“Disyembre 19–25. Pasko: ‘Hinintay Natin Siya, at Ililigtas Niya Tayo,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: Lumang Tipan 2022 (2021)
“Disyembre 19–25. Pasko,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: 2022
Disyembre 19–25
Pasko
“Hinintay Natin Siya, at Ililigtas Niya Tayo”
Sa Kapaskuhang ito, isipin kung paano napalakas ng Lumang Tipan ang iyong patotoo tungkol kay Jesucristo sa buong taon.
Itala ang Iyong mga Impresyon
Ang Lumang Tipan ay naghahatid ng diwa ng sabik na pag-asam. Sa gayong paraan, ito ay tila tulad ng Kapaskuhan. Simula kina Eva at Adan, inasam ng mga patriyarka, mga propeta, mga makata, at mga tao sa Lumang Tipan ang mas mabubuting araw, na puno ng pag-asa para sa pagpapanibago at pagliligtas sa pamamagitan ng Mesiyas. At ang mga Israelita ay madalas na nangangailangan ng pag-asang iyon—maging sila man ay bihag sa Egipto o sa Babilonia o bihag ng sarili nilang kasalanan o pagrerebelde. Sa kabila ng lahat ng ito, ipinaalala sa kanila ng mga propeta na darating ang isang Mesiyas, isang Tagapagligtas, “upang ipahayag ang kalayaan sa mga bihag” (Isaias 61:1).
Ang pag-asang iyon ay nagsimulang matupad nang isilang si Jesucristo sa Betlehem. Ang makapangyarihang Tagapagligtas ng Israel ay isinilang sa isang kuwadra at inihiga sa isang sabsaban (tingnan sa Lucas 2:7). Ngunit hindi lamang Siya ang Tagapagligtas ng mga sinaunang Israelita. Naparito Siya upang iligtas kayo–upang pasanin ang inyong pagdadalamhati, dalhin ang inyong mga kalungkutan, upang mabugbog para sa inyong mga kasamaan, upang sa pamamagitan ng Kanyang mga latay kayo ay gumaling (tingnan sa Isaias 53:4–5). Kaya nga ang Pasko ay punung-puno ng masayang pag-asam maging sa ngayon. Dumating ang Mesiyas mahigit 2,000 taon na ang nakalipas, at patuloy pa rin Siyang dumarating sa ating buhay sa tuwing hahanapin natin Siya.
Mga Ideya para sa Personal na Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan
Nagagalak ako sa aking Manunubos.
Ang Pasko ay kilala bilang masayang panahon dahil sa kagalakang hatid ni Jesucristo sa mundo. Maging ang mga taong hindi sumasamba kay Jesus bilang Anak ng Diyos ay madalas na nadarama ang kaligayahan ng Pasko. Isipin ang nadarama ninyong galak dahil isinugo ng Ama sa Langit ang Kanyang Anak.
Ilang siglo bago isinilang ang Tagapagligtas, nagalak din ang mga propeta sa Lumang Tipan nang banggitin nila ang tungkol sa darating na Mesiyas. Basahin ang ilan sa sumusunod na mga talata, at pag-isipan kung bakit naging mahalaga ang mga ito sa mga naghintay sa misyon ng Tagapagligtas: Mga Awit 35:9; Isaias 25:8–9; 44:21–24; 51:11; Zefanias 3:14–20; Moises 5:5–11. Bakit makabuluhan ang mga talatang ito sa iyo?
Tingnan din sa Russell M. Nelson, “Kagalakan at Espirituwal na Kaligtasan,” Ensign o Liahona, Nob. 2016, 81–84.
Ang mga simbolo ay makatutulong sa akin na maalala si Jesucristo.
Marami sa mga tradisyong kaugnay ng Pasko ay maaaring may simbolikong kahulugan na nagtuturo sa atin kay Cristo. Ang mga dekorasyon na hugis ng bituin ay kumakatawan sa maningning na bituin na nagliwanag sa gabi ng pagsilang ni Jesus (tingnan sa Mateo 2:2). Maaaring ipaalala sa atin ng mga nangangaroling ang mga anghel na nagpakita sa mga pastol (tingnan sa Lucas 2:13–14). Habang pinag-aaralan mo ang Lumang Tipan sa taong ito, maaaring napansin mo ang maraming simbolo ng Tagapagligtas. Ang ilan ay nakalista sa ibaba. Isiping pag-aralan ang mga ito at itala kung ano ang itinuturo nito sa iyo tungkol sa Kanya.
-
Cordero (Genesis 22:8; Exodo 12:5; 1 Pedro 1:18–20).
-
Manna (Exodo 16:4, 12–21, 31; Deuteronomio 8:3; Juan 6:30–40).
-
Tubig (Exodo 17:1–6; Jeremias 2:13; Ezekiel 47:1–12; Juan 4:7–14).
-
Ahas na tanso (Mga Bilang 21:4–9; Juan 3:14–15).
-
Sanga (Isaias 11:1–2; Jeremias 23:5; 33:15).
-
Liwanag (Mga Awit 27:1; Isaias 9:2; 60:19; Mikas 7:8; Juan 8:12).
Anong iba pang mga simbolo, talata, at tala ang nakita mo sa mga banal na kasulatan na nagpapatotoo kay Jesucristo?
Tingnan din sa 2 Nephi 11:4; Mosias 3:14–15; Moises 6:63; “Mga Uri o Simbolo ni Cristo,” sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Jesucristo,” scriptures.ChurchofJesusChrist.org.
“Ang Kaniyang pangalan ay tatawaging Kamanghamangha.”
Si Jesucristo ay tinutukoy sa maraming iba-ibang pangalan at titulo. Anong mga titulo ang nakita mo sa sumusunod na mga talata? Mga Awit 23:1; 83:18; Isaias 7:14; 9:6; 12:2; 63:16; Amos 4:13; Zacarias 14:16; Moises 7:53. Anong iba pang mga titulo ang naiisip mo? Maaari mo ring ilista ang mga titulo ni Jesucristo na makikita mo sa mga himno sa Pasko. Paano naiimpluwensyahan ng bawat titulo ang iniisip mo tungkol sa Kanya?
Mga Ideya para sa Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan ng Pamilya at Home Evening
-
Maaari tayong ituon ng mga tradisyon ng Pasko kay Jesucristo.Ang mga pamilyang Israelita ay nagkaroon ng mga tradisyon, tulad ng Paskua at iba pang mga piging, na nilayong ituon ang kanilang mga puso at isipan sa Panginoon (tingnan sa Exodo 12). Ano ang mga tradisyon ng inyong pamilya sa Kapaskuhan na tumutulong sa inyo na magtuon ng pansin kay Jesucristo? Anong mga tradisyon ang alam ninyo tungkol sa inyong family history? Maaari ninyong talakayin bilang pamilya ang ilang tradisyon na gusto ninyong simulan. Maaaring kabilang sa ilang ideya ang paglilingkod sa isang taong nangangailangan (para sa mga ideya, tingnan sa ComeuntoChrist.org/Light-the-World), pag-anyaya sa isang kaibigan na panoorin ang Pamaskong Debosyonal ng Unang Panguluhan na kasama mo (broadcasts. ChurchofJesusChrist.org), pagsulat ng sarili mong awitin sa Pasko, o paghahanap ng malikhaing paraan para maibahagi ang mensahe ng pagsilang ni Cristo.
-
“The Christ Child: A Nativity Story.”Paano mo matutulungan ang mga miyembro ng inyong pamilya na magkaroon ng pagpipitagan at kagalakan sa pagsilang ni Cristo? Maaari ninyong panoorin ang video na “The Christ Child: A Nativity Story” (ChurchofJesusChrist.org) o sama-sama ninyong basahin ang Mateo 1:18–25; 2:1–12; Lucas 1:26–38; 2:1–20. Bawat miyembro ng pamilya ay maaaring pumili ng isang tao mula sa video o talata ng banal na kasulatan at ibahagi kung ano ang nadama ng taong iyon tungkol sa Tagapagligtas. Maaari ring ibahagi ng mga kapamilya ang kanilang damdamin tungkol sa Kanya.
-
Pagkahanap sa Tagapagligtas sa Lumang Tipan.Habang naghahanda kang pag-aralan ang buhay ni Jesucristo sa Bagong Tipan sa susunod na taon, isiping repasuhin kasama ng inyong pamilya ang natutuhan nila tungkol sa Kanya sa taong ito sa Lumang Tipan. Maaari ninyong repasuhin ang mga outline sa resource na ito at anumang tala sa personal na pag-aaral para matulungan kang maalala ang natutuhan mo. Maaaring makinabang ang maliliit na bata sa pagtingin sa mga Kuwento sa Lumang Tipan o sa mga larawan sa resource na ito. Anong mga propesiya o kuwento ang nakaagaw ng ating pansin? Ano ang natutuhan natin tungkol sa Tagapagligtas?
Para sa iba pang mga ideya sa pagtuturo sa mga bata, tingnan ang outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary.
Iminumungkahing awitin: “Munting Bayan ng Betlehem,” Mga Himno, blg. 127.