“Si Daniel at ang Yungib ng mga Leon,” Mga Kuwento sa Lumang Tipan (2022)
“Si Daniel at ang Yungib ng mga Leon,” Mga Kuwento sa Lumang Tipan
Daniel 6
Si Daniel at ang Yungib ng mga Leon
Ang katapangan ng isang lalaki na manalangin
Naging tagapamahala ng Babilonia si Dario. Minahal niya si Daniel at nais niyang gawin itong pinuno sa buong kaharian. Ang ilan sa mga pantas ng hari ay nainggit.
Alam ng mga pantas na nananalangin si Daniel sa Diyos, kaya niloko nila ang hari sa paggawa ng isang bagong batas. Ang sinumang manalangin sa Diyos ay ipapatapon sa yungib ng mga leon.
Pinili pa rin ni Daniel na manalangin sa Diyos. Nakita ng mga pantas ng hari na nagdarasal si Daniel at sinabi sa hari na nilabag ni Daniel ang batas. Natanto ng hari na niloko siya ng kanyang mga pantas. Sinikap niyang makahanap ng paraan upang iligtas si Daniel, ngunit kinailangang sundin ng hari ang kanyang sariling batas.
Itinapon si Daniel sa yungib ng mga leon. Magdamag na gising ang hari, nag-aayuno upang maprotektahan si Daniel.
Kinaumagahan, nagmamadaling nagtungo ang hari sa yungib ng mga leon. Tinawag niya si Daniel upang malaman kung buhay pa ito. Tumugon si Daniel! Sinabi niya sa hari na nagsugo ang Diyos ng anghel upang isara ang bibig ng mga leon. Hindi siya sinaktan ng mga leon.
Masaya ang hari na nakaligtas si Daniel. Pinarusahan niya ang mga pantas na nanloko sa kanya, at binuwag niya ang batas. Itinuro niya sa kanyang kaharian ang tungkol sa kapangyarihan at kabutihan ng Diyos.