“Disyembre 5–11. Hagai; Zacarias 1–3; 7–14: ‘Kabanalan sa Panginoon,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: Lumang Tipan 2022 (2021)
“Disyembre 5–11. Hagai; Zacarias 1–3; 7–14,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: 2022
Disyembre 5–11
Hagai; Zacarias 1–3; 7–14
“Kabanalan sa Panginoon”
Ang pagbabasa ng mga banal na kasulatan ay nag-aanyaya ng paghahayag. Maging bukas sa mga mensaheng inihahayag sa iyo ng Espiritu Santo habang binabasa mo ang Hagai at Zacarias.
Itala ang Iyong mga Impresyon
Pagkaraan ng maraming taon ng pagkabihag, isang grupo ng mga Israelita, na marahil kinabilangan ng mga propetang sina Hagai at Zacarias, ang pinahintulutang bumalik sa Jerusalem. Naalala ng ilan sa grupong ito ang hitsura ng Jerusalem bago ito nawasak. Isipin ang nadama nila nang makita nila ang mga durog na bato na minsan ay naging kanilang tahanan, ang lugar ng kanilang pagsamba, at kanilang templo. Sa mga nag-iisip kung ang templo ay muling sasagisag bilang “bahay [ng Panginoon] na kanyang dating kaluwalhatian” (Hagai 2:3), binigkas ng propetang Hagai ang mga salita ng Panginoon: “Lakasan ninyo ang inyong loob, kayong sambayanan sa lupain, sabi ng Panginoon. Kayo’y magsigawa, sapagkat ako’y sumasainyo, … huwag kayong mangatakot.” “Aking pupunuin ang bahay na ito ng kaluwalhatian, … at sa dakong ito ay magbibigay ako ng kapayapaan.” (Hagai 2:4, 7, 9.)
Ngunit hindi lamang ang banal na templo ang kailangang muling itayo. Sa maraming paraan, ang mga tao ng Diyos ay espirituwal na nawasak. At ang muling pagtatayo ng mga banal na tao ay higit pa sa pagtibag ng mga bato at pagsasaayos sa mga ito para maitayo ang isang pader ng templo. Ngayon, nakasaad sa mga templo ang “Kabanalan sa Panginoon,” at ang mga salitang iyon ay hindi lamang angkop sa isang gusali kundi sa paraan ng pamumuhay. Ang pag-ukit ng mga salitang ito sa “mga kampanilya ng mga kabayo” at “bawat palayok sa Jerusalem” (Zacarias 14:20–21) ay makatutulong lamang kung nakaukit din ang mga ito sa bawat puso. Upang maging tunay na banal, kailangang “hawak” natin ang mga salita at batas ng Panginoon (Zacarias 1:6) sa kalooban natin, na nagtutulot sa Kanyang kapangyarihan na baguhin ang ating likas na pagkatao upang maging banal tayo na tulad Niya (tingnan sa Levitico 19:2).
Para sa maikling paliwanag tungkol sa mga aklat nina Hagai at Zacarias, tingnan ang “Hagai” at “Zacarias” sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan.
Mga Ideya para sa Personal na Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan
“Pag-isipan ang inyong mga lakad.”
Maraming mahahalagang bagay na dapat gawin para muling itayo ang Jerusalem. Ngunit makalipas ang halos 15 taon mula nang bumalik ang mga Israelita, hindi natuwa ang Panginoon nang ang muling pagtatayo ng templo ay hindi binigyan ng mataas na prayoridad (tingnan sa Hagai 1:2–5; tingnan din sa Ezra 4:24). Habang binabasa mo ang Haggai 1; 2:1–9, pag-isipan ang mga tanong na tulad nito: Ano ang naging bunga sa mga Israelita ng hindi nila pagtapos sa templo? Anong pagpapala ang ipinangako ng Panginoon sa kanila kung tinapos nila ang pagtatayo ng Kanyang bahay? Maaari ninyong samantalahin ang pagkakataong ito para “pag-isipan ang inyong mga lakad”—pag-isipan ang inyong mga prayoridad at paano ninyo iaayon ito sa Panginoon.
Tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 95; Terence M. Vinson, “Mga Tunay na Disipulo ng Tagapagligtas,” Ensign o Liahona, Nob. 2019, 9–11.
Maaari akong gawing banal ng Panginoon.
Itinuro ni Sister Carol F. McConkie: “Ang kabanalan ay ang pagpili ng mga bagay na hindi maglalayo sa atin sa paggabay ng Espiritu Santo. Ang kabanalan ay pag-alis ng ating likas na pag-uugali at pagiging ‘banal sa pamamagitan ng pagbabayad-sala ni Cristo, ang Panginoon’ [Mosias 3:19]. … Ang ating pag-asa sa kabanalan ay nakasentro kay Cristo, sa Kanyang awa at Kanyang biyaya” (“Ang Kagandahan ng Kabanalan,” Ensign o Liahona, Mayo 2017, 9–10). Isaisip ang mga turong ito habang binabasa mo ang mga salita ng Panginoon, na ibinigay sa pamamagitan ng propetang si Zacarias, na humihimok sa Israel na maging mas banal: Zacarias 1:1–6; 3:1–7; 7:8–10; 8:16–17. Pansinin ang mga bagay na iniutos ng Panginoon sa Israel upang magawa Niya silang banal. Paano ka Niya tinutulungan na maging mas banal?
Inilalarawan ng Zacarias 2:10–11; 8:1–8; 14:9–11, 20–21 kung ano ang magiging buhay sa hinaharap kapag lahat tayo ay kapiling ng Panginoon sa isang banal na kalagayan. Ano ang maaaring kahulugan ng mga paglalarawang ito sa mga muling nagtatayo sa Jerusalem noong panahon ni Zacarias? Ano ang kahulugan ng mga ito sa iyo?
Zacarias 9:9–11; 11:12–13; 12:10; 13:6–7; 14:1–9
Si Jesucristo ang ipinropesiyang Mesiyas.
Ang ilan sa mga sulat ni Zacarias ay tumutukoy sa ministeryo sa lupa ni Jesucristo at sa Kanyang Ikalawang Pagparito. Ikumpara ang sumusunod na mga propesiya mula kay Zacarias sa kaugnay na mga talata mula sa ibang mga aklat ng banal na kasulatan:
-
Zacarias 9:9–11 (tingnan sa Mateo 21:1–11; 1 Pedro 3:18–19)
-
Zacarias 11:12–13 (tingnan sa Mateo 26:14–16; 27:1–7)
-
Zacarias 12:10 (tingnan sa Juan 19:37; Apocalipsis 1:7)
-
Zacarias 13:6–7; 14:1–9 (tingnan sa Mateo 26:31; Doktrina at mga Tipan 45:47–53)
Ano ang natutuhan mo tungkol sa Tagapagligtas habang pinag-aaralan mo ang mga talatang ito? Bakit mahalaga sa iyo na maunawaan ang mga talatang ito?
Tingnan sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Messiah,” scriptures.ChurchofJesusChrist.org.)
Mga Ideya para sa Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan ng Pamilya at Home Evening
-
Hagai 1:2–7.Maaaring hikayatin ng mga talatang ito ang inyong pamilya na “pag-isipan ang inyong mga lakad.” Maaaring isadula ng mga miyembro ng pamilya ang mga parirala sa talata 6. Ano ang itinuturo ng talatang ito tungkol sa pagpapahalaga sa mga bagay ng mundo kaysa sa mga bagay na ukol sa Diyos? Maaari ninyong pag-usapan ang tungkol sa mga prayoridad ng inyong pamilya. Ang pagkanta ng isang awitin tulad ng “Sinisikap Kong Tularan si Jesus” (Aklat ng mga Awit Pambata, 40) ay makatutulong sa inyong pamilya na suriin kung ano ang ginagawa ninyong mabuti at mga bagay na maaari ninyong pagbutihin pa.
-
Hagai 2:1–9.Para mapasimulan ang mga talatang ito, maaari mong ibahagi ang kuwento ng Provo City Center Temple, na muling itinayo mula sa isang minamahal na tabernakulo na nasunog (panoorin ang video na “Provo City Center Temple Completed,” ChurchofJesusChrist.org). Habang binabasa ng inyong pamilya ang Hagai 2:1–9, maaari mong hilingin sa mga kapamilya na mag-isip ng isang bagay sa ating buhay na maaaring katulad ng muling pagtatayo ng templo na nawasak. Paano tayo muling itinatayo ng Panginoon matapos ang trahedya o paghihirap?
-
Zacarias 3:1–7.Habang binabasa mo ang mga talatang ito, maaari mong ipakita sa inyong pamilya ang ilang maruruming damit. Ano kaya ang nadama ni Josue nang tumayo siya sa harap ng anghel suot ang maruming damit? Sa paanong paraan katulad ng kasalanan ang maruruming damit? Ano ang itinuturo sa atin ng Zacarias 3:1–7 tungkol sa pagpapatawad? Pagkatapos ay maaari ninyong linisin ang mga damit at pag-usapan ang nakalilinis na kapangyarihan ng Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas.
-
Zacarias 8:1–8.Ano ang hinahangaan natin sa pangitain ni Zacarias tungkol sa kinabukasan ng Jerusalem? Ano ang makikita natin doon na gusto nating makita sa ating komunidad? Paano natin maaanyayahan ang Tagapagligtas na “manahan sa gitna [ng ating] kalipunan”? (tingnan sa Gary E. Stevenson, “Sagradong mga Tahanan, Sagradong mga Templo,” Ensign o Liahona, Mayo 2009, 101–3).
Para sa iba pang mga ideya sa pagtuturo sa mga bata, tingnan ang outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary.
Iminumungkahing awitin: “Sinisikap Kong Tularan si Jesus,” Aklat ng mga Awit Pambata, 40–41.