Mga Kuwento sa mga Banal na Kasulatan
Ang Hukbo ni Gedeon


“Ang Hukbo ni Gedeon,” Mga Kuwento sa Lumang Tipan (2022)

“Ang Hukbo ni Gedeon,” Mga Kuwento sa Lumang Tipan

Mga Hukom 6–7

Ang Hukbo ni Gedeon

Pagtitiwala sa Panginoon sa labanan

nagnanakaw ng pagkain ang mga Midianita

Ang mga tao ng Israel ay pinagpala sa loob ng maraming taon. Ngunit kalaunan ay pinili nilang suwayin ang Panginoon. Upang tulungan silang alalahanin Siya, hinayaan ng Panginoon na kunin ng kanilang mga kaaway na Midianita ang kanilang pagkain at mga hayop. Gutom na gutom ang mga Israelita, kaya naalala nila ang Panginoon at nanalangin sila sa Kanya upang humingi ng tulong.

Mga Hukom 6:1–7

nakikipag-usap ang isang anghel kay Gedeon

Si Gedeon ay isang lalaki mula sa isang maralitang pamilya. Nagsugo ang Panginoon ng isang anghel na tatawag sa kanya upang palayain ang Israel. Nagtaka si Gedeon kung bakit siya ang pinili ng Panginoon.

Mga Hukom 6:11–15

mga taong galit kay Gedeon na nasa tabi ng nasirang diyos-diyosan

Sinabihan ng Panginoon si Gedeon na sirain ang mga lugar kung saan sumasamba ang mga Israelita sa mga diyos-diyosan. Nang sumunod si Gedeon, nagalit ang mga tao.

Mga Hukom 6:25–27

pinoprotektahan si Gedeon ng kanyang ama mula sa mga taong galit

Nais patayin ng mga Israelita si Gedeon. Ngunit nakumbinsi sila ng ama ni Gedeon na huwag siyang saktan. Napanatiling ligtas si Gedeon.

Mga Hukom 6:28–32

nananalangin si Gedeon

Hindi inisip ni Gedeon na magagawa niyang palayain ang Israel. May higit 135,000 kawal sa hukbo ng Midian. Ngunit si Gedeon ay binigyan ng Panginoon ng karunungan at lakas.

Mga Hukom 6:13–16; 8:10

umaalis ang mga kawal sa hukbo

Nais ng Panginoon na malaman ng mga Israelita na maaari silang manalo sa pamamagitan ng Kanyang lakas, hindi ng kanilang sariling lakas. Kahit 32,000 lamang ang kawal ng Israel, sinabihan ng Panginoon si Gedeon na pauwiin ang sinumang kawal na natatakot. Matapos umuwi ang 22,000, ang natira na lamang sa mga Israelita ay 10,000 kawal.

Mga Hukom 7:2–3

umiinom ng tubig ang mga kawal

Sinabi ng Panginoon na ang 10,000 kawal ay masyado pa ring marami. Sinabihan Niya si Gedeon na dalhin ang hukbo sa tubig. Ang mga uminom nang diretso sa tubig gamit ang kanilang mga bibig ay pinauwi. Ang mga gumamit ng kanilang mga kamay upang makainom ng tubig ay pinayagang manatili. Ngayon ay 300 kalalakihan na lamang ang natira.

Mga Hukom 7:4–7

may hawak na mga trumpeta at sulo ang mga kawal ng Israel na nakapaligid sa kampo ng mga Midianita

Sa wakas, handa nang makipaglaban ang mga Israelita. Ipinakita ng Panginoon kay Gedeon kung paano magagapi ang mga Midianita. Sinabihan ni Gedeon ang kanyang hukbo na gumamit ng mga trumpeta at sulo upang takutin ang mga ito. Naguluhan ang mga Midianita dahil sa ingay at mga ilaw kaya nagsimula silang makipaglaban sa isa’t isa. Pagkatapos, sila ay sumigaw at tumakas.

Mga Hukom 7:16–22

pinamumunuan ni Gedeon ang mga kawal

Dahil nagtiwala si Gedeon sa Panginoon, nagapi ng mga Israelita ang malaking hukbo ng Midian sa pamamagitan lamang ng 300 kawal. Pinalaya ng Panginoon ang mga tao ng Israel.

Mga Hukom 7:23–25