“Ang mga Salot ng Ehipto,” Mga Kuwento sa Lumang Tipan (2022)
“Ang mga Salot ng Ehipto,” Mga Kuwento sa Lumang Tipan
Exodo 4–5; 7–12
Ang mga Salot ng Ehipto
Mga pasya ni Faraon laban sa Panginoon
Nagtiwala si Moises sa Panginoon at nagbalik sa Ehipto. Nagtungo si Moises at ang kanyang kapatid na si Aaron kay Faraon at hiniling sa kanya na palayain ang mga Israelita at hayaan silang lisanin ang Ehipto. Nagalit si Faraon at tumutol. Pinilit niya ang mga Israelita na magtrabaho pa nang husto.
Dahil hindi nakinig si Faraon sa Panginoon, isinumpa ang mga taga-Ehipto na magkaroon ng mga kakila-kilabot na salot. Una, lahat ng tubig sa Ehipto ay naging dugo. Muling hiniling ni Moises kay Faraon na hayaang umalis ang mga Israelita, ngunit tumanggi si Faraon.
Kasunod nito, nagpadala ang Panginoon ng mga palaka sa Ehipto. Nasa lahat ng dako ang mga ito. Sinabi ni Faraon na hahayaan niyang umalis ang mga Israelita kung mawawala ang mga palaka. Pinaalis ng Panginoon ang mga palaka, subalit hindi pinayagan ni Faraon na umalis ang mga Israelita. Pagkatapos ay nagpadala ang Panginoon ng mga kuto at langaw.
Pagkatapos, ang lahat ng mga hayop sa sakahan ng mga Ehipcio ay namatay, ngunit wala ni isa man sa mga hayop ng mga Israelita ang pumanaw. Sumunod ay tinubuan ng mga masasakit na pigsa ang mga Ehipcio sa kanilang katawan.
Dumating din sa Ehipto ang isang malakas na bagyo na may yelong ulan at apoy. Nagdulot ito ng matinding pagkawasak.
Hindi pa rin pinahintulutan ni Faraon na umalis ang mga Israelita. Pagkatapos ay nagpadala ang Panginoon ng mga tipaklong, at kinain ng mga ito ang lahat ng pagkain ng bayan.
At nagkaroon ng tatlong araw ng kadiliman. Noong kasagsagan ng marami sa mga salot, nangako si Faraon na pahihintulutang umalis ang mga Israelita kung titigil ang mga salot, subalit nagsinungaling siya sa bawat pagkakataong ito.
Pagkaraan ng siyam na magkakaibang salot, hindi pa rin pinayagan ng Faraon na umalis ang mga Israelita. Sinabi ng Panginoon kay Moises na isa pang kakila-kilabot na salot ang darating. Ginabayan at pinrotektahan ng Panginoon ang mga Israelita habang naghihintay sila ng kanilang kalayaan.