Lumang Tipan 2022
Disyembre 12–18. Malakias: “Iniibig Ko Kayo, Sabi ng Panginoon”


“Disyembre 12–18. Malakias: ‘Iniibig Ko Kayo, Sabi ng Panginoon,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: Lumang Tipan 2022 (2021)

“Disyembre 12–18. Malakias,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: 2022

Larawan
estatuwa ng Christus

Disyembre 12–18

Malakias

“Iniibig Ko Kayo, Sabi ng Panginoon”

Ang ibig sabihin ng pangalang Malakias ay “aking mensahero o sugo” (Bible Dictionary, “Malachi”). Habang pinag-aaralan mo ang mensahe ni Malakias sa Israel, anong mga mensahe ang nakita mo sa iyong buhay? Paano nauugnay ang mga salita ni Malakias sa ating panahon?

Itala ang Iyong mga Impresyon

“Iniibig ko kayo,” sabi ng Panginoon sa Kanyang mga tao sa pamamagitan ng propetang si Malakias. Subalit ang mga Israelita, na maraming henerasyon nang dumaranas ng hirap at pagkabihag, ay nagtanong sa Panginoon, “Paano mo kami inibig?” (Malakias 1:2). Matapos ang dinanas ng buong Israel, maaaring inisip nila kung ang kasaysayan ng sinaunang Israel ay talagang kuwento ng pag-ibig ng Diyos sa Kanyang mga pinagtipanang tao.

Habang pinagninilayan mo ang iyong nabasa sa Lumang Tipan sa taong ito, ano ang nakita mong katibayan ng pagmamahal ng Diyos? Madaling makita ang maraming halimbawa ng kahinaan at paghihimagsik ng tao. Subalit sa lahat ng ito, hindi kailanman tumigil sa pagmamahal ang Diyos. Nang pinagmalupitan ng mga anak ni Jacob ang kapatid nilang si Jose, naghanda pa rin ng paraan ang Panginoon para iligtas sila mula sa taggutom (tingnan sa Genesis 45:4–8). Nang nagreklamo ang Israel sa ilang, pinakain sila ng Diyos ng manna (tingnan sa Exodo 16:1–4). Kahit noong iniwan Siya ng Israel, bumaling sa ibang mga diyos, at nakalat, hindi sila lubos na pinabayaan ng Diyos kundi nangako na kung sila ay magsisisi, titipunin Niya at tutubusin sila “nang may malaking awa” (tingnan sa Isaias 54:7).

Sa ganitong pananaw, ang Lumang Tipan ay kuwento ng mapagpasensya at walang-hanggang pagmamahal ng Diyos. At ang kuwentong ito ay nagpapatuloy pa rin hanggang sa ngayon. “Sisikat ang Araw ng Katuwiran, na may pagpapagaling sa kanyang mga pakpak,” pagpropesiya ni Malakias (Malakias 4:2). Si Jesucristo ay dumating nga, na naghahatid ng pisikal at espirituwal na paggaling sa lahat ng lumalapit sa Kanya. Siya ang pinakadakilang katibayan ng pagmamahal ng Diyos sa sinaunang Israel at sa ating lahat.

Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa aklat ng Malakias, tingnan sa “Malakias” sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan.

Larawan
icon ng personal na pag-aaral

Mga Ideya para sa Personal na Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan

Malakias 1–4

“Manumbalik kayo sa akin, at ako’y manunumbalik sa inyo.”

Noong panahon ni Malakias, naitayo nang muli ng mga Israelita ang templo sa Jerusalem, ngunit bilang isang bayan kinailangan pa rin nilang muling buuin ang kaugnayan nila sa Panginoon. Habang pinag-aaralan mo ang Malakias, hanapin ang mga tanong ng Panginoon sa mga Israelita o ang itinanong nila sa Kanya. Isiping itanong sa iyong sarili ang gayon ding mga tanong (ang ilang halimbawa ay nakamungkahi sa ibaba) na tutulong sa iyo na suriin ang iyong kaugnayan sa Panginoon at mas mapalapit sa Kanya.

  • Paano ko nadama ang pagmamahal sa akin ng Panginoon? (tingnan sa Malakias 1:2).

  • Tunay bang iginagalang ng aking mga handog sa Panginoon ang Panginoon? (tingnan sa Malakias 1:6–11).

  • Sa anong mga paraan ko kailangang “bumalik” sa Panginoon? (tingnan sa Malakias 3:7).

  • Ninanakawan ko ba ang Diyos sa anumang paraan? (tingnan sa Malakias 3:8–11).

  • Paano nababanaag sa aking pag-uugali sa mahihirap na sandali ang damdamin ko sa Panginoon? (tingnan sa Malakias 3:13–15; tingnan din sa 2:17).

Tingnan din sa D. Todd Christofferson, “Ang Lahat Kong Iniibig, ay Aking Sinasaway at Pinarurusahan,” Liahona, Mayo 2011, 97–100.

Malakias 1:6–14

Humihiling ang Panginoon ng “dalisay na handog.”

Ang mga salita ng Panginoon sa Malakias 1 ay nagpapahiwatig na ang mga saserdoteng Israelita ay nag-aalay ng mga may batik at maysakit na mga hayop bilang mga hain sa templo, na ipinagbawal ng Panginoon (tingnan sa Levitico 22:17–25). Ano ang iminumungkahi ng mga alay o sakripisyong ito tungkol sa damdamin ng mga saserdote sa Panginoon? (tingnan sa Malakias 1:13). Bakit hinihiling ng Panginoon na ibigay natin sa Kanya ang ating pinakamainam na maiaalay? Isipin ang mga sakripisyong ipinagagawa sa iyo ng Panginoon. Ano ang magagawa mo para maibigay sa Kanya ang “dalisay na handog”? (Malakias 1:11; tingnan din sa 3:3).

Tingnan din sa Moroni 7:5–14.

Malakias 3–4

Ang mga propesiya ni Malakias ay natutupad sa mga huling araw.

Nang bisitahin ng Tagapagligtas ang mga lupain ng Amerika, binanggit niya ang Malakias 3–4 sa mga Nephita (tingnan sa 3 Nephi 24–25). Noong 1823, ibinahagi ng anghel na si Moroni ang ilang bahagi ng mga kabanatang ito kay Joseph Smith (tingnan sa Joseph Smith—Kasaysayan 1:36–39; tingnan din sa Doktrina at Tipan 2). Sa palagay mo, bakit madalas inuulit ang mga salita ni Malakias sa mga banal na kasulatan? (tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 27:9; 110:13–16; 128:17–18). Sa palagay mo, anong mga mensahe mula sa Malakias 3–4 ang tila lalong mahalaga para sa ating panahon?

Nang banggitin ni Moroni ang Malakias 4:5–6 kay Joseph Smith, ginawa niya ito “na may kaunting pagkakaiba sa kung paano ito mababasa” sa Biblia (Joseph Smith—Kasaysayan 1:36). Ano ang idinaragdag ng pagbabagong ito ni Moroni sa ating pag-unawa sa propesiyang ito? Para malaman pa ang tungkol sa pagdating ni Elijah at paano natutupad ang propesiyang ito ngayon, tingnan sa Doktrina at mga Tipan 110:13–16 at ang mensahe ni Elder David A. Bednar na “Ang mga Puso ng mga Anak ay Magbabalik-loob,” (Liahona, Nob. 2011, 24–27). Bakit ka nagpapasalamat na dumating si Elijah?

Larawan
nagpakita si Elijah kina Joseph Smith at Oliver Cowdery sa Kirtland Temple

Paglalarawan ng pagpapakita ni Elijah kina Joseph Smith at Oliver Cowdery sa Kirtland Temple, ni Robert T. Barrett

Malakias 3:8–12

Ang pagbabayad ng ikapu ay nagbubukas sa mga durungawan ng langit.

Habang binabasa mo ang Malakias 3:8–12, pag-isipan ang sarili mong mga karanasan sa pagbabayad ng ikapu. Ano ang ibig sabihin sa iyo ng katagang “bubuksan sa inyo ang mga dungawan sa langit” (talata 10)?

Larawan
icon ng pag-aaral ng pamilya

Mga Ideya para sa Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan ng Pamilya at Home Evening

Malakias 1:2.Paano sasagutin ng inyong pamilya ang tanong na nasa Malakias 1:2— “Paano mo kami [Panginoon] iniibig?” Ano ang ilang katibayan ng pagmamahal sa atin ng Panginoon?

Malakias 3:8–12.Habang binabasa mo ang Malakias 3:8–12, anyayahan ang mga kapamilya na ibahagi ang kanilang mga iniisip o nadarama tungkol sa ikapu. Anong mga temporal at espirituwal na pagpapala ang nakita na natin sa pagbabayad ng ikapu? (tingnan sa David A. Bednar, “Mga Dungawan sa Langit,” Nob. 2013, 17–20. Maaaring masiyahan ang mga miyembro ng pamilya sa pagdrowing ng mga larawan na kakatawan sa mga pagpapalang ito at pagsasabit ng mga larawan sa bintana.

Malakias 3:13–18.Ano ang ibig sabihin ng maging pag-aari tayo ng Panginoon at maging isa sa Kanyang “mga hiyas”?

Malakias 4:5–6.Matapos basahin ang mga talatang ito, matutukoy ng inyong pamilya ang mga sagot sa sumusunod na mga tanong tungkol sa propesiya ni Malakias: Sino? Ano? Kailan? Saan? Bakit? (tingnan din sa Doktrina at Tipan 2).

Paano natin ibabaling ang ating puso sa ating mga ama? Paano tayo pinagpapala kapag ginagawa natin ito? Maaari mong pagnilayan ang mga tanong na ito habang pinanonood ang video na “The Promised Blessings of Family History” (ChurchofJesusChrist.org). Ano ang gagawin natin bilang pamilya para matanggap ang mga pagpapalang ito?

Para sa iba pang mga ideya sa pagtuturo sa mga bata, tingnan ang outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary.

Iminumungkahing awitin: “Kasaysayan ng Mag-anak,” Aklat ng mga Awit Pambata, 100.

Pagpapabuti ng Personal na Pag-aaral

Magtanong habang nag-aaral ka. Habang nag-aaral ka ng mga banal na kasulatan, may mga tanong na maaaring pumasok sa isipan mo. Pagnilayan ang mga tanong na ito at hanapin ang mga sagot.

Larawan
babaeng nagwawagayway ng puting panyo kasama ang maraming ninuno sa likuran niya

Mourning’s Hosanna, ni Rose Datoc Dall. Isang babaeng nagngangalang Mourning ang tumatayo sa daigdig ng mga espiritu, na naliligiran ng kanyang mga ninuno. Ipinagdiriwang niya ang kanilang pagkaligtas mula sa espirituwal na pagkabihag.

Print