Zacarias 9:9 at Mateo 21:5–9; Zacarias 9:11 at 1 Pedro 3:18–19; Zacarias 11:12 at Mateo 26:14–16; Zacarias 13:7 at Mateo 26:31. Sabihin sa bawat magkapares na ibahagi sa klase ang natutuhan nila tungkol kay Jesucristo mula sa kanilang mga talata at kung bakit sila nagpapasalamat para sa Kanya.
-
Idispley ang mga larawan 50, 60, at 64 mula sa Aklat ng Sining ng Ebanghelyo. Isulat sa pisara ang sumusunod na mga reperensya sa banal na kasulatan, at anyayahan ang mga bata na itugma ang mga reperensya sa mga larawan: Zacarias 9:9; 13:6; 13:7. Anyayahan ang mga bata na ibahagi ang nadarama nila tungkol kay Jesucristo.
Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan
Anyayahan ang mga bata na isulat ang isang katotohanang natutuhan nila sa klase. Anyayahan silang talakayin sa kanilang pamilya kung paano sila magkakaroon ng mas malakas na patotoo tungkol sa katotohanang iyon.